Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

MARRIED A GOLDDIGGER

Fria Vida was desperate for money when Jett asked her to be his mistress.

She needed security so she insisted on marriage in addition to money as payment to her body.

Their marriage was a business arrangement but her heart was sold, too.

How could she stop herself from falling in love with a husband who turned thoughtful and tender?

May malubhang sakit ang bunsong kapatid ni Fria at kailangan ng malaking halaga para makapagpagaling.

Ginamit niya ang atraksiyon ni Jett sa kanya para sa pera.

Paano pa kaya niya paiibigin ang isang lalaking pinilit magpakasal sa kanya nang dahil sa pera?

* * *

“Hija, nais kong ipaalam sa iyo na malapit nang dumating ang panahon na hindi na natin maisasalba si Venus sa pamamagitan lamang ng gamot.”

Seryoso ang pahayag ng doktor sa dalagang nakaupo at nakayuko habang walang hinto sa pagbubuhol-buhol ang mga daliri nitong nakapatong sa kandungan.

“A-alam ko ho, duktor,” tugon ni Fria Vida sa mababang tono.

Bumuntonghininga si Dr. Castillo. “Kung hindi maooperahan ang bata, baka hindi na nito abutin ang ika-limang kaarawan nito,” dugtong ng manggagamot sa mas matatag na tinig. “Kailangan siyang mapasailalim sa mas modernong paggagamutan.”

Kinagat ni Fria Vida ang ibabang labi upang pigilin ang isang mahinang paghikbi na ibig humulagpos sa kanyang naninikip na lalamunan.

“A-alam ko rin ho,” bulong niya sa garalgal na tono.

Sandaling katahimikan ang naghari. Kapagkuwa’y muling binasag ni Dr. Castillo ang kumakapal na atmospera.

“Nais kong malaman mo rin na ginagawa na ng ospital na ito ang lahat nang makakaya upang matulungan ang bata sa kanyang pagpapagamot. Ang hindi lang namin magawan ng paraan ay ang kawalan ng ilang instrumento at gamot na mas makakatulong sana nang malaki.”

Tuluyan nang dumaloy ang luha ni Fria, pati ang kanyang paghikbi ay nakakawala na rin.

“Oh, Dr. Castillo! Napakalaki na ng utang na loob naming magkapatid sa inyo at sa ospital na ito!” bulalas niya.

“Hinding-hindi ko po makakalimutan ang inyong kabutihan sa amin,” dagdag niya habang dinudukot sa bulsa ng pantalong maong ang isang bimpo.

Hinayaan lang siya ni Dr. Castillo na kalmahin ang sarili habang nag-iisip rin nang malalim.

“Uulitin ko, Fria, kaunting panahon na lamang ang nalalabi sa tsansa natin.”

Marahang tumango ang dalaga. Tumindig na siya upang putulin na ang pang-aabala niya sa mahalagang panahon ng espeyalista sa sakit sa puso.

“M-magpapaalam na po ako. Babalik na lang po ako bukas.”

Inihatid siya nito sa may pintuan. Malungkot din ang anyo na katulad niya. Para bang isang kaanu-ano rin nito si Venus, ang batang nakaratay sa ICU nang mga sandaling ito.

Nakayuko si Fria nang papalabas na ng ospital. Sinilip niya uli sa bintanang salamin ang kanyang kaisa-isang kapatid bago siya nagpasiyang umuwi.

Laki sa hirap si Fria Vida.

Galit siya sa hirap.

Ayaw niyang maging mahirap hanggang sa pagtanda niya. Kaya isinumpa niyang mag-aasawa siya ng mayaman.

Kung mabubuhay si Venus…

Kinagat ni Fria ang ibabang labi hanggang sa magdugo. Ipinilig niya nang bahagya ang kanyang ulo habang sinusundan ng kanyang mga mata ang kanyang mga hakbang na singbagal at singbigat ng sa isang matandang uugod-ugod.

