Catherine was jilted by her no-good boyfriend when she met Jason, a man who took pity on her.
She was a poor girl without education and the only work she knew was housekeeping. Is there a chance of happiness when a housemaid fell in love with her boss?
Lumuwas si Catherine para sundan ang nobyong inakalang papakasalan siya. Ngunit niloko lang pala siya.
Nabundol siya ng sasakyang minamaneho ni Jason kaya inalok siya ng trabaho at tirahan.
Pero ang naging kapalit naman sa kabutihan ng binata ay ang pagsibol ng tunay na pag-ibig ni Catherine…
* * *
Maaliwalas ang langit sa itaas. Malinaw ang batis sa ibaba. At kulay berde ang damuhan, pati na ang kakahuyan sa paligid.
May humahabol kay Catherine, pero hindi siya tumatakbo ng mabilis. Sadyang nais niyang magpahuli.
Dalawang matitipunong bisig ang pumulupot sa kanya mula sa likuran.
“Ay!” hiyaw niya bago humagikhik. “Hi! hi! James, may kiliti ako d’yan!” saway niya pero hindi galit ang tono.
“Sorry,” wika naman ng lalaki pero inilipat lang sa ibang bahagi ng katawan niya ang mga kamay. Pinaikot siya nito para magkaharap sila habang nakakulong pa rin siya sa yakap na maluwang.
Walang tutol si Catherine dahil kasintahan niya si James. Malapit na silang magpakasal. At higit sa lahat, nag-iibigan sila.
Nagpaubaya siya nang pangkuin ng lalaki. Ikinawit niya ang mga braso sa matipunong batok nito para manatili ang balanse. Medyo malambot ang lupa sa pampang ng batis.
Papalapit na sila sa banig na inilatag sa damuhan, katabi ng basket na pinaglagyan ng mga baong pagkain, nang biglang kumuriring ang munting bagay na kulay itim. Telepono ang tawag ni Catherine. Celfone naman ang tawag ni James.
Narinig niyang tila nagmura ng mahina ang lalaki habang marahan siyang inilalapag sa naturang banig.
“Excuse me, Cathy,” anito. “Sasagutin ko lang ang tawag. Baka may emergency, e.”
Tumango si Catherine. Nakangiti siya. Buong pagmamahal. Sa unang pagkakita pa lang niya kay James, humanga na siya agad dito. Dahil ang binata ay larawan ng isang daigdig na nais marating ng dalaga.
Normal sa isang taga-probinsiya ang maakit at ma-intriga sa ibang lugar na katulad ng siyudad. May mangilan-ngilan na kasing kakilala niya ang nakarating na sa maunlad at mailaw na mundo. Gustung-gusto niyang makinig kapag ikinukuwento ng mga iyon ang mararangyang bagay at matatayog na gusaling makikita.
Kaya naman nang ligawan siya ni James, isang taga-siyudad, halos sinunggaban niya ang oportunidad na ipinirisinta nito. Nagpakipot muna siya ng kaunti, siyempre.
Hindi nag-aral si Catherine, pero may utak naman siya na malimit niyang ginagamit para mabuhay nitong mga huling taon. Kinse anyos siya nang maulilang lubos. Tinangay ng malakas na agos mula sa flashflood na nanggaling sa bundok ang kanilang munting kubo. Nangunyapit siya sa lahat ng mahawakan ng mga kamay. Suwerteng sa kumpol ng mga punong kawayan siya napayapos, kaya hindi siya nakasamang matangay.
Ngunit siya lamang ang natira sa pamilya.
Limang taon na siyang nabubuhay sa pamamagitan ng pagsisilbi sa mga kapitbahay bilang katulong sa iba’t-ibang trabaho, kapalit ng kaunting halaga at pagkain.
Masaya naman siya dahil itinuturing siyang ka-pamilya ng mga kababaryo. Nagkaroon agad ng kapalit ang nawalang pamilya. Marami pa nga dahil ‘Inay’ at ‘Itay’ ang ipinatatawag ng karamihan. May mga ‘Tiyo’ at ‘Tiya’, pati ‘Lolo’ at ‘Lola’.
