Long Distance Marriage-6

Hindi agad tumugon si Kurt kaya napilitan na naman siyang lumingon dito.

Enigmatiko ang ekspresyon ng mukha ng lalaki. Sa labas ng bintana dumako ang mga mata nang magsalita.

“I didn’t have any hotel reservations, Alani. I thought I could stay in your house, just for a while,” wika nito sa malumanay na tono.

Nanikip ang dibdib ni Alani sa narinig.

Ano pa ba ang puwede niyang sabihin?

Dapat ay natutuwa siya dahil makakatulong sa plano niyang pagpapahirap sa lalaki bago bigyan ng permisong makakalas sa kasal nila ito.

Ngunit ang isiping mamamalagi ito sa bahay na malaki nang ilang araw ay parang isang malalang sakit na nagdudulot ng matinding pagkabahala sa kalooban at isipan niya.

“No comment?” tanong ng lalaki nang hindi siya kumibo.

Umiling lang si Alani. Wala siyang tiwala sa boses niya nang mga sandaling iyon.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LONG DISTANCE MARRIAGE…? Click Here!]

Nakaabang sa may gate si Yaya Ima at ang dalawang katulong na babae kaya nabuksan na ang malapad na pintuang bakal kahit na hindi pa siya nagbubusina.

Inihinto ni Alani sa tapat ng bahay ang sasakyan.

“Nandito na tayo,” pahayag niya kahit alam na ng lalaki.

Wala na siyang maisip sabihin. Alangan namang ‘welcome home’, hindi ba?

Tahimik na umibis si Kurt. Ipagbubukas siya ng pinto ngunit naunahan na niya. Nakababa na siya.

Lumapit siya sa compartment ng kotse upang ilabas ang nag-iisang maleta ng lalaki.

Titingin-tingin sina Yaya Ima sa kanila ngunit nagkunwa si Alani na hindi niya ito napapansin.

Iginiya niya sa sala ang lalaki bago bumaling sa matandang katiwala.

“Naghanda na ho ba kayo ng hapunan?” tanong niya sa mahinang tinig.

Tumango ang matanda.

“Kanina pa nakahain sa kumedor, iha,” tugon nito.

Bumaling siya sa lalaking nagmamasid sa labas ng bintanang mahaba at malapad na nakatanaw sa grotto.

“Halika na sa kumedor. Kumain ka na para makapagpahinga ka na agad,” aya niya kay Kurt.

Nagpauna siyang lumabas para masundan ang katiwala.

Nakalimutan niyang ibilin ang kuwarto dahil hindi naman niya inaasahan na dito makikituloy ang lalaki.

“Yaya,” tawag niya.

Huminto ang matanda at muling humarap sa kanya.

“Magpahanda na rin ho kayo ng kuwarto. Iyong Blue Guestroom ho,” aniya.

Tumango uli ang kausap bago tumalikod at lumakad palayo.

Sinamahan niya sa kumedor si Kurt.

Dapat ay patang-pata na ang katawan niya dahil isang oras ang patungo sa airport at isang oras ang pabalik dahil sa tindi ng trapiko. Papalalim na ang gabi ngunit papalagkit pa lalo ang daloy ng mga sasakyan sa mga kalsada.

Nanatiling nakatayo ang lalaki kaya napilitan siyang magsalita.

“Have a seat,” aniya.

Isinenyas ang isang silya. Dalawang puwesto ang nakaayos sa mahabang lamesa.

Isang saglit siyang muntik mag-alinlangan sa pag-upo sa uluhan ng mesa kungsaan palaging nakapuwesto ang head of the family.

Hindi naging bahagi ng tahanang ito si Kurt Pasamonte.

At kaya nandito ang lalaki ngayon ay para humiwalay na nang tuluyan ng kaugnayan sa kanya.

Umiwas ang kanyang isipan sa isiping iyon. Saka na niya pag-iisipan ang tungkol sa bagay na iyon.

Gusto na niyang matapos muna ang gabing ito para makapagpahinga na siya.

