Loving Someone Is Bitter-Sweet-2

Nanginig si Naomi sa narinig na pagkasabik sa mababang boses ng lalaki.

Saglit niyang nalimutan ang susunod na gagawin. Nangatal siya nang biglang maglagablab ang pagnanasa sa kanyang dugo.

“Angkinin mo ako, Brando,” anas niya. “Iyo ako. Buung-buo.”

Inilaan na niya sa lalaki ang puso at isipan — pati na ang katawan at ang kaluluwa, nung magpakasal siya rito. Kaya masakit para sa kanya ang malamig na pakitungo nito.

“Naomi — ” Hinawakan siya ng mahahabang daliri sa maliit na beywang.

Papisil. Papigil.

Ngunit pamaya-maya’y itinulak siyang palayo.

“Bata ka pa. Hindi mo pa alam kung ano ang gusto mo, Naomi!” bulalas ni Brando.

“Alam ko na, Brando. Ikaw ‘yon,” pakli niya. “Ikaw lang ang gusto ko.”

Tumigas ang anyo ni Brando.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET…? Click Here!]

“Umiiral lang ang katigasan ng ulo mo,” piksi nito. “Magbihis ka na, Naomi. Oras na ng hapunan. Gusto ko nang magpahinga dahil maaga akong aalis bukas.”

Tumalikod ito habang nagsasalita. Hindi na tiningnan kung susunod siya sa utos nito.

Sumigid hanggang sa mga buto niya ang matalas na kirot. Bigo na naman siyang akitin ang asawa.

Wala na ba siyang pag-asa? Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa tuluyang makalabas ng pinto ng silid.

Nang mapag-isa, hinayaan niyang maupos ang mga tuhod hanggang sa tuluyan siyang mapaupo sa kama.

Niyapos niya ang sarili ngunit hindi niya magawang umiyak. Parang wala na siyang iluluha pa.

Aywan kung gaano katagal siyang nanatiling walang tinag. Nang muling manumbalik ang wisyo, nakahiga na siya ngunit nakabaluktot pa rin. May natitira pang sakit na iniinda.

Pero mayroon na namang panibagong ideya.

Nang makabangon, tuluy-tuloy siya sa pintuang nasa pagitan ng mga kuwarto nila. Kumuha siya ng ilang panloob at tig-dalawang piraso ng pantalon at blusa.

Pawang maninipis ang tela. Pagkatapos ay nagsuot siya ng makapal na kamiseta at maong na pantalon.

Nagtitirintas siya ng mahabang buhok nang may kumatok sa pinto.

“Naomi, kakain na,” anang tinig ng Tiya Consuelo niya, ang bunso sa tatlong kapatid ng kanyang nasirang ama.

“O-opo, Tiya. Lalabas na po,” tugon niya matapos ilapit nang husto ang mukha sa makapal na dahon ng pinto.

Ang bahay ng Pamilya Dureza ay may pagka-antigo na. Isa sila sa mga taal na taga-Baryo Atip-Atip. Hindi sila mayaman, pero hindi rin naman mahirap.

Basta nakagisnan na lamang ni Naomi ang mga lumang kasangkapan, ang makalumang pag-uugali ng mga kasambahay at ang kakuriputan ng mga ito.

Wala siyang ideya kung saan nagmumula ang perang ipinambibili ng mga pagkain at mga damit nilang lahat.

Mula nang mapuwersa si Brando na pakasalan siya, lumipat na ito sa matandang bahay na may dalawang palapag mula sa maliit na kubo nito sa may bukana ng kakahuyan.

Binalikan niya ang mga damit na ibinukod. Itiniklop niya ang mga iyon ng maliliit at ibinalot ng isang manipis na kumot.

Sumilip muna siya sa bintana bago binuksan ang mga dahon na yari sa kapis. Matapos magpalinga-linga sa ibaba, inihulog niya ang naturang balutan sa gilid ng makakapal na halaman.

Tinandaan niya kung saan eksaktong lugar ng kinahulugan bago niya isinarang muli ang bintana.

Nakadulog na ang tatlong matatandang dalaga at si Brando nang dumating siya sa kumedor.

