Loving Someone Is Bitter-Sweet-6

Nawalan ng imik si Naomi. Napatitig na lamang siya sa hukot na hugis ng malalapad na balikat ng lalaki.

Isa-isa, naintindihan niya ang maraming bagay tungkol dito.

Kaya pala pinili nitong magbakasyon sa isang liblib na baryo, kapiling ang matandang tiyuhin na pari. Nagpatulong palang maglinis ng kunsensiya.

“N-nasaan ang bata?” tanong niya nang matagpuan uli ang boses.

Nilinga siya ng lalaki. Para bang nagulat pa. Kaipala, nakalimutan na nitong magkausap sila.

“Makikita mo siya — kapag nanatili ka dito, Naomi,” tugon nito nang makabawi.

“Pag-isipan mong mabuti ang desisyon mo. Magkikita tayo uli bukas ng umaga.”

“Sandali,” pigil niya nang akmang lalabas na ng kuwarto niya ang lalaki.

Huminto naman ito agad.

Naantig ang damdamin niya nang mabasa ang paghihirap ng kalooban nito na kaytagal na palang kinikimkim.

“Hindi mo pa sinasagot ang unang tanong ko, Brando,” paalala niya. “Ano ba ang magiging papel ko dito sa bahay na ito?”

“Asawa kita, Naomi,” pahayag nito. “Habang hindi pa natatapos ang usapin tungkol sa paghahabol ng madrasta ko.”

“Ano’ng mangyayari kapag napatunayang anak mo ang batang isinilang niya?”

Katahimikan ang itinugon ni Brando kaya napilitan siyang manghula.

“Pawawalang-bisa mo ang kasal natin at magpapakasal ka sa kanya?”

Marahang tumango si Brando. Nakatingin ito ng diretso sa kanya.

“Nagkamali ako nung gamitin kita, Naomi,” sambit nito. “Bata ka pa.”

Want to read the Start of Stories Online titled – LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET…? Click Here!

“Ang pagiging bata ko ang naging daan para mapiling maging tauhan sa palabas mo, Brando,” wika niya, sa malungkot na tono. “Bulag ako. Ignorante… kaya madali akong pumasok sa bitag mo — habang naniniwalang ikaw ang nabitag ko.”

“Hindi pa ako hihingi ng tawad sa ‘yo, Naomi.”

“Wala kang kasalanan. Kagustuhan ko rin ang mga nangyayari sa buhay ko ngayon. Tinupad mo naman ang pangarap ko. Nakaalis ako sa baryo namin.” Pilit niyang pinasaya ang pagsasalita.

Mapakla ang ngiting ibinigay ng lalaki sa kanya.

“Darating ang araw, hahanapin mo rin ang katahimikan ng baryo n’yo, Naomi,” sambit ni Brando.

“Huwag sanang mangyari ‘yon bago matapos ang problema mo,” salo niya. “Gusto kong tumulong sa ‘yo.”

Tila nagkaroon ng panibagong kislap sa mga matang madidilim ni Brando.

“Kahit na puwede pang magbago ang sinabi mong ‘yan bukas, nagpapasalamat na ako, Naomi,” pahayag nito.

“Aaminin kong nabibigla ako sa sinasabi mo ngayon. I didn’t expect such maturity from a young thing like you. Disisiyete ka lang, hindi ba?”

Bahagyang namula ang mga pisngi ni Naomi sa papuring nakalakip sa baritonong tinig.

“Isang buwan at kalahati na lang, disiotso na ako, Brando. Malapit nang maging legal ang edad ko.”

Nadagdagan ang pangingislap ng mga mata ng lalaki. May isinisilang na mga bagong ideya.

“Papayag ka bang magawan ng paraan ang batam-batang hitsura mo? Puwedeng madagdagan ng kaunti ang edad mo sa pamamagitan ng mga tamang damit at pag-aayos.”

“Gagawin ko ang lahat para makatulong sa ‘yo, Brando.” Walang gatol ang tugon niya.

Dahil mahal kita, Brando…

“Buweno, dadalhin kita sa mga eksperto bukas,” pangako ng lalaki. “Magpahinga ka na, Naomi. Goodnight.” Patungo na naman ito sa pinto ng silid-tulugan.

