Long Distance Marriage

Alani married Kurt at the very young age of fifteen. After the mock marriage, the husband left to live far away from the bride.

After three years of silence, Alani received a message from her invisible husband. Kurt wanted an annulment.

Naintindihan ni Alani na nasaktan si Kurt nung biglang mabalo kaya pumayag siyang mawalan ng komunikasyon sa pagitan nila.

Ngunit papayag pa rin ba siyang maging sunud-sunuran sa lalaking nagpakasal lang sa kanya para mapruteksiyunan siya?

Paano ba niya matuturuang magmahal sa kanya ang lalaking patuloy na umiibig sa unang asawa?

* * *

Naghahanda sa pagpasok si Alani nang umagang iyon.

Katulad nang dati, magbibihis muna siya at mag-aayos ng mga dadalhin sa eskuwelahan bago bumaba para mag-almusal.

Naghihintay na sa kumedor si Ima, ang kanyang yaya na ngayon ay katiwala na. Ang matandang dalaga na ang tumatayong ina niya magmula nang yumao ang kanyang mama, si Doña Amelia, may dalawang taon na ang nakakaraan.

“Magandang umaga, iha,” bati ni Ima sa kanya pagbuglaw niya sa magarang kumedor.

Isa lang ang nakahandang puwesto sa mahabang lamesa na yari sa solidong nara na may disenyong ukit sa gilid at sa mga paa.

Ngumiti si Alani. “Magandang umaga din, Yaya Ima.”

Tahimik siyang kumain at humigop ng kape nang dumating ang kanilang tsuper na si Nilo. May dala itong puting sobre na mahaba.

“Para sa inyo, Señorita Alani,” anito.

“Salamat, Nilo. Pakilagay na lang diyan sa tabi ng telepono,” wika niya habang nakangiti nang bahagya.

Kalmado ang lahat sa buhay niya. Magmula nung maliit siya, wala siyang problema sa pera.

Kumpleto ang lahat-lahat para sa isang katulad ni Alani Atchico, ang naging heredera ng pinagsanib na kayamanan ng Belloza at Atchico.

May pera ang mga nasirang magulang mula sa sari-sariling pamilyang pinagmulan at habang nagsasama ang dalawa ay pinagyaman pa lalo ito kaya si Alani ay itinuturing na pinakamayamang bata sa buong Pilipinas noon.

Kahit hanggang ngayon naman, pero pinakamayamang babae na.

Bumuntonghininga si Alani. Naaalala niya ang nag-iisang ‘alon’ na dumating sa buhay niya.

Bahagya lamang at sandaling pagbabago sa pang-araw-araw na monotony ng routine niya. Si Kurt Pasamonte…

Agad siyang umayaw sa pagkain nang sumagi sa kanyang gunita ang pangalang pinipilit niyang kalimutan. Imposibleng gawin pero wala namang mawawala kung susubukan niya.

“Yaya, papasok na ho ako,” paalam niya sa matandang babae.

“Kuu, hindi mo na naman inubos ang pagkain mo, a,” protesta nito. “Mangangayayat ka na naman niyan. Nainom mo na ba ang mga bitamina mo, ha?”

Tumango lang si Alani. Tuloy-tuloy na siyang lumabas.

Nakalimutan niyang damputin ang puting sobre sa chest drawer na nadaanan.

Habang daan, naiisip niyang abnormal ang buhay niya. Ang kanyang uri ng pamumuhay ay hindi normal.

Pati yata siya —

Inihinto niya ang pag-iisip ng tungkol sa mga bagay na ito. Eksaminasyon nila ngayon, dapat nagrerepaso pa siya.

Sa estado niya sa lipunan, itinuturing na isang malaking kahihiyan ang mawalan ng isasagot sa klase. Mulat at malawak na ang isipan ng maraming tao. Hindi na ang laman ng bulsa ang sukatan ng kadakilaan ng isang tao.

O nagiging paranoid lang siya? buntong-hininga niya sa sarili. Naghahanap siya ng ibang dahilan sa usap-usapang kumakalat sa kampus nila.