Pero hindi pa rin maikakailang ulila at nag-iisa lang siya. Na nakikiamot lang siya ng atensiyon. Na wala pa rin siyang sariling tahanan.
Ang lahat ng iyon ay magbabago na. Sa sandaling maikasal sila ni James, hindi na siya malulungkot. Magkakaroon na siya ng sariling pamilya!
Napapangiti na siya habang hinahanap ng paningin ang nobyo. Abala pa rin itong nakikipag-usap sa celfone sa di-kalayuan. Bahagya siyang nag-alala nang makitang pagalit na sinuklay ng lalaki ang medyo kulot na buhok.
Palagi nitong inaayos ang maikling buhok. Tila iyon ang pinakamahalagang bagay sa kabuuan nito.
Nakaramdam ng pangamba si Catherine. Ang pagkakilala niya kay James ay palangiti at masayahin. Palakaibigan at galante pa.
Para bang walang problema sa pera. Ayaw muna niyang aminin, ang pinakahuling katangian ay nagbigay rin ng bentahe para sagutin niya ito.
Kaya nangangamba siya ngayon. Hindi dapat magka-problema si James habang nasa balag pa ng alanganin ang kanilang sitwasyon.
Kailangang makasal na muna sila bago magkaroon ng aberya.
Ipinilig niya ang ulo para mawaglit ang mga pangit na pangitain. E, ano ba kung maging mahirap si James? Mahal niya ito — at mahal din siya nito. Iyon lang ang mahalaga!
Tila sinubok ng langit ang kanyang paninindigan. Dahil nagkatotoo ang haka-haka niya. Nagkaroon tuloy ng balakid sa kaligayahan nila.
Matapos ang matagal na katahimikan habang tila nagmamaktol ang binata, lumapit ito sa kinaroroonan ni Catherine. Seryoso ang ekspresyon nito, sa unang pagkakataon.
“Cathy, I’m sorry,” umpisa nito habang ginagagap ang mga kamay niya. Lumuhod ito sa harapan niya, imbis na maupo sa kanyang tabi. “Pasensiya ka na sa akin. Si Mama kasi, hazzle na naman.”
Hindi mawawaan ni Catherine ang mga sinasabi ng lalaki pero nararamdaman niya ang paghihimagsik ng kalooban nito.
“B-bakit?”
“Pinapauwi na ako.” Sumimangot uli ito. “Ayokong iwan ka pero… kailangan na ako sa bahay — sa negosyo,” dugtong nito sa mas malumanay na tono.
“S-sasama ako!” bulalas niya. “Huwag mo akong iwan dito, James,” dagdag niya. May bahid ng pakiusap.
Tila ikinatuwa ng lalaki ang tinuran niya. Ginawaran nito ng halik ang mga mata niya.
“Hindi kita puwedeng isama ngayon, Cathy,” tugon nito. “Pero puwede kang sumunod sa akin — para doon na rin tayo magpakasal.”
Ang bumibigat na pakiramdam ni Catherine ay biglang gumaan sa narinig na pangako ng nobyo.
“T-talaga?” paniniguro pa niya gayong paniwalang-paniwala na nga. “Oh, James! Mahal na mahal kita. Ayokong mapawalay sa ‘yo!”
Yumapos siya nang mahigpit dito. Nagpaubaya siya nang sakupin ng mainit at mamasa-masang bibig ang kanyang mga labi. Iyon ang unang halik nila ni James.
Gusto niyang isipin na matamis at hindi lasang sigarilyo. Na nakakapagpaligaya sa kanya imbes na nakakapagpailang.
Inaasahan na ni Catherine na makakatikim siya ng mga halik mula sa kasintahan ngunit hindi niya inakalang magiging ganito ang lasa at pakiramdam ng normal na ginagawa ng mga nagmamahalan.
Dapat ay natural lang at tama, pero naging mali at nakakaasiwa.
Hinihingal si James at ginigitian ng pawis sa noo at mukha nang matapos ang paulol na pag-angkin sa kanyang mga labi.
