Loving Someone Is Bitter-Sweet-4

“May pamilya ka na ba?” Kusang numulas sa bibig ni Naomi ang mga salita. Ni hindi na siya nakapag-isip.

Nabawi niya ang atensiyon ng lalaki.

“Binata pa ako, Naomi,” ang mariing pahayag ni Brando.

“Pero ang kasal na iginapos mo sa akin ay balewala dito,” dugtong pa habang nakatingin nang diretso sa kanya.

“K-kaya ba ayaw mo akong sipingan?” panghuhula niya.

Parang isa-isang nawala ang mga ulap na nakatabing sa kanyang isipan. Unti-unting nadagdagan ang mga taon sa edad niya.

Sa loob lang ng ilang sandali, naglaho ang kanyang kabataan.

“P-para mapawalambisa agad ang ating kasal?”

Isang mapaklang ngiti ang sumilay sa matiim na bibig.

“Matalino ka, Naomi. Mabilis kang makaintindi,” papuri nito, sa tonong sarkastiko.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET…? Click Here!]

Nakaramdam ng pangangatal sa buong katawan si Naomi. Hindi sanhi ng gutom o pagod.

“I-ibabalik mo ba ako sa baryo?”

Tila nag-isip muna si Brando. Nang umiling ito, lumuwag pa ang paghinga niya. Aywan kung bakit.

“Yamang nandito ka na, gagamitin ko na ang presensiya mo,” wika nito.

“Puwede kang manatili dito pero ayaw kong makarinig ng anumang reklamo. Nakahanda ka ba?”

Napamaang si Naomi. “P-payag kang manatili ako dito?” Hindi pa pala humulas ang kahibangan niya!

“H-hindi mo ako ibabalik sa baryo?” paniniguro pa niya.

Bumuntonghininga muna si Brando, bago tumango.

“Huwag mong kalilimutan ang kondisyon, Naomi,” babala nito.

“Kung hindi mo makakayang dalhin ang hirap ng sitwasyon dito, sumuko ka na lang agad. Maliwanag?”

Walang gatol ang pagtango ni Naomi. “Oo, Brando.”

Saglit na nagtiimbagang ang lalaki bago kumilos. Dinampot nito ang bote ng tubig sa may paanan niya at iniabot sa kanya.

“Kaya mo na bang lumakad?” tanong nito.

Sinubukan niyang iunat ang mga binti bilang sagot. Ipinadyak pa niya ang mga paa para matiyak na nanumbalik na ang pakiramdam ng mga iyon.

“Iinom pa ako,” aniya habang pinipihit ang takip ng bote.

Sumakay uli ang lalaki sa dyip para paandarin na naman ang makina.

“Huwag ka sanang magsisi sa pagpupumilit mong sumama sa akin, Naomi,” wika nito, hindi nakatingin sa kanya. “Dahil kapag nakatulong ka sa akin, bibigyan kita ng gantimpala.”

Kinagat niya ang ibabang labi para mapigilan ang kuryosidad. At ang paghulagpos ng kasiyahan niya sa naging desisyon ng lalaki.

Kahit na ano pa ang kondisyon nito — at kahit na walang gantimpala — ay papayag siya.

Ganito ba ang pag-ibig?

Umusad na sila palapit sa matayog na gusali. Pigil-pigil ni Naomi ang paghinga. Natatakot siyang baka magising siya mula sa isang panaginip lamang.

“P-parang walang tao,” puna niya nang nakahinto na uli sila.

Nakatingala siya habang minamasdan ang magarbong mukha ng tahanan ni Brando.

“Hindi pa nila alam na dumating na ako. Nasa likod-bahay siguro,” anang lalaki habang inaalalayan siya sa pag-ibis. “Kaya mo na ba talaga?”

Sinubukan niyang tumindig mag-isa ngunit agad na bumuway ang tayo niya nang mangatog ang mga tuhod.

Bago tuluyang tumiklop ang mga iyon, nakakawit na ang braso ni Brando sa beywang niya.

“Bubuhatin na lang kita,” anito habang pinapangko siya.

Hindi siya tumanggi dahil langit para sa kanya ang mapalapit nang husto rito. Pumulupot pa ang mga bisig niya sa leeg nito.

