Loving Someone Is Bitter-Sweet-11

Pinilit ilinga ni Naomi ang ulo sa labas ng sasakyan.

May mangilan-ngilang tao sa di-kalayuan. Hindi man tiyak na natatanaw sila ng mga ito, muli na namang umalon ang lamig ng humiliyasyon sa kanyang kalooban.

Ibig na niyang matunaw sa sobrang kahihiyan na nadarama. Isang munting himala na ang naganap nang manatili siyang buo at nakakakilos pa, sa kabila ng matinding pangangatal.

Nanumbalik ang kaayusan sa tulong ng lalaki. Gamit ang sariling panyo, binura nito ang kumalat na kolorete sa mga labi at mga mata niya.

Pati ang luha na bumasa sa mga pisngi niya ay pinahid rin nito. Nang matapos, nagkatitigan sila nang matagal.

Si Brando ang unang nagsalita. Nagtaas-baba pa muna ang munting buto na nasa lalamunan. Para bang may nilunok munang tensiyon.

“Inosente ka na namang tingnan,” sambit nito, halos pabulong. Wala na ang galit.

“Pero mapanganib ka pa rin — dahil natikman ko na kung gaano katamis ang iyong mga halik.”

[Want to read the Start of Stories Online titled – LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET…? Click Here!]

Napakurap si Naomi. Nagdulot ng kakatwang kilabot ang pahayag ng lalaki.

Ngunit hindi likha ng takot, bagkus ng kakaibang kasiyahan pa.

Nang mga sandaling iyon, naramdaman niya ang kapangyarihan ng isang Eba na may kakayahang mang-akit ng isang Adan.

Hindi siya tuminag nang hipuin ng isang hintuturo ni Brando ang kanyang bibig. Sinundan niyon ang makipot na hubog habang pinapanood ng mga matang enigmatiko.

“Pero kung inaakala mong nahulog na ako sa panunukso mo, nagkakamali ka, Naomi,” ang matigas na wika nito.

“Hindi pa rin nagbabago ang mga plano ko. Malapit nang maghiwalay ang mga landas natin,” dugtong pa. Pinal na ang tono.

Dagling nanlamig ang kalooban ni Naomi sa narinig. Para siyang inilubog sa nagyeyelong tubig.

“Wala ka bang masasabi?”

Umiling siya. Yumuko na lang at pinanood ang pagbubuhul-buhol ng mga daliri niya sa ibabaw ng kandungan.

Naghari ang saglit na katahimikan. Para bang hinihintay pa ni Brando ang iba pa niyang reaksiyon.

Nang manatili siyang walang imik at nakayuko lang, pinaandar na ng lalaki ang makina ng kotse.

Maya-maya pa, umuusad na sila palabas ng maluwang na kalsada.

Humalo na sila sa iba pang mga behikulo na may iba’t ibang hugis at laki.

Wala nang nadaramang interes si Naomi habang sinusundan ng tingin ang mga iyon.

Wala na ang kasiyahang dulot ng mga bagong bagay na nakikita at nararanasan.

Tanging ang sugat sa kalooban niya na patuloy sa pag-antak ang sentro ng kanyang kamalayan.

Masakit ang katotohanang ipinamukha sa kanya ng lalaki.

Niloloko niya ang kanyang sarili kung hindi niya aamining umasa siyang napaibig na sa kanya si Brando.

A, tila napaka-imposibleng mangyari ang nais niyang iyon!

Hanggang sa makabalik sila sa mansiyon, wala pa ring umiimik sa kanilang dalawa.

“Gusto mo na sigurong umuwi?” tanong ng lalaki, matapos huminto sa loob ng garahe.

Naunawaan agad niya ang ibig nitong sabihin. Umiling siya. Walang gatol ngunit may mapait na ngiti sa bibig.

“Wala ring nabago sa plano ko, Brando,” ang matatag na pahayag niya. “Tatapusin ko ang kasunduan natin para makuha ko ang — ”

“Ang gantimpalang ipinangako ko,” pakli ni Brando. “I should’ve known,” dagdag pa. Mapait na rin ang ngiti.

