Long Distance Marriage-5

Nangibang-lugar siya matapos ang pakunwaring-kasal na sinang-ayunan niya dahil sa tulak ng matinding pangangailangan.

Nakakita siya ng magandang oportunidad para sa isang uunlad na negosyo sa ibang bansa.

Nangailangan siya ng pera para matustusan ang magastos na operasyon. Hindi naman nagkamali ang kalkulasyon niya.

Tatlong taon pa lang, maunlad na ang kanyang naipundar na kabuhayan. Naibalik na nga niya ang puhunan.

Ang isang dahilan kung bakit gusto rin niyang lumayo sa Pilipinas ay para makalimot sa kanyang mag-ina.

Sandaling panahon lamang ang napagsaluhan nila ni Bessie ang unang kabiyak, ngunit napakahirap kalimutan. Pati ang kanyang panganay na anak na babae.

Sa pamamagitan ng puspusang pagtatrabaho, nagtagumpay siyang pawiin ang sakit sa kanyang kalooban.

Hindi niya namamalayan na may isang nilalang na nasasaktan niya at nakakaligtaang alalahanin.

Tumikhim si Kurt bago magsalita.

“Kumusta na?” tanong niya, puno nang pagkailang ang tono.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LONG DISTANCE MARRIAGE…? Click Here!]

Ang galit at pagkayamot na nadarama niya para dito kanina, at nitong nakaraang buwan, ay parang binurang indensyon sa buhangin.

Sa isang paghagod lang ng malamyos na alon, kuminis na uli ang pisngi ng dalampasigan.

Tila napamaang naman ang babae. Napatitig sa kanya ng matagal. Inaarok marahil ang katapatan niya.

Hindi naman kataka-taka dahil iba ang ipinakita niya nitong mga nagdaang taon.

Sinadya niyang galitin ang babae sa pamamagitan ng pagpapabaya sa komunikasyon nila bilang mag-asawa.

Kahit na may isang panahon na halos araw-araw siyang tumatanggap ng sulat mula rito…

“Well,” umpisa niya habang iniaangat ang isang kamay.

“Shall we call a truce? Hindi naman siguro magandang… giyera na agad ang gagawin natin, hindi ba?”

‘Or we could start making love,’ dugtong ng munting tinig sa loob ng utak niya.

Puno ng hesitasyon ang ekspresyon ng babae habang marahang inaangat ang isang kamay para makipagkamay sa kanya.

Ngali-ngali tuloy na iangat niya ang palad nito para gawaran ng isang mainit na halik sa sentro, kung saan nagkukubli ang isa sa mga sinasabing errogenous zones ng mga babae.

O ng mga lalaki man.

Pinigil niya ang nararamdaman niyang pagnanasa. Kailangan niyang pag-aralan muna ang dahilan ng nadarama nito.

“I’m tired, Alani. Shall we go?” untag niya nang manatiling tahimik ang babae at nakatitig lang sa kanya.

Siya naman ang napatitig uli nang magsimulang mamula ang mga pisngi ng kaharap.

Ngayon lang siya nakasaksi ng isang babaeng marunong mag-blush.

O natural na pangyayari ang ganito?

Kahit si Bessie, na naging girlfriend niya nang ilang buwan, hindi niya nakitang mamula ang mukha — kahit nung gabi ng kasal nila…

Sumidhi tuloy ang pakiramdam ng panghihinayang niya.

“Uh, may iba ka pang luggage?” tanong ni Alani nang hindi pa rin siya tumitinag.

Umiling si Kurt. Parang nahimasmasan. Bahagyang ipinilig-pilig ang ulo.

“I’m not planning to stay for long. This is just a flying visit,” aniya, halos wala sa loob.

Wala sa plano niya ang magsabi ng mga binabalak niya.

Katunggali ang tingin niya sa babaeng ito nung pasakay siya sa eroplano kaninang umaga.

Sinadya niyang magpahuli sa paglalakad para mabistahan pa niya nang husto ang babae.

Kartada diyes ang tingin niya sa kabuuan ni Alani kahit saang anggulo tingnan.

