Married a Golddigger-4

“Shall we go inside?” aya ni Jett upang mawala ang tensiyon.

“Y-yes, of course,” tugon niya habang namumula ang kanyang mga pisngi.

Tinangka niyang buksan ang pinto sa gilid niya.

“Nandito ang bukasan, Fria,” wika ng lalaki habang pinipindot ang isa sa mga button sa dashboard.

Umibis si Fria nang mabuksan ang pinto. Ibig niyang lumayo muna sandali sa makapangyarihang presensiya ng lalaki.

Habang tumatagal, nagugulat siya sa kanyang sarili.

Hindi niya akalain na magagawa niyang sumama sa isang lalaki na ngayon pa lang niya nakilala.

Ito ang katibayan na nagiging desperada na nga siya!

Isang babaeng payat at may edad ang nagbukas ng pinto sa kanila.

[Want to read the Start of Stories Online titled – MARRIED A GOLDDIGGER…? Click Here!]

“Sir Jett, magandang hapon sa iyo. May bisita ka pala.” Bagama’t mayroong respeto ang tono nito, mahirap isipin na naglilingkod lamang ito sa lalaki.

May pagka-aristokrata din ang pagkilos nito habang minamasdan si Fria Vida magmula ulo hanggang paa.

Hindi mapigil ni Fria ang mangunti habang sinisipat siya ng kaharap.

Alam niyang napepresyuhan nito ang kanyang sapatos na balat, ang kanyang paldang kulay itim, at ang kanyang blusang kulay krema.

Wala siyang alahas, maliban sa kanyang relo. Hindi siya nagsusuot ng hikaw o kuwintas dahil allergic siya sa hindi tunay na ginto.

Ang lahat ng nasa katawan niya ay pawang nabili sa isang bargain department store.

Nahiya lang marahil umingos ang matandang babae sa harapan ni Jett Gabriel. Inalis nito ang tingin sa kanya upang bahagyang kumiling ang ulo sa amo.

“Nasa sala si Donya Caring,” pahayag nito habang papatalikod sa kanila.

Inakay ni Jett si Fria. Ayaw nang tumuloy ng dalaga dahil sa nasisilayang karangyaan na parang kay hirap paniwalaan.

Nanunuyo ang loob ng bibig niya habang iniisip na ang halaga ng isa mga piguring nagkalat sa koridor ay katumbas na ng isang taong suweldo niya.

Halatang antigo ang naturang kasangkapan.

“Mama, mayroon akong ipapakilala sa inyo,” pahayag ni Jett nang makapasok na sila sa sala.

Makapigil-hininga rin ang paligid ng salas. Halos walang masabi si Fria habang naggagala ang kanyang mga matang puno ng pagkamangha.

Tumikhim ang matandang babae at tila bahagyang tumaas ang noo.

Inilapit pa siya nang husto ni Jett.

“Siya si Fria Vida, Mama. Isang kaibigan,” pagpapakilala ni Jett sa kanya.

Tumango lang ng isa ang matandang babae na may bilugang mukha at matatalas na mga mata. Katulad ng mayordoma kanina, sinukat din siya ng mga titig nito.

Napalunok si Fria habang nag-aapuhap ng lakas sa kanyang kalooban.

Pagkatapos ng gabing ito — kung makakalabas pa siya ng buhay! — hindi na siya mag-iisip na mag-asawa siya ng mayaman!

Napakarami palang dapat isaalang-alang bago niya mapapagtagumpayan ang kanyang hangaring ito.

Kailangan niyang magdamit, magkilos at magpanggap na mayaman bago siya makakaasang matutupad ang kanyang nais.

Ang isiping ito ay nakapagpabigat ng kanyang damdamin.

Parang nawalan siya ng laban.

Nagpapatianod na lamang siya habang hinihintay ang pagtakbo ng mga sandali.

Nais na niyang umuwi.

Mula sa kungsaan ng malaking kabahayang iyon, may tumunog na gong. Umaalingawngaw ang matining na ingay hanggang sa makarating sa pandinig nila.

