Which is more important: love or career? Practical people often say: you cannot live on love alone.
Money buys foods, pays the bills, and finances the necessary ingredients of romance. Flowers, chocolates, and gifts for the loved one are expensive…
Gabriella was married to Rolando. She loves him and their child but she also has a burning ambition. So she left them to pursue a dream. Through sheer determination, she became successful… but she lost his love in return.
And she’s afraid that he will hate her forever.
Paano ba mapapaghilom ang mga sugat sa puso na idinulot ng paghihiwalay?
* * *
Memorable ang araw na iyon para kay Gabriella Adaza, ang proprietress at chef ng sikat na sikat nang ‘Gabbi’s Lutong-Bahay Restaurant’.
Sunud-sunod ang mga papeles na pinirmahan niya. Magkakasabay ang labimpitong applications for franchise na inaprubahan niya. Kaya magkakasabay ring magsusulputan sa iba’t ibang panig ng Metro Manila ang mga branches ng mga restawran na nagtataglay ng pangalan at istilo ng pagluluto niya.
Isa na siyang milyunarya ngayon.
Wala nang kahirap-hirap ang pagkita niya ng pera. Nasa rurok na siya ng tagumpay na ninais marating. Pero bakit hindi pa rin siya masaya?
Mayroon kasi siyang dapat na kasama habang papaangat nang papaangat ang estado ng kanyang buhay.
Ano pa ba ang hinihintay niya?
Oh, Rolando! Nasasabik na akong makita ka. Sana’y hindi mo naman tinutoo ang masasakit na salitang binitiwan mo sa akin noon… ang taimtim na usal niya.
Naudlot ang pagmumuni-muni niya, nang sumungaw ang ulo ni Marie sa pinto, ang sekretarya niya.
“Ate Gabbi, me naghahanap sa ‘yo. Rico Dominguez daw.”
Bumuntonghininga si Gabriella. Pinuwersang ibalik sa kasalukuyan ang isipan. Heto pa ang isa pang bagay na dapat niyang desisyunan ngayong araw na ito.
“S-sige, papasukin mo na.”
Isang matangkad at medyo payat na binata si Rico Dominguez, isang television executive producer.
“Good morning, Gabbi,” anang modulatong boses ng disenteng lalaki. “I’ve got good news for you!”
Bahagyang kumunot ang noo ni Gabriella. “Hindi pa rin ako sigurado kung good news din para sa akin ‘yang sasabihin mo, Rico.”
Nakilala niya ang kaharap bilang kostumer sa kanyang restawran. Napahanga ito sa sarap ng mga pagkain nila kaya nagpumilit na makilala at makipagkaibigan sa kanya.
Nararamdaman niyang may atraksiyon si Rico, kaya naman mailap pa rin siya rito kahit na matagal na silang magkakilala. Kahit na nagdadala ito ng iba pang mga parukyano sa restawran upang mapalapit sa kanya.
“Tiyak na matutuwa ka, Gabbi,” giit nito.
“Ano ba ‘yon?” Pilit ang interes na nakabahid sa tinig niya.
“May magandang offer sa ‘yo ang network! Gusto ka nilang bigyan ng ten-minute slot — pagkatapos mismo ng early evening news,” ang excited na pagbabalita ng binata. “Imagine, Gabbi? Baguhan ka pa lang — pero gusto ka na nilang ilagay sa primetime!”
Napabuntonghininga lang uli si Gabbi.
“Hindi ka ba natutuwa?”
Umiling siya. “Alam mong hindi ako interesado d’yan, Rico,” tugon niya.
“Pero lalo kang sisikat kapag lumabas sa telebisyon, Gabbi,” pang-aamuki ng binata. “Makikilala na ng maraming tao ang fantastic cooking mo!”
“Sikat na ako, sabi mo nga,” bawi niya. “Hindi ko na hangad na sumikat pa lalo.”
‘Iba na ang hinahangad kong makamtan ngayon…’ dagdag niya sa sarili.
Saglit na napatunganga si Rico Dominguez. “Marami ka pang puwedeng marating, Gabbi!” bulalas nito. Hindi makapaniwalang wala na siyang ambisyon na lampasan ang narating na niya.
