Loving Someone Is Bitter-Sweet-16

“Hindi na gaanong malaki ang kinikita ng negosyo dahil kabi-kabila ang malalaking supermarket,” dugtong ni Tiya Resti.

“B-bakit inilihim n’yo…?” bulong ni Naomi. Puno ng hinanakit ang tono.

“Patawarin mo ako, Naomi.” Muling nagsalita si Tiyo Juan.

“Kung aalis ako sa empleyo ni Brando, baka hindi na makakakita ng trabaho na may singlaking suweldo. Kaya tinanggap ko ang tungkulin na gabayan ka, kapalit ng mas mataas na suweldo. Bukod pa sa iba pang obligasyon ko bilang abugado ng mga kumpanya niya, siyempre.”

Sa madaling salita, ito ang ‘mata’ ni Brando.

“Nasaan siya ngayon? N-nasa dati pa ba?”

Sa loob ng tatlong taon, marami na siyang nalaman na iba’t ibang lugar sa Maynila.

Ngunit ang mansiyon ng Pamilya Narvaez ay sinadya niyang huwag alamin kung nasaang bahagi ng Maynila.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET…? Click Here!]

Kinondisyon niya ang sarili na makalimot agad pero nawalan ng saysay ang pagpupursige niya…

“Hindi na siya doon umuuwi.”

“Ano po ba ang dapat kong gawin para mapawalambisa ang kasal namin?” tanong niya matapos magpasalamat nang lihim.

Ang magarbong bahay ay naging saksi ng kabiguan at humiliyasyon niya noon. Ayaw niyang maulit ang mapait na karanasan sa iisang lugar lamang.

“Kailangan mo siyang makausap muna, Naomi. Itanong mo sa kanya kung bakit hindi niya itinuloy ang pagpapawalambisa noon,” payo ng Tiya Consuelo niya.

“Malay mo, mayroon siyang dahilan na dapat mong malaman?”

Sumang-ayon sina Tiya Resti at Tiya Norlita. Pati na rin si Tiyo Juan.

Hindi niya magawang tumanggi. Maliban kung handa siyang aminin ang nadaramang karuwagan.

Ngunit nasanay na siyang magtapang-tapangan mula pa sa umpisa.

Nahirati na siyang umaarteng nagwawalambahala sa mga nangyari. Naikubli niya nang husto ang lihim na pagdadalamhati sa pumanaw na unang pag-ibig.

Ngayong papalapit na ang takdang sandali ng muling pagkikita ng lalaking saglit na nagbigay-kulay sa kanyang kabataan, lumalakas nang lumalakas ang pagkabog ng dibdib niya.

Bakit ba siya natatakot? Nakalimutan na niya si Brando, hindi ba?

Wala na ang kahibangan niya dito. Hindi na siya ang dalagitang mapusok at mapangahas. Isa na siyang ganap na dalaga ngayon. Halos kumpleto na ang edukasyon at may kaunti nang sopistikasyon.

Ang kaunting natutunan sa beauty salon ni Alfie ay nadagdagan pa ang unti-unti. Hanggang sa pati ang mga tiyahin niyang makaluma at konserbatibo ay maimpluwensiyahan na rin niya.

Sama-sama silang namimili ng mga damit at personal na gamit. Dahan-dahan niyang pinalitan ang mga pinamili ni Brando noon.

Ipinamigay niya ang mga napapaglumaan sa mga taga-baryo. Ipinagbili niya ang mga alahas at bumili ng mga panibago.

Isang bagong Naomi na ang makakaharap ni Brando ngayon. Ano kaya ang magiging reaksiyon nito?

Pumiksi siya. Saglit na humigpit ang pagkakahawak ng mga daliri sa manibela habang humuhugot ng sunud-sunod na malalalim na hininga.

Hindi na mahalaga ang opinyon ng lalaki. Ang tanging importante ay ang makumbinsi niya itong palayain siya.

Bakit kaya nagbago ang pasya ni Brando tungkol sa kasal nila?

Nakakapagtaka dahil napakasigasig nitong magpa-annul.

Maagang ipinasundo ang isang gynecologist upang maeksamin siya bago umalis pabalik sa baryo.

Ni sa hinagap, hindi niya naisip na aatras pa ito sa pagpapa-annul ng kasal nila.

