Loving Someone Is Bitter-Sweet-13

“Traydor!” bulalas ng biyuda habang padaskol na tumatayo.

Ibinalibag nito ang throw pillow na nasa sopa. “Traydor ka talaga, Bernardo!”

Tumitili pa rin sa galit si Marietta habang papalabas ng pintuan. Ni hindi na nagpaalam sa mga kaharap.

Si Naomi naman ay napatindig rin, tulak ng pagkabigla at pagkalito.

“Huwag kang umalis, Naomi,” pigil ni Brando nang akmang lalakad na rin siya patungo sa pinto. “May dapat din tayong tapusin.”

Parang sinampal ang pakiramdam niya. Dagli siyang nakaramdam ng panlalamig at panghihina.

Kusang tumiklop ang mga tuhod niya kaya muli siyang napaupo sa malapad na sopa.

Iniabot ng abugado sa lalaki ang hawak na papel.

“Ikaw na ang magbasa, Brando. Isinulat ‘yan ng iyong ama para sa ‘yo lang.” Ngumiti ito sa kanya habang tumitindig upang lumipat sa kanyang tabi.

“Ngayong tapos na ang mga obligasyon ko, puwede na tayong magkausap nang husto, magandang binibini,” ang nakangiting pahayag.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET…? Click Here!]

Napamaang si Naomi. Bumuka ang bibig niya upang sabihin na hindi na siya ‘binibini’ ngunit naalala niyang hindi nga pala siya ipinakilalang asawa ni Brando sa bisita.

Tumikom uli ang mga labi niya at nagpumilit na ngumiti.

“Maari bang tawagin na lang kitang ‘Naomi’?”

“Er, o-opo.”

“Kuu, napakatanda ko na ba talaga para igalang mo ng husto?”

“Er, h-hindi po.”

“Kung gayon, tawagin mo na lang akong ‘Juan’. Puwede kaya?”

Napalunok si Naomi nang mapasulyap sa gawi ni Brando. Naniningkit ang mga mata nito.

“Uh, ka-pangalan n’yo po pala ang nasirang lolo ko,” pagtatapat niya. Kusa lang lumabas sa bibig ang mga salita.

Nagkamot ng kumikintab na bumbunan ang kausap. Napapailing na para bang napapahiya pero nakatawa pa rin.

“Dapat pala ay ‘John’ ang sinabi kong pangalan ko, ano?” anito. “Hindi bale, gusto ko pa ring makipagkaibigan sa ‘yo, Naomi.”

Muling sumulyap nang panakaw si Naomi sa kinaroroonan ng lalaki.

Agad ring binawi ang tingin dahil nakatitig ito sa kanya. May piping mensahe sa mga mata nito ngunit hindi niya maunawaan.

Isa lang uling pilit na ngiti ang itinugon niya. Hindi na siya nagsalita pa upang hindi na humaba ang usapan.

Tila nakahalata naman ang bohemyong abugado. Bumaling ito sa gawi ni Brando.

“Tapos ka na ba?” tanong nito sa lalaki nang makitang nakamasid sa gawi nila.

“Kailangan mong pirmahan ang ilang papeles, bilang patunay na nabasa mo na ang nilalaman ng liham ni Senyor Narvaez. Siyanga pala, dala ko rin ang mga papeles na ipinadala mo sa fax machine kaninang tanghali. Ipinamadali ko sa aking sekretarya ang pagpapagawa. Paki-tingnan mo na lang kung may mga mali.”

“May ibinilin rin akong mga blank forms ng annulment of marriage,” palala ni Brando. “Nagdala ka ba?”

Habang nakikinig, nag-aapuhap ng kontrol sa sarili si Naomi. Iniipon niya iyon upang manatili siyang kalmado.

Napagtanto rin niya na naging lubhang abala si Brando habang kung anu-ano ang ginagawa ni Alfie sa buhok at balat niya.

Masakit isiping naihanda na ng lalaki ang pagpapawalang-bisa sa kasal nila bago nito ipinalasap sa kanya ang tamis at alab ng unang halik!

“Of course,” ang sagot ng bibong abugado. Sa pagiging kwela nito, ang tunay na edad nito ay naging napakahirap hulaan.