“I’m sorry talaga, Rico. Wala ‘yan sa mga inambisyon kong marating nung makipagsapalaran ako dito sa siyudad.” Seryoso at tiyak ang kanyang pahayag. “Sa katunayan, nag-iisip na nga akong umalis,” dagdag pa niya, halos wala sa loob.
“A-ano? Saan ka naman pupunta?” Nag-alala na agad ang binata.
“B-babalik na lang siguro ako sa pinanggalingan ko.”
“Gabbi, please, listen to me. Hindi mo puwedeng iwanan ang buhay mo dito. You got everything here. Lahat ng oportunidad ay nandito. Pati ang kaligayahan mo.” May bahid na ng desperasyon ang huling pangungusap nito.
“Nagkakamali ka, Rico. Wala dito ang kaligayahan ko.” Tumindig si Gabriella mula sa swivel chair. Humakbang patungo sa bintana upang tumanaw sa malayo. Sa gawing kinaroroonan ng pag-ibig na iniwanan niya noon.
‘Oh, Rolando…’ ang panaghoy ng puso niya.
“Nandito naman ako, Gabbi. Handa akong gawin ang kahit na ano para sa ‘yo — para sa ikatatagumpay mo.”
Sinundan siya ni Rico. Hinawakan sa magkabilang balikat upang masuyong iharap.
Nakipagtitigan si Gabriella sa binata, pero wala siyang nadamang anuman.
“I think I love you, Gabbi,” ang mausyong bulong nito. “Ikaw ang babaeng gusto kong pakasalan.”
Napakurap si Gabriella. Saglit siyang napatigagal. Minsan na kasi niyang narinig ang mga katagang iyon. Matagal na matagal nang panahon ang nagdaan…
“K-kaibigan lang ang turing ko sa ‘yo, Rico.” Pinilit niyang gawing kalmado ang kanyang tono. “M-may iba nang nagmamay-ari sa puso ko,” dagdag niya, para makabawas sa sakit na idudulot ng pagbigo niya.
“S-sino sa mga karibal ko ang pinalad na lalaki?” tanong ni Rico.
“Wala kang karibal, Rico,” pagtatama niya. “Isa pa, hindi ka naman nanliligaw sa akin, a? Magkaibigan lang tayo,” paalala pa niya.
Bumuntonghininga ang binata. “Napakailap mo naman kasi. Para kang hangin na kay hirap hulihin.”
Bahagyang napangiti si Gabriella. “Mabuti’t nakikita mo pa ako,” aniya. “Ang tutoo’y wala akong interes na makipagrelasyon kaninuman,” dugtong niya. Muling sumeryoso.
Tinitigan siya uli ni Rico. “Naiwan ba siya sa pinagmulan mo, Gabbi? Siya ba ang babalikan mo, ‘pag alis mo rito?” panghuhula nito.
Marahang tumango si Gabriella.
“P’ano kung wala na siya doon? P’ano kung hindi na siya naghihintay sa ‘yo?”
Iyon ang katotohanan na kinatatakutan niya. Napakanipis ng posibilidad na ‘maghihintay’ si Rolando!
Ngunit iwinaksi agad ni Gabriella ang mapait na pangitain. Hindi siya makakarating sa kanyang kinaroroonan ngayon kung naging duwag at mahina ang loob niya.
Oh, alam ng Diyos na si Rolando at ang pag-ibig nila ang tanging naging inspirasyon niya nitong nagdaang mga mahahabang taon!
Nag-aral siya habang nagtatrabaho. Nagtrabaho habang nag-aaral. Ang gabi ay ginawa niyang araw. Ginamit niya ang talentong taglay sa pagluluto upang makaakyat sa ituktok ng mga pangarap.
At pagkatapos ng limang mahahabang taon, malungkot at nag-iisa pa rin siya…
A, nakapalaki ng kabayarang naging kapalit ng tagumpay na nakamtan niya!
