Loving Someone Is Bitter-Sweet-18

“Gagabihin ka sa daan kung uuwi ka ngayon.” Tumalikod si Brando at nagsimulang humakbang pabalik sa pantalan.

“Isa pa, kailangan mo pa akong kumbinsihin.”

“Pero wala akong hihilinging kondisyon, Brando,” giit ni Naomi.

Hindi niya napunang kusang humakbang ang mga paa para sundan ang lalaki.

“Pipirmahan mo lang ang mga ito.”

Pigil-hininga niyang hinintay ang magiging reaksiyon sa pakaswal na hiling.

Inignora lang siya ni Brando. Kinausap ang isang lalaking nakalapit sa kanila nang di napuna ni Naomi.

“Ka Peter, pakihatid n’yo nga kami sa bahay,” wika nito. “Siyanga pala, si Naomi, ang asawa ko. Naomi, si ka Peter, ang katiwala dito sa farm.”

Pinamulahan ng mukha at leeg si Naomi nang marinig ang pagpapakilala ni Brando sa kanya. Pero tutoo naman ang mga sinabi nito kaya hindi niya magawang magprotesta.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET…? Click Here!]

At parang hindi tama na sumabad siya para itama ang maling introduksiyon. Kinumbinsi niya ang sarili na hindi na ulit makikita si Ka Peter o si Brando kapag nakaalis na siya sa lugar na iyon.

Kukumbinsihin rin niya si Tiyo Juan para ito na lamang ang kumuha ng annulment papers kay Brando.

Nagtatalo pa rin ang kalooban niya nang hawakan ni Brando ang isang siko niya upang igiya patungo sa pantalan.

“S-sandali — ” Tumutol si Naomi na sumakay sa naghihintay na speedboat.

“Gusto mong pirmahan ko ang mga papeles na ‘yan, hindi ba?” pakli ni Brando.

“Iiwan ko na lang sana sa ‘yo…”

“Tsk! Paano kung makalimutan ko ulit? Maghihintay ka ulit ng tatlong taon?”

Napasinghap si Naomi. “N-nakalimutan mo lang pirmahan…?”

Nasaktan siya sa narinig na katagang ‘nakalimutan’. Talaga palang wala siyang kuwenta sa lalaking ito!

“Naomi, I just want to welcome you home.” Muling naging malumanay ang tono ni Brando.

“Y-your home,” giit niya.

“Okay. My home.” Bumuntonghininga ang lalaki. “Sobra ba ang galit mo sa akin at ni hindi mo magawang saluhan ako sa isang simpleng hapunan?”

Nilunok ni Naomi ang hinampo na bumara sa kanyang lalamunan.

“H-hindi ako galit sa ‘yo,” tanggi niya. “Napakalaki ng utang na loob ko sa ‘yo, Brando.”

“Utang na loob,” ulit ng lalaki. Tila lalong tumigas ang hubog ng panga dahil mayroong tinimping reaksiyon. “Tinatanggap mo ba ang dinner invitation ko?”

“Uhm, sige…” Alam ni Naomi na hindi rin siya papayagang umuwi pero wala siyang makapang pagtutol sa kalooban.

Ang tanging nasa isip niya nang mga sandaling iyon ay pasasalamat.

Maraming, maraming salamat sa sorpresang pagkakataon na makapiling uli si Brando kahit sa huling gabi ng pagiging mag-asawa nila!

Hindi na nagsalita si Brando habang nakasakay sila sa speedboat.

Balewala naman kay Naomi ang katahimikan dahil determinado siyang namnamin ang bawat pambihirang sandaling kasama ang lalaki.

Umiibig pa rin ba siya sa unang lalaking nakapagpatibok sa puso niya?

Ibinaling ni Naomi ang mukha para tanawin ang destinasyon nila.

Isang tila resthouse nga ang bahay na natanaw niya kanina mula sa pampang. Animo isang munting isla na napapalibutan ng tubig ang bahay na yari sa konkreto at napipinturahan ng puti.

Ang flat roof ay yari din sa konkreto at napapalibutan ng iron grilles, gayundin sa unang palapag.