Hindi kasi siya tumatanggap ng manliligaw. Naiilang siyang makipagkaibigan sa mga kapwa-babae dahil natatakot siyang maulit ang nangyari nung hayskul siya…

Kamamatay lang ng kanyang ina noon. Malungkot siya at naghahanap ng karamay. Wala ang kanyang — muli, umiwas ang kanyang diwa.

Bumaling siya sa kanyang kaklaseng babae na si Milette.

Inaliw siya nito. Dinala siya sa mga disco pub. Tinuruan siyang uminom ng alak. Nagpapatianod siya sa bawat gustuhin ng kaibigan.

Hanggang sa minsan, naipagtapat niya ang tungkol sa naganap na okasyon nung isang taon. Nagawa niya ito dahil naghahanap siya ng kasagutan sa mga kalituhan na umuukilkil sa kanyang isipan.

Wala siyang kamalay-malay na ibayong pagkalito lamang ang naghihintay sa kanyang pagiging matapat.

Hindi pala tunay na kaibigan si Milette. Inakala nitong sikreto at maaaring ‘baho’ ng pamilya ni Alani ang ipinagtapat niyang katotohanan dito.

Hiningian siya ng malaking halaga para hindi ipagsabi ang bagay na iyon.

Nalungkot si Alani at dagling nahimasmasan. Nakita niya ang tutoong kulay ni Milette.

Hindi pala kaibigan ang tingin nito sa kanya, kundi palabigasan. Ibinigay niya ang unang hiningi ng babae dahil inisip niyang baka mayroong importanteng dahilan.

Ayaw niyang maniwalang masama ang kabuuan ng isang taong nasilaw sa kinang ng salapi. Hindi ganito ang itinuro ng kanyang mga magulang.

Tinuruan siya kung paano magtiwala at kung paano kumilatis ng taong puwedeng pagkatiwalaan nang lubos.

Marahil, kung hindi siya nalulukuban ng matinding lumbay noon, hindi siya mabubulag sa tutoong pagkatao ni Milette.

Natural, may kasunod ang paghingi at pagbabanta ng babae. Napaghandaan na ni Alani ang bagay na ito. Lumipat siya ng ibang paaralan.

Sa mas esklusibong eskuwelahan. Hindi na siya nasundan ni Milette doon ngunit hindi pala doon matatapos ang desperasyon ng babae.

Gumon na pala ito sa bawal na gamot at hindi siya basta-basta bibitawan. Tinawagan siya nito sa bahay. Tumanggi siyang sumagot. Hindi niya inintindi ang mga pagbabanta nito.

Hanggang sa lumabas sa isang eskandalosong pahayagan ang tungkol sa kanyang nakaraan. Natakot siya pero dahil sa disisais anyos pa lang siya noon.

Natakot siyang malaman ng isa pang kasangkot sa eskandalong nilikha niya. Mabuti na lang mabilis na nagawan ng paraan ng kanyang abogado ang tungkol dito.

Kinasuhan nila ang naturang tabloid at nagpalabas sila ng anunsiyo na ang sinumang sumakay sa kontrobersiya ay maaaring makasuhan at maparusahan sa kasong libelo.

Sa unang pagkakataon, natikman ni Alani ang pait at ang kapangyarihan ng kanyang salapi.

Hindi na niya gustong maulit ang mga bagay na iyon kaya natuto siyang umiwas. Naging mapag-isa siya kahit na nagiging kabagut-bagot na ang kanyang buhay.

“Señorita Alani, nandito na po tayo,” wika ng tsuper.

Tumango siya at agad na umibis. Liyebo tres na ang family driver na si Nilo. Ibig sana niyang sabihan ito na huwag na siyang po-poin ngunit mahigpit na ang bilin ni Attorney Freño.

Familiarity breeds insolence, ito ang motto ng abogado niya.