“I’m sorry, Rico,” anas niya habang lumalayo dito. “Napakabuti at napakabait mo. Hindi ako ang babaeng dapat mong paglaanan ng pag-ibig. Kalimutan mo na lang ako.”
“Ikaw ang iniibig ko, Gabbi. Imposibleng makalimutan kita.”
“Try your best, Rico. Makakaya mong kalimutan ako.”
“Ano ba ang iniayaw mo sa akin? Am I too young? Bata pa ba ang tingin mo sa akin? Is that it?”
Walang gatol ang pag-iling ni Gabriella. “Truthfully, hindi sumagi sa isip ko ang agwat sa mga edad natin. Pero tama lang na isaalang-alang natin ‘yon, di ba? You’re twenty six and I’m thirty-five. Masyadong malaki ang siyam na taon. Kaya nga younger brother lang ang pagtingin ko sa ‘yo,” ang mahabang pahayag niya.
“Kailanman, hindi kita maituturing na kapatid, Gabbi.”
“Kung gayo’y kaibigan na lang,” salo niya. “Kapag lampas pa d’on ang gusto mo, mapipilitan akong iwasan ka,” pamamrangka niya.
Inarok ng titig ang katapatan niya. Hindi siya umiwas ng tingin kaya natiyak ni Rico na tunay ang pagtutol niya sa pag-ibig nito.
Humugot ito ng malalim na buntonghininga. Kaipala, kinakalma ang sarili. “O-okey, I’ll back off–for now. Pero kapag wala na ang lalaking babalikan mo, ‘andito lang ako. Ako na lang sana ang balikan mo dito, Gabbi.”
May naantig sa kalooban niya ang mga tinuran ng kaharap. Kaya kahit na ayaw niyang magbigay ng pekeng pag-asa, napilitan siya.
“Promise. You’ll always be a dear friend to me, Rico,” sambit niya.
“Masaya akong marinig ‘yan, Gabbi. Salamat.” Ginagap nito ang isang kamay niya at ginawaran ng halik.
“Magiging masaya naman ako kung makikita kong ibinabaling mo na sa ibang babae ang iyong atensiyon,” bawi niya. “I sincerely hope for your personal happiness.”
“I’ll try my best,” ang napipilitang pangako ng binata.
“Good.” Papisil niyang kinamayan ito. “Ano nga palang gusto mong inumin? Coffee or juice?”
“Neither. I’ll be on my way. Kailangan kong pumunta sa opisina — to deliver the bad news personally.” Nagbalik sa normal ang tema nang maging pormal ang paksa. “Okey lang bang sabihin ko sa kanila na pag-iisipan mo pa ang kanilang offer sa ‘yo?”
Maliit na bagay lang ang kahilingang iyon kumpara sa maraming tulong na naibigay ni Rico Dominguez sa restawran niya.
Tumango si Gabriella. “Okey, I’ll really think about it,” tugon niya. “Bigyan n’yo lang ako ng panahong makapag-isip, kung pupuwede lang.”
“Thanks!” Nanumbalik ang sigla ni Rico. “At least, may pag-asa pang mapapayag ka namin.”
Tumango uli siya. “Just don’t raise your hopes too high,” paalala niya.
“Salamat sa paalala,” tugon ng binata. “Bye, Gabbi. Tawagan mo ako bago ka umalis, ha?”
“Sure,” tugon niya kahit na wala siyang balak na magpaalam kaninuman. Ang alam ng buong staff niya, magbabakasyon lang siya sa probinsiya.
“Bye,” sambit niya habang inihahatid ito sa may pintuan.
“Bye, Gabbi,” ulit ni Rico. Nakangiti na rin, bagama’t malamlam pa ang mga mata. Para bang naiisip nang iyon na ang huli nilang pagkikita.
Depende kay Rolando…
Papagabi na nang dumating ang panauhing pinakahihintay ni Gabriella.
Abala na siya sa paglalagay ng mga decorative garnishings sa mga steak dishes nang sumungaw ang ulo ng assistant chef sa pinto ng kusina.
“Ma’am Gabbi, may naghahanap po sa inyo.”
“Sino raw?” Bahagya na lang siyang nag-angat ng tingin.
