Loving Someone Is Bitter-Sweet-5

At saka hindi alam ni Naomi kung saan maghahanap ngayong napakatahimik nga.

Nagpatuloy lang siya.

Nakarating siya sa dulo ng maluwag at mahabang koridor. May pintuan doon na bahagyang nakaawang.

Hinila siya ng mga paa papasok. Nakarinig siya ng mga kaluskos.

Nakailang hakbang na siya nang mahagip ng tingin ang dalawang nilalang na pinag-isa na ng mahigpit na yakap at mapusok na halik.

Parang tinarak ng matalas na balaraw ang dibdib ni Naomi nang makita si Brando at ang babae kanina na magkaniig ang mga labi.

Napadaing siya sa sobrang sakit na naramdaman. Tinutop ng nagyeyelong palad ang kanyang dibdib upang hindi makasigaw.

Tila naramdaman ng lalaki ang panggigipuspos niya.

Nag-angat ito ng tingin kahit na nakayapos pa rin sa katalik.

Naningkit ang mga mata nito nang mapatitig sa kanya. Para bang inuutusan siyang umalis.

Aywan kung paano pa siya nakakilos. Namalayan na lamang niyang tumatalima ang kanyang mga biyas sa utos ni Brando.

Nakalabas siya ng kusina nang halos wala sa sarili.

Hinihingal siya nang makabalik sa eleganteng sala. Halos panawan na siya ng ulirat ngunit nakapagpigil siya.

Pabagsak siyang naupo sa sopa. Sumandal ang nangangatal na katawan at pumikit nang mariin.

Litung-lito siya. Hindi alam kung saan susuling ang kanyang isipan.

Want to read the Start of Stories Online titled – LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET…? Click Here!

Anong klaseng sitwasyon ba ang nasuotan niya? Ano’ng klaseng tao ang lalaking pinakasalan niya?

Hindi na niya nakita pa uli si Brando hanggang sa gumabi. Isang katulong na malapit sa edad niya ang dumating upang sunduin siya at ihatid sa isang magarang silid-tulugan.

Ito rin ang naghatid ng pagkain sa kanya bago siya tinulungan maglinis ng sarili sa banyo at magpalit ng damit.

“S-si Brando?” tanong niya, nang hindi na makapagpigil.

Humulas na nang bahagya ang kanyang pagkabigla. Gusto niyang makausap ang lalaki.

Nais niya maintindihan ang tunay na sitwasyon. Ibig niyang malaman kung ano ang magiging papel niya sa bahay na ito.

A, baliw na nga yata siya! Kahit na alam niyang masasaktan lang siya kung mananatili sa buhay ni Brando, ayaw pa rin niyang umalis.

“S-si Senyorito Brando?” Tila nalito ang tinanong. Naging mailap ang mga mata nito. “Er, w-wala siya. Umalis siya…”

“Sino’ng kasama niya?”

Lalong nabalisa ang kausap. Pinilipit nito ang mga kamay na nakahawak sa suot na apron.

“Er, hindi ko siya nakitang umalis.”

“Sino ang babaeng maputi?”

Nagulat ang katulong na dalaga. Nanlaki ang mga mata nito at nabigla sa pagsagot.

“N-nagkita na kayo ni Senyora Marietta?”

Tumango siya. “Sino siya?” Tuluy-Tuloy na sa paglago ang lakas ng loob niya.

Namumutla na ang kaharap. “S-siya ang madrasta ni Senyorito Brando — ”

“Kung tapos ka ng magsilbi sa kanya, maaari ka nang umalis, Diday,” pakli ng isang matigas na tinig-lalaki.

Sabay silang napapitlag ni Diday. Namutla si Naomi nang malingunan si Brando.

Nakatayo ito sa bukas na pintuan. Hindi nila namalayan ang pagdating nito.

Nagkumahog si Diday sa paglabas ng kuwarto.

“S-sige po,” paalam nito, kandautal.

Ni hindi ito tinapunan ng sulyap ng lalaki. Nakatutok lang sa kanya ang mga matang madidilim.

Isinara nito ang dahon ng pinto nang mapag-isa na sila, humakbang ito, nakatitig pa rin sa kanya.

“Susuko ka na ba?” tanong nito matapos maghari ang mabigat na katahimikan. “Uuwi ka na?”

