Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

MEMORIES OF THE HEART

Paula and Lyle were childhood sweethearts until his family moved abroad. He promised to come back for her after ten years.

But it was an empty promise…

Out of sight, out of mind. Ang isip daw ay madaling makalimot pero ang puso ay hindi. Lalo na kung ang mga alaala ay umukit pa ng mga sugat na nag-iwan ng mga pilat na palaging magpapaalala…

Nang mangibang-bansa si Lyle, nangako ito na susulat nang madalas kay Paula pero ni isang sulat ay walang dumating.

Nang bumalik naman ang lalaki makalipas ang labinlimang taon, napakarami nang mga pagbabago.

Napakalaki na ng agwat sa pagitan nila.

The long wait was painful but the memories of their young love remained vivid in her heart. How can she learn to forget someone who holds the key to her happiness?

* * *

Makulimlim ang kalangitan noon, kahit na katatapos lang isilang ang isang bagong araw. Para bang ipinagluluksa ang labis na pagkalumbay ng batang puso ni Paula.

“S-sana, hindi ka na lang nila kasama, Lyle. Puwede ka namang tumira sa Tiyong Muloy mo, di ba?” Lungkot na lungkot ang tono ng dose anyos na dalagita.

Kabaligtaran naman ng di-maikubling kasiglahan ng kinse anyos na binatilyo.

“Ayaw nina Itay na maiwan ako dito, Pau,” paliwanag nito. “Pero ‘wag kang mag-alala, babalik ako para sa ‘yo, Paula.”

Medyo gumaan ang pakiramdam niya sa narinig. “Talaga?” tanong pa niya, gayong buhus na buhos na ang paniniwala. “Kailan?”

“‘Pag natapos ko na ang pag-aaral ko.” Itinaas pa nito ang kanang kamay, bago itinapik sa dibdib. “Promise! Basta’t maghintay ka lang.”

“Ilang taon ako maghihintay?” Medyo kunot na ang noo ni Paula habang nagbibilang sa isipan “Limang taon? Pitong taon?”

“Bigyan mo ako hanggang sampung taon, Pau.”

Nanumbalik na naman ang panlulumo ng dalagita.

“Sampung taon? An’tagal naman n’on!”

“S’yempre, magtatrabaho muna ako pagkatapos kong mag-aral. Alangan namang umuwi ako dito ng walang pera, di ba?” ang pabirong tugon ng binatilyo.

Ibinaling niya sa malayong balintataw ang paningin. Saglit na naghari ang katahimikan.

Si Paula ang unang nagsalita. Seryosong-seryoso, sa kabila ng napakamurang edad.

“S-sa palagay ko, hindi ka na babalik dito, Lyle,” sambit niya, pabulong.

“Pau, hindi tutoo ‘yan,” bawi agad ni Lyle. “Okey, hanggang siyam na taon na lang kita paghihintayin.” Tumawad pa ito para maalo siya.

“M-mag-iingat ka na lang, Lyle,” wika niya. “At sana, maging masaya ka agad doon. Mag-aral ka pating maigi. Mas mahirap d’on dahil pulos Ingles ang mga salita.”

Pinilit niyang pagaanin ang tono upang ang matalik na kaibigan naman ang maalo. Ayaw niyang magpabaon dito ng kalungkutan kaya pinipigil din niya ang pagluha.

“Oo nga, e. Pero para sa ‘yo, pagbubutihin ko ang aking pag-aaral, Pau.”

“Salamat. Tuparin mo sana ang pangakong ‘yan.” Tumindig siya mula sa pagkakasalampak sa damuhan.

Pinagpag ang suot na pantalon upang maikubli ang pamamasa ng mga mata.

Ginagad siya ng binatilyo. Tumayo na rin mula sa kinauupuang malaking ugat ng punong akasya.

“P-parang naririnig ko na ang busina ng inyong sasakyan. Sige na, umalis ka na,” pagtataboy niya. “Sumulat ka na lang agad ‘pag dating mo d’on, ha?”

“Oo, Paula. Sige, babay!” Tumakbo ito pababa sa burol, pero huminto nang nasa paanan na. “Babalik talaga ako, Paula! Hintayin mo ako, ha?”

