Long Distance Marriage-7

Maaliwalas sa tingin ang Blue Room.

Bagama’t antigo at madidilim ang kulay ng ilang mga kasangkapang yari sa solidong kahoy, nabawi naman ng kulay asul na motif.

Animo dagat at langit na pinagsama sa loob ng isang silid ang pagka-asul ng mga kisame, dingding at alpombra.

Tanging ang malaking kama lamang ang napaiba ng kulay. Kremang tsokolate ang kubrekama para katerno ng halos itiman nang headboard na narra.

“Nice,” papuri ni Kurt. May bahagyang ngiti sa bibig.

Lumapit ito sa maletang malaki na nakatindig sa paanan ng kama.

“Thank you for having me here, Alani. Hindi ko makakalimutan ito.”

Tumango lang siya. Hindi gumanti ng ngiti.

“Walang anuman,” tugon niya sa mahinang boses bago umatras palabas ng pinto.

Isang hakbang lang ang ginawa niya papasok dito.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LONG DISTANCE MARRIAGE…? Click Here!]

Maliksi siyang lumayo. Kailangan niyang bumalik sa realidad. Malakas ang karisma ni Kurt.

May kailangan ito sa kanya, natural lang na pakitaan siya ng maganda nito, hindi ba?

Halos pasalya niyang isinara ang pinto ng kanyang silid. Kailangang maging doble ang pag-iingat niya.

Nagpatuloy siya ng kalaban sa loob ng pamamahay niya.

Ganito ang itinanim niya sa isipan habang nagpapaantok nang gabing iyon.

Nakatulugan niya ang pagngiti dahil sa naalalang ikinuwento ni Kurt tungkol sa isang waiter na naging manager sa loob ng isang gabi.

At ang manager na naging waiter muna.

Maraming natuklasan ang dalawa tungkol sa kani-kanilang trabaho mula sa mata ng ibang tungkulin.

Pinipigil niya ang bumabangong paghanga sa lalaki ngunit tila walang pag-asang magtagumpay siya.

A, nauulit na naman ang nangyari sa nakaraan.

At parang nakikini-kinita na niya ang ibayong sakit ng loob na aanihin niya sa darating na panahon.

Kinabukasan, maaga siyang bumangon. Nagbihis siya ng pang-alis.

Ipasasabi na lang niya kay Yaya Ima na may pinuntahan siya kay Kurt.

Duwag na kung duwag, ayaw muna niyang makita ang lalaki ngayon.

Kailangan niyang makumbinsi ang sarili sa panganib na taglay nito sa katahimikan ng kalooban at isipan niya.

At gumawa rin siya ng pasiya na papayag na siya agad-agad sa pagpapawalang-bisa ng kasal nila ni Kurt Pasamonte.

Mas mahihirapan siya kung mananatili nang matagal ang lalaki sa bahay niya.

‘A, matalino ang kalaban niya!’ bulong niya sa kanyang sarili.

Nakaligtaan o sinadyang kalimutan ang reserbasyon sa hotel para sa kanya makikituloy habang naghahanda sa pagtuklaw sa leeg niya!

Napapatda siya nang makitang kasalukuyang pumapasok sa patio ng morning room ang lalaking laman ng isipan.

Tila galing sa swimming pool ito dahil naka-roba ng maiksi at basa ang buhok. May hawak itong goggles sa isang kamay at tuwalya naman sa kabila.

Ngumiti ito pagkakita sa kanya.

“Hi,” bati agad ni Kurt pagkakita kay Alani. “Medyo namahay ako kagabi kaya maaga akong nagising.”

Gustong tumaas ng isang kilay ni Alani sa magkakontrang pahayag ng lalaki pero itinuon na lang niya ang buong atensiyon sa pagtatago ng pagka-dismaya niya sa maagang paggising ng lalaki.

Paano pa siya makakatakas?

“Uh, nag-almusal ka na ba?” tanong niya habang lumalabas sa hardin.

Tinungo niya ang bahagi ng veranda na nakatanaw sa mga rosas. Sinamyo niya ang bango ng mga ito sa mahinang ihip ng hangin.