Sabay-sabay na yumuko para umusal ng panalangin ang mga tiyahin nang makaupo na siya.

Silang dalawa ng lalaki naman ay nanatiling nakatitig sa isa’t isa. Alam niyang mugto ang mga mata niya pero hindi siya umiwas tumingin dito.

Bagkus, ang asawa pa ang tila naasiwang tumitig sa kanya. Nagbawi agad ito ng tingin matapos arukin ang nasa isipan at kalooban niya.

Nangamba si Naomi na baka nahulaan ng lalaki ang plano niya pero hindi na siya natatakot na magalit ito. Nakahanda siyang gawin ang lahat para makasama nito.

“Brando, heto ang kanin,” anang Tiya Restituta ni Naomi. Bahagyang nakangiti ang manipis na bibig nito. “Consuelo, ang ulam, iabot mo nga kay Brando.”

“Oo, Ate.” Magaan ang tono ng bunso.

“May niluluto pa ako sa kusina, Ate. Kukunin ko lang,” paalam ni Norlita, ang pangalawa sa panganay.

Nakangiti rin ito. Anupa’t nawawala ang asim ng mga mukha ng tatlong magkakapatid kapag kaharap si Brando.

Nakamasid lamang si Naomi. Pinapanood niya ang reaksiyon ng asawa sa tinatamasang atensiyon na dati-rati ay sa kanya lamang nakatutok.

Hindi naman siya nagseselos. Mas gusto nga niyang nawala na sa kanya ang tratong-musmos na iniuukol ng mga nakatatandang babae.

“Salamat sa inyo, Tiya Resti, Tiya Conching, at Tiya Nora,” ani Brando. Nakalitaw ang mapuputi at perpektong ngipin sa pagkakangiti sa mga kaharap.

“Tiyak na mapapadali ang pagbabalik ko rito dahil hahanap-hanapin ko ang mga pag-aasikaso n’yo,” dugtong pa nito.

Naramdaman ni Naomi ang mga makahulugang sulyap sa gawi niya pero hindi siya nag-angat ng paningin. Kunwa’y abala siya sa pag-aayos ng pagkain sa pinggan niya.

“E, kailan ka ba talaga makakabalik?” usisa ni Tiya Consuelo.

“Baka puwedeng isama mo na si Naomi?” suhestiyon ni Tiya Norlita.

Iyon ang sumira sa pakunwaring pagwawalangbahala ni Naomi. Nagulat talaga siya.

Hindi niya akalain na magsasalita ng gayon kalumanay ang isa sa tatlo.

“Norlita!” Napabulalas si Tiya Restituta. Nagulat rin. “Pasensiya ka na, Brando,” wika nito sa lalaki.

Nanatili namang kalmado ang huli. Tumango ito habang sumusulyap sa gawi ni Naomi.

“Wala namang masama sa sinabi ni Tiya Nora,” anito. “Tama lang na isama ko ang aking – asawa, kung pupuwede. Ang kaso nga, imposibleng maisama ko si Naomi.”

Nanumbalik ang pait sa panlasa niya. Tuluyan nang nawala ang gana niyang kumain.

“Bakit naman?” tanong na naman ni Tiya Consuelo. “Kung matagal bago ka makauwi, mas maigi kung kasama mo na si Naomi.”

“Oo nga. Alam mo namang mainipin si Naomi.” Si Tiya Norlita na naman ang sumegunda.

Habang nagpapalipat-lipat ang tingin ni Naomi sa dalawang tiyahin, unti-unting nawawala ang pagkayamot niya sa mga ito.

Kaytagal niyang naniwala na mga kontrabida ang mga ito sa kaligayahan niya, pero ngayon ay kakampi pa niya.

“Norlita, ang niluluto mo sa kusina,” sabad ni Tiya Restituta. “Baka nasusunog na.” Nandidilat na ang mga mata nito.

“Oo nga pala.” Tumindig ang pinandilatan pero sinenyasan nito ang bunsong kapatid.

Ipinagpatuloy nga ni Tiya Consuelo ang ‘misyon’.

“Hindi sa itinataboy namin si Naomi, Brando,” dagdag nito.

LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET-3

Comments are closed.