Loving Someone Is Bitter-Sweet-1

Naomi was a young girl wanting to be set free from a small town when she met Brandon.

No one believed her seriously falling in love with a stranger but when desire exploded between them, they were suddenly married to each other.

At a young age, Naomi discovered loving someone was bitter-sweet. Especially when her new husband planned to abandon her right after the wedding!

Naniwala si Naomi na napakalaki marahil ng pagkakasalang nagawa kaya tinanggap niya ang naging kaparusahan. Ang mapawalay sa lalaking minahal at pinakasalan kapalit ng paglaya mula sa hungkag na buhay na kinabagutan.

Makalipas ang tatlong taon, tila naghilom na ang mga sugat sa kanyang puso. Handa na ulit siyang umibig sa ibang lalaki pero hindi pa pala siya malaya sa forced marriage na gumapos sa kanila…

Maalala pa kaya ng puso niya ang lalaking naging unang pag-ibig?

* * *

Pinipigil ni Naomi ang pag-iyak habang pinapanood sa pag-impake ng mga damit sa maleta ang bagong asawa.

Nakatutok ang buong konsentrasyon niya sa pagtatago ng mga emosyon kaya hindi niya namalayan ang sakit na idinudulot ng bumabaon na mga kuko sa mga palad niya.

“H-hindi na ba magbabago ang isip mo, Brando?” tanong niya.

Click Here – LADY ROMANTICA TABLE OF CONTENT

Paulit-ulit na magmula pa kaninang umaga, mula nang ipahayag ng lalaki ang tungkol sa plano nitong pagpunta sa ibang bansa para magtrabaho.

“Iiwan mo na talaga ako?”

Huminto si Brando sa ginagawa. Tila nag-iisip ng sasabihin sa kanya. Walang naisip marahil dahil nagpatuloy ito sa paglalagay ng mga panyo at medyas sa bukod na lalagyan.

“B-brando, ano ba ang nagawa kong kasalanan sa ‘yo?” Halos pahikbi na ang pagsasalita niya. Malapit nang mapatid ang pisi ng kontrol niya. “A-ano ba ang gusto mong gawin ko para — para huwag kang umalis?”

Umiling ang lalaki. Papiksi. Para bang may pinipigil na galit. Pero palagi namang ganito ang asawa.

Magmula nang ikasal sila, nawala na ang masuyong pakikitungo nito sa kanya.

At… ni minsan, hindi ito sumiping sa kanya.

“Ano na naman ba ang pumapasok sa kukote mo, Naomi?” asik nito. Padaskol na isinara ang zipper ng malaking maletang itim.

“Para sa kinabukasan natin ang gagawin kong pag-alis. Babalik din naman ako.”

Kahit na madiin ang pagsambit ni Brando sa salitang ‘babalik’, hindi pa rin naniniwala si Naomi.

Natanim na sa utak at kalooban niya na iiwanan at hihiwalayan na siya ng lalaking pinakasalan nung isang buwan lang.

Nuong isang buwan lang ba ang pinakamasayang araw ng buhay niya?

Ang akala niyang langit ay impiyerno pala.

O purgatoryo, dahil sa tahimik na paraan ng pagpaparusa ni Brando sa kanya.

Oo, inaamin na niya ngayon na may kasalanan siya sa lalaki. Pinikot lang niya ito. Pinilit at pinuwersa para pakasalan siya.

Ginawa niya iyon para makaalis sa mapaniil na kandili ng mga tiyahin niya. Pero bigo siya.

Ang inaasahan niyang pag-alis ni Brando para bumalik sa sarili nitong tahanan ay hindi nangyari.

Isang estranghero lamang ito na napadpad sa maliit na baryo nila na nasa pagitan ng dalawang bundok.

Batay sa maaayos na damit at kagamitang personal, hinulaan ng mga tagaroon na mayaman ang lalaki.

Kaya naman kahit na walang nakakaalam kung ano ang tunay na pagkatao ng dayuhan, nagpakitang-giliw si Naomi rito.

Ginawa niya ang lahat upang makuha ang pansin ng lalaki. Hanggang sa magkainteres na nga ito sa kanya. Naging magiliw na rin ito sa tuwing magkikita sila.

Lumaki ang tsansa ng tagumpay niya na masilo ng buung-buo ang lalaki nang madiskubre niyang pamangkin ito ng matandang pari sa kanilang baryo.

At lalo pa siyang nakampante dahil siguradong mabuting tao si Brando.

Dumalas nang dumalas ang pagkikita nila dahil natuklasan na rin niya ang mga lugar na malimit puntahan ng lalaki.

Palagi siyang tumatakas sa bahay upang magtungo sa gubat, sa batis, o di kaya’y sa talampas.

Bantad na siya sa mga sermon at mga pinong kurot ng tatlong tiyahin bilang parusa. Nakatuon na ang puso at isipan niya kay Brando Narvaez. Ito ang susi sa kanyang kalayaan.

Nang dumating ang pagkakataon, sinunggaban niya iyon ng dalawang kamay. Nagbingi-bingihan siya sa katwiran. Nagsinungaling rin siya. Nagkunwari.

Lahat ng paraan ay ginawa niya para mapaniwala ang lahat, lalung-lalo na ang butihing pari, sa kasinungalingan niya.

Ginamit niya ang luha at ang galing sa pag-arte upang maganap ang nais niya — ang makasal sila ni Brando.

Na nangyari naman. Ngunit hindi pala masarap ang lasa ng tagumpay. Unti-unti rin niyang napagtanto na mapait pala ang magmahal sa isang taong pagkasuklam ang nadarama sa kalooban.

Hindi nabawasan ang poot at pagkamuhing iniuukol ni Brando para kay Naomi. Nasusukat ang laki at lalim sa pagtanggi nitong gawing normal ang pagsasama nila bilang mag-asawa.

“K-kung talagang tutoo ang sinasabi mo,” hikbi niya, “sisipingan mo muna ako bago ka umalis.”

Maging siya ay nagulat rin sa kanyang sinabi. Gayundin si Brando.

Pero hindi na niya puwedeng bawiin ang nasabi na.

At wala siyang dapat ikahiya. Mag-asawa na sila ng lalaking ito, sa ayaw man nito at sa gusto.

Sinamantala niya ang pagkamangha ng lalaki. Kusang humakbang ang mga paa niya papalapit dito, habang ang kanyang mga daliri ay kinakalas ang mga butones ng suot niyang bestida.

Eksaktong nahubad iyon nang makalapit siya rito. Manipis at malinaw ang kamison na panloob. Mapanukso dahil hakab at aninag ang sariwang hubog ng kanyang katawan.

Lumakas ang loob niya nang makitang nakatitig ang lalaki sa kanyang harapan. Nabighani na ng namumurok na mga korona ng kanyang dibdib.

“Huminahon ka, Naomi. Hindi mo alam ang sinasabi mo,” bawi nito. Matigas pero paos na paos ang tinig.

Kaya hindi natigatig si Naomi. Lalong nabuo ang tiwala niya sa sarili. Ipinagpatuloy niya ang pang-aakit sa asawa.

“A-alam ko kung ano ang ginagawa ko, Brando,” bulong niya.

Hinihila na ng mga daliri ang mga tirante upang dumausdos pababa sa mga braso.

“Bigyan mo ako ng kasiguruhan — na babalik ka, Brando,” giit niya.

Umiling ang lalaki. Maiksi at papiksi, pero hindi pa rin maialis ang tingin sa kanya. Para bang namagneto na ang mga mata.

“Naomi…”

LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET-2

Comments are closed.