Love Hurts-29

“Huwag kang lalabas diyan hanggang hindi ka sinusundo, Nerida,” habilin pa ng lalaki bago siya iniwanan.

Pamaya-maya pa, nagkaroon na ng pagkakaingay sa palibot ng malaking bahay.

Dumating ang mga pulis at ang ambulansiya.

Nanatili siya sa madilim na silid hanggang sa muling tumahimik ang paligid.

Si Manang Saning ang walang imik na naglabas sa kanya sa silid na iyon.

“Nerida, umuwi ka na. Tawagan mo ang mga magulang ni Ma’am Melissa.”

Wala pa rin siya sa sarili nang umuwi.

Awtomatiko ang lahat ng mga kilos niya. Inasikaso niya ang pag-aayos sa bangkay ng pinsan. Kaya nakaburol na ito nang dumating ang mga tiyuhin.

Ni walang nakaalalang magpasalamat sa kanya.

Ngunit wala naman siyang inaasahan.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LOVE HURTS…? Click Here!]

Ang isang makasalanang katulad niya ay hindi nga dapat pinapakitaan ng kabutihan.

Pinisil ni Aling Diding ang kamay niya kaya nagawang bumalik sa kasalukuyan ng naglalakbay na isipan.

“Mapapatawad ka rin nila,” ulit nito. “Ipagdarasal ko ‘yan sa Panginoon, Nerida.”

Ngumiti lang si Nerida. Hindi na siya umimik.

‘Sana’y mapatawad rin ako ni Theo!’ bulong niya sa sarili.

Bumuno ng limang taon si Theo sa ‘loob’ bago bumaba ang panibagong desisyon mula sa Court of Appeals.

Napawalang-sala siya.

Si Nerida rin ang naging daan sa paglaya niya — sa pamamagitan ng hindi paglitaw sa korte nang ipatawag ng hukuman.

Her role was not that pertinent, after all.

“Kumusta ka na, iho?” bati ng kanyang Mama habang hinahagkan siya sa magkabilang pisngi.

Kinamayan siya ng kanyang Papa.

“You look haggard. Kailangan mo ng isang mahabang bakasyon.”

He smiled at the old couple.

“Kagagaling ko lang sa isang mahabang bakasyon, Papa,” he quipped cynically. “Wala akong ginawa sa loob kundi ang kumain at matulog. O di kaya’y matulog at kumain.”

His mother looked at his father worriedly.

At gusto niyang sipain ang sarili dahil sa pagbibigay ng panibagong sama ng loob sa mga magulang.

His family had gone through a lot of trouble. Today should be the end of it all.

‘Humanda ka, Nerida Mercado!’

“Siyanga pala. Dumating kanina ang mga kapatid mo, kasama ang buong pamilya nila.”

“Oo nga, anak. Gusto ka raw nilang batiin nang personal.”

He did not answer anymore. He just smiled thinly.

Ayaw na muna niyang magsalita habang hindi pa niya nakukundisyon ang sarili na wala na siya sa loob ng bilangguan.

Nagsalita lang ang abogadong kasabay nila sa paglalakad nang makarating na sila sa parking lot.

“Theo, I hope to see you in a much better and cheerful place next time we meet again,” ang maligoy na paalam ni Attorney Agoncillo.

Mas bata ito at mas agresibo kaysa sa naunang defense lawyer niya.

Pilit ang pagtawa niya. He should show some semblance of appreciation para sa pagpapakahirap nitong maipanalo ang kanyang apela.

“Maraming salamat, Attorney,” he mouthed the appropriate words automatically.

Sumakay na siya sa nakaparadang sasakyan habang nakikipagkamay ang mga magulang niya rito.

“Thank you very much, Attorney,” ang paulit-ulit na wika ng kanyang Papa. “Napakalaki ng utang na loob namin sa ‘yo.”

