Married a Golddigger-11

“Halika, puntahan na natin ang kapatid mo,” aniya ni Jett.

Walang kamalay-malay ito sa nagiging takbo ng kanyang utak.

Pinilit niyang ngumiti sa administrador habang kinakamayan siya nito.

Hindi nga lang siya makatingin nang diretso.

“Congratulations, Miss Reynes. Tiyak na matutuwa si Dr. Castillo, bagama’t malulungkot na kaming lahat dito sa ospital. Aalis na ang aming paboritong pasyente,” pagbibiro ng matandang lalaki.

“Fortunately, it is for the best. Gagaling na ang ating munting anghel na si Venus. Maglalaro na siya na katulad ng ibang batang kasing-edad niya.”

Ang mga sinabi ng matandang lalaki ang nagbigay ng magandang pakiramdam sa kalooban ni Fria.

Para bang malamig na dapyo ng hangin sa napasong balat ang prediksiyon ng kaharap. Nanumbalik ang pagtitiwala ni Fria sa sarili.

‘Oh, Diyos ko, tama po sana ang ginagawa ko!’ usal niya. ‘Nakahanda akong magsakripisyo sa ikagagaling ng aking bunso…’

[Want to read the Start of Stories Online titled – MARRIED A GOLDDIGGER…? Click Here!]

Mabilis na lumipas ang mga araw. Parang inilipad lang sa hangin ang mga oras.

Palaging nasa kanyang tabi ang binata.

Umaalalay.

O nagbabantay?

Natunugan marahil nito ang pagbaba at pagtaas ng kanyang disposisyon habang dumaraan ang mga araw.

Hinihila siya sa magkabilang direksiyon ng kanyang puso at isipan.

Hindi na siya uli dinala ng lalaki sa mala-palasyong tahanan nito.

Nagtataka man siya, nagpapasalamat pa rin si Fria dahil hindi na niya nakaharao na muli ang mga ina nito at ang mayordomang aristokrata.

“Narito sa kahon ang isusuot mo sa kasal natin, Fria,” pahayag ni Jett nang minsang sunduin siya nito sa kanyang tinitirahan.

Nagulat siya sa biglang pagsulpot ng lalaki. Wala siyang natatandaang pinag-usapan nila na darating ito ngayon.

“Uh, h-hindi ko alam na magkikita tayo ngayon — ” umpisa niya habang kinakalangan ang dahon ng pinto. “T-tuloy ka.”

Tumuloy nga ang lalaki. Ipinatong sa lamesita ang malaking puting kahon.

“I hope, a civil wedding would be okey for you. Wala na tayong panahon para sa isang church wedding.” Pormal ang tono ni Jett.

“Atsaka, hindi naman praktikal — maghihiwalay din naman tayo.” Tila may bahid ng sarkasmo ang huling sinabi.

Yumuko lang ang dalaga. Humakbang patugpa sa munting kusina ang kanyang mga paa.

Iniwasan niya ang crib na nakatiklop at nakasandal sa dingding. Dagli niyang naalala ang kanyang kapatid nang makita ang munting higaan ng bata.

“M-magkakape sana ako. Gusto mo?” alok niya habang nagbabanlaw ng mga tasa at kutsarita sa isang palangganita.

Tumango ang lalaki habang nauupo sa nag-iisang sopa na mahaba. Higaan niya ito kapag gabi.

Nakatago sa kabinet ang unan at kumot na inilalatag niya doon.

Kapag nandito sila sa loob ng maliit na tirahan niya, lalong tumitindi ang kanyang pag-aalinlangan.

Para bang naipamumukha sa kanya ang magkaibang estsdo ng kanilang buhay ni Jett Gabriel.

Napatanaw siya sa labas ng bintana. Nakita niyang nakatingin sa kanyang kuwarto ang mga kapitbahay niya.

Alam niyang marumi pa din ang iniisip ng mga ito kahit na nakabukas pa ang kanyang pinto.

“Black coffee lang ako,” dugtong ni Jett habang binubuksan ang dalang attache case.

Naglabas ng ilang folder na may iba-ibang kulay at nagsimulang magbasa.