Kapag nalampasan na nila ni Venus… Ito ang dapat niyang isaisip palagi. Hindi siya dapat mawalan ng pag-asa.

A, kailangan niyang magka-asawa ng mayaman!

Habang nasa ganitong estado ang kanyang pag-iisip, walang napupunang iba sa kanyang paligid si Fria.

Kaya hindi niya napansin ang kanyang makakasalubong.

“Ay!” bulalas ni Fria nang mabitiwan niya ang kanyang handbag na nakasukbit sa kanyang balikat.

Kasabay nang pagtalsik niya ang pagtataas ng kanyang tingin. Nakakunot na agad ang kanyang noo gayong nawawalan na siya ng balanse.

“Ay!” ulit niya nang rumehistro na sa wakas ang kanyang nalalapit na pagbagsak sa matigas na semento.

Nasalo naman siya ng isang pares ng matitigas na bisig bago siya lumagapak sa sahig.

Sari-saring emosyon ang kanyang nadarama habang maingat siyang ininatayong muli ng lalaking nakabunggo niya.

Alam niyang lalaki ang may-ari ng mga palad na nakadampi sa kanyang mga braso.

Ramdam niya ang tila-kuryenteng kilabot na gumapang sa kanyang balat patungo sa kanyang kaibuturan, sa pusod ng kanyang pagkababae, kungsaan nahihimbing ang kanyang sensuwalidad.

Magmula nang mamatay ang kanyang ina, sinikil na niya ang naturalesa. Hindi na muna siya tumingin sa mga lalaki.

Atsaka na lang siya hahanga marahil… kapag maayos na ang kalagayan ng kanyang kapatid.

Ngunit nang magtama ang kanilang mga mata ng lalaking may hawak sa kanya, napalis na lahat ang kanyang resolusyon.

Para bang napunta silang dalawa sa isang daigdig na sila lamang ang mga nilikha.

Ilang segundo lang marahil ang itinagal ng paghihinang ng kanilang mga paningin ngunit halos mapugto na ang kanyang paghinga habang bihag siya ng mga matang may mala-magnetong kakayahan.

Halos nahigop na ang kanyang buong katinuan at kamalayan!

“Sorry, miss. Nasaktan ba kita?” tanong ng isang tinig na mayroong pinakamalamyos na haplos sa kanyang pandinig.

Napakurap si Fria Vida. Tinangka niyang makawala mula sa pagkakahawak nito sa kanyang mga braso ngunit humigpit lang lalo ang pagkakapulupot ng mga daliri ng lalaki sa malambot na bahagi ng kanyang yayat na braso.

“H-hindi ako nasaktan — ”

“Mabuti naman,” salo ng lalaki.

“Halika, dito ka muna. Maupo ka muna habang pinapalipas natin ang iyong pagkaliyo. Medyo napalakas ang pagbangga mo sa akin kanina.”

Aywan ni Fria kung bakit hindi niya magawang tumanggi sa paanyaya ng lalaki.

Wala siyang nagawa kundi ang magpaubaya sa pag-akay nito palapit sa isa sa mga bench na nakakalat sa hardin ng ospital.

“H-Hindi naman ako nasaktan,” ulit niya nang matagpuan ang sarili na nakaupo na sa bench. “Uh, uuwi na lang ako — ”

“Sandali lang,” pigil ng lalaki nang akmang titindig na siya. “Ako si Jett Gabriel. Ikaw?”

Napatitig si Fria sa kaharap. Ngayon lang nangyari sa kanya ang ganito.

May hitsura siya ngunit hindi siya ang tipo ng babae na nalalapitan na lang basta upang makipagkilala nang ganito kakaswal.

Bumuka ang kanyang bibig ngunit walang numulas na tinig sa kanyang lalamunan.

Paano’y bigla niyang napuna ang kakisigan ng lalaki. Bahagyang kumunot ang kanyang noo dahil naalala niya ang kanyang ipinangako sa sarili kanina.

Hindi ba’t mag-aasawa siya ng mayaman?

