Loving Someone Is Bitter-Sweet-15

“Kung gayon, natutuwa ako. Ngayon, puwede na ba tayong kumain?”

Masaya ang pananghalian na pinagsaluhan nilang lima. Nagkaroon ng mahabang kuwentuhan pagkatapos. Tungkol sa maraming bagay, lalo na sa mga insidenteng naganap sa bakasyon sa Hongkong.

“Kumusta ang pag-aaral mo, Naomi?” Si Tiyo Juan ang nagbalik ng seryosong paksa sa masiglang usapan.

“Mabuti naman po. Isang taon na lang, magtatapos na ako.”

“Aba, oo nga pala, ano?” Tila natigilan ang may edad na lalaki.

Biglang naging malalim ang iniisip nito ngunit saglit lang ang naging katahimikan.

“Ano naman ang mga balak mong gawin sa ‘yong pagtatapos?”

“Wala pa pong siguradong mga plano. Baka tumulong na lang muna ako sa pagma-manage ng mini-mart. O di kaya’y mamasukan sa malaking kumpanya para makakuha ng experience,” pahayag niya.

“May isang taon pa naman ako para mag-isip at magpasiya.”

[Want to read the Start of Stories Online titled – LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET…? Click Here!]

“Oo naman,” agap ni Tiya Norlita. “Wala kang dapat isipin sa ngayon kundi ang pag-aaral mo lang, Naomi. Saka na ang hinaharap. Binabati kita sa ‘yong matataas na grado.”

“Salamat po.”

Awtomatiko ang pagtungon niya. Paano’y nag-iipon siya ng lakas ng loob para sabihin ang tungkol kay Darwin Sandoval.

Nais niyang ihingi ng permiso ang nais ng binata na umakyat na ng pormal na ligaw sa kanilang bahay.

Ano kaya ang magiging reaksiyon ng mga kaharap?

“Higit pa sa inyong lahat ang aking kasiyahan,” sabad ni Tiya Conching, sa tonong may pagmamalaki. “Ako yata ang nagturo sa ating pamangkin.”

“Sa ‘yo rin natuto ng kakulitan ang ating si Naomi, baka akala mo,” salo ni Tiya Resti. Abot-teynga ang ngiti.

Nagkatawanan ang apat. Iyon ang hinihintay niyang tiyempo. Sinunggaban niya agad.

“May sasabihin sana ako sa inyo,” umpisa niya. Hesitante pa nga.

“Ano ‘yon?” Si Tiyo Juan ang agad na nagpakita ng interes. Para bang nahuhulaan na nito.

Nagpalipat-lipat muna ang tingin niya sa mukha ng mga kaharap.

“Er, gusto ko sanang ipakilala sa inyo ang isang kaibigan ko sa eskuwelahan.”

Inubo ng isa ang abugado. “Sino naman ‘yon? Matagal mo na ba siyang manliligaw?”

Nasukol agad si Naomi. Hindi niya napigil ang pamumula ng mga pisngi, pero hindi na siya puwedeng umatras.

Kailangan niyang tapusin ang nasimulan.

“Ang pangalan niya ay Darwin Sandoval. Kaklase ko siya mula nung first year. At gusto niyang pormal na magpakilala sa inyo.”

Nanatiling tahimik ang tatlong tiyahin ngunit halata sa mga mukha ang pag-aalangan at pag-aalala.

“Sa madaling salita, seryoso siya?” Si Tiyo Juan uli.

Maliksing tumango si Naomi. “Nakahanda siyang pakasalan ako pagkatapos ng pag-aaral namin,” wika niya.

Aywan kung bakit naging importante na makumbinsi niya ang mga kaanak sa katapatan ni Darwin gayong wala pa naman silang malinaw na relasyon.

Marahil, ang binata ang inaasahan niyang magbubukas ng kandado sa pinto ng lumipas…?

Pero hindi naman siya nagsisinungaling sa pagbanggit ng tungkol sa kasal.

Imbis na mapanatag ang tatlong may edad na babae, lalo lamang nabalisa ang mga ito.

At ang kapuna-puna ay ang pananatili ng kawalan ng imik habang tila naghihintay sa magiging reaksiyon ng abugado.

