Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

LOVE WITH NO PRIDE

Which is more important to you: the man you love or your self that no one but you will love?

Do you let pride come between you and the love of your life?

And did it bring you happiness?

So next time you fall in love, you promised to love with no pride…

Dahil sa angking creative talent, umasenso nang husto sa buhay si Eurice. Pero hindi naman siya naging maligaya dahil kinainggitan pa ng dating nobyo ang kanyang tagumpay.

Kaya nang makilala ni Eurice si Alec, ibinigay ng dalaga ang lahat ng suporta sa binata at pati na ang credits sa trabaho niya.

Alam niyang mali ang magmahal nang higit sa ibang tao kaysa sa kanyang sarili.

Ang hindi niya alam ay kung sigurado na bang magiging maligaya na siya…

* * *

Katulad nang dati, inihinto ni Eurice ang minamanehong kotse sa tapat ng gate. Umibis siya upang buksan iyon para makapasok sa loob ng driveway-garage na nasa harapan ng front door.

Katulad pa rin nang dati, ang nakabibinging katahimikan ang sumalubong sa kanyang pagpasok sa magarbo at fully-furnished two-storey townhouse.

“I’m home, House,” pahayag niya habang sinasandalan ang dahon ng pinto upang sumarado.

Kusang nakandaduhan iyon. Kinalabit niya ang switch ng burglar’s alarm bago inilapag sa ibabaw ng Chinese antique chest ang shoulder bag. Awtomatiko niyang inilagay sa loob ng unang drawer ang car keys at door keys.

Nagtungo siya sa kusina para kumuha ng isang boteng mineral water mula sa refrigerator. Pagkatapos ay nagtuloy siya sa mini-gym na nasa tabi ng balkon.

Doon niya sinusubukang kitilin ang tumitinding pagkabagot na nararamdaman.

Maliksi siyang naghubad ng tailored skirts-and-fitting blouse. At maliksi ring nagsuot ng leotard at sweatshirt. Ang high-heeled shoes at silk stockings ay pinalitan ng sneakers at makapal na medyas.

Matagal nang maikli ang haircut niya kaya halos hindi na naiisip ang tungkol sa kanyang buhok.

Wala rin halos sa loob na sumakay sa stationary bike at nagsimulang tumipa.

Dapat ay nagpapahinga at nagre-relax na lang siya dahil kagagaling lamang sa opisina, kungsaan ang mga trabaho ay walang hinto at walang patid.

Ngunit dahil nga may ilang panahon na siyang nakikipagtunggali sa hungkag na pakiramdam, parang palagi siyang balisa. Parang palagi siyang ‘hyper’.

“You shouldn’t be sad and lonely, Eurice,” aniya sa sarili. Nakatitig sa kaharap na tinted glass window.

A, hanggang kailan ba siya magtitiis sa pag-iisa at katahimikan?

Dapat ay matagal na siyang nakalimot sa pagkabigong dinanas noon. Dapat ay may kasama man lang siya sa bahay. Pero ayaw niyang kumuha ng katulong. Dangkasi’y hindi niya magawang kalimutan ang kahapon…

Agad niyang sinupil ang paglutang ng mga pangit na alaala. Ipinilig niya nang malakas ang ulo at pinabilis ang pagtipa ng mga paa sa pedal.

At lalo pang pinabibilis habang tumatagal. Huminto lang siya nang hingal na hingal at pawis-pawisan na. Nangangatog na ang mga tuhod niya. Parang ubos na ang lakas niya, nang umibis mula sa stationary bike.

Ganito ang gusto niyang pakiramdam. Iyong patang-pata na ang buong katawan, para madali siyang makatulog sa gabi.

Ubos na rin ang mineral water, kaya bumalik siya sa kusina. Wala siyang ganang kumain ng hapunan. Paano’y hindi naman nagugutom kahit na hindi nakapananghali nang maayos dahil mayroong tinapos na rendering presentation.