“Sumama ka na sa bahay ko ngayon, Cathy. D’on ka na matulog. Tighawin mo na ang pagkasabik ko sa ‘yooo,” anas nito paungol habang ang kanyang leeg naman ang sinasalakay ng mga pagigil na halik.
Napapaigtad siya kapag nararamdaman ang ngipin na gumuguhit sa balat niya. Ngunit hindi niya magawang magreklamo.
Iyon daw kasi ang paraan ng pagpapakita ng pagmamahal sa iniirog, sabi sa kanya ng mga kaibigang babae.
“Pero huwag mong ibibigay ang lahat-lahat hangga’t ‘di ka siguradong nakatali na siya sa ‘yo,” dagdag-paalala naman ng mas matatanda. “Papatikimin mo lang para lalong matakam.”
Nang maalala iyon, bigla niyang itinulak palayo ang malapad na dibdib ni James.
“H-hindi pa tayo tunay na mag-asawa, James,” paliwanag niya habang nagkukumahog sa pagbangon.
Naihiga na pala siya nito sa banig. Nakalilis na ang laylayan ng suot na blusa. At ang kanyang sinturon ay nasimulan nang kalasin.
Tila nagmura ang lalaki pero hindi sigurado si Catherine dahil ngamol ang tinig. Baka umungol lang ito, sanhi ng ibayong pagkokontrol.
Nagligpit pa ito ng iba pang gamit nila sa picnic bago tumindig.
Sinundan ni Catherine ang mga kilos ni James. Dinampot niya ang mga kalat sa paligid bago ibinilot ang banig.
Wala silang imikan pareho hanggang sa makarating sa may bukana ng baryo. Papalabas na sila sa kakahuyang pinamasyalan.
Huminto siya nang biglang tumigil sa paglakad ang nobyo.
“Aalis ako ngayong hapon, Cathy,” ang patapos na wika nito.
“Narito ang address ko, pati na ang pamasahe mo. Kung susundan mo ako sa Maynila, magpapakasal tayo!”
Halos hindi maitago ni Catherine ang labis na katuwaan habang tinatanggap ang kapirasong papel at ang bungkos ng salapi.
“O-oo, James. Susundan kita.” Napakataimtim na pangako niya.
Makalipas ang isang linggo, matapos ang mga samut-saring gawain at napakaraming pagpapaalaman, nakasakay na ang dalaga sa bus na patungo sa Maynila.
Ilang minuto pa lang si Catherine sa Maynila, liyung-liyo na siya. Nakakalula ang dami ng bilang ng mga tao.
Iba’t iba ang mukha, pero pare-parehong walang ekspresyon. Blangko ang mga mata. Walang kangiti-ngiti.
Niyapos ng dalaga ang sarili. Nangingilabot siya sa sobrang paninibago.
Parang gusto na nga niyang sumakay uli sa bus para bumalik sa kanilang baryo.
Mabuti na lang, nangibabaw ang determinasyon niyang makatuluyan si James.
‘Si James lang ang dahilan kaya ka nagpunta sa magulong lugar na ito, Catherine!’ panenermon niya sa sarili.
Bigla siyang tumuwid sa pagkakaupo sa sulok ng terminal. Dinukot niya sa bulsa ng itim na knapsack ang kapirasong papel na kinalalagyan ng address ni James.
Marunong siyang magbasa pero wala siyang mawawaan mula sa maliliit na letrang naka-imprenta, maliban sa pangalan ni James.
Ang mga numero naman na marami at sunud-sunod ay hinulaan niyang para sa telepono. O celfone.
Bumuntonghininga siya para magkaroon ng sapat na lakas ng loob. Kapagkuwa’y pigil-hiningang tumindig at lumapit sa opisina ng dispatcher.
“Manong, puwede po bang magtanong?”
“Ano ‘yon? Bilis-bilisan lang.” ang halos paangil na tanong ng mataba at maitim na lalaking nakaupo sa silya. May nakasumpak na sigarilyong umuusok sa bibig kaya nagmistulang kapre sa paningin ni Catherine.