Mas maaga siya kaysa karamihan ng kanyang mga kaklase. Taas-noo siyang maglalakad sa pintong napapalamutian ng mga estudyanteng nakatambay doon.

Magbibingi-bingihan sa mga usapan at pasaring na padaplis sa kanya. Magtutuloy siya sa kanyang upuan na nasa pinakasulok. Dito ang gusto niya, malayo sa karamihan.

Kinahapunan, maluwag sa kanyang loob na lisanin ang eskuwelahan. Hindi niya alam kung hanggang kailan siya makakatagal.

Puwede naman siyang mag-aral sa boarding school, sa ibang bansa; pero ibig niyang maranasan ang buhay ng isang normal na estudyante.

“Iha,” salubong ni Yaya Ima sa kanya. “May tawag ka sa telepono. S-si Kurt Pasamonte — ”

Napahinto ang matandang babae nang makita ang pamumutla ni Alani.

Bakit dumadalas ang paglutang ng pangalan ng lalaking iyon ngayon? tanong niya sa sarili.

Isa kayang palatandaan ito ng paparating na ‘alon’ sa payapang dagat ng buhay niya?

“M-mamaya na ho, Yaya Ima,” pigil niya.

Nagmamadali siyang umakyat sa hagdan patungo sa kanyang silid sa itaas.

Nakatayo siya sa balkonahe at nakatanaw sa malawak na hardin sa palibot ng bakuran nang maulinigan niya ang mga katok sa kanyang pinto.

“Tuloy,” tawag niya para marinig siya ng nais pumasok sa silid niya.

Si Yaya Ima ang iniluwa ng pintuan. Larawan ito ng pag-aalala habang ipinapasok ang trolley na may lamang pagkain para sa kanya. Itinulak ang de-gulong na tray hanggang sa balkonahe.

Dala nito ang puting sobre na ibinigay kanina ni Nilo.

“Maraming salamat, Yaya,” wika niya habang inaabot ng isang kamay ang sobre.

Sinulyapan niya ang pangalan ng nagpadala. Nanginig ang mga daliri niya at nanlabo ang kanyang paningin, kaipala’y nangilid ang luha sa kanyang mga mata.

“Iwan n’yo na ho ako, Yaya,” hiling niya sa matanda.

Tumango ang kanyang yaya at malungkot na lumisan.

Pinunit ni Alani ang dulo ng sobre. Naka-tiim-bagang siya habang binabasa ang nilalaman ng nag-iisang pahina.

Pormal at prangka ang mga salita. Para bang hindi inaalintana kung makakasakit sa magbabasa.

‘To Ms. Atchico-Pasamonte:

My client wishes to apply for a marriage annulment.

He will be coming to you on time for your eighteenth birthday, the legal age, to decide on this matter.’

Nilamukos ni Alani ang papel. Hindi na tinapos basahin.

Naupo siya sa tapat ng trolley para magsimula na sa pagmimiryenda. Nagsalin siya ng mainit na tsaa at tinitigan lang ang mga hiwa ng cake habang sumisimsim sa porselanang tasa.

Ibig niyang pulutin ang itinapon na papel sa sahig ngunit pinigil niya ang kagustuhan ng mga kamay.

Ipinangako niya sa kanyang sarili na hindi na siya mag-uukol ng interes sa anumang sabihin ni Kurt Pasamonte.

Matapos maubos ang laman ng puswelo, pumasok na siya sa kanyang silid. Nagtuloy siya sa banyo.

Hinubad niya ang kanyang mga kasuotan habang nagpupuno ng tubig sa bath tub. Pinanood niya ang pagtaas ng mga bulang kulay puti. Nang matimpla na niya ang init nito, saka lamang siya lumusong para magbabad.

Maghapon siyang tensiyonada. Bukod sa pasulat na pagsusulit, nagkaroon din ng oral recitation.

Nakapikit siya nang muling umatake ang mga isiping matagal na niyang ibinabaon sa limot.