Nag-init na lang siya ng gatas sa microwave oven. Habang naghihintay sa pagtunog ng timer, kumuha siya ng ilang pirasong malalaki at bilog na ubas mula sa chiller ng ref para papakin. Iyon na ang hapunan niya.

Mula sa bintana, natanaw ni Eurice ang paparating na takipsilim. Tila mas lalong bumigat ang katahimikan ng paligid. Palibhasa, makapal ang mga pader at bintanang salamin, hindi tumatagos sa loob ang ingay sa labas.

Tuloy, parang siya na lang ang natitirang tao sa mundo.

Kaya gayon na lang ang pagkagulantang niya nang biglang kumuriring ang telepono. Nakakatulig ang matinis na ingay niyon sa kulong na ispasyo ng modernong kusina.

Nakaupo siya sa stool ng contemporary-styled breakfast nook. Pero abot-kamay na ang wall extension telephone kaya dinukwang na lamang niya ang receiver.

Bahagyang kumunot ang noo ni Eurice. Bihirang mangyari ang may tumawag sa kanya.

Mas nais ng kanyang mga ka-pamilyang nasa probinsiya ang written communication. Regular silang nagsusulatan ng ina at ng mga kapatid. Maliban na lamang kung may emergency.

“Hello?” sambit niya matapos ilapit sa teynga ang awditibo.

“Hello, Rice. Si Nette ito,” anang boses ni Nanette, isa sa mga computer graphics artists nila. “Padating na kami d’yan. Nakabihis ka na ba?”

“Bakit — ?” taka niya.

“Imbitado tayo sa bahay ni Big Boss ngayong gabi, Rice,” sabad ng kausap. “‘Wag mong sabihing hindi mo na naman alam?”
“Teka, teka,” awat niya. “Ba’t ‘di ko alam ang tungkol d’yan?”

“Hindi ka ba nakatanggap ng invitation card?” salo nito.

“Meron.” Bigla niyang naalala ang mint green envelope na tinanggap nung isang araw, pero ni hindi nasilip ang laman hanggang ngayon. “A-ano raw ba ang okasyon?” May halong guilt na ang tono niya.

“Birthday ni Bosing Pete.”

“Naku, oo nga pala!” Napabulalas siya, sabay tutop ng bibig.

“Hay, naku! As usual, hindi mo na naman napansin ang excitement ng buong kumpanya kanina!”

“Sori talaga,” sambit niya. Bago pa lamang napapagtanto ang kakatwang atmospera kanina sa paligid ng opisina.

“P’ano ‘yan? Makakapagbihis ka ba nang mabilis?”

“Wala pa akong regalo kay Sir,” tugon niya.

“Naku, p’wede namang pahabol ‘yon. Atsaka, alam mo naman ‘yon, mas importante ang presence,” pakli ni Nanette. “‘Buti pala, naisipan kitang tawagan,” dagdag pa.

“Oo nga. Salamat.” Nirerekisa na ng utak niya ang mga laman ng kanyang wardrobe. Naghahanap na ng maisusuot na damit.

“Dadaanan ka pa ba namin?”

“Kung hindi makakaabala nang husto sa inyo.”

“Ilang oras ka bang magbihis?”

“Minuto lang,” agap ni Eurice. “Nasaan ba kayo ngayon?”

“Nasa bahay kami ni Betty. Dito sa Project 7. Paalis na kami ngayon.”

Maliksi niyang kinarkula ang distansiya. “Mga kalahating oras siguro, nandito na kayo. Nakahanda na ako, sure. Salamat uli.”

“Walang anuman. Siyanga pala, nakaligo at naka-make-up pa lang kaming lahat. Masikip kasi ang sasakyan. Baka magusot lang ang mga gowns namin. D’yan kami magbibihis, ha?”

“Sure.” Pumayag agad siya bilang dagdag-pasasalamat.

“Ay, salamat din!” Impit na napatili sa tuwa si Nanette. May nakisabay sa pagtili nito sa background.

“Ilan pala kayo d’yan?” Saka lang niya naalalang itanong.