Tumango siya. Naubos na ang pakunwaring kalma na naipakita niya.

Kaya hindi na siya nagsalita. Ibinaling na lang ang mukha upang hindi makita ng lalaki ang pamamasa ng kanyang mga mata.

Sa tagpong iyon dumating ang kaligtasan. Tatlong unipormadong katulong ang natanaw niyang papalapit sa kanila. Dali-daling pinahid ng mga daliri niya ang mga luhang nakahulagpos at gumulong sa mga pisngi.

Naulinigan niya ang malakas na pagtikhim ng lalaki sa likuran niya ngunit hindi na siya natuksong luminga rito.

“Maaari ka ng bumaba. Ako na ang bahala sa mga pinamili,” wika nito. Matigas pa rin ang tono.

Ni hindi niya nagawang magpasalamat dahil sa pagdudumaling makalayo.

Isang importanteng panauhin ang naging kasalo nila sa unang pormal na hapunan ni Naomi sa magarang bahay ni Brando.

Nanghula lamang siya sa naunang impresyon dahil sa naramdamang tensiyon mula sa sopistikadang madrasta ng lalaki.

Pinili ni Diday ang isang itim na bestidong seda para ipasuot sa kanya.

Napag-utusan ito ni Brando na bihisan at ayusan siya para makasalo sa hapunan.

Ito rin ang nagtirintas sa mahabang buhok niya bago ipinusod sa gawing ituktok ng kanyang ulo. Ang naging resulta ay minasdan niya ng may halong sinismo.

Kumpara kay Senyora Marietta, wala siya sa kalingkingan ng angking kagandahan nito. Para lang siyang bata na nagpupumilit na magdalaga na agad.

Ngunit wala siyang isinatinig na anuman upang huwag masaktan ang damdamin ng nag-asikaso sa kanya.

“Ang ganda-ganda mo, Naomi,” papuri ni Diday. Puno ng sinseryong paghanga sa boses.

“Tiyak na lalo pang mai-in love sa ‘yo si Senyorito Brando!”

Umasim ang kalooban ni Naomi sa huling pahayag ni Diday. Pero isang pilit na ngiti lang ang itinugon niya.

Dinampot niya ang balabal na yari sa lace upang isampay sa mga balikat para ikubli ang hubad na likod at beywang.

Nilagyan niya ng brooche na anyong orchid sa pinagdugtong na dulo ng shawl para hindi makalas sa maluwang na pagkakabuhol.

Nakaramdam uli siya ng pag-aalangan nang nakatayo na. Sinipat na naman ang repleksiyon sa salamin ng tokador.

“Uh, a-ayos na ba talaga ang hitsura ko, Diday?” tanong niya, bago napigilan ang sarili.

Kinilig muna ang tinanong niya bago tumugon.

“Hay, naku! Ayos na ayos na! Tiyak na mamamatay na sa inggit si Senyora Marietta.” Nasa mapaklang tono ni Diday ang malaking pagkadisgusto sa madrasta ni Brando.

Gusto pa sana niyang magtanong ngunit nagpigil siya nang husto.

Mas maiging kaunti lamang ang nalalaman niya para hindi siya mahirapang makalimot sa sandaling lisanin ang bahay na ito.

Sa malas naman, tila nagkatutoo ang sinabi ni Diday. Pulos matatalim na irap ang tinamo niya mula sa senyora magmula nang mamataan siyang papasok sa pinto ng kumedor.

Lalo na nang tumindig si Brando mula sa uluhang silya upang salubungin siya.

Umiwas siyang tumingin sa lalaki kahit na ramdam na ramdam niyang nakatutok sa kanya ang mga matang malalim.

Itinuon niya ang pansin sa may edad na lalaking nakatindig sa tabi ng mahabang lamesa. Nakatingin rin ito sa kanya, tulad nina Brando at Marietta.

Ang tanging kaibahan ay ang ngiti nitong tigib sa pakikipagkaibigan.

Agad na gumaan ang loob ni Naomi sa naturang lalaki. Ngumiti rin siya rito nang di namamalayan.

Bagay na tila ikinayamot ni Brando.

LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET-12

Comments are closed.