“Si Mr. Joe De Vera daw po siya.”
Dali-dali siyang nagpunas ng mga kamay sa suot na putim-puting apron bago hinubad iyon. “Ikaw na nga muna dito, Pete. Garnishings na lang ang kulang. Order sa Presidential Table ang mga ‘yan,” habilin niya habang maliksing inaalis ang chef’s hat.
“Okey,” tugon ni Pete habang mabilis na nagsusuot ng apron at chef’s hat.
“Nasaan pala si Mr. De Vera?”
“Nasa Table 35. Pinabigyan ko na ng appetizer, ma’am.”
“Good. Salamat, Pete.” Pilit ang ngiti niya. Bahagya na lang maikubli ang tensiyon. Importante ang impormasyon na ibibigay ni Joe De Vera sa kanya.
Tumindig ang maliit at payat na lalaki, nang makitang papalapit na siya. Pormal na nakipagkamay ito at pinauna siyang maupo sa katapat na silya bago bumalik sa kinauupuan.
“Magandang gabi, Miss Gabbi.”
“Magandang gabi rin,” tugon niya. “Kumusta, Mr. De Vera?” Hindi na siya nagpatumpik-tumpik.
Itinulak ng kaharap ang makapal na brown envelope. “Narito ang resulta ng trabaho ko.”
Nanginginig ang mga kamay ni Gabriella nang buksan iyon at hilahin palabas ang mga papeles.
Napapatda siya nang makita ang colored pictures na naka-clipped sa pinakaunang pahina.
Nakangiti sa kamera ang isang matangkad na lalaki, habang karga sa maskuladong balikat ang isang batang babaeng may edad na pitong taon.
Habang minamasdan ang dalawang nasa larawan, nagsisikip ang dibdib at lalamunan ni Gabriella.
Tama ang nasa imahinasyon niya — ang laki-laki na nga ni Gianne…
A, sabik na sabik na siyang makita ang kanyang mag-ama!
“P-p’ano mo sila nakunan ng letrato?” tanong niya, nang muling matagpuan ang boses.
“Inumit ko lamang ‘yan mula sa studio ng potograpong kumuha n’yan. Doon kasi ako nakitira ng ilang araw.”
“I see.” Tumangu-tango siya habang maingat na binubuklat ang iba pang mga papeles. Pinuwersa lang niyang ialis ang atensiyon sa picture.
Pahapyaw niyang binasa ang mga impormasyon na nakalap ng inupahang private detective. Ngunit pulos mga ordinaryo lamang ang mga iyon: home address, telephone number, etcetera. Wala man lang tungkol sa personal at sa pribado…
“Um-order ka na nga pala ng gusto mo sa menu book, Mr. De Vera. It’s on the house–for having done a very good job.”
“Steak at beer lang, Miss Gabbi. Hindi ko na makalimutan ang luto n’yo sa sobrang sarap!”
Nakabawas sa paninikip ng kalooban ang papuring ibinigay ng kausap. “Salamat.” Kinambatan niya ang isang waiter para ibigay ang order ng bisita.
Ibinalik niya ang paksa nang muli silang mapag-isa.
“May asawa na ba si Rolando Rocha?” paglalakas-loob niya, kunwa’y pa-kaswal.
“Sa pagkakaalam ko, wala pa.”
Medyo nakahinga siya nang maayos.
“Pero anak yata niya ang batang babae,” anito, nakatingin na rin sa larawan.
Anak naming dalawa, bulong ni Gabriella sa sarili.
“Este, nagtataka lang ako,” patuloy ng detektib, pero parang nag-alangan.
“Ano ‘yon?”
“Hindi alam ng sinuman sa mga taga-roon kung sino ang ina ng bata.”
Mistulang balaraw na tumarak sa puso ni Gabriella ang narinig. Nasaktan siya nang husto, ngunit kailangang itago.
“B-bakit kaya?” tanong pa niya kunwari.
“Ang haka-haka ng karamihan, iniwan daw ‘ata ng unang asawa. Parang sumama raw sa ibang lalaki.”