“Labingwalo kaming lahat. Ang company van ang ipinahiram ng HRD sa amin, pero masikip pa rin.”

“Talagang masikip,” sang-ayon niya. “‘Di bale, sa kotse ko na lang sumakay ang iba.”

“Ay, am’bait-bait mo talaga!” tili na naman ni Nanette. “‘Yan nga sana ang isa pa naming hihilingin. Babay! Pupunta na kami d’yan!”

Napapailing si Eurice nang maputol ang linya. Pero napapangiti siya dahil tiyak na mabubulabog ang katahimikang bumabalot sa kanyang pamamahay.

Eksaktong tumindig siya mula sa stool, tumunog ang buzzer ng oven. Mainit na ang gatas niya.

Dinala niya ang baso sa kuwarto niya sa itaas, at hanggang sa banyo para nau-unti-unting inumin habang naghahanda ng mga isusuot.

Nag-shower siya nang maligamgam habang nagsasabon at nagsa-shampoo. Dahan-dahang pinalamig ang tubig nung nagbabanlaw na.

Inuna niya ang paglalagay ng make-up at ang pagbo-blow-dry ng buhok, bago isinuot ang classically-cut black evening dress. Isa iyon sa mga damit na binili nung magpunta sa Paris pero ngayon pa lamang maisusuot.

Ininspeksiyon niya ang kabuuan sa salamin. Bumaling-baling habang nakatitig sa sarili. Hindi kasi makapaniwalang mukhang normal pa din siya.

At tila napakayaman na.

Kumikislap ang mga alahas na suot niya. Tutoo ang mga nangingislap na diyamante at lantay ang nanginginang na ginto.

Malayung-malayo na ang nararating niya. Napapalibutan na siya ng yaman at rangya.

Nakaahon na siya mula sa pagiging tindera ng kape at tinapay sa bukid. Nakaangat na ang kabuhayan ng buong pamilya niya — nang dahil lang sa pagsisikap at sa pagka-malikhain ng kanyang utak.

Pero ang hindi yata kayang ibigay ng kanyang talento ay ang mailap na kaligayahan.

A, sadya yatang hindi marunong makuntento ang tao! Noong bata pa si Eurice, malimit niyang sabihin na magiging maligaya na siya kapag nagkaroon ng sariling bahay at lupa.

Ngunit ngayon ay mayroon na din siyang sariling sasakyan. Nagmamay-ari na nga rin ng ilang lupain sa kanilang probinsiya.

Naipagpatayo na rin niya ng sari-sariling bahay ang mga ka-pamilya. Nabigyan na rin ng sari-sariling sasakyan at negosyong sisinupin na lamang para pagkabuhayan.

Kung gugustuhin niya, puwede siyang maglabas-masok ng Pilipinas. O di kaya’y magtrabaho sa ibang bansa. Marami siyang natatanggap na mga offers mula sa mga foreign advertising firms.

Kaya lang, iba na ang hinahanap niya ngayon. Hindi niya namalayang nawala na sa top priority niya ang tungkol sa career. Mas gusto na niya ang magkaroon ng pamilyang bubuuin at aalagaan.

May matagpuan pa kaya siyang lalaking mamahalin–at magmamahal din sa kanya?

A, sana’y makatagpo pa siya ng pag-ibig! Malungkot ang nag-iisa at walang minamahal.

Hinipo ni Eurice ang isang pisngi habang nakatingin sa repleksiyon. Pati na ang noo at pagitan ng mga kilay. Wala pa namang malalalim na wrinkles at hindi pa naman luyloy ang balat niya. Wala pang bakas ang edad niyang treinta y tres.

Hindi pa naman siguro huli ang lahat…

“Maghanap-hanap ka na, Eurice,” utos niya sa sarili. “Baka tuluyan ka nang mahuli sa biyahe!”

Itinuwid niya nang husto ang mga balikat. Itinaas ang noo.

