Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

MARRIED TO HATRED

Does arranged marriage help friendship grow between two people? Or does it destroy any secret warm feelings that might be in their hearts?

When a woman was forced to marry a man who was as reluctant as her… love is often subjected to stormy weathers.

Napuwersang magpakasal sina Bea at David dahil sa kagustuhan ng kani-kanilang mga magulang. May ibang pag-ibig si David at alam ni Bea iyon.

Ngunit hindi niya magawang umatras sa pagpapakasal dahil ayaw wasakin ang ilusyon ng mga magulang.

Paano pa kaya mapaghihilom ang mga sugat na nilikha ng pagkasuklam at paghihiganti?

* * *

Pinaka-engrande ang kasalang Cordero at Lardizabal.

Si Bea Cordero-Lardizabal ang itinanghal na pinakamagandang June Bride.

Naging tampulan ng marami at malawakang publicity ang mamahalin at orihinal na disenyo ng putim-puting traje de boda ni Bea.

Maging ang tiara na yari sa lantay na ginto at matataas na kilatis ng diyamante ay pinag-usapan rin. Paano’y bagay na bagay sa mala-prinsesang ganda nito.

Lalupa’t tutoo namang mataas ang katayuan ng pamilya ng dalaga sa buhay. Bilang kaisa-isang heredera ng sikat na iron magnate, na si Senyor Ben Cordero, ang gastos sa pagpapakasal ay halos walang hangganan.

Lalupa’t ang bridegroom ay si David Lardizabal, isang makisig, batam-bata pa at sumisikat nang arkitekto. Ito rin ang kaisa-isang heredero ng construction tycoon na si Danilo Lardizabal.

Hindi singmahal ng trahe ang groom’s white suit, pero isa ring orihinal ang disenyo niyon. At nagmula pa sa Paris. Gayundin ang gold cuff links at ang genuine leather shoes.

Marangya ang okasyon. Magarbo ang mga preparasyon. Sa Manila Cathedral ginanap ang wedding ceremony. Ang wedding reception naman ay idinaos sa isang cruise ship, kungsaan ang mga bisita ay binigyan ng sari-sariling cabin na matutuluyan para sa magdamagang kasayahan.

Hindi rin matatawaran ang mga naging ninong at ninang sa kasal. Positibong pinakyaw ang top ten list sa Who’s who? Magazine ng Pilipinas! Pawang mga nangungunang negosyante at pulitiko ng bansa!

‘The Cordero-Lardizabal Marriage: Really Made In Heaven!’ ang titulo ng feature article ng isang sikat na magasin.

‘Bea & David — Princess and Prince of Romance!’ anang headline sa leisure page ng nangungunang diyaryo.

‘A Modern Fairy Tale…’

‘Friends And Lovers…’

‘Childhood Love…’

At marami pang iba.

Ngunit sa dinami-dami ng mga artikulong naisulat tungkol sa dalawa, walang nakatumbok sa katotohanang nakatago sa mga ngiting plastik at sosyal.

Walang nakahula sa pagkasuklam na bago pa lamang sumisibol at yumayabong. Na ang magandang samahan at pagkakaibigan sa pagitan ng mga pamilya ay nakatakda nang masira dahil sa naturang kasalan…

Napilitan lang naman kasi ang lalaki at ang babae. Lalung-lalo na ang lalaki. Dahil sa desperasyon, nagsumamo pa ito sa babae.

“Bea, please, huwag kang pumayag sa gusto ng mga magulang natin,” pakiusap ni David. “Magiging miserable lang tayo. Parang magkapatid lang ang pagtitinginan natin sa isa’t isa.”

“Tutoo ‘yan, David,” sang-ayon ni Bea. Matamlay ang tono. Malungkot ang anyo. “Pero patawarin mo sana ako dahil hindi kita mapagbibigyan. Hin-hindi ko masasaway si Papa…”

“Bea, alam mong may nobya ako, hindi ba? Lucille would be devastated. Siya ang gusto kong pakasalan!”

“I’m sorry, David.”