“Maghihintay ako, Lyle!” ganting-pangako niya. Ayaw mang maniwala ng utak niya, ang kanyang puso naman ay tiwalang-tiwala. “Hihintayin kita!” bulong niya habang inihahatid ng tanaw ang binatilyo.

Nang mawala na ito sa kanyang paningin, saka lang niya hinayaang umiyak ang sarili. Sumubsob siya sa damuhan at humagulgol nang malakas.

Iniyakan niya ang muling pag-iisa, dahil ulila na naman siya ngayong wala na ang pinakamatalik na kaibigan.

Iniyakan din niya ang pinawalang pagkakataon na masabi ang lihim na damdamin, bago man lang sila nagkahiwalay.

‘Matagal na panahon ang siyam na taon, Lyle… pero maghihintay ako para sa ‘yo — dahil mahal kita!’ Ganito ang mensaheng inilagay niya sa unang liham na nilikha para kay Lyle.

Sa kasamaang-palad, hindi naman iyon nakarating sa kinauukulan dahil hindi siya nagkaroon ng address nito.

Dahil kailanma’y hindi siya nakatanggap ng anumang sulat mula kay Lyle Dueño.

“Kuu, nakalimutan ka na nung kaibigan mong ‘yon, Paula! Aba’y, karaming magagandang Kana d’on kaya hindi ka na maaalala n’on!” Ganito ang malimit na ipambuska sa kanya ng mga taga-baryo.

Na iniignora lang niya.

“Abala lang hu sa pag-aaral ‘yung tao,” pangangatwiran niya.

“Hindi na susulat si Lyle, Paula! Maniwala ka! Naku, hindi papayagan ‘yon ng kanyang inang matapobre!”

“Tutuparin ni Lyle ang pangako niya,” pagtatanggol pa niya noon.

Ngunit napilitan din siyang maniwala, nang magsimulang lumipas ang mga taon.

Gayunpaman, hindi tumigil sa pag-antak ang sugat na nilikha ng isang hungkag na pangako…

Makalipas ang labinlimang taon…

Hindi pa man tapos ang pagbubukangliwayway, alam na ni Paula na magiging maaliwalas ang araw na iyon. Eksakto para sa aktibidad na pinlano niyang gawin ngayon.

Sakay siya ng kanyang ‘tora-tora’, isang motorsiklo na segunda mano at ubod ng ingay ang pag-ugong. Papunta siya sa kanyang Catfish Farm, na nasa tabing-ilog.

Maliwanag na nang makarating siya sa solar na halos kalahating ektarya ang laki. Nababakuran iyon ng mga kawayang siit na pinagagapangan din ng mga sitaw at bataw.

Ibinutones niya ang suot na kupasing dyaket bago lumapit sa tarangkahang yari din sa kawayan.

Tumingkayad siya upang matanaw ang loob. Nakita agad niya ang tatlong okupante ng lugar. Isang kabataang lalaki na disisais anyos at dalawang batang babae, na pawang nasa elementarya pa.

“Baste!” tawag niya. “Ninay! Rosa! Pakibuksan nga ito.”

Patakbong lumapit ang dalawang paslit. “Si Ate Paula!” ang sabay na sambit ng mga ito. Abot-teynga na ang mga ngiti habang pinagbubuksan siya.

“O, heto ang groseri n’yo. Pakilagay na lang sa kusina,” wika niya habang iniaabot ang isang plastik na supot. Bonus na lang ang pagdadala niya ng kape, asukal, palaman, juice, at ilang de-lata. Bukod pa sa bigas na kasama sa buwanang suweldo ni Baste.

“Salamat, Ate!” tugon ni Ninay, ang nakatatanda. “Sabihin mo kay Kuya Baste, ‘andito si Ate Paula,” utos nito kay Rosa.

“Oo–”

“Teka, ‘wag na,” pigil ni Paula. “Ang mabuti pa’y iayos n’yo na lang ang meryenda. May tinapay at palaman d’yan sa supot. Atsaka, juice. Magtimpla kayo para sa ating lahat. Siyanga pala, pakikuha mo ang bloke ng yelo sa carrier ng motorsiklo, Ninay.”

“Okey, Ate.” Iniabot ni Ninay ang supot sa bunsong kapatid. “Ikaw na ang magpasok nito, Rosa.”