“Okey,” patuloy niya. “Simula sa gabing ito, wala na ang Eurice na introvert. Burado na ang lungkot ng kahapon. Ang bukas na lamang ang iintindihin!”

Sumaludo siya sa sarili bilang pagtanggap sa sinambit na hamon. Halos kasabay niyon ang sunud-sunod na pagbusina ng sasakyang huminto sa tapat ng townhouse.

Ngumiti muna siya nang buong tamis sa babaeng nasa salamin, bago dinampot ang evening bag na yari sa cultured black pearls.

“Go on, Eurice,” pagtataboy niya. Masigla at mapanghamon ang tono. “Find yourself a man!”

Parang isang malaking pamilya ang samahan ng mga empleyado sa malaking kumpanya ng PMS Advertising Company.

Palibhasa, isang matandang binata ang may-ari kaya naging parang mga anak na nito ang mga tauhan.

Kaya naman kapag sumasapit ang kaarawan nito, mistulang piyesta, pasko at reunion na pinagsama-sama ang nagiging okasyon. Ang mansiyon at ang malawak na bakuran ay palaging umaapaw sa dami ng mga panauhin. Halos walang lumiliban sa pagdalo.

Idagdag pa sa may limang daang empleyado ang mga kliyente — maging suki na o bago pa lamang. Marahil, aabot sa isang libo ang bilang ng mga bisita.

Ganito ang tradisyon na dinatnan ni Eurice, mula nang mamasukan bilang junior creative designer noon. May sampung taon na ang nakakaraan. Ngayon ay isa na siyang senior creative director.

Nagiging bulung-bulungan na nga ang tungkol sa promosyon na maaaring ibigay sa kanya anumang oras sa mga araw na darating.

Ang naisipan niyang dalhin bilang regalo sa CEO ay ang isang ethnic god mini-statue na isa sa mga biniling souvenirs sa Hawaii nung nagdaang buwan. Ipinadala siya ng kumpanya doon para dumalo sa isang International Convention for Responsible Advertisers.

“Good evening, Miss Eurice,” ang pormal na bati ng butler. Nakalahad na ang isang kamay na nakaguwantes ng puti para kunin ang kanyang black lace shawl.

“Good evening din, Mang Lino,” tugon niya. Nakangiti nang magiliw.

Parang namalikmata ang kaharap. “Este, tuloy kayo. ‘And’on sa sala sina Sir Pete.”

“Salamat.” Ngumiti uli siya bago nagpatuloy sa paglakad.

Naghahagikhikan ang mga kasunod niya, pero hindi niya alintana ang mga iyon. Nakahanda siyang magsaya ngayong gabi.

May kausap na isang matangkad na lalaki si Pedro Santino sa gawing dulo ng maluwang at pahabang ballroom. Bagama’t nakatalikod, masasabi agad na mas bata ito at mas matipuno.

“Ma’am?” Isang wine waiter ang dumaan sa tabi niya. Inaalok ang dalang tray na puno ng mga kopitang may champagne.

“Thank you,” sambit niya habang kumukuha ng isa. Tatanggi sana dahil hindi naman siya umiinom ng kahit na anong alkohol pero nagbago ng isip.

Naglakad-lakad siya sa palibot habang nagmamasid. Magarbo at mamahalin ang mga pagkain at dekorasyon. Kabigha-bighani ang higanteng champagne fountain.

Nagpalipat-lipat sa mga maliliit na grupo na may iba’t ibang paksa ng pinag-uusapan. Paano’y pulos mga kakilala ang lahat. Nakahalo na sa mga ito ang mga babaeng kasama ni Nanette sa kanyang townhouse kanina.

Anupa’t nakarating siya sa mahahabang buffet table, kungsaan nakatayo at nag-uusap pa rin nang masinsinan ang big boss at ang lalaking di niya kilala. Ito lamang yata ang estranghero doon.

Kunwa’y minamasdan niya ang mga bandehado ng sari-saring pica-pica at appetizers habang namimili ng ilalagay sa hawak na platito. Pero ang tutoo ay nakabukas ang kanyang radar at nakatutok sa dalawang lalaking nasa di-kalayuan.

