Loving Someone Is Bitter-Sweet-12

Napilitang tumingin si Naomi kay Brando nang makaramdam ng sakit sa isang braso na hawak nito.

Paano’y humigpit na ang pagkakapulupot ng mga maskulinong daliri sa kanyang siko.

“Siya si Attorney Merced,” pahayag ni Brando. Neutral ang tono.

“Hindi lang siya abugado,” sabad ni Marietta. “Siya rin ang huwes na magbababa ng hatol sa amin ni Bimbo.”

Bumadha ang aprehensiyon sa maamong mukha ni Naomi. Hindi niya alam na nagsusumamo na ang ekspresyon niya nang bumaling kay Brando.

Umiwas ng tingin ang lalaki bago nagsalita.

“Kumain muna tayo bago ang lahat,” wika nito habang inaalalayan siya sa pag-upo sa silyang hinila ng abugado para sa kanya.

Katapat niya ang madrasta na nasa kabilang panig ng hapag-kainan. Nasa gitna siya ng dalawang lalaki.

Halatang silang tatlo ay sakmal ng tensiyon. Tanging si Attorney Merced lamang ang nananatiling kalmado at mahinahon.

Bagama’t seryoso ang tono kapag may sinasabi kina Brando at Marietta, palagi itong nakangiti kapag sa kanya na nakikipag-usap.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET…? Click Here!]

Gayunpaman, nanatili ang paninikip ng dibdib niya. Hindi niya maiwaksi ang pagkasabik na malaman na ang balitang taglay ng abugado.

Malaki ang nagiging epekto niyon sa kanyang kinabukasan.

Sa wakas, natapos na ang tila napakahabang hapunan. Inihudyat iyon ng pagdating ng trolley na may iba’t ibang klase ng minatamis.

“Kape lang ang sa akin, Brando,” wika ni Attorney Merced. “At pihong matutuwa si Marietta, dahil kanina pa siya naghihintay.”

Tutoong inip na inip na ang nakatatandang babae.

“No thanks to you, Attorney,” ang patuyang wika nito. “Shall we go to the library now?”

Kasabay ng tanong na iyon ang isang matalim na irap sa dako ni Naomi. Maliwanag na hindi siya kasama sa imbitasyon nito.

Sumulyap siya kay Brando. Bahagya itong umiling. Naintindihan niyang hindi ito pumayag na maitsa-puwera siya kahit na blangko pa rin ang mukha.

Tumawa ang abugado, bilang tugon sa panunuya ng biyuda. Lumapit ito sa huli upang alalayan sa paglakad patungo sa silid-aklatan.

Napukaw ang interes ni Naomi nang malaman ang tungkol sa naturang silid.

Naalala kasi niya ang mga araw ng impormal na pag-aaral niya sa ilalim ng pagtuturo ni Tiya Consuelo. Dati siyang masigasig na estudyante noon.

Nasira ang konsentrasyon niya nang alihan ng matinding pagkabagot sa simpleng pamumuhay sa munting baryo.

Noon nagsimula ang matinding pagnanais niya na makaalis at makapaglakbay…

Katulad ng inaasahan niya, mas malaki at mas maraming libro ang library ng mansiyon.

Kung magtatagal pa siya sa bahay na ito, siguradong dito ang magiging paborito niyang lugar.

Tumikhim si Brando upang kunin ang pansin ng abugado. Abala na ito sa pakikipag-usap sa madrasta.

At marahil ay nagseselos ang lalaki. Haka-haka lamang niya iyon pero posible dahil sa nasaksihan niyang tagpo sa kusina kahapon.

A, kahapon nga lang ba talaga siya dumating dito?

Maliksing iniwanan ng may edad na lalaki ang biyuda upang buksan ang dala-dalang porfolio. Habang kumakain, nakalagay iyon sa katabing silya nito.

“Katulad nga ng sinabi ko sa telepono kanina, natanggap ko na ang mga ulat ng mga detektib na inupahan ko para sa ikalilinaw ng kaso ninyo, Brando, Senyora Marietta,” wika nito, bilang pa-umpisa.