Magugulo lamang ang kapayapaan ng kanyang diwa kapag ipinagpatuloy niya ang paggunita sa mga pangyayaring matagal nang naganap. Dapat na niyang iwaksi ang mga ito.

Paano? asik niya sa sarili.

Nakakintal sa kanyang utak ang larawan ng lalaking iyon.

Nakapagkit sa likod ng mga talukap ng mga mata niya ang hitsura ng aristokratikong kakisigan.

Nakaukit sa kalooban niya ang damdaming pinukaw ng nag-iisang lalaking nagkaroon ng kaugnayan sa kanyang murang buhay.

Nagmadali siyang nagbanlaw ng katawan. Pawang kabalbalan lamang ang umuusbong sa loob ng kanyang diwa.

Nagbibihis siya nang muling kumatok si Yaya Ima.

“Iha? Telepono uli para sa iyo,” pahayag nito.

Iniawang lamang ang dahon ng pinto para maisilip nang kaunti ang ulo habang nagsasalita.

Umiling si Alani.

“Pakisabing wala ho ako, Yaya,” wika niya, patuloy sa pagsusuklay ng mahaba at alun-along buhok. “Ayaw kong makipag-usap sa kanya. Kahit na tumawag nang tumawag, ayaw kong sagutin ang tawag niya.”

Hindi na umimik si Yaya Ima. Umalis na lang ito at marahang hinila pasara ang pinto.

Naghahapunan siya sa kumedor nang muling tumunog ang telepono.

Sumulyap lang siya sa instrumento na nasa chest drawer ngunit hindi niya ito pinag-interesang tugunin.

Hanggang kinabukasan, gayon ang nangyayari. Tunog nang tunog ang telepono.

Magtatanong ang mga mata ng matandang katiwala sa kanya ngunit iiling lamang siya.

Nakahanda siyang makipagtikisan sa lalaking iyon, kahit na isang buwan pa ang abutin ng pangungulit ni Kurt Pasamonte!

Hah! Tatlong taon niya akong tinitikis, ha? asik niya sa sarili. Magdusa siya!

Natapos ang semester na iyon nang matiwasay. Naglagi na lamang siya sa bahay.

Nag-aral ng mga leksiyon na napag-aralan na at nagbasa-basa ng mga aklat na gusto niyang basahin.

Kahapon dumating ang mga grades niya sa school. Ipinakuha niya kay Nilo. Matataas naman ang mga ito.

Kaninang umaga, tumawag uli ang masugid niyang ‘phone pal’ pero hindi na naman niya ito kinausap.

Isang buwan na silang ganito — may ‘cold war’.

Nag-aalala na si Yaya Ima. Ito kasi ang nakakatanggap ng matitigas na salitang ipinararating kay Alani.

Kumbaga ito ang unang nakakatikim ng unang haplit ng Bagyong ‘Kurt’.

Nangamba na rin naman si Alani sa kalusugan nito kaya nagpalagay na siya ng mga answering machine sa lahat ng mga telepono.

Bilib din naman siya sa ka-phone pal niyang ito. Anim ang mga telepono nila sa bahay, iba-iba ang mga numero — pero kabisado lahat.

Samantalang noon ni hindi siya matawagan kahit na hinihiling na niya sa sulat…

Umismid si Alani.

‘Phone pal’ ang naisip niyang itawag sa magaling na lalaking natuto lamang na makipag-komunikasyon sa kanya dahil may kailangan.

‘Nungka,’ bulong niya sa sarili.

‘Nungkang kausapin kita sa telepono. Magpunta ka dito nang personal at baka sakaling harapin pa kita!’ pandidilat niya sa intrumentong kulay krema.

Naisipan niyang magpunta sa swimming pool nang tumaas na ang araw. Medyo maalinsangan ang panahon.

Naka-one-piece suit na kulay itim siya nang lumabas sa likod-bahay.

Ginamit ni Alani ang diving board para praktisin ang natutuhang istilo sa kanyang P.E. subject nitong nagdaang semester.

Natatandaan niyang excellent ang gradong ibinigay ng kanyang guro sa paglangoy.