“I still don’t think that it’d be a good idea.” Iyon ang narinig niyang sinabi ni Boss Pete.

Ang itinugon ng kausap nito ay mahina kaya di naintindihan.

Lumapit din sa buffet table si Nanette at ang ilang kasama, kaya naputol ang pagmamatyag at panunubok niya.

“Hello, Rice. ‘Kuha ka na ng lechon. May nagtatatadtad na d’on, o? Habang malutong ang balat,” alok nito.

Nakatawa siya nang umiling. “Busog pa ako, e,” aniya.

“Kuu, baka takot lang tumaba si Ma’am, ‘no?” pagbibiro naman ng isa sa mga typists.

“Imposibleng mangyari ‘yon, ano? An’tagal ko nang kakilala si Ma’am Rice, pero hindi ko pa siya nakitang tumaba!” bawi naman ng isa sa mga lay-out artists.

“Sayang nga lang ang body beautiful niya dahil wala pa ring boyfriend hanggang ngayon — ever!” sabad naman ng isa sa mga senior creative directors. Si Winnie Campo ay isang dalagang sing-edad niya pero may pagka-liberated.

Nginitian muna niya ito bago sumagot. “Wala pa ako sa mood, Win. E, ba’t ikaw — bakante ‘ata ngayon?” ganting-tudyo niya.

Humalakhak ito matapos mapamulagat sandali. Maging ang iba nilang kaharap ay tila nagitla din sa pagbabago ng seryosong karakter niya.

“Aba, nagising na ‘ata ang sleeping beauty ng PMS! Mukhang exciting ka na ngayon, a?” ang nakatawang puna nito. “I’m telling you, maraming matutuwa sa mga boys natin sa office!”

Tumawa si Eurice. “Sana nga, hindi pa ako huli sa biyahe!”

Hanggang ngayon ay lihim pa rin ang naging relasyon nila ni Alfie noon. Ang balak nga sana ay ipapaalam sa lahat ang tungkol sa kanila kapag ikakasal na sila. Pero hindi humantong sa ganoon ang mga pangyayari.

Kaya ngayon, kungsakaling may magustuhan uli siya — hindi na niya hihintaying mamutawi ang salitang ‘kasal’ sa bibig ng lalaking mamahalin…

“Saan ka ba nakaupo?” usisa ni Winnie. Pinutol ang paglalakbay ng diwa niya.

“Wala pa akong puwesto.”

“D’on ka na lang sa table namin, Rice,” agap ni Nanette.

“Okey,” pagpayag niya. “Mauna kayo, susundan ko kayo.” Dala pa rin niya ang kopita ng champagne. Isang simsim pa lang ang nababawas.

“Banda r’on kami sa may sidedoor na papunta sa hardin.”

“D’on din ako,” sabad na naman ni Winnie.

“Gan’on ba? Good. Mabibigyan mo ako ng mga pointers.”

“Talagang bibigyan kita. Pati ng mga bagong moves, ‘no?” Magkadikit silang naglalakad pero biglang nagkahiwalay dahil sa paghugos ng mga taong papunta sa lechon table.

“Sunod ka, ha?” pahabol nito bago napalayo nang husto.

Tumango na lang siya. Kapagkuwa’y hinanap ng tingin sina Nanette. Nagtaka siya dahil tila biglang nawala ang mga ito.

Gayunpaman, nagpatuloy siya sa paglalakad habang nakalinga sa dakong itinuro ni Nanette.

Dahil kalahati lang ang atensiyon sa kanyang paglalakad, hindi niya napunang may makakasalubong. Kaya hindi naiwasan ang magkabungguan sila.

“Ay!” bulalas niya, dahil sa pagkagitla. Natapon kasi ang champagne nang lumigwak ang kopita.

Bumuhos sa harapan ng bestida at tumagos agad sa balat ang pagkabasa. Muntik na rin niyang mabitawan ang platito kundi naagapan ng ibang kamay.