“G-gan’on ba?” Parang natulig si Gabriella. “Sinabi ‘yan ni — ni Rolando Ochoa?”
“Hindi ko nakausap ng personal si Mr. Ochoa, Miss Gabbi. Ang utos n’yo sa akin ay hanapin siya at mangalap lang ng mga impormasyon sa lugar niya.”
“O-oo nga pala. I’m sorry, Mr. De Vera.”
Dumating ang weyter kaya naudlot ang pag-uusap nila.
Ginamit ni Gabriella ang pagkakataon para makabawi ng kalma. Nang mapag-isa, saka lang siya nagsalita uli.
“Maraming salamat, Mr. De Vera. Nasiyahan ako nang husto sa trabaho mo.” Inilahad niya ang isang kamay bilang paalam.
“Walang anuman, Miss Gabbi.” Tumayo ang kaharap nang tumindig siya matapos ang maikling pagkakamay.
“Enjoy your meal. Kung ano pa ang gusto mong order-in, tumawag lang kayo ng weyter. Goodnight!”
“Goodnight, Miss Gabbi. Salamat sa masarap na hapunan.”
“I-fax n’yo na lang sa office ko ang aking bill, para makapagpadala agad ako ng tseke sa messenger,” habilin niya.
Yumukod ang detektib. “Okey.”
Tuluy-tuloy siyang nagtungo sa kanyang opisina. Hawak-hawak nang mahigpit ang brown envelope.
Pagdating sa loob ng pribadong silid, saka lang niya pinayagan ang sarili na humagulgol ng iyak.
Abot-kamay na niya ang nakaraan. Malapit nang magdugtong ang ngayon at ang kahapon. Mayroon kayang kuneksiyon sa bukas…?
MAKALIPAS ang isang linggo, nakahanda na si Gabriella.
Nakaimpake na ang ilang mga damit sa isang malaking maleta. Nakapuwesto na iyon sa compartment ng kanyang kotse.
Mula sa bahay, dumiretso siya sa restaurant, para magpaalam at para sa mga huling habilin.
“Pete, ikaw ang O.I.C. dito habang wala ako. Pag-igihin n’yo sana ang pagpapatakbo sa ating barko para hindi gumewang at lumubog.”
“Bahala na kami dito, Ma’am Gabbi. Enjoy your vacation.”
Sumegunda ang iba pang mga tauhan niya.
“Ma’am, saan po namin kayo tatawagan kung magkaroon ng emergency?” tanong naman ni Marie.
“Dala ko ang aking celfone. Atsaka, tatawag-tawag ako dito,” tugon niya. “Ikaw ang a-alalay kay Pete, ha?”
“Opo, Ma’am.”
“Magtulungan sana kayong lahat dito,” wika niya sa lahat.
“Opo, Ma’am!”
“Buweno, aalis na ako. Huwag n’yo na akong ihatid. Bye!”
“Babay, Ma’am!”
Sa backdoor siya nagdaan dahil sa likod niya ipinarada ang sasakyan.
Nag-aabang na sa tapat ng subdibisyon ang mag-asawang Adora at Junior Rosales. Ang mga ito ang kasabay niyang pupunta sa Marinduque. Sasamahan siya para ipakita ang lupang ibinebenta sa kanya.
“Nainip ba kayo?”
“Hindi naman. Kalalabas rin lang namin.” Si Adora ang tumugon.
“Tutuloy na ba tayo sa piyer? Wala na tayong dadaanan pa?” usisa naman ni Junior.
“Wala na. Kayo na ang mauna,” wika ni Gabriella.
“Okey. Sumunod ka na lang sa ‘min.” Maliksing nagmaniobra ang may edad na lalaki. Isang van naman ang minamaneho nito.
Sa isang piyer sa Batangas sila sasakay ng barko, kasama pati ang mga sasakyan nila.
Dahil walang bumibiyahe sa dagat ng gabi, nag-overnight sila sa isang hotel.
“Gusto mo bang makisalo sa amin sa hapunan?” aya ni Adora.
“I’m sorry. May seasickness kasi ako. Mas maiging magpahinga na lang para may lakas para bukas.”