Dumating si Meding tulak ang trolley ng mga pagkain. Matapos magsilbi sa kanila, lumabas na ito.

Muli, ikinumpas ni Alani ang isang kamay para makapagsimula na sa pagkain.

Sasaluhan na lang niya ang lalaki sa lamesa. Tapos na siyang maghapunan.

“Kumain ka na,” alok niya rito.

Tumaas ang mga kilay na makakapal.

“Ikaw?”

“Tapos na ako,” tugon niya.

Dinampot niya ang baso na may lamang tubig na malamig, sinimulang simsimin.

“Okey lang kung ayaw mong may nanonood sa iyo. I’ll go up to my room”

Umiling si Kurt. Bahagyang ngumiti.

“No, I prefer you here. I’ll eat, you watch.”

Gayon nga ang nangyari. Makalipas ang mga unang sandali ng katahimikan, habang tinitikman ni Kurt ang mga nakahaing putahe na pawang mga lutuing pilipino, nabawasan ang tensiyon.

Nagkuwento ito ng mga naging karanasan nito sa mga restawran sa ibang bansang napupuntahan.

Nakikinig lang si Alani. Maingat na nakakubli ang pagkasabik sa ekspresyon niya.

Ngayon lang siya may nakausap na ganito ka-elokuwente. Mahusay gumamit ng mga salita si Kurt.

Malinaw na nailalarawan ni Alani sa isipan ang sitwasyon mula sa deskripsiyon ng lalaki.

Nadarama din niya, mula sa ebokatibong pagsasalaysay nito.

Kaya nga natagpuan na lang niyang natatawa na siya sa mga anekdotang isinisiwalat ng lalaki.

At napapasubo na rin siya ng pagkain.

Hindi niya magawang ibalik ang malamig na maskara nang mapagtanto niya ang nangyari.

Bahagya siyang pumormal. Nakatingin siya sa kutsaritang hawak ng lalaki habang nagsusubo ng minatamis na leche flan.

Hindi niya magawang tumingin nang diretso sa mga mata ni Kurt.

Ayaw muna niyang matapos ang sandaling saya na dumapo sa hungkag na buhay niya.

Ibinalik niya ang paningin sa sariling platito. Dinampot niya ang kutsarita at hiniwa-hiwa nang maliliit ang natirang kakanin doon.

“What about you?” tanong ni Kurt sa kanya.

Natigilan si Alani. Nagtindigan ang mga balahibo niya sa batok.

Nagpapahiwatig ng hindi magandang pakiramdam sa tinutumbok na direksiyon ng usapan.

Ngumiti lang siya nang matipid bago tumindig.

“It’s getting late, Kurt,” wika niya. “Come, I’ll show you to your room.”

Nagpauna siyang lumabas para hindi na magbago ang isip niya. Parang gusto niyang makinig kay Kurt kahit na buong magdamag pa itong magkuwento.

Ayaw lang niya na ang sarili niya ang pag-uusapan. May palagay siya na mawawala ang magandang tempo ng kanilang usapan kapag siya na ang paksa nila.

Nakita niya si Meding at Nita na naghihintay sa may paglabas sa kusina. Sumulyap siya sa orasang pandingding.

Maghahatinggabi na pala! Naawa siya sa mga utusan.

“Meding, Nita, pakiligpit n’yo na ang mga pinagkainan sa kumedor pero bukas na kayo mag-imis sa kusina. Magpahinga na kayo,” bilin niya habang papalapit sa hagdan.

Nilinga nang isang beses ni Alani si Kurt para tiyakin na kasunod na niya ito.

Binuksan niya ang ilaw sa silid na itinoka niya para sa lalaki.

Ang kanyang kuwarto, ang master’s bedroom ay nasa kabilang dulo ng mahaba at maluwang na koridor.

May sampung kuwarto lahat-lahat dito sa ikalawang palapag ng malaking bahay na naiwan sa kanya ng mga ninuno. Lima ang mga banyo na moderno ang disenyo.

LONG DISTANCE MARRIAGE-7

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.