Love Hurts-23

Pinilit niyang ibalik sa mag-anak ang buong atensiyon. Nagpapaalam na pala ang mga tiyuhin.

Dali-dali siyang tumindig mula sa kinauupuang silya na nasa isang sulok.

“O, magpapakabait ka habang wala kami, Melissa. May asawang tao ka na,” habilin ni Uncle Peping sa anak, matapos itong halikan sa magkabilang noo.

“Susunduin n’yo ako nang maaga bukas, ha? Gusto ko kayong ihatid sa airport.”

“Naku, napakalambing naman ng anak natin, Peping!” papuri ni Auntie Moring.

“Mag-iisip pa ako ng hihingin kong pasalubong sa inyo, Mama,” pahayag ni Melissa.

Nakangisi na parang pusang nakalunok ng isang baldeng gatas!

Nerida resisted rolling her eyes with exasperation.

Pinariringgan siya ng pinsan. Iniinggit siya gayong wala naman siyang dapat na ikainggit.

Hindi naman niya magulang sina Uncle Peping at Auntie Moring. Kaya wala siyang inaasahan sa mga ito.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LOVE HURTS…? Click Here!]

Kung anuman ang ibigay ng mga ito, tinatanggap niya nang buong lugod at tinatanaw na malaking utang na loob.

“Halika na, Nerida. Theo, uuwi na muna kami,” paalam ng matandang lalaki sa manugang.

“Ikaw na ang bahala sa anak namin, ha?” dugtong pa.

Kapuna-puna ang kawalan ng tugon ni Theo.

Hindi na pinuna ng mga biyenan ang bagay na iyon. Palibhasa, lumalabas na pinikot nga lang ng anak ang manugang.

Ngunit sadyang matapang ang apog ni Melissa.

“Darling,” anito sa asawa. “Bakit hindi mo man lang sagutin ang Papa ko?”

Tumikhim muna ang lalaki.

“Sa palagay ko, alam na ng Papa mo na kaya mong alagaang mag-isa ang sarili mo, Melissa.”

Nanghilakbot si Nerida. Hindi niya akalain na sasagot nang gayon si Theo. Halos hindi siya humihinga habang naghihintay ng mga susunod na mangyayari.

Ngunit imbes na magalit si Uncle Peping, tumawa pa ito nang malakas.

“Ganyan nga ang dapat, magaling na lalaki,” wika nito. Tila pinupuri pa si Theo. “O, ano, Melissa? Nakakita ka na ng katapat mo ngayon. Sana nga ay mapatino ka ni Theo!”

“Papa! Bakit natutuwa ka pa?” Pumapadyak na naman ang isang heels nito sa sahig.

Ngunit hindi na ito pinansin ni Uncle Pepito.

“Halika na, Moring, Nerida. Iwan na natin ang mag-asawa,” aya nito sa kanilang magtiya.

Tinigasan ni Nerida ang kanyang leeg. Parang inuutusan siya ng mga mata ni Theo na tumingin sa gawi nito ngunit nagpigil siya nang husto.

“Paalam, iha,” wika ni Auntie Moring. “Goodluck!”

Hindi nagsalita si Nerida. Hindi rin siya sumulyap sa dako ni Melissa.

Alam niyang sa kanya rin ito nakatingin.

Saka lang siya nakahinga nang maayos, nang nasa labas na sila.

“Baka naman masaktan ang anak natin, oy,” pag-aalala ng matandang babae. “Parang ibinuyo mo pa ang lalaking iyon nang sabihan mong magaling siya, a?”

“Hindi mananakit si Theo. Nagkakaintindihan na kami ng manugang mo, oy,” ang tiyak na tugon ng matandang lalaki.

“Ano sa palagay mo, Nerida?” tanong sa kanya ng tiyahin. “Hindi kaya violent type itong si Theo Montes?”

Bago pa nakatugon si Nerida, naunahan na siya ng tiyuhin.