Iniwan ng dalaga ang dalawa. Tiwala siyang gagawin ng mga ito ang mga inihabilin niya.

Nasalubong niya ang panganay habang patungo siya sa gawing dulo.

“Sabi ko na’t kayo ang dumating, Ate Paula. Magandang umaga sa inyo,” ang magalang na bati nito.

“Magandang umaga din. Nakapag-almusal ka na ba?”

“Kani-kanina pa kami nakakain ng lugaw at nilagang kamote.”

“Kung gayon, mag-umpisa na tayo.” Susundan sana siya nito habang patungo sa kabilang panig ng fish pond. “Doon ka sa kabila magpunta. Bubuksan mo ang saraduhan ng tubig ‘pag sigaw ko.”

“Oo, Ate.”

Nang makarating sa dakong kinaroroonan ng mga plastik na balde, hinubad niya ang mga rubber sandals. Nagpaa na lang siya, palapit sa gilid ng palaisdaan.

“Baste!” hiyaw niya habang kinakawayan ang binatilyong nasa kabilang panig ng fish pond. “Buksan mo na d’yan,” utos niya. Ang tinukoy ay ang main gate ng irrigation canal.

“Oo, ate!” ganting-hiyaw ng inutusan. Maliksi itong tumalima. “Ayan, bukas na!”

“Punta ka na dito!” utos niya, matapos matiyak na maayos ang palabas na pagdaloy ng mala-berdeng tubig.

“Ano’ng gagawin natin, ate?” tanong ni Baste, nang makalapit sa kanya. Baguhan lang ito bilang farm helper niya. Kinuha niyang empleyado bagama’t walang alam, dahil naaawa siya. Ulilang lubos kasi at panganay pa sa dalawang kapatid na pawang mga paslit pa.

Nagustuhan niya ang pagiging magalang at masunurin ng tatlong magkakapatid kaya tuluyan na niyang kinupkop ang mga ito. Sa farm na niya pinatira upang magkaroon ng tao kapag nasa bayan siya. Laganap ang mga nakawan ngayon dahil sa sobrang hirap ng buhay at sa talamak na pagbibisyo ng ilan sa mga kababayan nila.

“Pipiliin natin ang malalaki sa mga maliliit. Sa paghahalaman, ito ang tinatawag na thinning,” ang matiyagang paliwanag niya.

“A, oo, para walang mabansot, sabi nga ni Ama.” Sinimulang tiklupin ni Baste ang mga laylayan ng pantalong suot para itulad sa kanya. “Saan sila ilalagay?”

“Diyan sa magkatabing fish pond.” Itinuro niya ang dalawang parihabang hukay sa lupa, na nasa gawing likuran. May pagitan lang na isang metro. Tama lang na malakaran kapag nagpapakain sa mga alagang isda. “Heto ang balde. Tig-isa tayo.”

“Pati kayo, lulusong?” Hindi makapaniwala si Baste. Gulat na gulat ito.

“Ako lang ang gumagawa nito noong wala ka pa, Baste. Hala, kilos na’t baka tanghaliin tayo nang husto.”

Nagkamot muna ng ulo ang binatilyo bago sumunod sa paglusong niya. “An’lamig!” bulalas nito, nang lumubog na ang mga tuhod sa tubig.

“Sa umpisa lang ‘yan,” ani Paula. “Ganito ang pamimili. Isasalok mo muna ang balde. ‘Tapos, pipiliin mo ang mga ganito kalaki. At ibabato mo sa kanan. Ang matitirang maliliit ay sa kaliwa mo naman ilalagay.” Ipinakita niya nang mabagal ang proseso.

Ginagad siya ng kaharap.

“Madali lang, di ba?”

“Oo nga, pero madulas sila. Nakakalaway dahil an’dami!”

Napangiti si Paula. Balewala na sa kanya ang paglilisaw ng mga itim at mala-ahas na isda sa palibot ng mga binti niya.

“Ganyan din ako nung una, pero nasanay na rin ako nang tumagal.” Mabilis na ang pagkilos niya matapos matiyak na tama na ang ginagawa ng tauhan. “Atsaka, minsan lang naman sa isang buwan ang ganito.”