Nagtagis ang mga bagang ni Naomi nang mapagtanto kung ano ang tinutumbok ng lalaki. Pinaningkitan niya ito ng mga mata.

“Depende siguro kung ano ang magiging papel ko dito, Brando,” patianod niya kunwari. “Ano ba ako — asawa o kurtina?”

“Ano’ng ibig mong sabihin?” Tila napamaaang ang lalaki. Hindi nito inaasahan ang pagpapakita niya ng tapang.

“Balak mo akong gamiting taguan, hindi ba?” pananalakab niya.

“Gusto mong manatiling lihim ang bawal na relasyon n’yo ng iyong madrasta, hindi ba?”

Aywan kung saan niya nakukuha ang mga sinasabing iyon. Para bang ang lahat ng mga usapan ng mga matatanda na napakinggan niyang lihim noon ay humuhubog na sa kanyang utak.

Nagkaroon na ng liku-likong takbo ang kanyang isipan. May mga madidilim na sulok na pala.

“Ang eksena kanina ay hindi mo dapat nakita, Naomim,” wika ng lalaki. “Kalimutan mo na ‘yon.”

“Gan’on lang?”

Pumiksi ang lalaki. Kumuyom ang mga kamay at isinuksok sa magkabilang bulsa ng pantalon.

Bumuntonghininga ito. Para bang nalilito. Pamaya-maya’y pumiksi ulit.

“Sa palagay ko, mas maiging umuwi ka na lang sa baryo, Naomi. Mali ang umasa ako na makakatulong ka sa akin.”

Seryosong-seryoso ang tono. “You’re too young. Too innocent… Ipapahatid kita bukas sa inyo.”

“Kapag ginawa mo ‘yan, maglalayas ako. Babalik ako dito,” pananakot niya.

Nang marinig ang sarili, napailing siya. Papiksi rin. Imposibleng matupad ang kahit na anong banta niya. Wala siyang kakayahan. Wala siyang kalayaan dahil bata lang siya.

Napagtanto niyang hindi seryosong pakinggan ang pagrerebelde niya.

“Mali ang sinabi kong ‘yon. Kalimutan mo,” bawi niya. “Nakahanda akong tumulong, Brando.”

“Hindi mo alam kung gaano ka-kumplikado ang sitwasyon, Naomi.”

Tinitigan niya nang tuwid ang lalaki. “Sa umpisa pa lang, balak mo na akong gamitin, Brando,” wika niya, sa tiyak na tono.

“Mas makaranasan ka kaysa sa akin kaya alam mong nagkakagusto na ako sa ‘yo. Pero hindi mo ako pinigilan. Hinayaan mo lang na lumaki nang lumaki ang atraksiyon na nadarama ko sa ‘yo. Aminin mong naka-plano ang kasal natin. Puwede kang tumakbo nung pinipikot kita.”

Saglit lang ang pag-aalangan nito. Tumango matapos mag-isip sandali.

“Inaamin ko, pero hindi ko binalak na isama ka rito.”

Tuluyan nang namatay ang munting pag-asa na nasa puso ni Naomi.

Sana lang ay pati ang hibang na pag-ibig ay nakitil na rin.

“Bakit?” tanong niya, pabulong na lang.

“Hindi ko gustong masira ang kinabukasan mo kaya naka-plano rin ang paglaya mo pagkatapos ng lahat ng gulo. Nagpakasal ako sa ‘yo dahil ayokong mapuwersang magpakasal sa biyuda ng aking nasirang ama!”

Napatigagal siya sa narinig. Kung posible pa, lalo lang gumulo ang sitwasyon. Naging mas mahirap maintindihan.

“B-bakit mangyayari ‘yon?”

Tumalikod ang lalaki. Lumakad palapit sa bintana. Tumanaw sa labas. Para bang nakikipaghamok sa sarili.

“May anak kami ni Marietta,” pagtatapat nito. Nakatalikod pa rin sa kanya.

“A-ano?”

“Hindi ako siguradong akin ang bata pero wala akong paraan upang patunayan ‘yon,” patuloy nito. Mababa ang boses.

“Ang bagay na iyon ang pumatay kay Papa,” dugtong nito.

LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET-6

Comments are closed.