Huminto ang speedboat sa tapat ng isang malapad at maikling pantalan na inuka sa gilid ng terraced wall. Sa malapitan, ang paanan ng resthouse ay tila isang hagdanan na may tatlong baytang.

Patalon na umibis si Ka Peter para igapos ang matabang lubid sa isang mababang poste. Katulad kanina, tumindig ito sa isang tabi at tahimik na naghintay sa susunod na iuutos ni Brando.

Ni hindi tumitingin nang direkta kay Naomi kahit na siguradong nararamdaman ang pagtitig niya. Malinaw na ipinahihiwatig ang matatag na loyalty para sa amo.

Kung gugustuhin ni Naomi na tumakas sa water resthouse, walang tutulong sa kanya.

Iginala niya ang paningin sa paligid. Dahil papagabi na, tila lumalakas ang mga alon.

“Gamitin mo na ang speedboat sa pag-uwi, Ka Peter,” sambit ni Brando. “Ibalik mo na lang bukas ng umaga kapag naghatid ka ng sariwang gatas at mga pagkain.”

“Opo, Sir Brando.”

Kinawit ng isang matipunong bisig ang beywang ni Naomi at walang anumang iniangat siya para isabay sa pag-ibis. Ang awtomatikong reaksiyon niya ay humarap sa lalaki at yumapos sa leeg para hindi malula.

Nakasiksik ang mukha niya sa malapad na dibdib kaya naramdaman ang mahinang pagtawa. Nang tangkain niyang tumingala, sinapo ng isang palad ang likod ng ulo para manatili siya sa gayong posisyon – payupyop na nakayakap sa maskuladong katawan ni Brando.

“I missed you, Naomi.”

Napasinghap siya sa narinig. Hindi man makapagsalita dahil nagsisikip ang lalamunan, may humulagpos naman na ungol ng protesta.

“You don’t believe me?” Bumuntonghininga ang lalaki bago kumilos para tuluyan na siyang pangkuin ng mga bisig.

Binuhat si Naomi hanggang sa makapasok sa loob ng resthouse. Nanatili ang pagkaparalisa niya dahil ganito rin ang isang tagpo nila sa nakaraan…

“Ipinasara ko ang mansiyon nang maghiwalay tayo.” Malinaw na nababasa ni Brando ang iniisip niya. “Nangibang-bansa ako para ipagpatuloy ang pagtatayo ng mga negosyong pinlano namin ni Papa nung nabubuhay pa siya.”

Tumalikod si Naomi nang ilapag siya sa gitna ng sala. Nagkunwaring interesado sa mga kasangkapang nasa paligid. Open plan kaya natatanaw na rin ang kinaroroonan ng kusina at dining room.

Madali niyang nahulaan na papunta sa mga bedrooms ang maikling hilera ng mga pintong nakasarado. Luminga siya sa kinaroroonan ni Brando nang magsalita.

“Kanina ko pa inaasahan ang pagdating mo, Naomi.”

“N-naligaw ako,” pag-amin niya. “Nagkamali ako ng nilikuan sa unang junction.”

Tumangu-tango si Brando. “Ninenerbiyos ka siguro?”

“Of course not,” tugon niya. Pilit ang katatagan sa tinig.

Nanlaki ang mga mata ni Naomi nang tumawa ang lalaki.

“Ano ang nakakatawa, Brando?” Yumapos ang mga braso niya sa beywang nang mangalisag ang mga pinong balahibo sa batok.

“Ako.”

Umiling ng isa si Naomi. Nanatiling nakatutok ang mga mata sa maskulinong mukha ng dating asawa. May nabasa siyang pait sa mga matang malalalim bago tumabing ang mahahabang pilikmata.

Dumaranas din ng pait si Brando? tanong ng puso niya.

Hindi! giit naman ng utak niya.

“Narinig mo ang sinabi ko kanina, hindi ba?”

“T-tungkol saan…?”

“I missed you.” Inulit ng lalaki ang mga kataga. Mas paos pa ang tinig kaya lumikha ng kakatwang kiliti.

LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET-19

Comments are closed.