“Damn you, Bea! Kailan ka pa naging masunuring anak? You’re spoiled rotten by your parents. Kapag ginusto mo, ibinibigay nila. Kung gusto mong manatiling malaya, wala silang magagawa. Isang salita mo lang, hindi matutuloy ang kasal!”

“Please, David. P-pagbigyan na lang natin sila. ‘Tulad nga ng sabi mo, ibinigay nila ang lahat ng gusto natin. Panahon na siguro upang tayo naman ang magbigay — ”

“Dammit, Bea! That’s ridiculous! Hindi ang kaligayahan natin ang dapat maging kapalit sa kabutihan nila!”

“M-magiging maligaya sila kapag nagpakasal tayo, David.”

“E, paano naman ang kaligayahan natin? Ano ka ba, Bea? Nasisiraan ka na talaga ng bait, ano? I don’t want to marry you!”

“I — I don’t want to marry you either! Pero wala akong magagawa kundi ang pakasalan ka. Kung gusto mo, ikaw na lang ang gumawa ng paraan.”

“Akala mo ba’y hindi ko pa ginawa ‘yan? Pinakiusapan ko na sina Papa’t Mama. Sinabi nilang nasa ‘yo daw ang tanging susi upang hindi matuloy ang kasal. Kaya nagpunta ako dito. Tell me, Bea. Ano’ng gusto mo? Ibibigay ko ang kahit na ano’ng gustuhin mo — basta’t umatras ka lang sa kasal natin!”

“I’m really sorry, David. Hindi ko gagawin ‘yan. Itutuloy pa rin natin ang kasal!”

“Oh, God, help me! I could kill you! Gagawin kong impiyerno ang buhay mo!”

Nanatiling bingi si Bea sa mga pagbabanta ni David. May mabigat na dahilan siya sa pagpayag na magpakasal kay David Lardizabal. Pero sikreto ang bagay na iyon. Hindi niya puwedeng isiwalat upang kahit na paano’y maibsan ang pagsama ng loob ng ibang tao…

“I’ll hate you!”

“H-hate me, then.”

Isang buwan ang inilaan na panahon para sa mga samut-saring preparasyon. Palibhasa abala ang lahat, walang nakapansin sa bihirang pagkikita at pag-uusap ng mga ikakasal.

Ang kalungkutang ikinukubli nina Bea at David ay napunuan ng nag-uumapaw na kasiyahan ng kanilang mga magulang.

Sa mismong araw ng kasal, walang kamalay-malay ang buong mundo sa pagluluksa nila sa isang pagkakaibigang nasira at naglaho na nang tuluyan.

“Dahil sa pagmamatigas mo, lumuluha si Lucille ngayon,” bulong ni David kay Bea, habang nakaluhod sila sa harap ng altar. “Titiyakin kong pagsisisihan mo ang kasal natin, Bea!”

“Kailanman, hindi ako magsisisi, David,” tugon ni Bea, pabulong din. “Gayunman, nauunawaan ko ang pagkasuklam na nadarama mo para sa akin.”

“Huwag mong isiping panghabambuhay ang magiging pagsasama natin.”

“P-pinakamatagal na siguro ang isang taon, David,” anas ni Bea. Halos pahikbi.

Tila nabaghan ang lalaki sa pagiging kalmado ng babae. “A, siraulo ka na nga!” ang pagalit na asik nito.

“Oo,” sang-ayon niya.

Hindi na umimik si David. Inignora na lamang siya habang impersonal na ginagampanan ang papel ng isang bridegroom.

Lihim na nagpasalamat si Bea nang hindi na uli umalma si David.

‘Sa isang taon, ibabalik ko ang kalayaan mo, David,’ bulong niya sa loob ng utak.

Ngunit wala pang isang taon, hiwalay na ang dalawa.

Kabaligtaran ng engrandeng kasalan ang napakatahimik na hiwalayan. Sarado ang bibig ng bawat miyembro ng dalawang pamilya tungkol sa dahilan ng separation.