Dapat siyang matuwa sa mga nakuha niyang grado.

Consistent dean’s lister si Alani pero wala siyang makapang kasiyahan.

Siya lang ang ayaw pumayag na maging scholar siya sa eskuwelahan.

Ang kapal naman ng apog niya kung magpapalibre pa siya, ano?

Ang ginagawa na lang niya, ipinapalit niya sa mas nangangailangan ang kanyang insentibo.

Napili ng pamunuan ang isang estudyante na matalino at matiyagang mag-aral ngunit bumaba ang mga grado dahil kinailangang magtrabaho para may maipakain sa iba pang kapatid na kasamang naulila ng mga magulang.

Hindi na niya inalam ang pangalan ng naturang estudyante para hindi siya magkaroon ng interes na makipag-alam dito.

A, ganito na lang ba siya palagi? buntonghininga niya sa sarili. Palaging nakaiwas sa personal na interaksiyon.

Parang takot sa tao.

Hindi kaya magandang ideya rin ang naisip ng lalaking iyon? Tutal, walang kuwenta naman ang ginanap na seremonya noon.

At least, sa kanya, meron.

Hindi siya gumagawa ng mga bagay na alam niyang makakadungis sa pangalan ng walang kuwentang lalaking pumayag na magpakasal sa kanya nang dahil sa pera.

Nasaan na kaya ang gunggong na iyon?

Marahil, nagpapasarap sa ibang kandungan habang nilulustay ang salaping ibinayad ng kumpanya niya bilang pagsunod sa kasunduang nilagdaan ng kanyang ina at ng matalik na kaibigan nito na ina naman ng lalaking tawag nang tawag ngayon sa kanya.

‘Oh, Mama,’ bulalas niya sa sarili.

Pumasag ang kanyang mga paa para makarating siya sa gilid ng pool.

‘Sana ay hindi mo na ginawa ang bagay na nakapagbibigay lamang ng ibayong sakit sa kalooban ko,’ dagdag pa niya.

Inilihim sa kanya ng nasirang ina ang tungkol sa terminal cancer nito sa matris.

Ang pamamasyal nito sa Amerika, kasama si Doña Maila, ay pagpapagamot pala sa mga dalubhasang duktor doon.

Nang matiyak na may taning na ang buhay ng una, umuwi na lamang ito pati na ang huli, kasama ang isang plano.

Marahil, alam din ni Kurt ang tungkol doon.

Ngayon niya napagtanto ang kakaibang pagtrato ito sa kanya nung mga araw na dumadalas ang pagpunta nito sa bahay nila.

Akala niya, dinadalaw lamang ang kanyang mama…

Malaki naman kasi ang agwat ng edad nila. Kinse siya at beinte siete naman si Kurt.

Nakapag-asawa na ito ngunit nabalo naman agad. Mahina ang puso ng babaeng napangasawa nung edad disinuwebe kaya namatay sa panganganak sa panganay.

Tila nagmana ng kalusugan ang bata sa ina, ilang araw lamang ang naging buhay ng musmos at yumao na rin.

Bata pa siya nang mangyari ang trahedyang iyon sa buhay ni Kurt ngunit kabisado niya dahil madalas niyang marinig na naikukuwento ni Doña Maila o Ninang Maila niya ang tungkol sa bagay na iyon.

Naging suplado daw kasi at malungkutin ang anak na biyudo.

Ngunit nang araw na iyon, magiliw ang lalaking masungit sa kanya. Nakangiti at para bang natutuwa sa panonood ng ginagawa niya.

Pagguhit ang kanyang nakakahiligan noon.

Sinusubukan niyang iguhit ang isang punong mangga sa likod-bahay nang dumating ang lalaki.

Aywan kung bakit nataranta ang pakiramdam niya nang malingunan ito na matamang nakatitig sa kanya.

May kung anong damdamin na bolatibo ang dumiklap at lumikha ng init na di-nakikita, dumaloy iyon sa lahat ng himaymay ng kanyang kabuuan.

