Loving Someone Is Bitter-Sweet-19

“Pero hindi ka naniwala… at wala kang naging tugon.”

Nagsalin ng red wine sa dalawang kopita si Brando nang manatiling tahimik si Naomi.

“H-hindi ako umiinom ng alak,” tanggi niya nang iabot ng lalaki ang isang kopita.

Pagak ang maikling pagtawa ni Brando. Sarkastiko ang sumunod na pahayag.

“So Attorney was telling the truth. My naughty bride has been a very good girl.”

Itinuwid ni Naomi ang likod at itinaas ang noo. “I am not your bride anymore.”

Inubos ni Brando sa isang lagok ang laman ng isang kopita bago inilapag sa ibabaw ng center coffee table. Yari din sa rattan at salamin, katulad ng iba pang muwebles.

“True,” sang-ayon nito bago sumimsim sa ikalawang kopita.

“N-naglalasing ka ba?” Nag-alala si Naomi nang mabakas ang gumagapang na pamumula sa leeg at mukha ni Brando.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET…? Click Here!]

“Are you getting nervous, wife?”

“W-wife…” Napalunok si Naomi. “B-bakit — ?”

“You should be nervous,” patuloy ni Brando. Marahang humahakbang patungo sa kanya.

Umaatras naman si Naomi habang papalakas ang pagkabog ng dibdib.

“Hindi ka na makakauwi.” Hindi na inubos ni Brando ang alak bago inabandona ang kopita sa ibabaw ng nadaanang side table.

“A-ano’ng ibig mong sabihin?”

“Magmula sa gabing ito, magiging isang tunay na mag-asawa na tayo.”

“H-ha? Hindi!”

Namutla muna at nanlamig nang husto si Naomi bago nawalan ng malay-tao.

Ang mukha ni Brando na nakatunghay sa kanya ang unang nakita nang muling imulat ang mga mata.

“Ooh!” Umungol siya nang malakas bilang protesta sa masangsang na amoy ng ammonia.

Madilim ang ekspresyon ng lalaki.

“You really are a creature of contradictions!” ang pabulalas na wika bago padaskol na tumindig mula sa pagkakaupo sa gilid ng isang rattan sofa.

Pinilit niyang ibangon ang sarili.

“B-bakit?” tanong niya nang maiayos na ng mga daliring nanginginig ang gulu-gulong kasuotan.

“Noon, hinimatay ka nung desidido akong pawalan ng bisa ang ating kasal, hindi ba?” paalala ni Brando. “Ngayong baligtad ang gusto ko, hinimatay ka pa rin.”

“It was a bad joke.” Lihim na natuwa si Naomi nang manumbalik ang tatag sa tinig niya. Na-overload na marahil siya sa sunud-sunod na shock.

“I never joke when it comes to you, Naomi,” pakli ni Brando.

“Huwag mo rin akong paglaruan,” ganting pakli niya.

“Kailanman, hindi kita pinaglaruan, Naomi.” Tumitig nang masidhi sa kanya si Brando. “Ikaw ang bata noon. Laruan ba ang tingin mo sa akin?”

“Of course not!”

“Bakit mo ako tinukso at pinikot noon?”

Nabalisa si Naomi pero bihag pa rin siya ng mga matang tila nakikita pati ang kaluluwa niya.

Gustong maging tapat ng puso niya pero napigilan ng labis ang sakit at pangungulilang dinanas nitong mga huling taon.

“Bakit mo ako pinaniwalang malaya na ako?” ganting tanong niya. “Bakit hanggang ngayon, pinaglalaruan mo ako? Niloloko mo pa rin ako…”

Hindi napuna ni Naomi na nabasag na ang boses niya. At may mga butil ng luha na gumigiti sa mga mata.

“I am sorry, Naomi.” Humugot ng malalim na buntonghininga si Brando. Papiksing lumakad patungo sa bintana at tumanaw sa nagdidilim na langit.

“Bata ka pa noon. Disisiyete lang. Inosente pero sobrang mapangahas.” Malumanay ang tono ng lalaki nang muling magsalita.