Napapitlag si Fria Vida dahil naalala niya ang isang pelikulang nakakatakot.

“Nakahanda na ang hapunan,” wika ni Jett. Kinuha nito ang kopita ng alak na hindi ginalaw ni Fria.

“Inumin mo na ito upang mawala ang iyong nerbiyos.”

Halos wala sa sarili na sumunod siya. Ininom niya ang manamis-namis na likidong kulay pula.

“A-ano ito?” tanong niya nang maubos na niya ang laman ng kristal.

“Red wine,” tugon ni Jett.

Tinulungan nitong itindig ang ina na medyo hirap nang kumilos. Parang itiniyap naman ang pagdating ng payat na babae. May tulak itong isang wheelchair na de-baterya.

“Si Manuela na lang ang bahala sa akin, Jett. Asikasuhin mo ang iyong bisita,” anang matandang babae.

Nagulat si Fria nang matuklasan na lumpo pala ang ina ni Jett Gabriel.

Dagling nawala ang kanyang pagkailang dito. Napalitan ng awa at simpatiya ngunit iningatan niyang ikubli upang hindi manumbalik ang pagka-disgusto nito sa kanya.

Para kasing nakangiti ang mga matang matatalim kanina, o isang mapangaraping isipin lamang ang nangyari?

Tahimik ang simpleng hapunan. Hindi masalita ang mag-inang kasalo niya.

Tila parehong mayroong may malalim na iniisip.

“Maaga akong matutulog, Jett, Fria Vida. Maiiwan ko na kayo. Doon na kayo sa music room magkape,” pahayag ng matandang babae habang dinadampot ang table napkin na inilatag sa sariling kandungan.

“Magandang gabi sa inyong dalawa. Magkikita pa tayong muli, Fria,” pangako nito sa kanya bago kinambatan ang nakatayong mayordoma.

Halos mapupugto na ang hininga ni Fria sa labis na nerbiyos na kanyang dinaranas. Saka pa lang siya nakahinga uli nang maayos nang makalabas na ang dalawang babae.

Bumaling siya sa lalaking nakamasid sa kanya.

“Ibig ko nang umuwi, Mr. Gabriel,” aniya rito. Hindi niya alam na ang kanyang mga mata ay nagsusumamo na rin.

Napatitig lang sa kanya ang lalaki. Tila nag-iiisip muna bago magsalita.

“Let’s have coffee, okey?”

“P-Pero — ”

“Papauwi ka na kanina, hindi ba?”

Tumango si Fria.

“Wala namang naghihintay sa inyo?”

Halos wala sa loob, napatango uli ang dalaga. Nagkamali kasi siya na tumitig sa mga mata ng lalaki.

Parang nahihipnotismo tuloy siya.

“Then, what’s the problem?” Dinala siya ni Jett Gabriel sa gawi ng music room.

Iniupo siya nito sa silyang mahaba na nasa harapan ng pianong malaki.

“We have all night to know each other better, didn’t we?” wika ng lalaki, paanas kaya hindi halos makatingin nang diretso si Fria.

‘All night!’ bulalas ng isang munting tinig sa likod ng kanyang utak.

Ano’ng ibig sabihin ng ‘all night’?

Naupo si Jett Gabriel sa kanyang tabi at nagsimulang magpiano.

Nag-umpisa sa medyo mabagal at malamyos na musikang tila humahagod sa kanyang isipan. Hanggang sa dahan-dahang mag-iba ng tempo.

Nagkakaroon na ng epekto sa kanyang kalooban. Para na siyang inihehele.

O pagod lang siya dahil sa wala na siyang pahinga simula nang ipanganak si Venue? ukilkil ng isang bahagi niya na nagbabantay sa kanyang sariling kapakanan.

Malimit nga lang siyang magbingi-bingihan sa sarili niyang ito dahil hindi puwede.

Kailangan niyang puntahan si Venus pagkatapos niyang manggaling sa trabaho.

MARRIED A GOLDDIGGER-5

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.