Long Distance Marriage-9

Parang huminto ang paghinga ni Alani sandali.

At nang muling magpatuloy ay tila padagundong na ang bagsak ng bawa’t sikdo ng kanyang dibdib.

Ah, si Kurt ang magiging unang halik niya!

Katulad nang matagal na niyang minimithi…

Hindi niya alam kung gaano katagal ang maalab na paghihinang ng kanilang mga labi. Halos malimot na niya ang lahat.

Gusto nang humulagpos ng kanyang kontrol sa unang pagdadaiti pa lamang ng kanilang mga balat.

‘Ganito pala,’ bulong niya sa kanyang sarili. ‘Ganito pala ang sinasabi nilang pisikal na atraksiyon!’

Si Kurt ang unang kumalas sa pagniniig na iyon. Sinapo ng dalawang palad ang magkabilang pisngi niya para matitigan pa ng husto.

Lumamlam na pala ang ilaw uli ngunit wala na siyang pakialam. Kahit pa may nakakasaksi na sa intimacy na namamagitan sa kanilang dalawa ni Kurt.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LONG DISTANCE MARRIAGE…? Click Here!]

“Let’s get out of here, Alani,” anas ng lalaki sa punong teynga niya habang hinahagod ng mamasa-masang bibig ang sensitibo at delikanteng kurba ng teynga niya.

Naghahatid ng kakaibang kiliti na animo mumunting boltahe ng kuryente na humahaplos sa kanyang balat.

May bahagi sa kanyang isipan na ibig tumutol ngunit ang halos lahat ng kasarinlan niya ay tila nagsatubig na.

Pati ang kanyang wisyo na palagi niyang naaasahan bago ang pangyayaring ito.

“C’mon, we might get indecent in public!” untag ni Kurt habang inaalalayan siya sa pagtindig.

Napilitan siyang humakbang kahit na nawawala ang mga buto niya sa tuhod.

Naka-angkla ang isang bisig ni Kurt sa kanyang beywang.

Ipinagkatiwala niya dito ang paghahanap ng pintuang palabas sa sinehan.

Napilitan siyang magmulat ng mga mata nang nakalabas na sila sa koridor.

Maliwanag ang mga ilaw dito. Pinilit na rin niyang maglakad mag-isa.

Natanaw niya sa di-kalayuang salamin ng isang puwesto ng damit ang hitsura nilang dalawa ni Kurt.

Parang tinablan siya nang kahihiyan. Hindi siya naging ganito ka-demonstratibo, kahit na sa sariling mga magulang nung nabubuhay pa ang mga ito.

Likas ang pagkamahiyain niya at reserbadong pag-uugali.

Napasulyap siya sa mukha ng lalaki. Nakita niya ang satispaksiyon doon. Para bang nakakasiguro na sa kanya.

Tuluyan nang inukilkil ng pangamba ang kalooban niya. Nalilito na naman ang kanyang isipan.

Parang hindi makapaniwa na naging mahina siya kanina…

“Uh, n-nauuhaw ako,” pahayag niya habang pasimpleng kumakalas sa maluwag na pagkakayapos ng matipunong bisig sa beywang niya.

Lumapit siya sa isang take-out outlet para bumili ng malamig na inumin. Para siyang tumakbo ng mahabang distansiya. Nanunuyo ang kanyang lalamunan.

Oh, God, paano niya matatakasan ang lalaking ito?

Nagsisisi na siya ngayon kung bakit nagnais pa siyang pahirapan ito sa pagpapawalang-bisa ng kasal nila.

Ngayong nabaligtad ang nais nilang dalawa, nagsisimula nang sumakit ang ulo niya sa pag-iisip ng malulusutan.

Hindi siya makatingin nang diretso sa lalaki habang sinisimsim ang laman ng plastic na baso.

Napapaso siya na hindi niya mawari.

“Uwi na tayo?” tanong nito nang minsang mahuli ang mga mata niya na panakaw na sumusulyap.

Laban man sa kalooban niya, tumango na rin siya. Iniisip niya, makakakita siya ng lusot kapag nasa sariling teritoryo na niya sila.

