Loving Someone Is Bitter-Sweet-3

“Pero bagong kasal pa lang kayo kaya hindi magandang tingnan kung iiwan mo siya agad.” Tila hindi na maaawat si Tiya Consuelo.

“Magiging tampulan siya ng mga usap-usapan ng mga tao.”

“Walang pakialam ang ibang tao sa atin,” bawi ni Tiya Restituta. Mataras ang tono, pati na ang anyo. “Hindi tayo nanghihingi sa kahit na sinong taga-baryo!”

“Ang iniisip ko lang naman ay ang kapakanan ng ating pamangkin, Ate,” pangangatwiran ng nakababata.

“Mas higit na delingkuwente ang sitwasyon niya ngayon kaysa nung wala pa siyang asawa.”

“Ano’ng ibig mong sabihin?” panghahamon ng panganay.

Bahagyang namula ang tinanong pero nagpatuloy pa rin ito.

“Er, mas magiging sentro siya ng pansin ngayon, dahil may karanasan na siya. At iisipin ng mga kalalakihan na, uh, maghahanap ng, er, atensiyon si Naomi kapag nangungulila na sa asawang si Brando.”

“Consuelo!” Napasinghap si Tiya Restituta.

Want to read the Start of Stories Online titled – LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET…? Click Here!

Namumula ang mukha nito at nanlalaki ang mga mata. Saka pa lang napapagtanto ang punto ng mga kapatid.

“Er, Brando, ano ba sa palagay mo ang dapat?”

Halatang nagpipigil ng emosyon ang lalaki nang magsalita. Ngunit ang ekspresyon nito ay enigmatiko.

“Babalik na lang ako agad para hindi mangyari ang kinatatakutan ni Tiya Conching,” pahayag nito. Pinal na ang tono.

“Gano’n naman pala. Tapos na ang paksa, Conching,” pagtatapos ni Tiya Restituta.

Sa di malamang dahilan, andap itong ipilit ang nararapat sa asawa ng pamangkin.

Si Naomi naman ay lalong naging determinado. Hindi siya magpapaiwan!

Matagtag ang biyahe, bukod sa napakahaba. Baku-bako ang daan kaya nagkalamug-lamog si Naomi sa pinagtataguan niya sa likurang bahagi ng Wrangler.

Gayunpaman, nagtiis siya. Inimpit niya ang mga daing na gustong humulagpos sa lalamunan kapag lalo pang nabubugbog ang kanyang tagiliran dahil sa pagkakasiksik niya sa ilalim ng upuan.

Tanging ang ulo lamang niya ang medyo kumportable dahil ginawa niyang unan ang munting balutan ng mga damit niya.

Dakong tanghali na nang bumuti ang sitwasyon. Naramdaman niyang kuminis na ang daan dahil naging madalang na ang pagtalon at pag-alon ng sasakyan.

Ngunit saglit lamang ang pasasalamat niya dahil ang sikmura naman niya ang nagmarakulyo.

Kaunti lang ang kinain niya sa hapunan kagabi dahil sa pagpipigil ng sama ng loob.

At kaninang umaga ay wala siyang almusal dahil madaling-araw pa lang nung patalilis na sumakay sa dyip.

Pinisil ng mga daliri niya ang pipis na tiyan upang pahintuin sa pagkulo. Baka marinig ni Brando ang pag-iingay ng mga bituka niya.

Nakatulugan niya ang pagtitiis ng gutom. Namalayan na lang niya na nakahinto na ang sasakyan.

At nasa gitna na ng mataong lugar.

Nakiramdam muna siya bago nagpasiyang lumabas sa taguan. Halos hindi niya maigalaw ang mga biyas dahil tila nakatulog rin ang kanyang mga kalamnan.

Isang palengke ang kinaroroonan nila. Nakaparada sa tapat ng isang tindahan ng mga lutong pagkain ang Wrangler.

Natatanaw niya ang likod ni Brando habang nakaupo sa mahabang upuan. Kumakain ito kasabay ng iba pang tao na katabi.

Nanghina si Naomi nang maamoy ang sari-saring pagkain sa paligid. Kundi siguro nangingimi ang kanyang mga braso at binti, baka nakaibis na rin siya at nanghihingi na ng pagkain kay Brando!