“Sorry, miss,” anang isang tinig-lalaki. Baritono iyon at medyo paos. Nagdulot agad ng kakaibang kilabot sa kabuuan ni Eurice.

Dali-dali niyang nilinga ang may-ari. Naramdaman niya ang pagsikdo ng dibdib, nang magtama ang kanilang mga mata.

Hindi maarok ang lalim ng karakter ng kaharap, pero parang nabighani pa rin siya. Hindi niya maialis ang tingin sa lalaki.

“N-nabasa ang damit.” Parang bigla siyang nalito. Wala siyang maisip sabihin.

“C’mon, sasamahan kita sa pagpapatuyo n’yan.” Hinawakan siya nito sa isang siko para alalayan sa paglakad patungo sa ibang direksiyon.

“T-teka, baka hanapin ako ng mga kasama ko.” Ngunit hindi siya narinig ng lalaki. Masikip at maingay na ang dagat ng mga tao na tinatawid nila.

Sa wakas, nakarating sila sa kabilang panig. Bahagya na siyang nakahinga dahil hindi na gaanong makapal ang tao.

Huminto ang lalaki kaya tumigil rin siya. Pero ilalapag lamang pala ang platito sa isa sa mga nakakalat na lamesita sa paligid at nagpatuloy uli sa paglakad. Hawak pa rin nito ang siko niya.

“Nabasa rin ng champagne,” ang maikling paliwanag nito.

“T-teka, saan ba tayo pupunta?”

“Kailangang patuyuin ang damit mo, hindi ba?”

“Oo, pero — ”

“We’ll go to a room where you can have some privacy,” pakli ng lalaki.

“Saan?”

Tinapunan siya ng mapanudyong sulyap. “Saan ba merong privacy?”

Hindi niya nagawang sumagot dahil huminto na naman sila. Sa tapat naman ng isang pinto. Walang gatol na itinulak iyon ng lalaki para buksan.

“Come in.”

Ilang na ilang si Eurice dahil kailanman ay hindi siya naging pamilyar sa pamamahay ng big boss, kahit na napakabait at napaka-welcoming nito.

“B-baka magalit si Sir Pete,” sambit niya pa gayong nakapasok na sa loob. Hinila kasi uli ang siko niya.

“Wala naman tayong gagawing masama,” salo ng lalaki. Bahagyang nakangiti. “Unless, may iba pang magagalit?”

“W-what — ?” Nalilito na talaga si Eurice. Natataranta siya dahil ngayon pa lang uli siya nakapagsolo sa harap ng isang lalaki.

“W-what do you mean?”

Dinampot muna ng estranghero ang isang tissue holder at iniabot sa kanya bago sumagot.

“May boyfriend ka na ba?” Pinrangka na siya ng kaharap habang nakatingin nang diretso sa kanya.

“Um, w-wala pa.” Lalong lumakas ang pagkabog ng dibdib niya. Hindi siya magkandatuto sa paghugot ng mga tissue papers. “Uh, i-ikaw?” tanong niya matapos lumunok.

“Boyfriend? Of course, wala.” May himig-pabiro ang tugon ng lalaki.

“I mean, girlfriends, oh! Um, girlfriend lang pala.” Nagkakandautal na siya.

Lumitaw ang mapuputing ngipin ng lalaki nang lumuwang ang ngiti nito.

“I used to have girlfriends. Pero nakakasawa rin palang maging playboy,” wika ng malalim na boses.

Mayabang sanang pakinggan ang mga pangungusap pero madaling paniwalaan dahil napakalakas ng magnetismo at karisma ng lalaking kaharap niya.

Matangkad, makisig, macho, at may matinding animal appeal. Hindi siya magugulat kung ito ay isang modelo.

“Kaya naghahanap na ako ngayon ng isang babaeng seseryosohin,” patuloy nito. Halos pabulong na.

Click here to READ MORE

Comments are closed.