Tumawag ng taksi ang lalaki nang makalabas na sila. Sumiksik si Alani sa sulok ng sasakyan na nasa panig niya.

Pinagbuhol niya ang mga daliri sa ibabaw ng kanyang kandungan para hindi magawang gagapin ng lalaki ang isa sa mga palad niya.

Sa labas siya nakatitig. Ayaw niyang matukso ng kakaibang kislap na nasa mga mata ng lalaki.

May piping imbitasyon ang bawat kislap na lumilitaw sa mga titig ni Kurt sa kanya.

Isang uri ng imbitasyon na nakakapagpasikdo sa kanyang dibdib at nakakapagpabilis sa daloy ng kanyang dugo.

Parang ibig niyang mawala sa kanyang sarili.

Parang gusto niyang magpahigop sa puwersang nasa mga ngiti ng lalaki sa kanya.

Umibis sila sa labas ng gate. Nagdumali siyang lumapit sa tarangkahang maliit, habang nagbabayad ang lalaki. Pinindot niya ang doorbell.

Hindi niya iniangat ang daliri hanggang hindi siya nakakaulinig ng mga yabag na papalapit para magbukas sa kanila.

Inabutan siya ng lalaki nang papasok na siya. Walang anuman na sinabayan siya ng malalaking hakbang nito. Iniwan niyang nagsasara ng gate si Nilo.

“Wait, wait,” pigil ni Kurt nang paakyat na siya ng hagdan. “What’s wrong?”

Umiling si Alani. Tuloy-tuloy siya sa kanyang kuwarto. Madali niyang naisara ito at naikandado.

Nanginginig ang buong katawan niya habang humahakbang patungo sa banyo. Naririnig niya ang mga katok ng lalaki ngunit hindi niya ito pinansin.

Naghubad siya at naligo sa shower. Mainit-init ang temperatura ng tubig.

Ngunit sa halip na maginhawahan, lalong nangalisag ang mga balahibo niya. Ipinaalala ang init ng palad ni Kurt na humahagod sa kanyang likod at braso, pati sa leeg at pisngi.

Pumiksi siya at agad na umahon.

Nagpunas siya ng tuwalya sa buong katawan upang palisin ang mga tatak na iniwan ng lalaki sa kanyang sensitibong balat. Ipinilig niya ang ulo ng ilang beses.

Bakit parang langung-lango ang pakiramdam niya gayong wala naman siyang iniinom na alak?

Dali-dali siyang nagbihis. Tumutunog ang intercom na nasa tabi ng kama niya. Dinampot niya iyon at tinugon.

Si Yaya Ima ang nasa linya.

“Iha, nakahain na sa hapag. Maaari bang bumaba ka na diyan? Lalamig ang sabaw ng sinigang,” anang matandang yaya.

“Uh, o-oho, Yaya Ima. Salamat ho,” aniya.

Magsusuklay pa siya ngunit minabuti niyang itali na lang muna ng laso ang mahabang hibla matapos suklayin ng pahapyaw.

Andap ang kalooban niya nang pumanaog. Hindi siya nagkalakas-loob na tanungin ang matandang yaya kung nandoon sa ibaba si Kurt.

“Magandang gabi,” bati ng lalaki nang bumuglaw siya sa kumedor. Tumindig ito para magbigay-galang sa kasarian niya.

Tumango lang si Alani. Imposible ang gusto niyang gawin na maging manhid sa lalaki ngunit susubukin pa rin niya.

Nagsimula na silang kumain.

Hindi kumikibo si Alani. Nag-iisip habang pinipilit ang sarili na nguyain at lunukin ang isinubong pagkain.

“Bakit nagkaganyan ka, Alani?” usisa ni Kurt nang manatili siyang tahimik kahit na anong kuwento ang gawin ng lalaki. “Kanina pa ako nagsasalita dito, wala kang kakibo-kibo diyan. May dinaramdam ka ba?”

Minabuti niyang putulin na ang pagsasawalang-kibo.

“G-gusto kong kalimutan ang nangyari kanina sa — sa loob ng sinehan, Kurt!” bulalas ni Alani.

LONG DISTANCE MARRIAGE-10

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.