Loving Someone Is Bitter-Sweet-7

Di mabilang ang mga plorera na umaapaw sa iba’t ibang klaseng bulaklak.

Pati na ang mga bintanang makikitid at mahahaba na pawang nangakabukas para papasukin ang sariwang simoy ng hangin at ang ginintuang sinag ng araw.

Naakit siyang lumapit doon.

“May pinto pala,” sambit niya matapos matuklasan ang malapad na balkonahe na karugtong papalabas.

“Kapag ganitong maganda ang araw, sa labas nagpapahain ng pagkain si Senyorito Brando,” pahayag ni Diday.

Natanaw nga niya ang bilog na lamesang yari sa rattan.

Walang nakadulog pero may ilang puswelo at platito na nakahilera sa trolley. Puno ng tinapay ang basket na may line napkin.

Wala pa ring bawas ang babasaging pitsel ng orange juice.

Nasaan kaya si Brando? bulong niya sa sarili.

May narinig siyang mga yabag na papalapit.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET…? Click Here!]

Inasahan niyang si Brando ang bubuglaw sa pintuan ngunit isa na namang katulong na de-uniporme ang dumating.

Ang kaibahan lang kay Diday, may dala itong batang lalaki na may tatlong taong gulang na.

Naaresto agad ang buong atensiyon niya. Napatitig siya rito.

Walang kakurap-kurap. Kaipala, hinahanap niya si Brando sa bilugang mukha ng musmos. Nahulaan agad niyang ito ang batang binanggit ng lalaki kagabi.

“Siya ba ang anak ni Senyora Marietta?” tanong niya kay Diday, halos pabulong.

Tumango ang tinanong niya. “Ang pangalan niya ay Bimbo,” anito, pabulong din.

Hinintay niyang makalapit ang yaya at ang bata bago siya nagsalita.

“Magandang umaga, Bimbo,” bati niya sa huli. Kaswal ang tono at ang ngiti. “Ako si Naomi.”

“Yomi,” sambit ng bata. Namimilog ang mga mata nito at nakalitaw na ang maliliit na ngipin sa patawang pagngiti. “Yomi! Yomi!”

Nagulat naman ang yaya ng paslit. “Hindi nangilala si Bimbo,” wika nito kay Diday. “Ngayon lang nangyari ‘to, a?”

Tumango si Diday. “Nagustuhan agad niya si Senyorita Naomi,” obserba nito. “Dito mo na pakainin ng almusal si Bimbo,” suhestiyon nito.

“Oo, sige,” wika agad ni Naomi. Hinila niya ang isang silya at tinapik ang upuan.

“Dito ka sa tabi ko,” aya niya. “Payag ka, Bimbo?”

“Opo!” hiyaw ng bata, sabay palakpak.

“Pakikuha mo na nga ang high chair ni Bimbo,” hiling ng tagapag-alaga kay Diday.

“Oo. Sandali lang.”

“Salamat, Senyorita Naomi,” wika ng yaya nang mapag-isa sila.

Ngumiti si Naomi. “Huwag mo na akong tawaging senyorita.”

“Tayo lang naman ang nandito,” wika niya. “Ano’ng pangalan mo?”

“Aning ang pangalan ko,” ang nakikiming tugon nito.

“Tama pala si Diday. Mabait ang napangasawa ni Senyorito Brando.”

“Salamat.” Bahagyang namula ang mga pisngi ni Naomi sa di-inaasahang papuri.

“Yomi, bait. Ganda pa,” sabad ni Bimbo.

Nagkatawanan sila ni Aning. “Naku, ang alaga ko talaga. Bolero!” ang tuwang-tuwang wika nito.

“Pero tutoo naman na maganda ka, sen — este, Naomi pala.”

“Salamat uli.” Kumuha siya ng tinapay sa basket at iniabot sa bata. “Pogi ka naman, Bimbo. Para sa ‘yo.”

“Namat, Yomi.” Tinanggap ng dalawang maliliit na kamay ang mainit-init pang tinapay.

Ikinuwento ni Aning kay Diday ang ginawa ng alaga nang dumating ang huli dala ang isang mataas na silya.

Nagkatawanan din ang mga ito. Nasa ganito silang eksena nang datnan ni Brando.