“Napaka-tactless naman nitong esposa ko, oo,” pakli ni Uncle Peping. “‘Yang si Nerida pa ang tatanungin mo, e, wala pa namang karanasan sa ligawan ang batang ‘yan.”

Namula ang mga pisngi ni Nerida. Laking pasalamat na lang niya at nasa kalsadan pa sila. Hindi pa siya naaaninaw ng mga kasama.

Ano kaya ang sasabihin ng mga ito kung malalaman ang tungkol sa kanilang dalawa ni Theo?

Isipin pa lang, nangangatal na siya. Tiyak na itatakwil siya ng mga ito. Hindi na siya kikilalaning kamag-anak. Tuluyan na siyang mawawalan ng pamilya…

“Ay, oo nga pala. Pasensiya ka na, iha,” her aunt apologised lightly.

“O-okey lang po, Auntie,” tugon niya. She excused herself when they reached the house. “Pupunta na po ako sa kusina para maihanda na ang hapunan ninyo.”

The old couple nodded their heads simultaneously.

“O, mabuti’t nandito na kayo,” salubong ni Aling Diding pagkakita sa kanya. “Maghahain na ba?”

“Oho,” tugon niya. “Ihahanda ko na ang lamesa,” prisinta niya.

“Hindi na kailangan, Nerida. Kanina pa nakahanda ang hapagkainan.”

“Ano pa ho ang maitutulong ko?”

“Wala na. Ayos na ang lahat. Dudulog na lang kayo.”

Gayon na nga lang ang ginawa niya. Tinawag niya ang mga tiyuhin upang pumunta na sa kumedor.

Magmula nang mawala si Melissa, naging payapa at tahimik na ang oras ng pagkain.

Parang siya na nga ang naging anak ng dalawang matanda.

“Kuha ka pa ng ulam, iha. Parang namumutla ka, a? Magkakasakit ka ba?”

“H-hindi po, Auntie,” wika niya habang pilit na ngumingiti.

“Ingatan mo sana ang katawan mo, Nerida. Baka magkasakit ka habang wala kami rito. Walang mag-aasikaso sa ‘yo. Hindi mo maaasahan ang pinsan mo,” dagdag ni Uncle Peping.

“Huwag po kayong mag-alala sa akin,” pahayag niya. “Hindi lang po ako nakalabas nang madalas nitong mga huling araw,” paliwanag niya.

Tutoo naman ang sinabi niya. Nagkulong siya sa loob ng bahay dahil iniwasan niyang makita si Theo.

Umiwas siya dahil gusto niyang makalimutan ang mga nangyari sa kanilang dalawa.

Ngunit mawawalan lang pala ng saysay ang pagpapakahirap niya. Magiging ‘yaya’ pa rin pala siya ni Melissa.

Makikita pa rin niya nang madalas ang lalaking nilalaman ng puso niya!

She was trying to prepare herself for further anguish.

Marami pang darating na pagsubok sa kanya. Nararamdaman niya…

“Puwede ka pang magbago ng pasiya, iha. We can still postphone our flight tomorrow if you wanted to go with us,” alok ni Uncle Peping.

“Oo nga naman, iha,” pagsegunda ni Auntie Moring.

“Kung sasama ako sa inyo, mawawalan po ng mag-aasikaso kay Melissa. Hindi kayo mag-e-enjoy sa bakasyon n’yo,” katwiran niya.

“Saka na lang po ako magbabakasyon kapag nandito na kayo uli,” dugtong niya para tuluyang mabura ang guilt ng mag-asawa.

“Maraming salamat sa pagiging mabait mo kay Melissa, Nerida. Napakabuti mo pa rin sa pinsan mo kahit na ubod nang sungit sa ‘yo,” wika ni Uncle Peping.

“Naiintindihan ko po si Melissa, Uncle, Auntie,” aniya. “Alam ko po naman kung bakit siya nagkakagan’on.”

“Sana ay makatagpo ka na rin ng lalaking makakasama mo sa habambuhay,” hiling ni Auntie Moring.

LOVE HURTS-24

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.