Loving Someone Is Bitter-Sweet-8

“Hindi pa naman,” sagot ni Naomi.

Ang tutoo, wala siyang nadaramang kapaguran. Parang hindi niya pinahirapan ang sarili kahapon.

“Er, ano pa ba ang kailangan ko? Nabili na natin ang lahat, hindi ba?”

Isinenyas ng mahahabang daliri ang mahabang buhok niya na nakatirintas ng isa sa likod.

“Your hair needs attention.”

“Ipapagupit mo ‘to?” Hinawakan agad ng isang kamay niya ang buhok para prutektahan.

Umiling ang lalaki. “I wouldn’t dream of it,” agap nito. “Isa ‘yan sa mga nagustuhan ko sa ‘yo.”

Sumikdo ang dibdib ni Naomi sa narinig. “A-ano ang iba pa?”

Parang biglang nahimasmasan ang lalaki. Umiwas ito ng tingin habang umiiling.

“Kalimutan mo’ng may nasabi ako, Naomi.”

“Tsk! Masyado na akong maraming dapat kalimutan, Brando. Bakit hindi mo na lang sagutin ang tanong ko? Alam nating dalawa na may nasabi kang hindi dapat pero gusto ko pa ring malaman.” Probokatibo ang tono niya. Pati na ang ngiti.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET…? Click Here!]

“Anu-ano pa ba ang mga nagustuhan mo sa akin?”

“Malambing ka. Maalalahanin,” tugon ng lalaki. Halatang napipilitan lang. “Masayahin. Palaging nakatawa — pero hindi na nitong huli. Pinalungkot ko ang buhay mo, Naomi.”

“Pinasaya mo naman uli ngayon,” salo niya. “Maraming salamat, Brando. Ngayon lang ako nakapunta sa ganito kasayang lugar.”

Tinitigan siya ng lalaki. Inaarok ang katapatan niya.

“Hindi ka ganyan kababaw, Naomi,” pananalakab ni Brando.

“At hindi madaling kalaban si Marietta,” dugtong nito.

Ni hindi siya nagulat sa pagbanggit ng lalaki sa pangalan ng madrasta.

Palagi kasing nasa likod ng isipan ni Naomi ang nakatatandang babae. Pati na ang batang si Bimbo.

“Gusto kong mag-uwi ng pasalubong para kay Bimbo. Puwede ba?”

Saglit na naningkit ang mga mata ng lalaki. “Bahala ka.”

Pumiksi si Naomi. “Bakit nagagalit ka rin sa bata?” pang-uusig niya. “Hindi mo siya dapat idinadamay.”

“Ayokong bigyan ng pansin ang bata habang hindi pa ako nakakatiyak kung sino siya, Naomi.” Nakatiim ang mga bagang ni Brando habang nagsasalita. Halatang ayaw ang paksang binuksan niya.

“Puwede mo siyang kaibiganin kung ‘yan ang gusto mo,” dagdag pa. Pinal ang tono.

“P’ano kung anak mo nga siya?” pakli ni Naomi. “Mahirap kumpunihin ang mga nasirang emosyon.”

Hindi kumibo ang lalaki. Idinampi nito ang linen napkin sa bibig. Dumukot ng pera sa wallet at kinambatan ang weyter.

“Halika na. Baka ma-kansela pa ang appointment mo kapag nahuli ka.”

“Brando — ”

“Kung ang tinutukoy mo ay ang iyong mga emosyon na sinira ko,” sabad ng lalaki. Malamig na talaga ang tono. “Wala akong panahong magkumpuni ng mga iyon. Hahayaan ko lang na maging wasak habambuhay.”

Para na rin siyang sinampal ni Brando. Namula ang mga pisngi niya at nanlamig ang buong katawan.

“S-sorry,” bulong niya, nang makahanap ng boses. “Hindi na ako makikialam.”

“Mabuti.” Tumindig na ang lalaki. “Lumabas na tayo rito, Naomi.”

Tumango siya. Nakayuko siya habang tumatayo. Itinatago ang mga matang namamasa na sa luha.

Wala pa rin siyang kibo hanggang sa makarating sa hair salon. Isang maikling paalam lamang ang sinambit ni Brando bago siya iniwan sa kandili ng manedyer.