Agad na nailang ang dalawang katulong sa pagdating ng amo. Maging si Bimbo ay nagpakita rin ng pagkabalisa. Naghilo ito kahit na hindi naman pinapansin ng lalaki.

“Er, papalitan ko pa ang lampin ni Bimbo,” pagdadahilan ni Aning habang maliksing kinakarga ang alaga na kauupo lang sa high chair.

“S-sige, Senyorita Naomi. Sige po, Senyorito Brando.”

Nagpaalam din agad si Diday. Hindi nga magkandatuto.

“K-kung wala na kayong kailangan, may gagawin pa pala ako sa kusina,” wika nito. “Tumawag lang kayo, Senyorita Naomi, Senyorito Brando.”

Si Naomi ang tumugon para sa kanilang dalawa ni Brando.

“Oo, Diday. Tatawag na lang kami kapag may kailangan pa kami.”

“Nakasundo mo agad ang mga kasama namin dito,” puna ni Brando nang silang dalawa na lang. “Pati ang bata.”

Tumango siya, matapos magsalin ng kape sa dalawang puswelo.

“Mababait sila,” aniya. Awtomatikong nilalagyan ng tamang takal ng asukal na puti. “Gatas?” tanong niya.

“Oo.” Tumikhim ang lalaki. “Ano’ng pasya mo? Magpapahatid ka na sa inyo? O didito ka lang?”

Nagkunwari siyang hindi nagulat sa walang paliguy-ligoy na pagtatanong ng lalaki.

Hinalo at tinikman pa muna niya ang sariling kape bago tumugon. Aywan kung saan siya kumuha ng kalma.

Basta pakiramdam lang niya, tumanda na siya ng ilang taon magmula nang ikasal kay Brando…

“Didito lang ako,” pahayag niya. “Hanggang sa matapos ang lahat ng gulo.”

Saglit na katahimikan ang namayani. “Bakit?”

Itinanong na iyon ng lalaki kaagad. Nagkibit siya ng mga balikat at ngumiti nang mapakla.

“Nangako ka ng gantimpala, hindi ba?” Iyon ang naapuhap niya sa loob ng naguguluhang utak.

“Ayoko ng bumalik sa baryo. Gusto kong magkaroon ng pansimula kapag — kapag naghiwalay na tayo,” dagdag niya.

Tumangu-tango si Brando. “Wala ka ng pagtingin sa akin?”

Hindi niya napigil ang sarili sa pagsulyap dito. Enigmatiko ang ekspresyon kaya hindi mabasa kung ano ang iniisip ng lalaki.

“Gusto kong makaalis sa lugar namin kaya hinabul-habol kita, Brando,” tugon niya.

“I see.” Iniangat nito ang tasa para sumimsim ng kape. “Magbihis ka pagkatapos nating mag-almusal. Aalis tayo.”

“Saan tayo pupunta?” maang niya.

“Kailangan mong magmukhang asawa ko, Naomi — hindi nakakabatang kapatid.”

“Oh.” Hiyang-hiya si Naomi. Nawalan na siya ng imik.

Halos maghapon silang namili sa isang napakalawak na gusali, kung saan matatagpuan ang maraming tindahan na pulos magagarbo ang mga paninda.

Magmula sa mga damit, sapatos, alahas, personal na gamit, pabango, aksesorya, at kung anu-ano pa.

Walang pagsidlan ng katuwaan si Naomi. Napakaraming bago na nangyari at nakita niya. Isang mundong kabigha-bighani ang narating niya.

“Salamat, Brando,” wika niya sa lalaki, nang papalabas na sila sa restaurant na kinainan ng tanghalian.

Nangingislap ang mga mata niya at napatitig sa kanya ang lalaki.

“Ngayon ka lang uli sumaya, Naomi,” anito nang mailang siya at magbaba ng tingin.

“N-nakakatuwa naman kasi dito,” paliwanag niya. “Uh, a-ano nga bang tawag sa lugar na ganito?”

“Mall.” Lumagok ng tubig mula sa basong kristal si Brando.

“May appointment ka sa hair salon. Pagod ka na ba? Huli na ‘yon.”

LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET-8

Comments are closed.