Muli, nagtiis na lang siya hanggang sa makatulog na naman. Nakatulong ang pagpupuyat ng nagdaang gabi.

Nang muli siyang magkamalay, umaandar na uli sila. Nauulinigan pa niya ang pagsipol ng lalaki habang nagmamaneho.

Malapit nang magtakipsilim. Nasisilip na niya mula sa kinahihigaan nang patagilid ang papadilim na langit at nararamdaman na niya ang paglamig ng ihip ng hangin.

Pumikit uli siya. Ayaw niyang maalala ng katawan ang nadaramang gutom.

Ngunit hustong-husto na siya sa tulog. Nutrisyon naman ang kailangan niya.

Hinimas ng isang palad niya ang tapat ng tiyan. Manhid na ang pakiramdam niyon. Para bang kinain na ng malaking bituka niya ang maliliit.

Napaigtad siya nang bumusina ng sunud-sunod ang lalaki. Pamaya-maya’y umusad na naman ang sinasakyan nila.

Nang mga sandaling iyon, liyung-liyo na talaga siya. Halos hindi na makagalaw sa kinalalagyan.

Hinang-hina na sa uhaw at sa gutom. Di niya namalayan na napapaungol na siya nang malakas.

Nakapikit siya nang makaramdam ng ginhawa sa paghinga. May bumugsong sariwang hangin sa kanyang mukha.

Kaipala, nakaalis na siya sa lunggang kinasisiksikan. Nang dumilat siya, nakatunghay na sa kanya ang madilim na mukha ni Brando.

“Little fool!” pagmumura nito, paangil. “Nagpapakamatay ka ba?”

Hindi na nito hinintay ang tugon niya. Dali-dali siyang pinangko at inilabas mula sa likuran ng sasakyan. Inilipat siya sa passenger’s seat sa harapan upang doon pagyamanin.

Minasahe ng mahahabang daliri ang kanyang mga kamay at braso, pati na ang mga hita at binti. Kapagkuwa’y pinunasan ng basa-basang bimpo ang kanyang mukha at leeg.

Pagkatapos, pinainom siya ng tubig mula sa plastik na bote ng mineral water.

Inilayo ng lalaki ang inumin nang masamid siya. Umungol siya.

“Mamaya uli,” pangako nito. “Hindi ka puwedeng mabigla.”

“S-salamat…” Hindi niya makilala ang sariling boses. Garalgal at paus na paos.

“Tsk! Pinahihirapan mo ang sarili mo, Naomi,” sambit ni Brando.

Tila may halong pag-aalala ang pagkayamot sa tinig nito.

“Dapat ay nagpaiwan ka na lang.”

“A-alam kong hindi ka na babalik, Brando,” tugon niya, kahit na nahihirapang magsalita. “Wala namang dahilan para bumalik ka pa doon.”

Hindi itinanggi ng lalaki ang tinuran niya. Nagtagis lamang ang mga bagang nito habang iniiwas ang tingin.

Sinundan niya ang direksiyong tinungo ng mga mata nito.

At gayon na lang ang pagkamangha niya sa nakita. Isang mala-palasyong bahay ang nasa harapan nila.

Nakaparada ang sasakyan sa may pagpasok ng malawak na bakuran. Napapalibutan ng pantay-pantay na damo at mabulaklak na mga halaman.

Mistulang isang paraiso ang kinaroroonan nila.

“S-saan tayo naruroon?” May bahid ng pagtataka ang tanong niya.

“Sa bahay ko.”

Namilog pa lalo ang mga mata ni Naomi. Hindi siya makapaniwala.

“G-ganito kalaki ang bahay mo?” Bigla siyang nakaramdam ng panliliit.

Naalala kasi niya ang pagkaawa niya rito nung nakatira pa sa munting kubo na itinayo nang madalian sa likod ng kapilya ng baryo.

Tumango lang ang lalaki. Kumunot ang noo nito habang nakatitig sa magarang istruktura.

Si Naomi naman ay unti-unti nang hinuhulasan ng kanyang pagkabigla.

“H-hindi trabaho ang talagang dahilan kaya gusto mong umalis sa baryo, Brando,” pahayag niya.

LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET-4

Comments are closed.