Loving Someone Is Bitter-Sweet-14

“O, e, talaga naman. Daig mo pa nga ang talagang bata, a?” salo ni Tiya Resti.

Ang tinutukoy ay si Naomi pero nagbingi-bingihan siya. Binilisan niya ang paglakad para madaling makalapit sa pintuan.

Mula sa perang tinanggap bilang gantimpala, nagpatayo siya ng maliit na bungalow at isang mini-mart sa corner lot ng isang subdibisyon na nasa gawing Parañaque.

Pero bago ang mga iyon, umuwi muna siya sa probinsiya upang mag-isip.

Nang makalipas na ang sama ng loob niya, nagpasya siyang lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang sinimulang pakikipagsapalaran.

Ang naging daan upang maisakatuparan ang mga pagbabagong ninais niya ay si Attorney Juan Merced.

Nung magkamalay-tao siya, ito ang dinatnan niyang nakabantay sa kanya. Nagpahayag ito ng buong simpatiya sa kalagayan niya at nag-alok ng tulong.

Binigyan pa nga siya ng calling card kahit na tumanggi siya.

“Hindi kita pipilitin, Naomi. Basta ipangako mo lang na huwag mo akong kalilimutan,” wika pa nito habang tinatapik-tapik ang isang kamay niya. Wala nang bakas ng bohemyo sa mapang-unawang ekspresyon nito.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET…? Click Here!]

“At sana ay pumayag kang sumama ako sa paghahatid sa ‘yo sa inyong baryo,” hiling pa nito.

“Sa maikling panahon na nakilala kita, naging magaan na agad ang kalooban ko sa ‘yo.”

Manhid pa siya noon. Pumayag siya nang di nag-iisip. Mabuti na lang pala, dahil ni hindi siya inihatid ni Brando sa sasakyan na magsasauli sa kanya sa pinagmulan niya.

Parang lalo siyang nawala sa kanyang sarili. Nagmistulang yagit na tinatangay ng hangin sa iba-ibang direksiyon.

Ang may edad na abugado ang nagsilbing giya niya tungo sa bagong bukas.

Pati nga ang buhay ng kanyang mga tiyahin ay nabago rin nito.

Unang-una na ang kay Tiya Norlita. Nagkagustuhan agad ang dalawa, sa unang pagkikita pa lamang.

Palibhasa parehong tumandang binata at dalaga at kapwa mahilig sa masasarap na pagkain, agad na nagkasundong magpakasal ang tiyahin ni Naomi at ang butihing abugado.

“Wala ng dahilan para maghintay kami. Hindi na kami mga bata,” katwiran ni Attorney Merced.

Sa kasalukuyan, ang mag-asawa ay umuwi mula sa maikling bakasyon sa Hongkong.

Kahit na naging madalian ang ligawan, pamanhikan at kasalan, wala namang pagsisisi sa naging desisyon si Tiya Nora.

Maligayang-maligaya ito sa piling ng asawang abugado.

Maging ang dalawa pang tiyahin ay masaya at kuntento na rin sa pamumuhay sa lungsod. Kaya naman nararapat lang na siya man ay malapit na rin sa gayong estado…

Sa isang taon, graduating na siya. Kursong Business Management ang pinili niyang kunin sa kolehiyo, sa suhestiyon na rin ni Attorney Merced.

Ito rin ang pumili ng eskwelahan na papasukan niya, matapos siyang makapasa sa maraming pagsusulit na ipinakuha sa kanya nito.

Si Darwin Sandoval ay kaklase niya mula sa unang taon. Mula noon, naging masugid na manliligaw na ito.

Nung una ay hindi niya siniseryoso dahil mahapdi pa ang mga sugat na idinulot ng isang mapait na pag-ibig.

Ngunit nitong huli, nagkakaroon na siya ng positibong pananaw. Sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa personal niyang buhay.

Marahil, iyon na ang hudyat na malapit na siyang makalimot sa pangit na nakaraan.

Siyempre, nakatulong ang kawalan ng balitang naririnig tungkol sa unang lalaking kinahumalingan.