Kahit na saan magpunta si Bea, sinusundan siya ng press.

“May third party ba, Mrs. Lardizabal?”

“Correction, please, I’ve reverted to my maiden name. I’m Miss Bea Cordero again.”

“Sorry, Miss Cordero. May naririnig kaming mga alingasngas na ang dahilan ng pagkakagalit ninyong mag-asawa ay ibang babae. Tutoo bang may, er, mistress si Architect Lardizabal?”

“No comment ako d’yan. Siya na lang ang tanungin n’yo.”

“Mawalang-galang na, Miss Cordero — pero hindi kaya ikaw ang may third party?”

“No comment. I’m sorry but I have to go. Goodbye!”

“Miss Cordero, isang picture lang!” Hinabul-habol siya ng potograpo hanggang sa makasakay ng elevator.

Kahit na walang nakuhang impormasyon mula sa dating mag-asawa, marami pa ding ispekulasyon ang nagsilabas sa mga babasahin at pahayagan.

Naalarma marahil sa lumalaking eskandalo, tumawag si David kay Bea.

“The last article about you is libelous. Hindi tutoong may ibang lalaki ka kaya iniwanan kita. Do you plan to sue the creator of that write-up?”

“No.”

“Why?”

“Because it is better to remain silent. Mawawala rin ang atensiyon nila sa atin kapag may dumating na panibagong eskandalo.”

“You’re right, of course. Kumusta ka na?”

“I’m fine.”

“Si Tita Amphie?”

“She’s still recovering.”

“Call me, Bea, whenever you need help.”

“I’m sorry, David. I’ll never do that. Hindi na tayo magkaibigan, remember?”

“Bea, I regretted that night — ”

“Stop!”

“I want to ask forgiveness.”

“Never. Hindi na kailangan ‘yan dahil hindi na tayo magkikita pa uli. Naghiwalay tayong namumuhi sa isa’t isa. Noon na natapos ang ating pagsasama.”

“What if you got pregnant?”

“I’ll get an abortion.”

“That’s a sin!”

“And so is marital rape.”

“Huwag kang mandamay ng inosente, Bea!”

“Dapat ay inisip mo ‘yan bago mo ipinatikim sa akin ang lupit ng iyong pagkasuklam.”

“Bea, please, don’t get an abortion — ”

“Goodbye, David.”

“Pupunta ako d’yan. Kailangang mag-usap pa tayo!”

“You’re too late. We’re leaving the country for good. Actually, nasa airport na nga kami ni Mama ngayon. ‘Bye.”

“You’re a coward, Bea!”

Iyon na ang huling pang-iinsultong narinig niya mula sa dating asawa. At tutoo man iyon, nasaktan pa rin siya.

‘Sana’y maging maligaya ka na, David,’ bulong niya sa hangin habang umaangat sa runway ang Boeing commercial jet.

Ibinenta na nilang mag-ina ang lahat ng mga ari-arian. Umabot sa kung ilang daang milyon ang halagang nalikom nila. Sobra-sobra nang pansimula ng isang bagong buhay sa ibang bansa…

‘Paalam, Pilipinas!’

“After ten long years, Mama, nandito ka na uli sa Pilipinas,” pahayag ni Bea. Halos natural na ang aral na ngiti. Gayundin ang grasyosang boses.

Punum-puno naman ng matinding kasiyahan ang matandang babae habang nakangiting pinagmamasdan ang ka-Maynila-an, mula sa kinatatayuan nilang penthouse suite ng isang sikat na condominium skyscraper building.

“Talaga bang tutoo na ito, anak? Hindi pa rin ako makapaniwalang nakauwi na nga tayo!”

“Well, hindi ‘to isang panaginip lang.” Masuyong inakbayan ng dalaga ang hukot na balikat ng ina. “Bukas, dadalawin natin ang puntod ni Papa. Tiyak na nangungulila na siya.”