‘Utang na loob,’ ulit ni Theo sa sarili. ‘Iyon lang ba ang naging dahilan ni Nerida kaya ako nagawang ipagkanulo ng babaeng iyon?’

O baka gumaganti na lang si Nerida sa akin? Baka pagkasuklam at hindi pag-ibig ang natutuhan ng babae dahil palaging napupuwersang makipagtalik?

A, marami ang puwedeng maging dahilan!

Ngunit isa lang ang tiyak — ang hanapin si Nerida at paghigantihan!

Iyon lang ang tanging paraan upang magkaroon siya ng ganap na katahimikan…!

He had five long years of plotting and planning every tiny detail of how he would deliver his revenge to the one woman he had loved before but hated very much now.

Labis-labis na ang pagkamuhing iniuukol niya sa babaeng iyon.

Ngunit ngayong malaya na siya, parang hindi na niya alam kung saan dapat mag-umpisa.

Kailangan pa pala niyang mag-isip uli. Pero hindi pa muna sa ngayon. Ibabalik muna niya sa normal ang buhay ng ibang ka-pamilya.

“Kuya Theo!”

Sinalubong siya ng dalawang kapatid na babae. Sabay na yumapos sa kanya ang mga ito at nagtig-isang pisngi na hinalikan.

“Thank God, you’re here with us again!”

Itinulak muna niya sa pinakalikod ng isipan ang anumang maiitim na balakin.

He had a duty to perform.

Tinanaw ni Nerida ang apat na taong gulang na paslit na lalaki.

Tiniyak muna niyang naglalaro pa rin ito sa damuhan, bago niya ipinagpatuloy ang ginagawang two-tiered birthday cake na in-order sa kanya ng isang suking kustomer na taga-bayan.

“O, nasaan si Junjun?” tanong ni Nanay Diding habang inilalapag ang dalang bowl ng panibagong icing. Ipinunas nito ang puting bimpo sa pawisang mukha at leeg bago naupo.

“Iginawa ko siya ng paborito niyang merengue.”

She smiled at the old woman appreciatively. Marami na silang pinagdaanan nito. Ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin siya makapaniwalang nagkaroon siya ng butihing ina-inahan na naging katuwang niya sa lahat ng hirap na dinanas.

“Ang Nanay Diding naman. Ini-spoiled n’yo na yata si Junjun, a?” ang masuyong pagbibiro niya rito.

Nanay Diding looked away guiltily.

“Kuu, kaunti lang naman ito.”

“Mamaya niyan, magkakagulo na naman tayo dahil sa sumasakit na ngipin,” dugtong pa niya.

“Huwag kang mag-alala. Sisipilyuhan ko agad si Junjun pagkatapos niyang kumain ng merengue,” pangako nito.

Tumawa si Nerida.

“Naku, e, di ubos na naman agad ang toothpaste natin? Aba’y mamaya’t-mayain na naman ng batang ‘yon ang pagkain ng matamis.”

Napatawa na rin ang matandang babae.

“Naku, hayaan mo na nga. Paborito naman talaga niya ang matatamis, e. Katulad ng chocolate cake. Manang-mana siya sa — ”
Bigla itong napahinto nang mapagtanto ang sasabihin sana.

Kunwa’y hindi napansin ni Nerida ang tungkol sa pagkadulas ng dila ng kaharap. Itinutok niya ang buong pansin sa paglalagay ng mga dekorasyong icing sa bilog na tore ni Rapunzel.

Ngunit ang kanyang buong katawan ay dagling pinanlamigan, sanhi ng pangamba.

At kapagkuwan ay nag-init nang husto ang kanyang pakiramdam, dahil sa di-maapulang ningas ng pagnanasa.

‘Manang-mana siya sa ama — kay Theo!’ Iyon sana ang sasabihin ni Nanay Diding.

Hanggang kailan ba siya magiging alipin ng mga alaala ng lalaking iyon?

LOVE HURTS-30

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.