“Kunsabagay, mas madali naman ito kaysa sa paggagamas!” wika ni Baste habang binibilisan ang paggalaw. “Ilan ba sila lahat, Ate?”

“Tatlong libo’t lima lang.”

“An’dami pala talaga!”

Hindi na sila nag-usap. Kapwa na itinuon ang buong atensiyon sa pagtatrabaho.

At dahil dalawa silang nagtulong, madaling natapos ang gawain.

Nakaabang na sina Ninay at Rosa, nang umahon sila.

“Ate Paula, ‘eto na po ang ipinahanda n’yong meryenda,” anang una. Inialok ang nakahain na inumin at pagkain sa lumang lamesita.

“Magsasalin na po ba ako?” tanong naman ni Rosa. Hawak ng maliliit na kamay ang pitsel na babasagin.

“Sige, Rosa. Magbabanlaw lang ako.” Ngumiti siya sa mga paslit bago nagtungo sa direksiyon ng free-flow, kungsaan umaagos palabas ang walang hintong pagdaloy ng tubig na nagmumula sa ilalim ng lupa.

Sinundan siya ni Ninay. “Nandito po ang sabon, Ate Paula,” anito.

“Salamat, Ninay.” Muli siyang ngumiti. “Sandali lang ako.”

Namataan niyang sa di-kalayuang poso naghinaw ng mga braso at binti si Baste. Halos sabay silang natapos at lumapit sa nakahaing lamesita.

“Upo kayo dito, Ate.” Inialok ng binatilyo ang isa sa mga silyang kahoy na binitbit mula sa munting kubo.

“Salamat.” Naupo siya bago kumuha ng baso at tinapay. “Saluhan n’yo na rin ako.” Napangiti siya nang tumabi sa kanya si Rosa at matamang nakinig sa pagsasalita niya.

“Mas malaki ang feed ratio ng mga nasa kanan, kaysa sa mga nasa kaliwa. Bibigyan mo na silang lahat ng pellet sa umaga. ‘Tapos, sariwang bituka’t hasang ng isda sa hapon. Puwede ring bigyan ng hipon at buu-buong isda, paminsan-minsan.” Nagbigay siya ng lecture habang kumakain sila.

“Kung gayo’y dadagdagan ko pala ang mga umang sa ilog,” wika ni Baste. “Para mas maraming mahuli.”

“Kahit hindi na, Baste. May kausap na akong taga-palengke. Ipag-iipon niya tayo ng mga bituka’t hasang at personal na idedeliber dito tuwing hapon.”

“A, oo. Basura na sa palengke ang mga iyon.”

“Ang dapat n’yo lang gawin ay palaging nakahanda ang ice box. Doon n’yo iimbak ang mga iyon para hindi mamaho.”

“Ako po ang taga-bili ng yelo,” sabad ni Rosa.

Nagulat sina Baste at Ninay. Awtomatikong pinandilatan ang bunso upang sawayin sa pagsali sa usapan.

“Rosa–”

Sumabad si Paula. “Maganda ang suhestiyon ni Rosa,” aniya. “Pero kaya mo bang magbitbit ng isang blokeng yelo mula sa eskuwelahan?”

“Aba, opo. May stroller po si Kuya. ‘Yon po ang gagamitin ko.”

Muli siyang napangiti. Unti-unti siyang nagkakaroon ng giliw sa pagkabibo ng musmos. “Gan’on ba? Kung gayo’y tanggap ka na sa trabaho, munting binibini. Magsisimula ka na bukas, ha?”

Pumalakpak si Rosa. Tumayo mula sa upuan at nagtatalon sa damuhan. “Yehey! Me tarbaho na ako!” hiyaw nito.

“Naku, Rosa, seryoso ang pinasukan mo. Baka mamaya, may makasalubong ka lang na mga kalaro, nakalimutan mo na ang pagbili ng yelo.” Nagmistulang maliit na ina si Ninay sa pagsesermon kay Rosa.

“Sa palagay ko’y magiging responsable si Rosa,” pagtatanggol niya, sabay haplos sa ulo ng bata. “Ilang taon ka na ba, iha?” Wala sa loob ang pagtatanong niya.

“Anim po, pero greyd wan na sa iskul.” Puno ng liksi at pagmamalaki ang tugon ni Rosa.