“Hindi pa. Inalok ako Ni Yaya Ima pero sinabi kong hihintayin kita para may kasabay ka sa pagkain,” tugon ng lalaki.

Hinawakan niya nang mahigpit ang balustraheng marmol. Nagkokontrol siya sa sarili ngunit hindi niya nakuhang pigilan ang paghugos ng pait sa kanyang tinig.

“Sanay akong kumain nang mag-isa, Kurt. Sanay akong mag-isa sa lahat ng bagay.”

Humarap siya rito nang maramdamang papalapit ang mga yabag ng lalaki.

Enigmatiko ang ekspresyon nito. Nakatabing ang mga pilikmata sa iniisip.

“Believe it or not, pareho lang tayo, Alani,” anito bago tumikhim. “Puwede mo ba akong sabayan sa almusal?”

Mapagkumbaba ang kahilingan na iyon.

At natuklasan ni Alani na wala siyang proteksiyon sa panibagong taktika ni Kurt.

Natagpuan niya ang sarili na tumatango kahit na hindi pa siya nakakagawa ng desisyon.

Hindi na nagawang umalis ni Alani. Sa morning room na sila nagpahain ng almusal.

Sinisikap niyang maging manhid sa karisma ni Kurt ngunit kailangan niyang aminin sa sarili na wala siyang kakayahang tutulan ang anumang naisin ng lalaki.

Katulad pa rin nang dati, alipin siya ng malakas na magnetismo ng atraksiyon niya rito.

Ilang beses niyang tinangka na idako ang konbersasyon nila sa usaping annulment ngunit madulas pa sa palos ang lalaki sa pag-iwas sa mga pukol niya.

“Wala ka bang appointment sa abogado ngayon?” pakli niya nang magtangkang umiwas na naman ang lalaki sa pagtugon sa kanya.

“Huwag na tayong magpaliguy-ligoy, Kurt. Gusto mo ng annulment, ibibigay ko sa iyo ‘yon. Wala nang maraming kuskos-balungos. Kung dala mo na ang mga papers, pipirmahan ko na ang mga iyon,” dagdag pa niya. Matiim na ang anyo niya sa pagpipigil.

“E, kung sabihin ko na ayaw ko na ng annulment?” pakli rin ng lalaki.

“Gusto ko nang makisama sa iyo? Let’s give ourselves a chance,” pang-aamuki pa nito kahit na unti-unti na ring tumitiim ang ekspresyon habang nakatitig nang mataman sa kanya.

Nanliit ang mga mata ni Alani. Umismid siya habang umiiling-iling.

“After all these years?” panunuya niya, sa himig na nanunumbat.

“What do you expect? You are only fifteen years old at the time of our wedding day,” salo ng lalaki.

Nilunok ni Alani ang gusto niyang itugon dito, mahal na niya ang lalaki kahit na mura pa ang edad niya.

Aywan kung alam ng lalaki ang damdamin niya para dito noon ngunit hindi na mahalaga ito ngayon.

Nasukol siya kaya naghanap siya ng daang palabas.

“Ganoon pa rin ang agwat ng mga edad natin. Labindalawang taon pa rin,” pagdidiin niya.

Namula ang punong teynga ng lalaki. Nabura ang lahat ng emosyon sa mukha nito habang nakatitig sa kanya.

“Nasa edad ka na ngayon,” bawi nito.

Ngumiti si Alani, mapakla.

“Sa isang linggo pa iyon, Kurt. At dumating man ang araw na iyon, hindi pa rin magbabago ang tingin ko sa relasyon nating dalawa.”

Tumalim ang tingin ni Kurt sa kanya.

“Huwag kang magsasalita nang tapos, Alani. Legal na mag-asawa tayo. Obligasyon mo ang magpaubaya sa akin!”

Napasinghap si Alani. Saglit siyang na-blangko.

“Wala akong obligasyon sa iyo, Kurt. Para sa akin, peke ang kasal natin kahit na may consent ng Mama ko noon!” bawi niya, nanginginig na ang tinig sa matinding galit.

LONG DISTANCE MARRIAGE-8

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.