Bakit, Brando? Ano ang dahilan mo? Umikut-ikot na naman ang mga tanong sa loob ng utak niya.

At muli, wala siyang naapuhap na kasagutan.

Tanging si Brando Narvaez lamang ang nakakaalam.

Kaya pagkatapos ng kasalukuyang semester, lumarga na siya patungo sa destinasyong sing-kumplikado ng utak ng lalaking pinakasalan nung panahong nagrerebelde siya.

Tumanggi siyang magpasama sa sinuman sa tatlong tiyahin dahil –

Dahil ano nga ba?

Dahil ayaw niyang may makasaksi sa panibagong kahihiyan na dadanasin niya… Kungsakaling madiskubre niyang ang puso ay hindi rin pala malaya!

Malalim na ang pagkakunot ng noo ni Naomi, matapos ang matuling paglipas ng apat na oras.

Yamut na yamot na siya sa sarili dahil hindi makapaniwalang apat na beses na rin siyang naligaw.

Sanhi ng malalim na pag-iisip tungkol sa liku-likong takbo ng utak ni Brando, nagkamali-mali siya ng pagliko.

Kungsaan-saang kalsada siya napasuot at nakalampas na siya sa ilang bayan bago niya inamin na naliligaw na siya.

Para hindi na maulit ang pagkakamali, itinutok na niya ang buong konsetrasyon sa pagmamaneho.

Iwinaksi niya ang lahat ng mga isipin na nagdudulot ng tensiyon sa kanya.

Di nga nagtagal, bago sumapit ang takipsilim, napag-alaman niyang isang prawn farm ang hinahanap niya.

Ayon iyon sa isang matandang magsasaka na nasalubong at napagtanungan sa daan. Nalaman din niyang nasa pusod na siya ng Laguna, sa bayan ng Liliw.

“Si Ka Brando ang hinahanap mo ‘kamo? Aba’y nasa gawing duluhan pa ang lugar niya. Dumiretso ka lang. May makikita kang karatula! Narvaez farm. Lumiko ka d’on. Medyo malayu-layo pa pero lupain na ‘yon ni Ka Brando.”

Habang nagsasalita, halatang abala rin ang isip nito sa pag-i-ispekula sa identidad niya at sa kanyang relasyon sa lalaking hinahanap.

Hindi maikakailang kilalang tao ito at hindi kataka-takang maging sentro din ito ng interes ng mga tagaroon.

Katulad ng nangyari nung dumating at manirahan ito sa baryo Atip-Atip noon…

“Er, maraming salamat po. Sige po, mauna na po ako.”

Nagpaalam agad siya para hindi na humaba ang usapan. Pihong gagabihin siya nang husto sa pag-uwi, laluna kapag nagmatigas si Brando.

Kalahating oras lang ang inilalaan niya para sa pag-uusap. Sa susunod na pagbalik niya, aagahan na niya ang pag-alis. Mas madali na dahil kabisado na niya ang daan.

Ganito ang iniisip niya para magkaroon siya ng positibong pakiramdam ngayong nalalapit na ang muling pagkikita nila ng lalaking nagkaroon ng malaking pitak sa kanyang murang puso noon.

Katulad ng sinabi ng matandang lalaki, may karatula ngang ubod ng laki sa bukana ng isang aspaltadong kalye.

Narvaez Prawn Farm. Proprietor: Brando Narvaez.

Pagkatapos, naka-drowing ang mahabang arrow na paturo sa pagpasok.

Lumiko siya doon. Ilang metro mula sa kanto, isang binatilyo ang kumaway sa kanya.

Nakasuot ito ng sumbrerong buli at asul na over-all na may nakatatak na Narvaez Farm sa dibdib.

“Ma’am Naomi?” bungad nito matapos alisin ang sumbrero at yumukod sa kanya.

Namangha naman si Naomi sa ginawa ng binatilyo. Tumango siya matapos manlaki nang bahagya ang mga mata.

Napalis ang kanyang pagkagulat nang maisip na tinawagan marahil ni Tiyo Juan ang lalaki para ipaalam ang pagdating niya.

“Nasaan ang Sir Brando mo?” tanong niya. Malumanay na ang tono. “Uh, malayo pa ba?”

LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET-17

Comments are closed.