Pinigilan uli niya ito. “K-kung gusto mong makumbinsi ang madrasta mo na mag-asawa tayo, dapat sigurong dito ka rin matulog,” suhestiyon niya.

Hindi kaya isang pagsasamantala na sa kagipitan ang ginagawa niya? Hindi naman siguro.

Pero sobra-sobrang kasiyahan ang madarama niya kapag pumayag na magkasama sila ni Brando sa isang kuwarto.

Pigil-hininga siyang naghintay sa kasagutan.

“Mapanganib ang suhestiyon mo, Naomi,” pag-amin ng lalaki “Pero malaking-malaki ang punto mo. Salamat.”

Sumikdo sa matinding katuwaan ang pagpintig ng puso niya.

“W-walang anuman,” sambit niya, paanas.

“May kukunin lang ako sa silid ko. Mauna ka nang magpahinga, Naomi,” utos nito habang pinipihit ang seradura ng pinto. Hindi makatingin sa kanya ng tuwid.

“Babalik ako agad,” dugtong pa.

Hindi naniniwala si Naomi ngunit hindi na niya kayang pigilan ang antok na inihatid ng tumatakas na takipsilim.

Hindi pa nakakabawi sa pagod at puyat ang kanyang murang katawan. Nahiga siya sa isang gilid ng malaki at malabot na kama. Inilaan niya ang kabilang gilid para sa lalaki.

Sa wakas, magkakatabi na sila!

Ngunit napangal lang sa kahihintay si Naomi. Nakatulog siya ng di namamalayan at maliwanag na nang magising.

Inapuhap agad ng tingin niya ang bahagi ng kama na inilaan para kay Brando.

Kumurap-kurap siya nang makita ang isang hibla ng maikling buhok sa putim-puting unan.

Natulog nga sa tabi niya ang asawa!

Naging dahilan iyon ng paggaan ng katawan niya. Pakanta-kanta pa siya habang naliligo.

Dinatnan niyang nagliligpit ng higaan si Diday nang lumabas siya mula sa banyo. Nakabalot pa ng tuwalya ang ulo niya at nakasuot lang siya ng roba.

Hindi makatingin ng diretso sa kanya ang katulong, pero nagbigay-galang ito nang masulyapan ang pagdating niya.

“Magandang umaga, er, Senyorita,” bati nito.

Namangha siya sa narinig na itinawag sa kanya.

“Puwede bang huwag mo akong tawagin ng ganyan?” hiling niya. “Naomi na lang.”

Nagpalinga-linga muna ito bago tumugon sa kanya. “Yan ang gusto ni Senyorito Brando.”

“E, di kapag kaharap lang siya, saka mo ako tawagin ng ganyan,” salo niya. “Wala akong kaibigan, Diday. Puwede ba kitang maging kaibigan?”

Halatang ikinagulat ni Diday ang kahilingan niya. Napatitig muna ito sa kanya.

Para bang inarok ang katapatan niya bago tumango nang marahan.

“I-ikaw ang bahala, er, Naomi.”

Ngumiti siya bilang pasalamat.

“Nagagalak ako, Diday,” aniya. “Puwede na kayang mag-almusal? Nagugutom na ako.”

Dagling binitawan ni Diday ang itiniklop na kumot.

“Aba’y oo, sen-este, N-naomi. Halika, sasamahan na kita sa kumedor,” aya nito. Nakangiti na rin bagama’t nakikimi pa.

“Sa umpisa ka lang naman malilito sa laki ng bahay na ito. Pag tagal-tagal, tiyak na masasanay at makakabisa mo na rin.”

“Salamat sa impormasyon, Diday. Sana ay palagi kang nasa tabi ko.”

“Oo,” pangako nito. “Maaasahan mo, Naomi.”

Magkasabay silang bumaba sa hagdanang yari sa marmol. Dito rin sila dumaan kahapon ngunit ngayon lang niya napuna ang maaliwalas na ayos ng kapaligiran.

May maluwang na ispasyo na nagsisimula sa hagdan hanggang sa malaking pinto sa harapan.

Nagkalat ang magagarang kasangkapan at pigurin. Pati na ang mga halaman na nakatanim sa mga higanteng paso at banga.

Dinala siya ni Diday sa isang silid na malaki at may mataas na kisame.

LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET-7

Comments are closed.