Klasiko ang dating ng mga pisngi nito sa mataas at butuhan.

Bumagay ang mga matang malalaki, at medyo pasingkit sa mga dulo, sa mga labing henerosa ang hubog.

Pilit na nakatiim ang pagkakatikom ng bibig ngunit nananatili ang bilugang hugis ng ibabang labi, nagbabadya ng ikinukubli at tinitimping sensuwalidad.

Ang taas nito ay madaya sa tingin ngunit tama lang para sa balingkinitang pangangatawan.

Parang sa isang atleta ang tuwid na tindig. Mapanghamon ang matitikas na kalamnan ng mga braso, dibdib at binti.

May kumurot sa kalooban ni Kurt. Imposibleng walang lalaking nakakapansin sa lutang na kagandahan ni Alani Atchico-Pasamonte.

O Alani Atchico lamang ang gamit nitong pangalan?

Ano nga ba naman ang halaga ng pagdadala ng pangalan niya?

Binili nga ng malaking halaga ngunit wala namang kuwenta.

Pinalis ni Kurt ang maasim na panlasa ng isiping iyon.

Wala siyang karapatang makaramdam ng selos, paalala niya sa sarili.

Huminga siya nang malalim nang salubungin siya ng mamasa-masa at maligamgam na ihip ng hangin.

Dumapyo sa kanyang mukha at braso. Kanina pa niya hinubad ang blazer na itim habang naglalakad.

At nagparating ng kakatwang pakiramdam sa kanyang kabuuan. Dumaloy sa kanyang mga ugat upang mag-ipon ng kung anong puwersa sa kanyang kaibuturan. Nagbabantang sumulak papaitaas para sumabog.

Sinupil ni Kurt ang sarili. Ang kanyang isipan pa rin ang hari ng katawan. Wala siyang puwedeng gawin para mapawi ang pinukaw na pagnanasa ng muling pagkikita nila ni Alani.

‘Alani,’ ulit ng munting tinig sa loob ng utak niya. Ninanamnam ang malamyos na tunog ng pangalan ng atraktibong babae.

Wala namang masama kung payagan niyang mangarap ang sarili, hindi ba?

‘Magkasya ka kaya sa pagtingin lang, Kurt Pasamonte?’ panunudyo ng tinig na maliit.

Ninenerbiyos si Alani habang nagmamaneho.

Hindi ganito ang inaasahan niyang magiging scenario nila ni Kurt.

Labis ang pagkagulat niya sa kawalan ng galit sa anyo ng lalaki. Nakapagtataka pa nga ang tila pagkabigla rin nito pagkakita sa kanya.

Kunsabagay, mabibigla naman talaga ito dahil malaki ang ipinagbago niya.

Nang mahulog siya sa balon ng depresyon noon, ginamit niyang pansagip ang paghahanap ng mga paraan para magkaroon ng pagbabago sa sarili niya.

Ginamit niya ang kanyang salapi para matuto siyang magpaunlad ng kanyang personalidad. Hindi nga lang niya napupuna ang mga epekto.

Ngayon pa lang.

O baka naman umaarte lang ang lalaking ito, sabad naman ng sarili niya. Minsan na siyang nabulag nito, puwede pang maulit.

Napapayag siya nitong magpakasal noon dahil nag-ilusyon siya na may gusto ito sa kanya.

Luminga siya sa tahimik na pasahero. Agad rin niyang binawi ang tingin nang makitang nakatitig ito sa kanya.

Parang walang mga taon na nagdaan. Hindi pa rin nababawasan ang epekto ng malalamlam na mga mata nito sa kanyang katinuan.

Parang gusto niyang kalimutan ang lahat kapag napapatitig siya sa nakalulunod na init ng mga titig ng lalaki.

Muli niyang ibinalik ang konsentrasyon sa pagmamaneho. Mga ilang minutong katahimikan ang lumipas bago niya naalalang magtanong.

“Uh, saan ka magpapahatid? I mean, ano’ng hotel ang napili mong tigilan?”

LONG DISTANCE MARRIAGE-6

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.