“A-ako si Fria,” tugon niya. Pinilit niyang ngumiti. “Uh, Fria Vida Reynes,” dugtong niya dahil malimit mapagkamalang apelyido niya ang ikalawang pangalan.

“Fria Vida,” sambit ng lalaki. Para bang tinitikman ang kanyang mga pangalan.

May gumapang na kilabot sa kabuuan ni Fria. Niyakap niya ang sarili nang di niya namamalayan.

Inutusan siya ng kanyang lohika na tumayo na at lumayo sa lalaking may mapanganib na aura ngunit habang pinagmamasdan niya ang mamahaling kuwintas at medalyon na nakalawit sa dibdib na mabalahibo, sumisidhi ang kanyang interes sa pagkatao ng lalaking nagpakilala.

Jett Gabriel, bulong niya sa kanyang sarili. Parang narinig na niya ang pangalang iyon.

“Isa akong negosyante, Fria Vida,” pahayag ng lalaki. Nahuhulaan marahil ang ibig sabihin ng muling pagkunot ng noo niya.

Dagling umaliwalas ang anyo ng dalaga nang maalala ang impormasyong nababasa niya sa diyaryo.

Mayamang-mayaman si Jett Gabriel. Multi-milyonaryo. Nag-mamay-ari ng napakaraming negosyo. Mahirap ilista dahil mayroon pang nasa ibang bansa pa.

Muli niyang pinagmasdan ang lalaki. Inaarok niya kung ano naman ang tungkol sa pribadong buhay nito na hindi nasabi ng mga reporter.

Malimit itong mabanggit na may kasa-kasamang babae ngunit ni hindi nasasabi kung mayroon nang nobya o asawa’t anak.

Bahagya nang nakangiti si Jett Gabriel. Medyo nanunudyo ang hitsura.

“Binatang-binata ako, Fria Vida. Will you have dinner with me?”

Nanlaki ang mga mata ng dalaga. Mabilis ang lalaking ito!

“Bakit ako sasama sa iyo? Hindi pa nga kita nakikilala.”

“Madali lang iyon,” salo ng lalaki. “Punta tayo sa library ng ospital. May mga diyaryo doon. Puwede kang mag-research habang hinihintay ko ang iyong desisyon.”

Nagsisimula nang mamula ang kanyang mga pisngi.

“Hindi na kailangan,” aniya, pilit na pinatatatag ang kanyang tinig na nanginginig.

Habang sa loob ng kanyang isipan ay pilit niyang itinututok ang mga matas sa huling hitsura ng kanyang kapatid na si Venus.

“Uh, k-kung mayroong kang maipapakitang I.D. maniniwala na akong ikaw nga si Jett Gabriel,” dagdag niya sa mas kaswal na tono.

Kinapa lamang ng isang kamay ng lalaki ang kinaroroonan ng pitaka dahil nananatiling nakatitig sa mukha niya ang mga matang nagiging mapanganib na habang tumatagal.

May unikong paraan ng pagtitig si Jett Gabriel. Nakatitig ito sa isang babae na para bang wala nang ibang mas gaganda pa.

Muling pinanlamigan ng buong katawan ang dalaga. Parang nababasa siya ng lalaki.

Para bang nalalaman na nito ang kanyang mga iniisip gawin upang masilo na ito habang nasa kanya ang atensiyon nito!

“Heto ang mga IDs ko.”

Nagbaba siya ng tingin nang iabot sa kanya ang limang I.D. na pulos laminado.

Kahiyaan na lang kaya napili niya ang kanyang kamay na kunin ang mga ito. Habang isa-isa niyang binabasa ang mga kard.

John Peter Gabriel. Ito ang buong pangalan ni Jett Gabriel. Pareho silang dalawa ang pangalan.

Bakit ba siya na-obsessed sa pangalan? bulong niya sa kanyang sarili habang muling nagtataas ng tingin.

Nakatitig pa rin ang lalaki.