“Ikaw na ang bahala sa kanya, Alfie. Bigyan mo na rin ng ilang tips sa paglalagay ng make-up,” habilin nito sa may-ari ng salon.

“Okey, Brando. Don’t worry about her.” Bumaling ang payat na lalaking kakatwa ang pagkilos. Nakatikwas ang hinliliit nito, pati na ang mga kilay.

“Halika na, sweetheart. Doon tayo sa shampoo chair.”

Luminga siya kay Brando. Tumango lang ito ng isa sa kanya bago tumalikod at lumabas sa pintuang salamin.

Napilitan siyang maging sunud-sunuran kay Alfie. Sinabi nitong wala siyang dapat ikatakot dahil hindi naman siya gugupitan. Aayusin lang ang pagkakagupit sa mga bahaging di-pantay.

“Makikita mo, mawawala na ang mga tumitikwas. Puwedeng nakalugay lang siya — na mas maganda kaysa sa nakatirintas lang palagi.”

“Ako lang ang gumugupit diyan,” pag-amin niya naman habang pinapanood sa salamin ang pagsusuklay nito sa basang buhok niya.

“Hmm, ang ganda ng balat mo,” papuri nito. “Natural na kayumanggi at ang kinis-kinis. Saan ka nakilala ni Brando?”

“S-sa probinsiya…” Nag-aalangan siya dahil hindi alam kung ano ang dapat sabihin.

“A, sa probinsiya…” Bitin din ang pagsasalita ng kausap. Puno ng kahulugan. “Kaya pala.”

“Kaya pala ano?”

“Parang inosente ka pa. Nagulat talaga ako dahil hindi naman ikaw ang tipo ni Brando.”

“Ano ba ang tipo ni Brando?”

“Well, unang-una, masyado kang bata. In fact, ang bata-bata mo talaga. Pero bagay naman kayo ni Brando, e. Ang macho at ang pogi ng papa mo. Suwerte ka!”

Wala siyang maisip isagot kaya nanahimik na lamang siya.

Tila nakahalata ang kausap na hindi siya nito mapapadaldal ng kung anu-ano, itinuon na lamang nito ang usapan sa kanyang buhok at sa iba’t ibang klaseng meyk-ap.

Matamang nakinig si Naomi. Interesado siyang mapaganda ang sarili. Para kay Brando…

Makalipas ang mahigit dalawang oras, hindi na makilala ni Naomi ang sarili.

Hindi siya makapaniwalang siya ang magandang babaeng nasa salamin.

Kulay rosas ang ipinahid na lipstick sa kanyang mga labi. Nilagyan rin ng kaunti ang kanyang mga pisngi na may matataas na buto, matapos pulbuhan ng manipis upang mawala ang pangingintab ng makinis na balat.

“You got great skin, sweetheart, kaya kaunting make-up lang ang kailangan mo,” wika ni Alfie. Ito mismo, katuwang ang isang babaeng assistant, ang nag-asikaso sa kanya.

“Aside from great hair. Napaka-suwerte mo naman. Puwede kang modelo, a?”

Napangiti siya. Inaring biro at bola ang tinuran ng kaharap.

“Salamat,” aniya.”Gusto ko ang ginawa mo sa buhok ko.”

Hinayaan lang na nakalugay ang nangingintab na mga hibla matapos suklayin nang suklayin. Hinipo ng mga daliri niya ang itimang kalambutan upang tiyakin na tama ang nakikita niya.

“It’s my pleasure,” salo ni Alfie. “Halika doon sa counter. Mamili tayo ng iba pang make-up colors na babagay sa ‘yo.”

Nakita niya ang kabuuan ng sarili sa mga salaming nakapalibot nang tumindig siya.

Ipinasuot na sa kanya ni Brando ang isa sa mga bestidang binili nito sa isang esklusibong boutique. Mapusyaw na berde ang kulay. Simple ang tabas.

Walang anumang palamuti, maliban sa mga butones na animo perlas mula sa mataas na leeg hanggang sa maikling laylayan.

Umabot lang sa gawing itaas ng mga tuhod ang hapit na palda.

LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET-9

Comments are closed.