Married a Golddigger-2

Paano’y bigla niyang napuna ang kakisigan ng lalaki.

Bahagyang kumunot ang kanyang noo dahil naalala niya ang kanyang ipinangako sa sarili kanina.

Hindi ba’t mag-aasawa siya ng mayaman?

“A-ako si Fria,” tugon niya. Pinilit niyang ngumiti. “Uh, Fria Vida Reynes,” dugtong niya dahil malimit mapagkamalang apelyido niya ang ikalawang pangalan.

“Fria Vida,” sambit ng lalaki. Para bang tinitikman ang kanyang mga pangalan.

May gumapang na kilabot sa kabuuan ni Fria. Niyakap niya ang sarili nang di niya namamalayan.

Inutusan siya ng kanyang lohika na tumayo na at lumayo sa lalaking may mapanganib na aura ngunit habang pinagmamasdan niya ang mamahaling kuwintas at medalyon na nakalawit sa dibdib na mabalahibo, sumisidhi ang kanyang interes sa pagkatao ng lalaking nagpakilala.

Jett Gabriel, bulong niya sa kanyang sarili. Parang narinig na niya ang pangalang iyon.

[Want to read the Start of Stories Online titled – MARRIED A GOLDDIGGER…? Click Here!]

“Isa akong negosyante, Fria Vida,” pahayag ng lalaki. Nahuhulaan marahil ang ibig sabihin ng muling pagkunot ng noo niya.

Dagling umaliwalas ang anyo ng dalaga nang maalala ang impormasyong nababasa niya sa diyaryo.

Mayamang-mayaman si Jett Gabriel. Multi-milyonaryo. Nag-mamay-ari ng napakaraming negosyo. Mahirap ilista dahil mayroon pang nasa ibang bansa pa.

Muli niyang pinagmasdan ang lalaki. Inaarok niya kung ano naman ang tungkol sa pribadong buhay nito na hindi nasabi ng mga reporter.

Malimit itong mabanggit na may kasa-kasamang babae ngunit ni hindi nasasabi kung mayroon nang nobya o asawa’t anak.

Bahagya nang nakangiti si Jett Gabriel. Medyo nanunudyo ang hitsura.

“Binatang-binata ako, Fria Vida. Will you have dinner with me?”

Nanlaki ang mga mata ng dalaga. Mabilis ang lalaking ito!

“Bakit ako sasama sa iyo? Hindi pa nga kita nakikilala.”

“Madali lang iyon,” salo ng lalaki. “Punta tayo sa library ng ospital. May mga diyaryo doon. Puwede kang mag-research habang hinihintay ko ang iyong desisyon.”

Nagsisimula nang mamula ang kanyang mga pisngi.

“Hindi na kailangan,” aniya, pilit na pinatatatag ang kanyang tinig na nanginginig.

Habang sa loob ng kanyang isipan ay pilit niyang itinututok ang mga matas sa huling hitsura ng kanyang kapatid na si Venus.

“Uh, k-kung mayroong kang maipapakitang I.D. maniniwala na akong ikaw nga si Jett Gabriel,” dagdag niya sa mas kaswal na tono.

Kinapa lamang ng isang kamay ng lalaki ang kinaroroonan ng pitaka dahil nananatiling nakatitig sa mukha niya ang mga matang nagiging mapanganib na habang tumatagal.

May unikong paraan ng pagtitig si Jett Gabriel. Nakatitig ito sa isang babae na para bang wala nang ibang mas gaganda pa.

Muling pinanlamigan ng buong katawan ang dalaga. Parang nababasa siya ng lalaki.

Para bang nalalaman na nito ang kanyang mga iniisip gawin upang masilo na ito habang nasa kanya ang atensiyon nito!

“Heto ang mga IDs ko.”

Nagbaba siya ng tingin nang iabot sa kanya ang limang I.D. na pulos laminado.

Kahiyaan na lang kaya napili niya ang kanyang kamay na kunin ang mga ito. Habang isa-isa niyang binabasa ang mga kard.

John Peter Gabriel. Ito ang buong pangalan ni Jett Gabriel. Pareho silang dalawa ang pangalan.