Dagling nagsikip ang lalamunan ni Fria habang nagsisimula nang sumikdo ang kanyang dibdib.

Bakit ganito makatitig ang lalaking ito?

“O-okey, sasama akong mag-dinner sa iyo.” Narinig niya ang kanyang sarili na tumutugon nang ganito. “Ngunit hindi sa isang lugar na maraming tao.”

“Of course, Fria.” Unti-unti ang pagsilay ng kabuuan ng ngiting kanina pa naglalaro sa mga labi ni Jett Gabriel.

Napatitig doon si Fria. Matiim ang bibig ng kaharap.

Ngunit lumitaw ang pagka-sensuwal ng hubog ng ibabang labi nang magpakita ng kasiyahan ng lalaki.

Lalong kumabog ang dibdib ni Fria.

“Shall we go?”

Nilunok ng dalaga ang sumusulak na pagtutol. Ngayon lang siya sasama sa isang lalaki, hiyaw ng isipan niya.

“Uh, y-yes.”

Nangangatog na ang kanyang mga tuhod bago pa sila nakarating sa lugar na pinagparadahan nito sa sasakyan.

Pinilit niyang magsalita ng tungkol sa ibang bagay upang mapalis ang kanyang tensiyon.

“May pupuntahan ka yata sa ospital, a? Baka naaabala kita?” tanong niya habang pinaandar ni Jett ang makina.

“Nakita ko na ang kailangan ko sa lugar na ito, Fria.” Enigmatiko ang mukha nito habang nagsasalita.

Napukaw ang kuryosidad ng dalaga. “A, mayroon kang dinalaw na pasyente?”

Umiling lang ang lalaki. Tila nasa pagmamaniobra ng mamahaling behikulo ang buong atensiyon.

Nanahimik na lang si Fria. Pinagkasya na lamang ang sarili sa pag-iisip ng mga bagay at hakbang na maaari niyang gawing upang mahawakan niya ang pansin ng lalaking ito. Kailangan niyang gawin ito, para kay Venus…

Pumasok si Jett sa opisina ng kanyang tiyuhin, ang mismong administrador ng ospital.

Pinuntahan niya ito dahil ipinatawag siya. Kagagaling lang niya sa isang kumperensiya nang mabasa ang mensahe sa tabi ng kanyang telepono.

Kinumpirma pa niya sa kanyang tiyuhin ang tungkol sa tawag.

“Jett, mayroon kaming isang pasyente dito na nangangailangan ng malaking halaga upang makapagpaopera. Gusto kong ilapit ang batang iyon sa iyong matulunging puso,” umpisa ng kanyang Uncle Ted.

Napatawa si Jett sa tinurang iyon ng matandang lalaki.

“Si Uncle Ted talaga, alam mo namang nakahanda akong magbigay ng kahit na magkano sa ospital na ito, kung para lang sa mga karagdagang instrumento sa paggagamot ang pag-uusapan. Hindi mo na kailangang magsabi nang personal.”

Umiling ang matanda habang hindi napigil ang pagngiti.

“Talaga ikaw, oo. Nagtataka ako kung paano ka yumayaman sa ganyang istilo mo na patawa-tawa lang,” tudyo nito habang nagsasalin ng alak sa dalawang baso.

“Nasa duty ka pa, hindi ba?” tanong ni Jett habang nagsisindi ng sigarilyo. Naupo siya sa silya na nakapa-de-kuwatro.

“Dito sa kasong inilalapit ko sa iyo, hindi lang instrumento ang kailangan, iho,” patuloy ni Uncle matapos simsimin ang likidong apoy na nasa kristal.

“Ang modernong siyensiya ng Amerika ang maaaring makapagligtas sa buhay ng bata.”

Bahagyang kumunot ang noo ni Jett. “Ano naman ang maitutulong ko pala, kung gayon?”

Tiningnan siya nang diretso ng tiyuhin.

“Mayroong kang private jet, hindi ba? Mayroon ka ring bahay doon sa New York.

