Loving Someone Is Bitter-Sweet-9

Ipinasuot na rin sa kanya ni Brando ang maliliit na diyamanteng hikaw na katerno ng singsing, na katabi naman ng wedding ring.

Simpling-simple sana ang dating niya kundi sa perpektong hubog ng katawan na makatawag-pansin talaga.

Sa umpisa lang siya nailang nang mapunang nakasunod sa kanya ang mga mata ng iba pang naruruon sa salon.

Nang maglatag na si Alfie ng napakaraming kulay at klase ng mga kolorete sa kanyang harapan, nanumbalik ang interes at kasiyahan niya.

Abala pa rin siya sa pamimili ng mga kosmetiko nang bumalik si Brando. Siya ang unang nakakita dito.

Nakangiti na agad siya ngunit inignora lamang nito. Tuluy-tuloy na pumasok sa pinakaloob ng salon, kung saan siya dinala ni Alfie kanina.

Napahiya si Naomi sa sarili niya. Unti-unting nabura ang kanyang ngiti, pati na ang katuwaan.

Bigla siyang nawalan ng gana. Umiling siya ng aluking sumubok ng pabango ng babaeng sales assistant.

“H-hindi na. Tama na ang mga ito.” Baka naiinis na si Brando sa pamimili ng mga bagay para sa kanya.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET…? Click Here!]

Bumuntonghininga siya habang tumitindig.

“Ibabalot ko na po ba ang mga ito, miss?” tanong ng babae.

Tumango siya. “Dito lang ako,” aniya habang patungo sa gawing sulok na may malalaking letratong nakasabit sa pinturadong dingding.

Nakatitig siya sa isa nang marinig ang boses ni Brando.

“Naomi?”

Nabakas niya ang pagkamangha sa mukha ng lalaki habang titig na titig sa kanya.

“Ikaw nga ba si Naomi?” paniniguro pa nito habang marahang lumalapit sa kanya.

Saka lang napagtanto ni Naomi na hindi siya nakilala ng lalaki kanina. Agad na humugos pabalik ang nawalang saya sa kanyang dibdib.

Isang matamis na ngiti ang sumilay sa kanyang bibig, pinakislap ang kanyang mga mata.

“Ako nga,” tugon niya.

Bumadha ang paghanga sa ekspresyon ng lalaki. Nakangiti na rin ito nang huminto sa harapan niya.

“Ikaw pala ‘yung… I’m sorry, hindi kita nakilala kanina,” pag-amin nito. “Nainip ka ba?”

Umiling siya. “Katatapos lang namin,” wika niya. Nabawasan ang ngiti niya nang mag-alala sa naalalang mga pinamili pa sa salon.

“Uh, medyo marami ka pang babayaran dito. Pasensiya ka na,” dugtong niya.

Saglit na natigilan ang lalaki sa tinuran niya. Tinitigan siya nito. Para bang may hinanap muna sa kanyang mga mata bago nagsalita.

“Huwag kang mag-alala, Naomi,” wika nito kapagkuwan. Nagseryoso na rin. “Hindi ko ibabawas sa tatanggapin mong gantimpala ang mga nagastos ko sa ‘yo ngayon.”

Namutla si Naomi. Para siyang sinampal sa insultong ipinukol ni Brando.

Ngunit nilunok niya ang sakit na naramdaman at nagkunwaring balewala ang sinabi nito. Nakatulong ang nakalugay na mahabang buhok. Nagmistulang sutlang kurtina iyon na napagtaguan ng sugatang damdamin nang iyuko ang ulo.

Mabuti na lang, dumating si Alfie para iligtas siya. Nagkaroon siya ng dagdag-panahon para makabawi.

“A, Brando, I’m sorry to keep you waiting,” wika nito.

“Everything’s okey na. Heto na ang iyong card. Please, come again. Your Naomi has become my favorite. She’s a natural beauty. Nakakainggit ang ganda at kaseksihan niya. At hindi bola ‘yan, my dear.” Sa kanya na sinabi ng direkta ang huling pangungusap.

“S-salamat, Alfie,” sambit niya. Pilit ang ngiti. “Marami akong natutuhan sa ‘yo. Hindi ko kalilimutan ang mga ‘yon,” pangako niya.