Mula nang ihatid siya ng abugado sa baryo, hindi na nito binanggit ni minsan ang pangalan ni Brando.

Gayundin ang mga tiyahin niya. Siguro’y pinag-uusapan ng mga ito ang mga nangyari kapag hindi siya nakaharap pero mas gusto niya ang ganito.

Nang sa gayon kasi, hindi na niya kailangang magkunwari ng kalma at kawalan ng pakialam gayong nagdurugo ang kanyang kalooban.

Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa niya narinig na sinambit ng sinuman sa tatlong tiyahin at bagong tiyuhin ang pangalan ng naturang lalaki.

At iyon ay lihim niyang ipinagpapasalamat dahil nakatulong ang katahimikan sa mabilis na paghilom ng mga pinsala sa puso niya.

Umaasa siyang may sisibol na bagong pag-ibig, sa lalong madaling panahon.

Nararamdaman na niya ang unti-unting pagkahulog ng loob niya kay Darwin Sandoval.

Gusto niya ang ideya na balang araw ay magiging mag-asawa sila at magiging magkatuwang sa pagbuo ng pamilya.

“Kumusta, Naomi?” bati ni Tiya Norlita habang hinahagkan siya sa magkabilang pisngi.

Tamang-tama na nagbalik ang kanyang isipan mula sa paglalakbay sa kahapon nang makarating siya sa pintuan.

Nakaibis na mula sa kotse ang tiyahin at papapasok na sa bungalow nang magkasalubong sila.

“Mano po, Tiya.” Yumuko siya upang humalik sa kamay ng nakatatanda. “Mano po, Tiyo.” Gayundin ang paggalang na ibinigay niya sa abugado.

“Kaawaan ka ng Diyos,” ang panabay na tugon ng mag-asawa. “Sina Ate?” tanong ng babae.

“Kasunod ko na po,” tugon niya.

“Siguradong nag-aabala na naman ng husto ang mga iyon sa paghahanda ng kung anu-anong pagkain,” panghuhula ng lalaki.

“Kuu, alam n’yo namang hilig namin ang magluto,” sabad ni Tiya Restituta. Malapit na ito kaya narinig ang sinabi ng bayaw.

“Kumusta ang biyahe n’yo?”

Humabol sa pagsalubong si Tiya Consuelo. Kinuha nito ang plastic bag na iniaabot ng kapatid na bagong dating matapos humalik sa pisngi ng huli.

“Mabuti’t nakarating kayo sa oras.”

“Maayos naman kasi ang panahon, kaya walang naging delay sa flight schedule,” sagot ni Norlita.

“Halinakayo sa kumedor,” aya naman ni Restituta. “Nakahain na ang mesa. Baka lumamig ang pagkain. Mga bagong luto pa naman.”

“Hindi na sana kayo nag-abala pa, Ate,” bawi ni Attorney Merced. “Napapagod lang kayo palagi, e.”

“Walang anuman ang pagod kung makakapagdulot naman ng kasiyahan. Natutuwa kaming makita si Nora na masaya at walang problema, Juan,” pahayag ng panganay.

“Ang pagluluto namin ng mga paborito mo ay bilang pasasalamat sa pagmamahal na ipinakita mo sa kanya.”

“Naku, si Ate naman,” awat ni Norlita bagama’t medyo gumagaralgal ang tinig. “Tila nagiging ma-drama ka na ngayon, a?”

“Hus, masama bang magpakita ng kasiyahan? Tutoo naman na malaki ang utang nating lahat kay Juan, a?”

“Oo nga naman,” segunda ni Consuelo.

Tumango rin siya.

Maagap na nagsalita ang abugado.

“Walang utang na loob na dapat tanawin ang sinuman sa inyo,” pakli nito. “Ang lahat ay ginawa ko para makatulong pero wala akong hinihintay na kapalit.”

“Alam namin, Juan.” Si Restituta na naman ang naunang sumagot.”

“Ang sa amin ay pagpapakita lang ng pagpapahalaga sa ‘yo.”

LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET-15

Comments are closed.