“At marami kang perang puwede nating bawasan ng kaunti para sa pagpapaopera ng munting ugat sa puso ng paslit.”

Umiling-iling si Jet.

“Uncle Ted, hindi ko kayang bilhin ang ganyang responsibilidad. Marami akong ginagawa sa ngayon. I could write you a check now, pero hindi ang mag-alaga ng isa sa mga pasyente ninyo dito. Tell me, magkano ba ang kailangan ng batang ito?”

Ang kanyang tiyuhin naman ang napailing-iling.

“A, Jett, huwag kang masyadong maging sinikal, iho. Kung pinansiyal lamang ang maibibigay mo, baka hindi rin makatulong. Kaunting panahon na lang ang natitira. Hindi kami sanay maglabas-masok ng bansa. “

Hindi umimik si Jett. Nilagok niya ang laman ng kanyang baso.

“At masyadong maselan ang kalagayan ng bata upang matagalan pa sa pagsakay sa mga pampasaherong eroplano. Hinihiling ko ang iyong personal na atensiyon dahil kailangang-kailangan,” paliwanag ni Uncle Ted sa nang-aamuking tono.

“Kakausapin ko si Nilo, ang aking personal assistant,” wika ni Jett.

“Hindi si Nilo ang hinihingan ko ng tulong, Jett,” matatag na tanggi ng kanyang tiyuhin. “Ikaw.”

Nagsimulang maningkit ang mga mata ng binata.

“Nagsisimula ka na naman ba, Uncle Ted!” tanong niya sa matiim na tono.

Nanatiling inosente ang anyo ng matandang lalaki.

“Paano ko masisimulan ang isang bagay na hindi mo pa tinatapos? Ngayong binanggit mo ang tungkol sa bagay na iyon, masasabi ko nang si Venus ay kasing-edad ng iyong anak ngayon kung ito ay nabuhay noon.”

Nagtagis ang mga bagang ni Jett. “Damn,” asik niya sa kanyang sarili. “Okey, I’ll think about it, Uncle Ted. Goodbye for now, okey?”

“Kailan ka tatawag?”

“Bukas.”

“Make it tonight, Jett,” utos ni Uncle Ted sa malumanay na tono.

Pumikit si Jett habang tumitingala.

“Okey, tonight.”

Papalabas siya nang muling tinawag ng tiyuhin ang kanyang pangalan.

“Jett, I’m srorry sa mga sinabi ko. Kailangan kong sabihin ang mga iyon upang makumbinsi kita.”

Luminga ang binata at ngumiti nang mapait.

“No need to apologize, Uncle Ted. Bye.”

Naglalakad siya sa damuhan patungo sa parking lot nang mapasulyap siya sa gawi ng ospital.

Nakita niya ang isang babae na mayroong balingkinitang pangangatawan at malungkot na mukha.

Nakapagtataka ngunit naramdaman niya ang lumbay na naghahari sa katauhan nito.

Bago pa niya na kuwestiyon ang tungkol sa bagay na, humahakbang nang paiba ng direksiyon ang kanyang mga paa. Patungo na siya sa kinaroroonan ng babae.

Hindi niya inaasahan na wala sa paligid ang isipan ng babae kaya hindi niya akalain ang tuloy-tuloy na paglalakad nito kahit na malapit na siya rito.

Nagkabungguan sila dahil hindi siya naka-preno agad. Mabuti na lang nahawakan niya ito sa mga braso bago bumagsak sa semento.

Nang magtama ang kanilang mga mata, lalong nakaramdam ng kakatwa si Jett.

Parang nalulunod siya habang hinihigop ng kung anong magneto ang kanyang kamalayan. Nakatitig pa lang siya sa babae, ah?

Paano na kaya kung…… Ipinilig niya ang kanyang ulo upang mapalis ang sumaging eksena.

Pati na ang kanyang natural na ugaling impulsibo.

Ganitong-ganito ang kanyang naramdaman nung una niyang makita si Marie noon…!