Bumuntonghininga si Mrs. Amparo Cordero. “Salamat, Bea. Napakabuti mo talagang anak.” Ginawaran nito ng halik ang kanyang noo. Marahang hinaplos ang tagiliran ng nakapusod na buhok. “Alam kong laban sa loob mo ang pagbabalik dito sa atin.”

“Oh, Mama, ‘wag na kayong mag-isip ng kung anu-ano. Of course, I’m happy to come home,” pagsisinungaling ni Bea. “Ang mahalaga’y hindi na kayo susumpungin ng grabeng rayuma. Nag-aalala ako nang husto para sa kalusugan n’yo, a? Kumusta na nga pala’ng pakiramdam n’yo?”

“Hay, mabuting-mabuti na. Salamat sa Diyos! Sana lang, makapag-adjust na rin agad si Benjie.”

Sinulyapan ni Bea ang batang lalaking nagkakalikot ng mga laruang dinala buhat sa Switzerland. Siyam na taong gulang ito pero dahil sakitin at pihikan sa pagkain, medyo atrasado ang paglaki. Sa unang tingin, hindi agad mahuhulaang siyam na taong gulang na si Benjamin Cordero IV.

“Sa Lunes, mag-uumpisa na siya sa bagong eskuwelahang papasukan niya.”

“Hindi kaya dapat ay magpahinga na lang muna siya, anak? Baka mabigla naman siya. He’s expecting a vacation, dahil winter sa bansang iniwanan natin.”

Nagkibit ng isang balikat si Bea. “We’ll wait and see. Kung ayaw pa niyang pumasok, hindi ko siya pipilitin.” Ang tantiya niya, tiyak na gugustuhin ng bata na mag-aral na uli. Magiging malungkot ang buhay sa bagong tirahan nila dahil walang batang makakalaro.

“Thank you for taking us home for good, my darling daughter.” Niyapos siya ng ina at muling hinagkan. “I knew it costs a lot for you.”

“Of course not, Mama. Actually, next month, magbubukas ako ng bagong negosyo. Kapag nagustuhan ko ang resulta ng feasibility study, magsisimula na naman ang tradisyong sinimulan ng angkan ni Papa.”

“Ano’ng ibig mong sabihin, anak?”

Tumangu-tango si Bea. Sa unang pagkakataon, kumislap ang mga mata niya. “Binili ko uli ang iron foundry na ibinenta natin noon. Would you believe? Imbis na tumubo, naging halos one-fourth na lang ng dating halaga ang binayaran ko.”

“Due to inflation,” panghuhula ng ina. “Bakit binili mo pa ‘yon? I mean, bakit ‘yon pa ang naisipan mong maging negosyo? Sa interes pa lang ng ating savings, e, buhay na tayo, hindi ba?”

“That’s true, Mama. Pero boring naman kung wala man lang akong pinagkakaabalahan. Isa pa, bata pa ako para maging retirado at pensiyonado.”

“E, bakit hindi ka na lang mamasukan sa kahit saang opisina? Na-kuntento kang maging bank clerk nung nasa Switzerland tayo, a?” suhestiyon nito. “Ayoko sanang magkaroon ka pa ng maraming alalahanin, iha.”

“Mama, ‘wag n’yo akong alalahanin. Kung hindi ko kayang magpatakbo ng foundry, ibebenta ko uli ‘yon,” pangako ni Bea.

Ang tutoo, binili niya ang naturang metal foundry dahil nais niyang magkaroon ng challenge sa trabaho. Nakalimutan marahil ng kanyang ina na nakatapos siya ng kursong Industrial Design noon. Nag-aral siya upang gamutin ang depression na lumukob sa kanya, matapos niyang makapanganak kay Benjie.

Ngayon ay handa na siyang gamitin ang skill at talent sa pagdidisenyo ng mga metallic art objects. Ang kanyang inspirasyon ay ang nasirang ama.

Pero ang kanyang tunay na motibo ay magkaroon lang uli ng distraksiyon.

A, ayaw na niyang isipin ang nakaraan! Ngunit magmula nung tumuntong siya sa tarmac ng NAIA, tila nawalan na naman siya ng kontrol sa sarili. Parang katulad nung gabing iyon…

Bahagyang ipinilig ni Bea ang ulo. Iwinawaksi ang namumuong pangitain.