“Anim?” ulit niya. Hindi agad nakahuma dahil parang may sumundot sa kanyang dibdib. Kung natupad ang isang pangako sa kahapon, nasa ganitong edad na marahil ang isa sa mga anak niya…

Dali-dali niyang iwinaksi ang malungkot na pangitain. “Ilang taon naman si Ninay?”

“Sampu po,” tugon ni Ninay.

“Kaya ko po ‘yon kahit siks yirs ol lang ako,” bawi ni Rosa.

“Siyempre naman,” salo ni Paula. “Pero mapapabayaan mo naman ang iyong mga kalaro. Hindi maganda ang gan’on dahil baka mawalan ka ng mga kaibigan.” Huminto siya saglit upang mabigyan ng pagkakataong mag-isip ng paslit.

“Kaya ang mabuti pa, kayong dalawa ni Ate Ninay ang magiging tagabili ng yelo para hindi masyadong nakakapagod,” patuloy niya. “Mas okey iyon, hindi ba?”

“Pumayag ka na sa gan’on, Rosa,” pangungumbinsi ni Baste. “Para lagi pa rin kayong magkasabay ni Ninay sa pag-uwi. Mag-aalala ako kapag pareho kayong nag-iisang naglalakad,” dagdag pa.

“Sige na nga. Kami na ni Ate Ninay ang magiging tagabili.”

“Very good!” papuri ni Paula. Muli niyang hinaplos ang buhok ng bata. “Ayan, dalawa na kayong may trabaho ngayon. Simula bukas, kukunin n’yo ang bloke ng yelo sa tapat eskuwelahan. Suki ko rin ‘yon kaya bibigyan kayo ng yelo kahit walang bayad.”

“‘Wag po kayong mag-alala, Ate Paula. Hindi po namin kalilimutan ang pagkuha ng yelo,” ang sabay na pahayag ng dalawang bata.

“Salamat.” Inubos niya ang laman ng hawak na baso. “Buweno, aalis na ako. Meron pa akong pupuntahan.”

Tumindig rin ang magkakapatid upang ihatid siya sa tarangkahan.

“Naigahan na nang husto ang fish pond, Ate. Lalagyan ba uli iyon ng tubig?” tanong ni Baste.

“Hindi na muna pero paki-linis mong maigi. Eskobahin mo ang sahig at mga gilid. Hayaan mo lang matuyo nang husto ang sementadong dingding at sahig,” tugon ni Paula.

“Siyanga pala, may aanihin nang mga sitaw at bataw. Gayundin ang mga upo at patola,” pagbabalita ng binatilyong katiwala.

“Aba, magandang balita ‘yan, Baste. Buweno, papupuntahin ko dito ang mga tinderang humahango ng gulay. Kailan ba ang anihan? Atsaka, mga ilang kilo kaya?”

“Meron na tayong makukuhang humigit-kumulang sa limampung kilo, Ate. At mahigit sa beinte piraso naman ang mga upo at patola.”

Dating maggugulay ang nasirang magulang nina Baste. Bata pa ito ay katu-katulong na sa pagtatanim ng ama, kaya eksperto na halos sa pag-aalaga ng iba’t ibang klase ng gulay.

“Kung gayon, tutulong pala ako. Kailangan pa munang pilian ang mga iyon. Ang mabuti pa’y sa Linggo ng umaga mag-ani, para wala akong pasok.”

“Salamat, Ate.” Kakamut-kamot ng ulo ang kaharap. Parang nahihiya.

“Magdadala ako ng mga plastik at kiluhan. Pati ng maliliit na gunting,” dugtong niya habang papalabas ng farm. “O, siya, diyan na kayo.”

“Babay, Ate Paula!” Pinakamalakas ang matinis na boses ni Rosa kaysa sa dalawang kapatid.

Kinawayan niya ang mga ito bago pinatakbo ang motorsiklo.

Makalipas ang limang minuto, nasa bahay na siya. Isa iyon sa pitong entresuwelo na naipagawa niya mula nang maging guro sa kursong Agrikultura ng panlalawigang kolehiyo, may anim na taon pa lang ang nakakaraan.