Pumiksi ang mental na bahagi ni Jett. Inuutusan siyang iwan na ang babae at lumayo na agad sa lugar na iyon ngunit umalma ang kanyang kalooban.

Sa unang pagkakataon, matapos ang limang taon, ang kanyang puso ang nasunod.

Inakay niya sa isang bench ang babae habang inaayang mag-dinner. Nagmistula siyang tinedyer na pinagbigyan sa unang date!

Ang tanging pagkakaiba, malinaw na nababasa ni Jett ang nasa mga mata ng babaeng nagngangalang Fria Vida Reynes.

Gusto nito ang kanyang kayamanan!

‘You want my money. I want your body,’ bulong ni Jett sa kanyang sarili habang nagmamaneho.

Bahagya niyang ikinatutuwa ang pagbabalik ng kontrol ng kanyang isipan.

Hindi puwedeng mawala uli ang kanyang wisyo tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa kanyang mga emosyon.

Gusto niyang isipin na pagnanasa lang ang kanyang nadarama ngunit hindi niya magawang kumbinsihin ang kanyang bahagi na nanatiling nakahiwalay, magmula nang mawala ang kanyang mag-ina.

Si Marie at si Johnny…

A, kung bakit kasi binanggit pa ni Uncle Ted ang tungkol sa batang pasyente nito! paninisi niya sa tiyuhin habang binabaybay ang daan patungo sa kanyang mansiyon.

Palihim niyang sinulyapan ang babaeng nakasiksik sa passenger’s seat.

Aalamin niya kung anong meron ang babaeng ito na wala ang ibang mga babaeng napaugnay na sa kanya nitong mga huling taon.

Papasok ang sasakyan sa matataas na gate nang tila matauhan si Fria mula sa kanyang malalim na kinasadlakan.

Parang bigla niyang napagtanto na mapanganib ang kanyang gagawin. Hindi niya kilala ang lalaking sinasamahan niya.

Nagnakaw siya ng sulyap sa gawi nito. Aristokratiko ang hubog ng mukha ni Jett Gabriel.

Mataas ang intelihenteng noo at matangos ang ilong. Dominante rin ang hubog ng bibig at baba at panga nito.

Para bang walang bahagi ng lalaki na hindi matigas. Para bang walang parteng malambot sa karakter nito.

Luminga sa kanya ang lalaki. Naramdaman ang kanyang pagtitig.

“Nababago na ba ang isip mo?” tanong nito, tila naghahamon ang tono.

Napapatda si Fria. Nataranta siya na hindi niya mawari. Umiling siya kahit na ibig niyang tumango.

“M-may dapat ba akong ikatakot?”

Matagal na hindi umimik ang lalaki bago tumango. Nakaparada na sila sa tapat ng malaking bahay na sa mga pelikula lamang niya nakikita.

“Meron, Fria, pero hindi pa sa ngayon.”

Nahati ang kanyang atensiyon. Napatitig siya sa mala-palasyong istruktura.

Hindi siya makapaniwala.

‘Bakit may mga taong nasasalo ang lahat ng suwerte sa buhay?’ tanong niya sa kanyang sarili. Hindi mapigil ang paghihinampo sa nasa Itaas.

“This is my first house,” pahayag ng lalaki. Tila sinasadyang magpa-impress.

“Ang aking ikalawa ay ang nasa Tagaytay. At ang ikatlo naman ay nasa Cebu. Mayroon din ako sa Davao, sa New York, sa Japan, at sa Australia.”

Napangiti ito nang hindi mapigil ni Fria ang panlalaki at ang pamimilog ng kanyang mga mata.

“Nakakainggit ka naman, Mr. Gabriel,” pahayag niya sa nanaghiling tono.

Natigilan si Jett Gabriel. Nailang naman si Fria. Nalipat sa lalaki ang kanyang buong pansin.

Napanood niya kung paano ikinubli ng kaharap ang mga emosyon na sandaling nagsalimbayan sa ekpresyon nito.

Click here to READ MORE

Comments are closed.