“Gan’on ba? Kailangan mo palang uminom ng tabletas.”
“Oo. Binigyan na nga ako ng doktora ko. Bukas ko na lang iinumin, bago sumakay sa barko. Goodnight na lang sa inyo, Adora, Junior.”
“Goodnight, Gabbi.”
Magdamag na hindi nakatulog si Gabriella. Hindi siya nagkaroon ng katahimikan dahil sa sobrang pagkasabik.
Makikita na niya ang kanyang mag-ama! Ano kaya ang magiging reaksiyon ni Rolando?
Mapopoot — dahil hanggang ngayon ay malalim pa rin ang mga hinanakit?
A, Rolando, bakit hindi mo sinagot ang mga sulat ko noon? hinaing ng puso niya.
Mula nung umalis siya, sa tuwing may panahon ay sumusulat siya sa lalaki. Ngunit ni isang liham ay wala siyang tinanggap mula dito.
Makalipas ang dalawang taon, bumabalik na ang mga sulat niya. Wala na raw ang taong sinusulatan sa address na pinapadalhan niya, kaya napilitan siyang huminto.
Muntik nang magunaw ang mundo niya noon. Parang mababaliw na siya. Gusto na niyang sumuko. Gusto na niyang umuwi para hanapin ang nawawalang mag-ama. Ngunit napigilan siya ng kawalan ng pera. Wala pa siyang pisi.
Mabuti na lang, nakangiti na ang suwerte sa kanya. Isa-isa nang lumilitaw ang mga baytang na aakyatan niya para makarating sa rurok ng ambisyon.
Nilunod niya ang matinding pangungulila sa pamamagitan ng paglulubog ng buong sarili sa trabaho.
Sana ay mapatawad siya agad ni Rolando. Nakahanda siyang manikluhod at magsumamo upang muli na nilang makamit ang nawalang kaligayahan. Upang maihandog na niya agad ang tinamong tagumpay na tinamasa sa ibang bayan.
Nanatili siya sa loob ng sasakyan habang bumibiyahe. Mas nais niyang mapag-isa at mag-ipon ng lakas ng loob.
Habang papalapit sa daungan ng Sta. Cruz, bumibilis ang pagpintig ng puso niya. Kahit na malayu-layo pa ang kailangang lakbayin ng sasakyan bago makarating sa destinasyon, ang bayan ng Torrijos, hindi na niya makontrol ang pag-aalsa ng mga emosyon.
Sabik na sabik na siyang masilayan ang lugar na sinilangan at kinalakhan. Gayundin ang pag-ibig na iniwanan dahil sa sobrang sidhi ng ambisyon.
Nasa tabing-dagat ang lupang ipinagbibili ng mag-asawang Rosales. Pumarada sila sa harapan ng isang resthouse na mistulang lighthouse dahil hugis-tore bagama’t mababa lamang.
“Mukhang pagud na pagod ka na, Gabbi. Halika, ihahatid na kita sa magiging kuwarto mo.”
Tumanggi siya. “Mamaya na lang. Maaga pa naman.”
“Buweno, halika, ipapasyal na lang kita. Magpahanda ka na lang ng pagkain, Adora.”
“Huwag na kayong lalayo masyado, ha? Ang rayuma mo, oy!”
“Oo. ‘Wag kang mag-alala.”
Naglakad-lakad sila sa palibot ng pabilog na istruktura.
“Medyo masukal dahil hindi gaanong naaalagaan ang mga halaman at punongkahoy,” wika ni Junior. “Pero matibay ang pagkakagawa nito.” Kinatuk-katok nito ang makapal na pader na yari sa adobe.
Tumangu-tango lang si Gabriella habang nagmamasid sa paligid. Huminto sila sa dalampasigan. Nakaharap sa maalong dagat.
Ngumiti siya nang malingunang papalapit sa kanila si Adora.
“O, ano? Magugustuhan mo ba dito?” tanong ni Junior. “Magandang pagtayuan ng restaurant/resort ang lugar na ito, hindi ba? Bilhin mo na, ha?”