“At walang tanging pangarap kundi ang makatakas sa nakakabagot na buhay sa baryo.”

Nagbaba ng tingin si Naomi. Bigla siyang napahiya dahil sa naalalang kapusukan nung pinipilit akitin si Brando.

“I was shameless…”

“Ginamit mo lang ako…”

“No, of course not!” protesta niya.

“Well, ano ang iisipin ko? Pumayag ka agad sa alok kong gantimpala.”

“Dahil ipinamukha mo sa akin na pinlano mo talaga akong pakasalan para magamit sa paghihiganti mo,” salo ni Naomi.

Pasuksok na ibinulsa ni Brando ang mga kamay sa mga bulsa ng pantalong maong. Para bang nag-alinlangan muna bago nagpatuloy.

“Napakahaba ng biyahe galing sa baryo pabalik sa mansiyon noon… pero nagawa mong tiisin ang hirap, gutom at uhaw para lang makasama sa akin. Bakit mo nagawa ang mga bagay na iyon?”

Dahil mahal nga kita, bulong ng puso ni Naomi. Ayaw kong mawalay sa iyo.

Pero minsan na niyang sinabi ang mga katagang iyon. At nasaktan na siya nang labis dahil hindi naniwala si Brando.

Sumandal siya sa sofa at ipinikit ang mga mata. Bigla siyang nakaramdam ng pagkapagal.

“Dahil kailangan kong tuparin ang nag-iisang pangarap ko.”

“Ang makaalis sa baryo,” dugtong ni Brando. Banayad pero wala nang buhay ang tinig.

“Oo… Pipirmahan mo na ba ang annulment papers?” Nanatili siyang nakapikit nang magtanong.

“No.”

Saka lang siya dumilat. “Dahil gusto mo munang maranasan ang married life?” Sinadya niyang gawing patuya ang tono.

“Dahil gusto ko nang simulan ang married life natin,” pagtatama ni Brando.

“Bakit biglang-bigla ang desisyon mong ‘yan?”

“You’ve turned twenty-one two months ago. Maghihintay pa sana ako ng isang taon pa kundi sa pagdating ng isang Darwin Sandoval,” paliwanag ng lalaki.

“I had to change my plans before it’s too late.”

“Plans?” bulalas ni Naomi. Biglang sumulak ang kinikimkim na hinampo. “Bahagi na naman pala ako ng mga plano mo kaya nandito naman ako sa harapan mo!” akusa niya.

“You’ve always been a part of my plans, Naomi,” giit ni Brando. “Magmula nung matagpuan kitang naliligo sa isang batis sa loob ng gubat noon, hindi ka na nawaglit sa isip ko.”

“Nagsisinungaling ka lang ulit.” Nayanig si Naomi sa katapatang nakalakip sa mga salitang sinambit ng lalaki.

Pero mas malaki ang takot niyang baka masaktan lang uli kapag naniwala…

“Bakit ako magsisinungaling?”

“Dahil may kailangan ka na naman – “

“Dammit! You’re right. Kailangan kita. Pero hindi ko na kailangang magsinungaling dahil dapat mong malaman na kailangan kita!”

Matapos ang halos pabulyaw na pagsasalita, tumalikod uli si Brando. Nagpalakad-lakad sa gitna ng sala. Para bang may pinaglalabanan sa kalooban.

“Sinasabi mo lang ‘yan dahil – “

“Wala akong kailangan sa ‘yo kundi ikaw lang sa buhay ko!” ang matigas na pakli ni Brando.

“Pero bakit pinaalis mo ako noon? Bakit minadali mong ipa-annul ang kasal natin?” pang-uusig ni Naomi.

Pabagsak na naupo ang lalaki sa tabi niya. Binihag ang mga kamay niyang nagyeyelo at ikinulong sa mga palad na nagbabaga.

“Because I have to give you all the choices that your youth deserved. Kinuha ko ang kabataan mo, Naomi. I have to accept the punishment for that sin.”

LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET-20

Comments are closed.