Nilunok niya ang takot, para makapagsalita ng mabilis.
“E, Manong? Gusto ko po sanang magtanong kung p’ano ako makakarating dito?”
Pahapyaw na binasa nito ang nilalaman ng iniabot niyang malutong na papel.
“Aba’e, malayu-layo ‘yan dito. Atsaka, mahirap puntahan ‘yan. Ang mabuti pa’e, tawagan mo na lang — at magpasundo ka na lang dine.”
Habang nagsasalita, maliksi pa rin ang matatabang daliri sa pagbilang ng perang iniabot ng kundoktor na nasa kabilang panig nito. May ibinulong ang huli na naging dahilan ng konting tawanan sa paligid.
Nailang si Catherine dahil saka pa lang niya napagtanto na pulos kalalakihan pala ang mga okupante ng maliit na silid-tanggapan. Ngunit nagpakatatag pa rin siya.
“S-saan po ba ang telepono?” tanong niya.
Nag-unahan sa pagtuturo ang mga miron.
“And’on ang public telephone, miss. Huhulugan mo ng barya. May barya ka ba? Halika, tuturuan kita,” anang mga lalaking tila nakangisi na sa kanya.
Sunud-sunod ang pag-iling niya.
“Er, s-salamat na lang po sa inyo,” sambit niya habang umaatras palabas. Nang nasa may pinto na, dali-dali siyang tumakbo papalayo.
Hinihingal siya nang makarating sa hilera ng mga public telephone. Lumapit siya sa bakanteng puwesto at dumukot ng barya sa bulsa ng pantalong maong.
Sinunod niya ang naka-drawing na direksiyon ng paggamit ng telepono.
Isang sandali pa, naririnig na niya ang kuriring sa linya. At ang pagsagot ng isang tinig-babae, nang magkaroon ng kuneksiyon.
“Hello? Sino ito?”
Nataranta si Catherine. Hindi agad nakasagot.
“Hello? Hello! Am’bastos mo, ha? Tatawag-tawag — hindi naman sasagot, leche!” pagmumura ng di-nakikitang babae bago pabagsak na pinutol ang komunikasyon.
Napapitlag siya nang masaktan ang teynga. Hinimas ng mga daliri niya iyon habang napapangiwi. Gayunpaman, umulit siya sa pagtawag. Inihanda na niya ang sarili.
Kaya maliksi na siyang nakatugon nang muling marinig ang mataras na boses-babae.
“Er, hinahanap ko po si James. Maaari ko po ba siyang makausap?” Magalang bagama’t may panginginig ang kanyang tinig.
“Sino ‘to?” Matigas pa rin pero hindi na gaanong nakaasik.
“S-si Cathe – uh — C-cathy po.” Saglit siyang nalito kung anong pangalan ang ibibigay. Minabuti niyang palayaw na lang para mas madaling makausap si James.
“Cathy?” ulit ng kausap. “Cathy daw!” hiyaw nito matapos tila takpan ng kamay ang mouthpiece.
Pigil-hininga si Catherine habang nakadikit nang husto sa teynga ang receiver. Pilit na pinakikinggan ang mga ngamol na salita sa background.
Boses-lalaki naman. Malakas ang kutob niya na si James na ang nagsasalitang iyon.
“‘Di ko kilala ‘yan, Ma. Wala… Cathy? Ngayon… lang narinig ‘yan… Sabihin… wala ako!” Putul-putol ang mga pangungusap pero may naunawaan siya.
Kaya nakahanda na si Catherine nang muling bumalik sa kanya ang atensiyon ng di-nakikitang kausap.
“Ito po ba ang numerong — ?” Maingat niyang sinambit ang binabasang telephone number sa kard ni James. Pati ang pangalan at address ay binasa rin niya. “May mali po ba?”
“Wala, Miss. Pero wala dito si James,” pakli ng babae. Mataras na naman.
“At wala daw siyang kilalang ‘Cathy’,” dugtong pa, kaya nakontra ang unang pahayag.