Panakaw niyang sinulyapan ang nobyo habang naghihintay siya ng pagkulo ng tubig na isinalang niya sa stove.

Araw-araw silang magkasama ni Jett ngunit ngayon lang niya nakitang nagtrabaho ito.

“Narito na ang kape,” aniya habang inilalapag ang maliit na tray. “Pasensiya ka na. Hindi ako nakabili ng tinapay.”

Tumango lang ang lalaki. Saglit lang na nag-angat ng tingin si Jett bago nagpatuloy sa pagbabasa.

Pamaya-maya, humugot ito ng isang buntonghininga bago iniabot sa kanya ang isang folder.

“Narito ang mga papeles ng prenuptial agreement natin,” wika ni Jett habang binubuksan ang sumunod na folder.

“Basahin mo bago natin pipirmahan. Dapat ay sa harap ng abogado ngunit naisip kong bigyan ka ng privacy habang pinag-aaralan mo ang mga nilalaman ng mga iyan,” patuloy nito sa seryosong tono.

Nababaghan ang dalaga ngunit tumalima siya. Inumpisahan niyang basahin ang unang pahina.

Masinsin ang pagkakamakinilya kaya parang nalito siya nung una.

Tila napansin ng lalaki ang kanyang pagkalito.

“Sinasabi diyan na tatanggap kayong magkapatid ng tig-limang milyon sa panahon ng aking di-inaasahang kamatayan. Kapag hindi naman nangyari ang gayon, tatanggap kayo ng tig-isang milyon pagkatapos ng gamutan — gumaling man o hindi si Venus.” Ginuhitan ng hawak na ballpen ang bahaging isiniwalat nito.

“At kapag ayaw na nating ituloy ang ating pagsasama, tatanggap ka ng isang milyong piso.”

Parang gustong sumabog ng dibdib ni Fria nang mga sandaling iyon.

‘Oh, God, ang sakit pala ng pinipresyuhan!’ bulalas niya sa kanyang sarili.

Hindi niya alam kung bakit siya nasasaktan ngunit nanghahapdi talaga ang kanyang kalooban.

Hindi siya makatingin ng diretso sa lalaki dahil nangangamba siyang baka mabasa nito ang gakit sa kanyang mga mata.

“S-saan ako pipirma?” tanong niya, halos hindi niya makilala ang kanyang boses.

“Basahin mo munang maigi,” pamimilit ng lalaki.

Tumalima si Fria. Tila isang milagro ang nagaganap nang matagpuan niya ang kanyang sarili na naiintindihan niya ang maliliit na mga letra.

“Maaari kang magdagdag at magbago ng ilang desisyon na hindi ayon sa iyong kagustuhan. I’m willing to add another million to your alimony, provided there would a child,” dagdag ni Jett sa kaswal na tono.

“Sired by me, of course.”

Namula ang mga pisngi ni Fria bago muling nanlamig at namutla.

‘Ano ba ang tingin ng lalaking ito sa akin?’ tanong niya sa kanyang saril. ‘Malandi at malikot?’

Hindi siya nagsalita dahil kinagat niya nang mariin ang kanyang ibabang labi.

Wala siyang puwedeng sisihin sa kirot na nadarama kundi ang sarili niya lang.

At wala ring dahilan para magreklamo siya.

Natutupad na ang kanyang pangarap na maipagamot at maipaopera ang karamdaman ng kapatid sa ibang bansa.

“Wala ka na bang babaguhin diyan?” untag ng lalaki.

Umiling lang siya. Kinuha niya ang ballpen na iniaabot sa kanya at pinirmahan ang bahaging itinuro ng lalaki.

Nasa sa kanya na kung tatanggapin niya ang pera ni Jett Gabriel kapag natapos ang kabaliwang ito!

“Okey, narito naman ang mga pasaporte ninyong magkapatid.”

Inilabas ng lalaki sa attache case ang isang envelope na kulay tsokolate.

“Tingnan mong mabuti. Baka may mali tayo sa ibang detalye. Ayaw kong magkaroon ng aberya kapag nandoon na tayo.”

MARRIED A GOLDDIGGER-12

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age