Masinop naman kasi siya sa perang kinikita. Masipag pang magnegosyo kaya meron pang mga sideline. At nag-iisa lang pati sa buhay, kaya kaunti lang ang gastos.

Ang huli nga niyang naipundar ay ang munting farm. May nag-alok ng lupang bukirin sa kanya. Kulang pa ang naiipon sa bangko, kaya nag-loan siya upang mabili iyon.

Imbis na taniman ng palay, ginawa niyang palaisdaan at gulayan. Imbis na tilapya ang alagaan, African Hito ang pinili niya. Ang layunin niya ay magkaroon ng mas malaking kita.

Marami sa mga kababayan niya ang humahanga sa kanyang husay na magpalago ng kabuhayan. Ngunit marami din ang hindi nakakaintindi. Malimit na maging tampulan ng tsismisan si Paula sa mga pondahan ng Baryo Martiniko. Iniignora niya pero pilit pa ring ipinaririnig sa kanya, lalupa’t mayroong tindahan sa magkabilang panig ng lugar niya.

“Ano ba naman ‘yang si Miss Sanchez! Sobra-sobra ang sipag at tiyaga, e, wala namang pamilyang pinaglalaanan! Aba’y daig pa ang may isandosenang anak, a?”

“Oo nga. Samantalang nasa hustong gulang na naman para mag-asawa’t magka-anak. Titulada pa ‘kamo. Kuu, sana’y ‘yung binata ko na lang ang magustuhan n’yan. Pasa ako kahit matandang dalaga na ‘yan!”

Ang mangilan-ngilang nakakakilala sa kanya ay may sarili namang haka-haka. Bagama’t kababata at mga naging kaklase pa niya ay di hamak na mas mukhang matanda kaysa sa kanya dahil nagsi-losyang na mula nang magsipag-asawa. “Kuu, alam ko kung bakit ganyan karubdob sa pagpapaunlad ‘yang si Paula Sanchez! Na-in-despair ‘yan d’un sa childhood sweetheart niya, e. Ano nga ba ‘yung pangalan ng pamangkin ni Tata Muloy? Lilo ba? O Lay?”

“Sus! Si Lyle ba ‘kamo, na anak ni Isnaberang Sabel? Inakupo! E, an’tagal nang umalis ng mga ‘yon dito, a? Di ba’t nagpunta sa ‘Merika? Aba’y hindi na uuwi ‘yon! Panigurado ‘yan!”

“Aba’y oo naman. Ke sarap-sarap ng buhay sa ‘Merika! Bakit pa nga naman uuwi dito sa pobreng baryo natin?”

“O, e, ano sa palagay n’yo ang balak gawin ni Miss Sanchez? Ba’t tila nagpapayaman siya nang husto?”

“Ay-awan ko! Siguro, gusto niyang yumaman para masundan sa ‘Merika ang naunsyaming pag-ibig?”

“Kow, pulos kalokohan ka naman. An’tagal na panahon na silang ‘di nagkita, a? Baka may pamilya na si Lilo, este, Lyle pala!”

Masakit sa kalooban ni Paula ang mga naririnig ngunit wala siyang magagawa kundi ang magtiis. Isang bukas na aklat sa mga kababaryo ang labis na pangungulila niya noon.

Isa pa, tutoo ang ilan sa mga kuru-kuro ng mga ito. May plano talaga siyang sundan si Lyle sa Amerika–pero noon pa iyon.

Ngayon, si Paula ay natuto nang mabuhay sa kasalukuyan lang. Sa pagdaraan ng mga taon, unti-unting humulas ang kahibangan ng kanyang kabataan. Wala na siyang pangarap, kasabay ng pagpapaalis niya sa mga masasayang alaalang iniwan ni Lyle…

Ang kanyang mga pagtatrabaho ay pawang mga dahilan na lang upang mapunuan ang pagkahungkag ng kanyang buhay. At upang mapaglabanan ang mga oras ng pagkabagot.

Paano’y hindi na nagkaroon ng kakayahang makipagkaibigan uli si Paula. Labis siyang nasaktan nung mawala ang unang taong pinahalagahan nang husto. Masakit makalimutan ng isang minamahal. Ngunit hindi pa rin niya magawang kasuklaman si Lyle.

Click here to READ MORE

Comments are closed.