Hindi niya pinalampas ang pagkadulas ng dila ng kausap.
“Narinig ko po ang boses ni James, Manang,” pananalakab niya. “Pakisabi po sa kanya na ako po si Catherine — ‘yung nobya niya sa — ”
“Nobya! Nobya na naman!” sabad ng kausap. Nagtatalak na sa galit.
“Hoy, lalaki! Ikaw nga ang makipag-usap sa babaeng ‘to! Wala akong panahong makipagkulitan dito!”
Muling napangiwi si Catherine nang may marinig na malakas na lagabog. Kaipala, pabagsak na ipinatong ang awditibo sa ibabaw ng matigas na bagay.
“Hello?” Tinig-lalaki na ang pumalit.
“Hello, James?” Halos mapahikbi siya nang makarinig ng pamilyar na boses.
“S-si Cathy ito. Si Catherine…?” May bahid ng pag-aalangan sa tono siya dahil sa mga natuklasan.
Dapat ay nagtatampo siya, pero wala siyang ibang kakilala sa maingay na siyudad. Estranghera siya na walang masusulingan.
“James, sumagot ka naman,” pakiusap niya nang magtagal ang katahimikan.
“N-nandito ako sa terminal ngayon. Sinabi mong sumunod ako sa ‘yo, di ba? Sinabi mong magpapakasal tayo kapag — kapag pumunta ako dito?” Hindi na niya napigil ang paghikbi.
“Teka muna, miss,” pakli ng kausap. “Sino ka ba? Wala akong kilalang Cathy o Catherine — ”
“Catherine Moreno, James,” sabad niya. “‘Yung taga-Ligata, Carmen?” May bahid na ng desperasyon sa tono niya.
“Ah! Si Cathy! Ikaw si Cathy!”
Parang gustong tumiklop ng mga tuhod niya. Nagkaintindihan na sila sa wakas!
“Oh, James! Sunduin mo na ako dito, please!” hiling niya. “H-hindi ko alam kung p’ano pumunta sa bahay mo — ”
“Hindi puwede, Cathy,” tanggi ng lalaki. “Hindi ka na puwedeng magpunta dito sa bahay namin.”
“Bakit?” Gusto na niyang maghisterikal.
Wala pa siyang tulog. Wala pa siyang hapunan at almusal.
At ngayon ay wala pala siyang matutuluyan para makapagpahinga.
“Basta hindi puwede,” diin ni James. “May — iba na akong kasama dito. Ang tagal mo kasing dumating,” dagdag pa, sa tonong naninisi.
Hindi makapaniwala si Catherine. Nakaramdam siya ng biglang panlalambot ng mga tuhod kaya dali-dali siyang sumandal sa dingding na matigas at malamig. Nakapagkit pa rin ang receiver sa kanyang teynga.
“James, ako ang nobya mo, hindi ba? A-at isang linggo pa lang nang huli tayong magkita,” hikbi niya. “A-ang bilis mo namang makalimot.”
“Masyado ka kasing pakipot, Cathy. Ayaw ko sa babaeng sobrang pakipot,” salo ni James, pagalit na.
“Sobra-sobra ang ibinigay kong pera sa ‘yo, a? Kasya ng pamasahe ‘yon pabalik sa probinsiya mo. Paalam!”
Tuluyan nang napahagulgol ng iyak si Catherine. Pakiramdam niya, gumuho na ang buong mundo sa kanya. Hindi niya kayang dalhin ang bigat kaya unti-unting tumiklop ang mga tuhod.
Ngunit nagawa pa niyang makabawi. Para bang may isang bahagi pa siya na nagpapatuloy sa paglaban.
Kinontrol niya ang sarili. Dalawang kamay ang ginamit na pagpahid ng luha sa mga mata at pisngi, bago naalalang dukutin ang bimpo sa bulsa ng pantalon.
Nang dumilat uli siya, halos matunaw siya sa matinding kahihiyan. May mga tao na palang nakatingin sa kanya. Iyong mga nakapila, pati na ang mga tumatawag sa telepono.