“Good, good!”

“Magpapaalam na kami, Alfie. Salamat sa lahat,” wika ni Brando.

Hinawakan nito ang isang siko ni Naomi, walang abug-abog kaya nagulat siya at napapitlag.

Sumulyap siya ng panakaw dito at nagtama ang kanilang mga mata.

“Uuwi na tayo,” sambit ng lalaki, halos paanas. Para bang may lakip na sikretong pangako.

“O-oo,” tugon niya. Parang alikabok na inilipad uli sa hangin ang anumang hinampo.

Aywan kung bakit parang nangapos siya sa oksihena at bumilis ang pagpintig ng puso niya.

Binitiwan lang ni Brando ang siko ni Naomi nang nakasakay na siya sa loob ng kumportableng kotse.

Mabango at malamig ang hangin na ibinubuga ng makikitid na guwang sa kanyang harapan. Namangha siya sa mga iyon kanina ngunit ngayon ay nakatutok ang pansin niya sa lalaking nakaupo sa tabi niya.

Halos hindi nga niya napuna ang mga plastic bags at mga kahon na may iba’t ibang laki at kulay na inilagay sa likurang bahagi ng sasakyan.

Nakatuon ang buong pagkatao niya sa tensiyon na nilikha ng paghihinang ng kanilang mga mata at pagdadaiti ng mga balat.

Para bang may munting ningas na unti-unting naglalagablab sa kalooban niya. Pinag-aalab ang kanyang dugo. Pinag-iinit ang kanyang katawan.

Pag-ibig pa ba ang nararamdaman niya? tanong niya sa sarili.

Sinapo ng mga daliri ni Brando ang bilugang baba niya. Masuyong ibinaling ang mukha niya paharap dito.

Muling nag-usap ang kanilang mga isipan. Ngunit hindi niya mawawaan dahil parang natutunaw siya sa masisidhing mensahe ng mga titig nito.

“B-bakit ka nakatingin sa akin ng ganyan?” tanong niya, pabulong. Paos at may nginig ang boses.

“Alam mo kung bakit, Naomi,” ang makahulugang tugon ng lalaki.

Tinangka niyang umiling ngunit naninigas ang kanyang mga kalamnan. Hindi siya makagalaw dahil nanghihigop ng lakas ang mga matang magnetiko.

“Naninibago ako sa’yo. Ikaw pa rin ba ang Naomi na pinakasalan ko sa baryo?” tanong ni Brando, paanas.

“O-oo naman.” Nilunok muna niya ang emosyon na bumara sa lalamunan.

“You look like a femme fatale now.”

“A-ano ‘yon?”

“Isang mapang-akit at mapanuksong babae.”

Napakurap si Naomi. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig.

Humalukipkip siya. Para itago ang sarili mula sa mapanukat na tingin ng lalaki habang umaatras sa kinauupuan.

“H-hindi ko sinasadya, Brando. Pasensiya ka na kung hindi mo nagustuhan,” sambit niya.

Kaytagal niyang minithi na mapansin ng lalaki ang kariktan niya. Ngunit ngayong nangyayari na, natatakot na siya.

Para siyang nahulog sa isang malalim na dagat at natuklasan na hindi pala siya marunong lumangoy.

“Of course, nagustuhan ko. I was just surprised. Hindi ko inakalang magiging napakaganda mo pala kapag nadamitan at naayusan.”

“Dati ba — taong-bundok ang tingin mo sa akin?”

Unti-unting natunaw ang aprehensiyon ni Naomi. Pinapalis ng kasiyang dulot ng nababasang admirasyon sa mga titig ni Brando.

Kumibit ang isang balikat ng lalaki. “Wala kang kontrol sa mga emosyon mo. Kumikilos ka agad ng di nag-iisip,” sambit nito.

Umalon ang pagkapahiya sa mukha at leeg ni Naomi.

Ngunit hindi maikakailang tila nagdulot nga ng pagbabago sa personalidad niya ang kaayusang babaeng-babae. Tila naisantabi na nga ang tinedyer na haragan.

LOVING SOMEONE IS BITTER-SWEET-10

Comments are closed.