Bakit ba siya na-obsessed sa pangalan? bulong niya sa kanyang sarili habang muling nagtataas ng tingin.

Nakatitig pa rin ang lalaki.

Dagling nagsikip ang lalamunan ni Fria habang nagsisimula nang sumikdo ang kanyang dibdib.

Bakit ganito makatitig ang lalaking ito?

“O-okey, sasama akong mag-dinner sa iyo.” Narinig niya ang kanyang sarili na tumutugon nang ganito. “Ngunit hindi sa isang lugar na maraming tao.”

“Of course, Fria.” Unti-unti ang pagsilay ng kabuuan ng ngiting kanina pa naglalaro sa mga labi ni Jett Gabriel.

Napatitig doon si Fria. Matiim ang bibig ng kaharap.

Ngunit lumitaw ang pagka-sensuwal ng hubog ng ibabang labi nang magpakita ng kasiyahan ng lalaki.

Lalong kumabog ang dibdib ni Fria.

“Shall we go?”

Nilunok ng dalaga ang sumusulak na pagtutol. Ngayon lang siya sasama sa isang lalaki, hiyaw ng isipan niya.

“Uh, y-yes.”

Nangangatog na ang kanyang mga tuhod bago pa sila nakarating sa lugar na pinagparadahan nito sa sasakyan.

Pinilit niyang magsalita ng tungkol sa ibang bagay upang mapalis ang kanyang tensiyon.

“May pupuntahan ka yata sa ospital, a? Baka naaabala kita?” tanong niya habang pinaandar ni Jett ang makina.

“Nakita ko na ang kailangan ko sa lugar na ito, Fria.” Enigmatiko ang mukha nito habang nagsasalita.

Napukaw ang kuryosidad ng dalaga. “A, mayroon kang dinalaw na pasyente?”

Umiling lang ang lalaki. Tila nasa pagmamaniobra ng mamahaling behikulo ang buong atensiyon.

Nanahimik na lang si Fria. Pinagkasya na lamang ang sarili sa pag-iisip ng mga bagay at hakbang na maaari niyang gawing upang mahawakan niya ang pansin ng lalaking ito. Kailangan niyang gawin ito, para kay Venus…

Pumasok si Jett sa opisina ng kanyang tiyuhin, ang mismong administrador ng ospital.

Pinuntahan niya ito dahil ipinatawag siya. Kagagaling lang niya sa isang kumperensiya nang mabasa ang mensahe sa tabi ng kanyang telepono.

Kinumpirma pa niya sa kanyang tiyuhin ang tungkol sa tawag.

“Jett, mayroon kaming isang pasyente dito na nangangailangan ng malaking halaga upang makapagpaopera. Gusto kong ilapit ang batang iyon sa iyong matulunging puso,” umpisa ng kanyang Uncle Ted.

Napatawa si Jett sa tinurang iyon ng matandang lalaki.

“Si Uncle Ted talaga, alam mo namang nakahanda akong magbigay ng kahit na magkano sa ospital na ito, kung para lang sa mga karagdagang instrumento sa paggagamot ang pag-uusapan. Hindi mo na kailangang magsabi nang personal.”

Umiling ang matanda habang hindi napigil ang pagngiti.

“Talaga ikaw, oo. Nagtataka ako kung paano ka yumayaman sa ganyang istilo mo na patawa-tawa lang,” tudyo nito habang nagsasalin ng alak sa dalawang baso.

“Nasa duty ka pa, hindi ba?” tanong ni Jett habang nagsisindi ng sigarilyo. Naupo siya sa silya na nakapa-de-kuwatro.

“Dito sa kasong inilalapit ko sa iyo, hindi lang instrumento ang kailangan, iho,” patuloy ni Uncle matapos simsimin ang likidong apoy na nasa kristal.

“Ang modernong siyensiya ng Amerika ang maaaring makapagligtas sa buhay ng bata.”

Bahagyang kumunot ang noo ni Jett. “Ano naman ang maitutulong ko pala, kung gayon?”

Tiningnan siya nang diretso ng tiyuhin.

“Mayroong kang private jet, hindi ba? Mayroon ka ring bahay doon sa New York.

MARRIED A GOLDDIGGER-3

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.