Loving Someone Is Bitter-Sweet-17

“Medyo malayo pa po,” tugon ng binatilyo sa tanong ni Naomi.

“Napag-utusan po ako na abangan kayo at ihatid sa kinaroroonan ni Sir Brando,” dagdag pa ng kausap.

“Maaari po bang sumakay?”

“Oo naman.” Maliksi niyang binuksan ang pinto ng kotse.

Huli na nang sumagi sa isip na baka nilalansi lang ng isang taong may masamang-loob.

Tsk! Tsk! Probinsiyana ka pa rin, Naomi! Sinermunan niya ang sarili.

“Diretso ba?” tanong niya habang nagmamaniobra. Hindi na niya pinaandar ang aircon para manatiling nakabukas ang bintana.

“Nasaan ba siya?” Nagsalita lang si Naomi nang matanaw na ang mga kubo ngunit wala pa rin ni anino ni Brando.

Inaasahan niyang sasalubong ito sa kanyang pagdating.

Malinaw niyang naintindihan na mahalaga ang panahon nito. Ayaw niyang maka-istorbo dito, siyempre.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET…? Click Here!]

“Nasa banda roon pa po, ma’am.” Itinuro nito ang isang istruktura na istilong resthouse ang pagkakayari.

Nasa gitna ito ng malawak na manmade lake at parang nakalutang kung titingnan mula sa kinaroroonan nila.

Napilitan siyang umibis nang makitang naghihintay na sa pagbaba niya ang binatilyo. Nakatayo na sa tabi ng pinto ng driver.

“Baka wala siya doon,” wika niya. “Babalik na lang siguro ako sa ibang araw.”

Bigla siyang inatake ng pag-aalinlangan nang maituntong na ang mga paa sa manipis na damuhan.

Bigla siyang ninerbiyos ngayong nasa teritoryo na siya ni Brando.

Aywan kung bakit…

“Ma’am, ayun na po si Sir.”

Nilinga niya ang direksiyong itinuro nito. Isang maliit na speedboat ang patungo sa pampang, kung saan may nakatayong isang malapad at mahabang pantalan na yari sa kahoy at mga bubong na nipa.

Napagkamalan nga niyang isa iyon sa mga bahay-kubong tirahan.

Ikinubli ni Naomi ang pagkalito na ibinunga ng bumugsong tensiyon sa pamamagitan ng pagpasok sa loob ng kotse upang dukwangin sa likurang upuan ang shoulder bag.

Nandoon ang mga importanteng papeles na nangangai- langan ng mga pirma ni Brando.

Puwede siguro niyang iwan na lamang ang mga iyon at balikan sa ibang araw.

Puwede rin namang ipadala na lamang ng lalaki sa pamamagitan ng koreo.

O di kaya’y mas maiging pirmahan na agad para wala ng problema.

A, parang pulos mga imposibleng pangarap ang naiisip niya habang minamasdan ang papalapit na hugis ni Brandon!

Pero hindi siya dapat mawalan ng pag-asa. Wala na siyang hinihinging pera o anupamang kondisyon mula sa lalaki. Pirma lang.

Kaya wala na itong dapat na pag-isipan pa.

A, sana nga! Sana nga ay matapos na agad ang pinakapangit na yugto ng buhay niya!

Nang muli siyang tumingin sa gawi ng pantalan, nakahinto na ang speedboat.

At nakaibis na ang nag-iisang okupante.

Parang biglang huminto ang pagpintig ng puso ni Naomi habang papalapit ang matangkad na lalaki.

Parang nabura ang lahat ng laman ng utak niya. Nagmistulang isang malinis na papel. Nawala ang kahapon, ang ngayon at ang bukas.

At nang magtama ang kanilang mga mata… Parang bulang naglaho ang mga hinanakit, ang mga sikretong kirot, at ang mga nakatagong pait.

Para bang isang bagong simula ang nagaganap…

Tinangkang bawiin ni Naomi ang paningin. Baka nahihipnotismo lang siya ng mga matang mapanghigop.