Napansin rin niya ang bahagyang pagtango ng huli sa asawang si Norlita. Para bang inaalo ito.

Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa apat na kaharap. Naiibahan siya na di mawari. Para bang may nalalaman ang mga ito na ayaw ipaalam sa kanya.

“May inililihim ba kayo sa akin?” pananalakab niya.

Puno na ng pagdududa ang tono. Ang tinutukoy niya ay ang nag-iisang lalaki dahil halatang ito ang namumuno.

Napaubo ang may edad na abugado. Hindi inaasahan na magiging diretsahan ang pagtatanong niya.

Si Tiya Norlita ang nag-panic.

“Juan, sabihin mo na kaya?”

Nagsisunuran ang dalawa pang kapatid nito.

“Oo nga naman, Kuya,” sang-ayon ni Tiya Consuelo.

“Mas maiging malaman na ni Naomi, Juan,” dagdag ni Tiya Restituta.

Napa-buntunghininga na lamang si Juan Merced matapos makipaghamok sa katwiran at pakiusap ng tatlo.

Medyo nahukot rin ang linya ng mga balikat nito bago nagsimulang magsalita. Para bang talagang laban sa loob nito ang maging tagasiwalat ng isang sikreto.

“Ano po ba ‘yon, Tiyo Juan?” tanong niya.

Mas malumanay at magaan na ang tono kaysa nung una.

“Sabihin n’yo na sa akin. May isip na ako kaya siguro ay mauunawaan ko na kung ano man ‘yon, di po ba?”

Nagpatuloy pa rin ang pag-aalinlangan ng may edad na lalaki. Tumingin pa muna uli ito sa kabiyak. Para bang humihingi ng tulong.

“Juan, beinte uno anyos na si Naomi,” paalala ni Tiya Norlia. “Nasa hustong pag-iisip na siya.”

Habang tumatagal, isang ideya ang unti-unting nabubuo sa loob ng isipan ni Naomi. Nung una’y tinangka niyang supilin at kitilin agad dahil tila imposible…

Ngunit bandang huli, napagtanto niyang walang imposible sa buhay.

“Alam ko,” bawi ng abugado. Tila naaaburido na. “Pero — ”
Sumabad na siya para mailabas na agad ang suspetsa niya.

“Tungkol po ba kay — kay B-brando ang lihim n’yo?”

Ang naging ekspresyon ng apat na kaharap, na parang nabunutan ng tinik sa tagiliran, ay sapat ng kasagutan.

Nabigla pa rin si Naomi. Umasam kasi siyang sana ay mali ang masamang kutob niya. Pinilit niyang magsalita kahit na naninikip ang lalamunan.

“A-ano ang dapat kong malaman na tungkol kay Brando?” tanong niya, halos pabulong.

Hindi niya alam na nakarehistro ang takot at pangamba sa mga matang nanlalaki.

Muling bumuntonghininga ang abugado.

“Pasensiya ka na, Naomi. Ayaw kong gawin sa ‘yo ang ganito pero wala akong magagawa kundi ang sumunod,” umpisa nito. Mababang-mababa ang tino.

“Mag-asawa pa rin kayo ni Brando Narvaez. Kaya hindi ka na malaya para magpaligaw at magpakasal sa ibang lalaki.”

Isang linggo matapos ang nakakagimbal na rebelasyon, natagpuan ni Naomi ang sarili na nagmamaneho patungo sa isang lugar na sa mapa lang unang nakita.

Hindi pa man lumilipas ang kanyang pagkatigagal noon, nagawa na niyang magtanong ng ilang importanteng bagay ukol kay Brando Narvaez.

At lalo pa siyang nabigla nang mapagtantong pag-aari pa rin pala siya nito.

“Ang lahat ng ginhawang tinatamasa nating lahat ay dahil kay Brando. Alam ni Ate Resti at Conching na hindi kayang tustusan ng kita ng mini-mart ang pag-aaral mo sa de-klaseng eskuwelahan. Hindi gaanong maganda ang benta dahil maraming kumpetisyon sa palibot.”

Si Tiya Norlita na ang nagpatuloy sa pagkukuwento nang tuluyang natahimik ang asawang abugado.

LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET-16

Comments are closed.