Iniupo siya ni Brando sa dulong bahagi ng mahabang sopa.

Epektibong naihiwalay siya sa pag-uusap na magaganap. Puwede siyang makinig pero hindi maaaring makisali.

“Basahin n’yo,” imbita ng attorney habang inaabutan ng tig-isang puting folder ang dalawang kaharap.

“Pagkatapos, saka ko babasahin ang sulat ni Senyor Bernardo para sa inyong dalawa.”

Naunang matapos si Brando, pero nanatili itong tahimik. Nakakubli ang lahat ng iniisip sa ilalim ng mahahaba at makakapal na pilikmata.

Si Marietta naman ay ilang beses pang umulit sa pagbasa sa mga pahina bago iwinaras sa hangin ang malulutong na papeles. Namumula ito sa galit nang ibaling ang tingin sa dalawang lalaki.

“Ano’ng ibig sabihin ng mga ‘yan?” pang-uusig nito. “Pinagkaisahan n’yo ako!”

“Huwag mo sanang pasamain nang husto ang loob mo, Marietta,” paalala ng abugado. Nang-aalo ang tono.

“Alam mong lilitaw at lilitaw ang katotohanan kahit na itago pa nang husto. Nasa bahay ko ang tunay na ina ni Bimbo. Kung nais mo, ipasusundo ko na rin ang tunay na ama ng bata. Of course, may karapatan kang umapela. Puwede kang magharap ng reklamo laban sa amin ni Brando dahil marami kaming nilabag na regulasyon ng kagandahang-asal sa paghahanap namin sa katotohanan. Pero kung ako sa ‘yo, hindi ko na babawasan ang perang ipinamana ni Senyor Bernardo — sa kabila ng panloloko mo.”

Mahusay na nailiko ng mahabang paliwanag ng abugado ang direksiyon ng usapan sa pinakamahalagang parte para kay Marietta.

“M-may mamanahin pa rin ako?” Tila hindi makapaniwala ang biyuda.

At tila hindi na nito napansin na isang pag-amin na ang ginawa nitong pagwawalambahala sa naunang suhestiyon ng abugado.

“Para maniwala ka, bubuksan ko na ang sulat ng senyor.” Buong ingat na pinilas ng abugado ang selyadong sobre. Tumingin muna ito sa dalawang kaharap bago nag-umpisa sa pagbasa.

“Para kay Marietta at para sa mahal kong anak. Uunahin ko ang aking asawa. Para pagkatapos, makakaalis na siya sa paghaharap na ito.”

Hindi man nabanggit ang pangalan niya, alam ni Naomi na sabay silang lalabas ni Marietta sa pintuan.

At kung tatanungin siya ng sinuman sa tatlo, nais na niyang maunang umalis.

Ngunit wala ni isa man sa mga ito ang nagtapon ng atensiyon sa kanya.

“Alam kong pera lang ang dahilan ng pagpapakasal mo sa akin, Marietta. Kaya naman naglaan na ako ng para sa ‘yo mula noon. Ngunit ang ginawa mong panloloko upang mapasama sa paningin ko ang aking anak ay hindi ko mapapatawad. Lalo na nang iyon pa ang maging dahilan ng paglayo niya sa akin. Bilang parusa, ang manang tatanggapin mo ay binabawi ko. Gayunpaman, may tatanggapin ka pa rin. Kabayaran sa mga taon ng pagpupunyagi mong mapatotohanan ang iyong kasinungalingan. Sana ay gamitin mo ang kalahating milyon para sa ikabubuti ng iyong sariling buhay. Madadala mo rin ang mga alahas at mga damit na binili ko para sa ‘yo. Pati na ang sportscar. Maliban sa mga nabanggit, wala kang ibang pag-aari sa bahay na ito at sa mga kumpanya ng pamilya ko. Sa ngalan ng batas, iniuutos ko na lisanin mo ang mansiyon sa loob ng isang oras lang. Walang labis, walang kulang.”

LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET-13

Comments are closed.