“A-ang mabuti pa’y magpahinga na muna kayo, Mama. Your room’s over there. Magkatapat kayo ni Benjie, as usual.”

“Mabuti pa nga. Teka’t yayayain ko na rin ang aking apo, para fresh kami mamayang dinner.”

“What do you want for dinner?” Ayon sa kanyang solicitor, sa isang linggo pa darating ang service staff na ipinakuha niya mula sa isang de-kalidad na employment agency.

“Kahit na ano na lang. We can order a delivery. Or we can go out to dinner.”

“I doubt the latter. Magpapa-deliver na lang ako. Chinese or Italian cuisine?” Hindi niya mapigil na buskahin ang ina.

“Hay, iha! Ano ka ba naman? Nasa Pilipinas na tayo, of course, Filipino cuisine!”

“Hmm, let me guess. Adobong pusit, Kalderetang baka at putim-puting kanin ba?”

“Mmm, naririnig ko pa lang nagugutom na ako. ‘Wag mong kalimutan ang siling labuyo, ha?”

“And native fruits, of course.”

“Of course. Gusto ko ng papaya, saging na latundan, pinya, at hinog na mangga.”

“Wow! Nakakapanibago naman ang gana mong kumain, Mama.”

“Well, iba ang feeling talaga kapag nasa sariling bayan ka, iha.” Tumalungko ang matandang babae nang makalapit sa batang lalaki. “Halika na, apo. Let’s have a rest.”

“Don’t want. Gusto ko ‘laro. Laro tayo, Lola.”

“Kuu, pagod na si Lola. Samahan mo na lang akong magpahinga. Mamaya, we will play. Promise.”

“Okey. What about you, Mommy? Magre-rest ka din?” Nilinga siya ng paslit. Hawak na ito ng agwela at may bitbit nang isang electronic robot.

“Oo, pero mamaya pa ako. Sumama ka na kay Lola. There’s a good boy.”

“Okey, Mommy. See you later!”

Unti-unting nawala ang ngiti ni Bea habang papalayo ang maglola.

Paano’y tila walang nagbago sa kanilang sitwasyon. Silang tatlo lang uli ngayon. Ang mga kakilala at kaibigan nila ay naiwan sa bansang nilisan. Mangulila kaya ang mga iyon sa kanilang pagkawala?

Hindi marahil. Lalo na sa kanya. Sa loob ng sampung taon kasi, hindi siya nagkaroon ng malalim na relasyon kahit na kanino. Pagkatapos ng trauma niya kay David, natakot na siya.

Marami siyang naging suitors at admirers, pero wala siyang nakagaanan ng loob dahil walang pinalapit ni isa. Palaging nakatayo ang pader na nilikha ng isang gabing bangungot noon…

Lumapit siya sa telepono upang um-order ng pagkain para sa hapunan. Kumunsulta muna siya sa directory para makapamili ng restawran.

Madali lang niyang natapos ang gawaing iyon. Ilang sandali lang, nakatayo na uli siya. Naglalakad-lakad sa palibot ng penthouse suite, pero walang gaanong interes sa decor. Sapat na sa kanya ang kasiyahang ipinamalas ng ina kaninang dumating sila.

Nagbalik siya sa harapan ng curtain wall upang muling pagmasdan ang tanawin sa ibaba.

Sakay ng limousine na nirentahan ni Attorney Mendez, napansin niya ang maraming pagbabago sa mukha ng Maynila.

Sa loob ng sampung taon, napakarami nang matatayog na gusali ang tumayo.

Alin kaya sa mga iyon ang ginawa ni David?

Pumiksi siya. Tumutol ang isip at kalooban sa landas na tinutugpa ng mga gunita. Matagal na matagal nang nagwakas ang kabanatang iyon ng kahapon. Hindi na tamang balik-balikan pa.

Ang mabuti pa siguro, magpahinga na rin siya.