Lalo na nang hawakan siya nito sa isang nanlalamig na kamay. Ginagap iyon nang mahigpit at tila hahagkan sana kundi niya hinila palayo ang naturang kamay.

Isinuksok niya iyon sa kanyang bulsa habang pinipilit na makipag-usap nang normal sa bisita.

Nagtataka siya kung bakit nasa hardin ito samantalang nasa loob ng sala ang kanyang ina.

Nang tanungin naman niya kung bakit nga ito naligaw sa hardin, kaswal na itinugon nito ang pagpapasundo sa kanya ng ina.

May importante daw na sasabihin.

Halos maglakad-takbo siya para makalayo agad sa lalaki. Hindi niya tiyak kung ang narinig niyang mapang-uyam na tunog ay ang pagtatawa nito sa ipinakita niyang kainosentihan.

Nanghilakbot agad siya sa isang hipo pa lamang ng lalaki sa kanyang kamay!

Niyakap ni Alani ang sarili habang naglalakad patungo sa higanteng payong na pinaglililiman ng lounger na hihigaan niya habang nagbabasa.

Hanggang ngayon, kinikilabutan pa rin siya kapag naaalala ang nakakahiyang karanasan niya sa kamay ng antipatikong lalaki.

Bale kinakapatid niya si Kurt dapat ngunit wala siyang nadaramang gaan ng loob para dito.

Namumuhi siya. Nasusuklam, kahit maalala lang ang pangalan at hitsura nito.

‘Sinungaling!’ singhal ng munting tinig na nasa puso niya.

Ipinilig ni Alani ang ulo. Kunwa’y bingi sa akusasyon ng puso.

Dinampot niya ang tuwalya at nagpunas ng katawan. Maglalagay siya ng sunblock lotion.

Kinagabihan, nagpapalipas siya ng oras sa harap ng grand piano na pag-aari pa ng kanyang lola nang dumating si Yaya Ima sa harapan niya.

“Er, Iha? Maistorbo nga kita sandali,” wika ng matandang babae sa kanya. “M-may tawag ka sa telepono — ”

Huminto siya nang tumigil sa pagsasalita ang matandang katiwala.

Tumingin siya sa dako nito at naghintay ng susunod na sasabihin. Importante marahil dahil ipinaaalam sa kanya.

“Nasa airport na raw ang iyong mister, si Kurt Pasamonte!” Halos pabulalas ang pagtatapos nito sa naumpisahang pangungusap.

Tumaas ang mga kilay ni Alani. Nagkunwari siyang hindi naapektuhan ng narinig.

Natatakot na ang kanyang kaharap dahil nandito na sa Pilipinas ang iniiwasan nila sa telepono.

“Ganoon ho ba? E, di, mabuti naman. Hindi na siya magbabayad ng malaki sa mga overseas call niya rito,” pakli niya bago nagpatuloy sa pagtipa sa itim at puting teklado ng piano.

Isang masayang tugtugin ang dumaloy sa kanyang mga daliri aywan kung bakit gayong problema ang papalapit sa kanya ngayon.

Muling nagsalita ang matanda.

“Makasingit na nga uli, iha. Nagpapasundo siya!”

Tumaas na naman ang mga kilay niya. Tumindig siya at isinara ang takip ng instrumentong delikante.

“Buweno, magbibihis na ho ako. Bakasyon ni Nilo ngayon kaya ako na lang ang magmamaneho sa kotse.”

Maliksi siyang umakyat sa kanyang silid bago pa magbago ang kanyang isip.

Peste talaga ang lalaking iyon sa buhay niya!

Hindi pa niya alam kung papayag siyang ma-annul ang kasal nila ni Kurt Pasamonte.

Ang tiyak niya, pahihirapan muna niya ito bago niya siguro ipukol ang mapakla niyang ‘oo’!

Maalinsangan ang gabi kaya sleeveles ang pinili niyang isuot.

Click here to READ MORE

Comments are closed.