Ninamnam niya ang mga sandaling iyon. Pinakinggan niya ang matatag na pagpintig ng puso ni Brando sa ilalim ng malapad na dibdib.

Tinandaan niya ang mainit na hipo ng makinis na balat nito. Pati na ang maligamgam na dapyo ng mabangong hininga sa kanyang noo.

A, kung puwede lang na manatili siya sa kinaroroonan ng habang panahon!

Ngunit nakarating na sila sa loob ng bahay. Nakakalula ang mga kasangkapang pulos magaganda at mamahalin.

Natanaw niya ang repleksiyon nilang dalawa sa isang higanteng salamin na may eleganteng hugis.

Pakiramdam niya tuloy, isa siyang prinsesa na dinadala ng kanyang prinsipe sa kanilang palasyo…

“Dito ka muna,” ani Brando.

Malamig na naman ang tono. Inilapag siya nito sa isang malambot na sopa. Halos pabagsak nga.

Para bang napapaso. O nandidiri.

“O-oo.” Nasa boses niya ang kalungkutan dahil natapos na agad ang pantasya.

“Er, saan ka pupunta?” pahabol niya nang papalabas na ang lalaki sa pintuan ng sala.

“Hahanapin ko ang mga tao dito. Magpapahanda ako ng pagkain. Siguradong nagugutom ka na.”

Nawala na ito agad bago pa siya nakasagot. Nagkasya na lang siya sa pagmamasid sa paligid.

Maraming kapareho ang sopang kinauupuan niya. Nakaayos ng paikot sa isang biluhabang lamesita na yari sa ginto at salamin.

Tumuwid siya sa pagkakaupo. Inilapat ang mga paa sa sahig.

Muntik na siyang mapasinghap nang mahipo ng mga talampakan ang makapal na alpombra. Animo damuhan sa parang ang hipo. Napakalambot.

Nang makaipon ng lakas, tumayo siya. Naglakad-lakad.

Namaybay sa iba pang muwebles na nagkalat sa palibot hanggang sa mabawi na niya ang lahat ng balanse.

Nakatanaw siya sa labas ng isa sa malalaking bintanang salamin nang makaulinig ng mga yabag na papalapit.

Humarap siya sa gawi ng pintuan upang abangan ang pagdating ni Brando.

Ngunit isang babaeng may maputi at malamig na mukha ang bumulaga sa kanya.

“Sino ka?” asik nito sa kanya bago pa siya makahuma.

Nanlamig si Naomi nang matuklasang naumid ang kanyang dila.

Hindi siya makapagsalita. Hindi rin makatinag.

Nagmistula siyang estatwa habang pinapanood ang unti-unting pagbangis ng anyo ng bagong dating.

“Ikaw ba ang asawa ni Brando?” pananalakab nito. Tila lalo pang tumigas ang tono.

Kusang tumango ang ulo niya.

Nanlisik ang mga mata ng babae.

“Napakawalanghiya talaga!” bulalas nito. “Nas’an ba ang lalaking ‘yon? Brando! Brando, magtutuos tayo!”

Napakurap na lamang si Naomi nang biglang mawala sa paningin ang babae. Pakiramdam niya, multo lamang ito.

Ngunit hindi siya dinaya ng kanyang paningin. Ramdam na ramdam niya ang poot ng aparisyon. Nakakapaso ang nag-aapoy na pagkamuhi nito.

Pinilit niyang ihakbang ang mga paa upang sundan si Brando. Kailangang masabihan niya ang lalaki.

Huli na siya. Mula sa kinaroroonan, nauulinigan na niya ang alingawngaw ng mga galit na boses. Iyon ang nagbigay ng dagdag na lakas sa kanya.

Dali-dali siyang nagtungo sa direksiyong pinagmumulan ng mga ingay.

Napahinto siya nang biglang tumahimik. Parang biglang tumigil ang lahat.

Sumikdo ang dibdib niya nang sagilahan ng takot ang isipan. Baka… Baka–

Agad siyang nagpatuloy sa paglakad. Gusto niyang lumipad pero napakabagal ng pagkilos niya. Nahahapo na naman siya.

LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET-5

Comments are closed.