Bumuwelta ang kanyang mga hakbang patungo sa kuwarto. Ngunit napapatda siya nang kumuriring ang telepono.

Kunot-noo, lumapit siya sa mekanismo.

“Hello?”

“Hello, Bea?”

Kinilabutan si Bea nang marinig ang baritonong tinig mula sa kabilang kawad.

“S-sino ‘to?”

“David.”

Nanlaki ang ulo niya. Naparalisa ang kabuuan. Saglit na huminto ang paghinga.

“P-pap’ano mo nalamang ‘andito ako?” tanong niya. Pabulalas at pasinghap.

“I have my ways,” ang matalinhagang tugon ng lalaki. “I want to see you, Bea. Tonight — if it’s not inconvenient.”

“W-well…” Pinilit niyang bawiin ang wisyo. “I never wanted to see you anymore. Goodbye!”

Nanginginig ang mga daliri niya kaya malayo pa ay nabitawan na ang receiver. Sa sahig iyon bumagsak, ngunit hindi na niya ibinalik sa ayos.

Nagdumali na siyang lumayo. Parang may humahabol na mga demonyo. Paano’y nauulinigan pa niya ang tinig ni David Lardizabal. Sinundan siya ng mga salita nito.

“Bea? Bea, magkita tayo. Gusto kitang makausap. We still have unfinished business!”

Matagal bago naglaho ang pangangatal ng mga kalamnan ni Bea. Hindi na niya alam kung gaano katagal siyang nanatiling walang tinag sa pagkakabaluktot sa ilalim ng kumot. Giniginaw siya ngunit ang lamig ay nanggagaling mula sa loob ng kanyang katawan kaya hindi makontrol.

‘Paano nalaman ni David na nandito na sila?’ Ganito ang paulit-ulit na tanong niya sa sarili.

Labis-labis ang pagkagimbal at pagtataka niya dahil walang nakakaalam sa kanilang pag-uwi, maliban sa solicitor na inempleyo niya para mag-asikaso sa pagbili ng penthouse unit at sa iron foundry.

Nang medyo mahimasmasan, nakaramdam naman Bea ng pagkayamot sa sarili. Mali ang pagkataranta niya kanina. Hindi siya dapat nagpamalas ng takot nang marinig ang boses ni David Lardizabal.

Ngunit nangyari na ang pag-uusap na iyon sa telepono. Wala na siyang magagawa kundi ang maghanda at magpakatatag kapag nagkaharap na silang muli ng lalaki.

Tiyak na magpupumilit itong makipagkita sa kanya kahit na magpatuloy siya sa pagtanggi. Kabisado niya ang determinasyon nito — kapag mayroong ninais gawin. Hindi ito tumitigil hanggang hindi nakukuha ang gusto.

‘Alam na rin kaya ni David ang tungkol kay Benjie?’

Isinubsob ni Bea ang mukha sa unan. Tiyak na alam na rin ng lalaki ang tungkol sa bata. At iyon ang tinukoy nitong ‘unfinished business’!

Muli siyang nanlamig. Paano’y nakikini-kinita na niya ang magiging sitwasyon. Magkakaroon ng agawan at labanan para sa custody ng kanilang anak.

Napapikit siya nang mariin. Kusang umiling nang umiling ang ulo. Nagpumiglas ang damdaming-ina.

Hindi maaaring magkaroon ng kaguluhan sa buhay ng kanyang anak. Mahina ang puso nito. Makakasama sa kalusugan nito ang anumang kumplikasyon lalo’t ngayong nag-a-adjust pa lamang sa pag-uwi nila sa Pilipinas.

Isang ideya ang biglang nabuo sa desperadong isipan ni Bea. Magsisinungaling siya. Hindi niya aamining si David ang ama ni Benjie!

Unti-unting nanumbalik ang lakas niya. Nagkaroon na kasi uli ng kalasag na gagamiting proteksiyon laban sa panganib na lilikhain ng dating asawa.

Click here to READ MORE

Comments are closed.