At lihim siyang nagpapasalamat dahil ang magaan at masiglang tono ni Attorney Merced ay nakakapagbigay ng dagdag na lakas ng loob sa kanya.

“Ngayon mo na ba papipirmahin si Marietta? Ipatatawag ko na ba siya sa katulong?”

Nakita niyang saglit na napamaang si Brando bago naunawaan ang ibig sabihin ng kausap.

“Hindi si Marietta ang nakasal sa akin — si Naomi.”

Ang abugado naman ang napamaang. Napatitig pa muna ito kay Naomi. Para bang hindi makapaniwala.

“Ang ibig mong sabihin — ?” Agad nitong binawi ang sarili mula sa kalituhan.

“Never mind. Nagmamadali ka ba? I mean — kahit ba nakasulat-kamay lang?”

“Ngayong natapos na ang pagbasa sa huling testamento ni Papa, wala nang silbi ang kasal namin ni Naomi.” Walang gatol ang pagtango ni Brando. “Mahalagang mawalan na agad ng bisa ang kasal.” Pinal na ang tono.

“Sa anong dahilan?”

“Non-consummation.”

Naintindihan ni Naomi ang katagang iyon kahit na hindi pa siya nakakatuntong sa isang pormal na eskuwelahan.

Ngunit hindi siya nagpahalata. Nagkunwari na lang siyang ignorante upang maibsan ng kaunti ang sakit at pagkapahiyang dinaranas.

“Uh, kailangan ng medical certificate para diyan, Brando.” Tila ang abugado man ay napahiya rin.

“Magpapatawag ako ng gynecologist bukas.” Maagap ang tugon ng lalaki.

“Er, Naomi, sang-ayon ka ba?” Tinanong siya ng abogado bilang pormalidad na lang. Kapuna-puna ang pagkailang nito sa kanya.

Wala na ang tinig ni Naomi kaya tumango na lang siya ng isa.

“Buweno, dito ka pumirma. Buong pangalan, ha? Apelyido mo nung dalaga ang gagamitin.”

Tumalima siya. Nagtaka pa nga dahil hindi niya nabitawan ang bolpen. Basta pumirma lang siya nang pumirma kung saan ituro ng abugado.

Umiling lang siya nang ipaalalang dapat muna niyang basahin ang nilalaman ng mga pahina.

“Narito ang tseke.” May inilapag na isang mahaba at malutong na kapirasong papel si Brando sa lamesitang nasa harapan niya.

“Ang gantimpala mo, ang pasasalamat ko,” dugtong pa, sa blangkong tono.

Iyon lang ang tanging natandaan niya bago pumanaw ang kanyang ulirat.

Naramdaman pa ni Naomi nang palugmok siyang sumubsob sa malambot na alpombrang nakalatag sa sahig.

Makalipas ang mahigit tatlong taon…

Ang napakasakit na tagpong iyon ay unti-unting naitulak sa pinakalikod ng alaala ni Naomi.

Paminsan-minsan na lamang kung gawing bangungot ang kanyang mga panaginip.

Kaya alam niyang paparating na ang araw ng tuluyang paglaya.

Malapit na niyang makalimutan ang pangit na kabanatang iyon sa kanyang buhay.

Sana lang ay makalimot na rin ang kanyang puso…

Naputol ang pagmumuni-muni ni Naomi nang marinig ang ugong ng paparating na sasakyan.

Nahulaan niya agad ang identidad ng bagong dating. Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa malapad na pasamano ng bintana upang salubungin ang mga ito.

Nakasalubong niya si Tiya Resti sa koridor. Galing ito sa kusina at kasalukuyang naghuhubad ng almirado at putim-puting apron. Kasunuran si Tiya Conching.

“Maaga siguro ang flight nila,” wika ng panganay sa dalawa, si Tiya Resti. “Hindi pa luto ang leche flan. ‘Yon pa naman ang paborito ni Juan.”

“Minatamis naman ‘yon, Ate. Puwedeng mahuli,” pang-aalo naman ni Tiya Conching. “Atsaka, pihong may pasalubong silang minatamis na imported.”

“Tsokolate na naman ang nasa isip mo,” panenermon ng una. “Masama ‘yon sa ngipin.”

“Sus! Para naman akong bata kung pagsabihan mo,” reklamo ng huli.

LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET-14

Comments are closed.