Ngunit tila huli na para iligtas niya ang sariling katinuan.

Nakatayo na sa harapan niya si Brando. Buung-buo na ang puwersa ng atraksiyon na bumihag sa kanya noon.

“Welcome home, Naomi,” sambit ng baritonong tinig.

Katulad pa rin nang dati, enigmatiko ang ekspresyon ng lalaki. Hindi maarok ang mga matang malalalim na nakatitig sa kanya.

At katulad pa rin nang dati, may bahid ng sarkasmo ang malumanay na tono.

Napakurap si Naomi habang pilit na pinaglalabanan ang sari-saring emosyon na parang nais sumulak pataas mula sa kaibuturan ng puso.

Pinipilit niyang pigilan sa paghulagpos ang nagpupumiglas na atraksiyon. Ngunit sadyang mahina ang depensa niya sa lalaking ito.

Walang nagbago kahit lumipas na ang tatlong taon. Malakas pa rin ang dating ng lalaking ito sa kanya.

Pero mas gugustuhin pa niyang mamatay kaysa ipakita ang kahinaan.

Tulak ng desperasyon, nagawa niyang kumilos at magsalita.

“Magandang hapon, Brando.” Lihim siyang nagpasalamat nang marinig na kalmado ang boses niya, maliban sa bahagyang pagkapaos.

Nagkalakas-loob siyang magpatuloy. Dumiretso na agad siya.

“May mahalagang pakay ako sa ‘yo.”

“Of course.” Tumango ng isa ang lalaki sa binatilyong naghihintay sa may gawing likuran niya.

“Junjun, tawagin mo ang ‘yong Itay,” utos ni Brando. Seryoso ang anyo pero magaan ang tono.

Sinundan niya ng tingin si Junjun hanggang sa pumasok sa isa sa mga kubo.

Humarap uli siya sa lalaki nang tumikhim ito nang malakas.

“Sinabi rin ba ni Attorney ang sadya ko rito?” pananalakab niya.

Sinipat muna ng lalaki ang kabuuan niya. Mula sa mahahabang buhok na hinayaan niyang nakalugay, sa pulang blusa na naka-tuck-in sa abuhing kurduroy na slacks, hanggang sa casual shoes na yari sa brown leather.

“Oo,” ang maikling tugon ni Brando. Wala pa ring ekspresyon sa matatag na hubog ng mukha.

Hindi napigil ni Naomi ang sarili na pagmasdan ang kabuuan ng dating asawa. Mas manipis ngayon ang katawan ng lalaki pero mas matigas ang pagkakahutok ng mga kalamnan.

“Mabuti… Uhm, s-sandali lang naman ito,” dagdag niya nang manatiling tahimik ang lalaki.

Nakakailang ang muling paghagod ng mga matang itiman sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

At dahil naging kakaiba ang pakiramdam niya matapos sipatin ang lalaki, itinutok na lamang ni Naomi ang mga mata sa bag na sinimulang buksan ang zipper ng shoulder bag.

“You’ve changed a lot. Pero gusto ko ang mga nakikita kong pagbabago mo, Naomi,” pahayag ni Brando. “You’ve turned to a beautiful woman.”

Napalunok si Naomi nang tila bigyang-diin ang katagang ‘woman’.

Nanginig siya nang masulyapang tila bahagyang nakangisi ang maskulinong bibig ni Brando.

“Thank you… I have to go home tonight. Iiwan ko na lang ang mga papeles na ito. At babalikan ko na lang next week.”

“Or much better, ipapadala ko na lang sa courier,” suhestiyon ni Brando.

Nanigas ang dila niya nang mabihag ng mga titig na mapang-arok ang mga mata niya. Tumango na lang siya.

Umiling ang lalaki nang iniaabot na niya ang nakatiklop na annulment papers na nakalagay sa loob ng isang makapal na sobre.

LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET-18

Comments are closed.