“Ineng, ano’ng problema mo? May maitutulong ba kami sa ‘yo?” anang isang matandang babae. Nakangiti ito sa kanya habang tila awang-awa.
Pinuwersa niyang ihinto ang pag-iyak. Pinigil niya ang paghikbi habang sunud-sunod ang pag-iling.
“W-wala po. S-salamat na lang po.” Nagmadali siyang umalis sa pagkakasandal at tumuwid ng tayo. Dinampot niya sa paanan ang knapsack na nahulog na pala at isinukbit sa isang balikat.
“P-pasensiya na po. Makikiraan po,” wika niya habang lumalakad palayo sa mga taong nag-uusyoso sa kanya.
Humantong siya sa pampublikong palikuran. Hindi siya tumingin ng diretso sa mga okupante.
Tuluy-tuloy lang na lumapit sa hilera ng mga lababo. Naghugas siya ng mga kamay, matapos isandal sa malapad na salamin ang dalang bag. Naghilamos siya ng mukha. Paulit-ulit hanggang sa maibsan ang pag-iinit ng balat.
Pagkatapos ay binanlawan niya ang bimpo at piniga nang maigi bago ipinunas sa mukha at leeg.
Nang tumingin siya sa salamin, marami na silang mga babae sa repleksiyon pero walang tinginan sa isa’t isa. Unti-unting napalagay ang loob ni Catherine. Kumuha siya ng suklay at pulbo para mag-ayos ng sarili.
Sinadya niyang bagalan ang pagkilos upang tuluyang makalma ang kalooban. Kailangang maging malinaw ang kanyang pag-iisip.
Habang marahang itinitirintas uli ang mahabang buhok, isa-isa niyang pinag-isipan ang mga opsyon. Dalawa lang naman kaya pabalik-balik lamang.
Kung babalik siya sa kanilang baryo, titiisin niya ang mga pamumula ng mga kababayan, at pagkatapos ay babalik na naman siya sa dating gawi — alila ng bayan.
Pero kung mananatili siya dito sa Maynila, may pag-asa siyang mabago ang takbo ng buhay niya. Marami daw trabaho sa siyudad. Marami ding may pera. Siguro naman, marami din ang naghahanap ng alila?
Pikit-mata halos, nilisan ni Catherine ang palikuran. Sisimulan na niya ang pakikipagsapalaran sa magulong lungsod, bago pa maubos ang lakas ng loob niya.
At bago pa man niya mapagtanto na ang tinutugma niya ay maaaring landas ng pagkaligaw…!
Kahit walang direksiyon, naglakad si Catherine. Inalis muna niya sa isipan ang mga alalahanin. Inaliw niya ang sarili sa mga nakikita sa paligid.
Manghang-mangha siya sa mga gusaling nagtataasan. Para bang abot na hanggang langit ang mga ituktok dahil hindi na halos matanaw. Pati na sa mga bahay na naglalakihan. At sa mga halaman na naglalawakan.
Aliw na aliw siya, kahit na napapagod na sa kalalakad. At kahit na hindi pa rin alam kung saan siya patutungo gayong gumagabi na.
Hindi siya nakakaramdam ng gutom dahil bumili siya ng isang supot na tinapay nang mapadaan sa isang panaderya. Kinain niya iyon habang lumalakad.
Sa kalilinga at sa katitingala, hindi niya napuna ang makakasalubong. May narinig siyang sunud-sunod na busina.
Pero dahil naglalakbay rin sa malayo ang utak niya, hindi agad niya napagtanto ang ibig sabihin ng matitinis na ingay.
Huli na pati nang makita niya ang sasakyan na bubunggo sa kanya. Ni hindi nga siya nakasigaw man lang. Naramdaman na lamang niyang lumilipad na siya sa hangin matapos tamaan ng matigas ang tagiliran ng hita niya.
Pumikit si Catherine. Masarap palang sumakay sa hangin!
Iyon lang ang huling natatandaan niya. Marahil, nawalan na siya agad ng ulirat bago pa man bumagsak sa kalsada.