Will you let a man marry you under false pretenses? What if the bridegroom discovered your fraudulent behavior and punished you for life?
Will you let your heart fell in love with your husband by mistake?
Pagkakataon nang magbago ng kapalaran ni Zoe nang pilitin siyang dumalo sa kasal ng pinsang si Zilla bilang fake bride. Ngunit hindi ang suwerteng makakamtan ang naging dahilan kung bakit pumayag siya.
Duwag kasi siya. Lumaking sunud-sunuran at takot sa kanyang maganda at dominanteng pinsan si Zoe. Kaya naman kahit mali, napasunod pa rin siya sa utos na magpanggap siyang si Zilla sa araw ng kasal nito kay Jamiro.
Ngunit tila mas nakakatakot magalit si Jamiro. Paano na kapag natuklasan ang panloloko ni Zoe? Makayanan kaya niya ang mabigat na parusang ipapataw sa kanya?
* * *
Itinutok ni Jamiro ang largabista sa mga mata. Sinisilip niya ang islang natatanaw na sa balintataw.
At sa wakas, matapos ang tila walang hanggang lawak ng karagatan, nandito na siya sa kanyang destinasyon.
Luminga siya sa kanyang likuran habang ibinababa ang largabistang nakasabit sa leeg. Nandoon sa manibela ang kanyang bunsong kapatid na si Larry.
Naka-automatic ang makina ng munting yate na pag-aari ni Jamiro pero mahilig mangarap nang gising ang kapatid niyang ito.
“Larry!” tawag niya habang ikinakaway ang isang kamay. “Halika rito sandali.”
Muli niyang itinapat ang largabista sa mga mata at humarap sa islang nilalapitan nila.
“Bakit, Kuya?” tanong ni Larry nang nasa tabi na niya.
“Gamitin mo na ang largabista mo,” utos ni Jamiro.
“O, ginagamit ko na,” untag ni Larry.
“Tingnan mo na ang bahay na ipinagawa ko. Iyong puting mansiyon na tila nakabitin sa bangin, doon sa pinakamataas na bahagi ng isla,” utos ni Jamiro.
“Aba!” bulalas ng kapatid, puno ng paghanga at pagkabigla ang tinig. “Napakaganda pala, a!”
Tumawa si Jamiro. Bihira lang siyang matawa, at malimit ay sa paligid lamang ng mga ka-pamilya. Maingat siya kapag mga taong nakakahalubilo sa larangan ng pagnenegosyo ang mga kaharap.
“Puwede na bang maging ‘pugad ang pagmamahalan’?” tanong niya, may-himig pagbibiro.
Napamaang si Larry. “Ibig mong sabihin — ? Mag-aasawa ka na?” Nanlalaki ang mga mata nito.
Tumaas ang isang makapal na kilay ni Jamiro. “Bakit? Imposible bang magkaroon ako ng sariling pamilya?”
“H-ha? H-hindi naman, Kuya Jamiro, kaya lang…” Napakamot sa ulo si Larry. “Sorry, Kuya. Nagulat lang talaga ako.”
Tumango lang si Jamiro. Muling tumanaw sa kanyang largabista. Natigilan siya nang may mapunang kumikilos na hugis puti sa dakong paanan ng malaking balkonahe na naka-usli sa isang panig ng mansiyon.
Mahirap maaninaw ang puting hubog dahil sa nakakasilaw na kaputian ng pintura ng kanyang mansiyon.
“Magbalik ka na sa control room. Tawagin mo na si Kapitan. Malapit na tayong dumaong,” utos niya sa kapatid, hindi na kailangang tumingin sa dako nito para tiyakin ang pagsunod sa instruksiyon niya.
Nanggaling sila sa mahirap na pamilya. Lima ang mga kapatid na mas bata sa kanya, si Larry nga ang pinakabunso. Buhay pa ang kanilang mga magulang.
Nasa Davao ang mga matatanda, sa isang bahay at plantasyon na binili niya para may matirhan at mapaglibangan ang mga nuno.
Siya na lang at si Larry ang natitirang binata. Ang dalawang kapatid na babae at isa pang lalaki ay may sari-sarili nang pamilya.
Umabot siya sa edad na trienta y otso nang hindi niya namamalayan. Matikas naman kasi ang kanyang pangangatawan. Wala siyang bisyo sa katawan at malaki ang disiplina sa sarili.
Bagama’t bohemyo at palikero ang imahe niya sa publiko, walang katotohanan iyon. Ang lahat ng panahon niya ay nakatuon sa pagpapalaki ng imperyo ng negosyo na naumpisahan niya.
Hanggang sa nagising na lang siya isang araw na nangangarap na ng mga anak na mapapag-iwanan ng kapangyarihan nalikom at nakahiyangan na.
Ibig niyang maging imortal ang mga negosyong bunga ng paghihirap at pagtitiyaga niya.
Natural, bago siya magka-anak, kailangan munang magkaroon siya ng asawa.
Katulad ng mga sistemang ginagamit niya bago magsimula ng isang bagong kumpanya, pinag-aaralan muna niya ang iba’t-ibang anggulo at aspeto ng pagpapamilya sa modernong panahon.
Natagpuan niya ang sarili na nadidismaya sa kawalan ng kapayapaan at kaligtasan para sa mga bata, kapag nasa lungsod. Masyado nang masikip at mapanganib ang siyudad. Kaya naghanap siya ng lugar na karapat-dapat para sa pinaplano.
Ngayong tapos na ang mansiyon na plano niyang paglagyan ng pamilyang balak buuin, ang magiging ina naman ng mga supling ang kanyang hahanapin.
Wala siyang gaanong nagustuhan sa mga babaeng nakalista sa kanyang address book. Ang bawat isa ay sinipat at pinag-aralan nang husto.
Kaunti lamang ang mga katangian na hinahanap niya ngunit tila walang nakaaabot sa mga ito.
Mapagkumbaba, maalalahanin, at mahiligan sa bata ang gusto niyang makita sa isang babae para makapag-asawa na. Hindi baleng karaniwan lang ang ganda.
Walang importansiya ang laman ng ulo. Kahit na walang pinag-aralan at mababa lamang ang pinagmulan, basta ba kagalang-galang ang mga nuno.
Madali nang turuan ang isang mangmang na babae dahil gagamitin ni Jamiro ang kapangyarihan ng kanyang pera.
A, sana ay may mga ganoong klaseng babae sa islang nabili! bulong niya sa sarili.
Hindi niya namalayan na nababagot na siya sa tagal ng panahon at palaging buo ang determinasyon. Kaya nga madali niyang naakyat ang matarik na bundok patungo sa tagumpay.
Sa loob lamang ng kulang-kulang dalawampung-taon, isa na siya sa mga taong pinakamayaman sa buong Pilipinas, kundi pa sa buong mundo.
Kapag may naisip siyang ideya, hindi siya tumutugot hanggang hindi niya nagagawang solido ang saglit na isiping sumagi sa kanyang isip.
Habang abala sa pag-iisip, sumilip uli siya sa hawak na largabista.
Muli niyang inapuhap ng tingin ang puting hugis na nakita kanina. Sigurado siyang isang babae iyon. At hindi siya nagkamali.
Bahagyang napaawang ang bibig niya nang maaninag ang isang mukha na napakaamo.
Malalaki ang mga mata at mahahaba ang mga pilikmata. Maikli ang matangos na ilong. Hugis-busog ang mapupulang mga labi. Bilugan ang baba at matatag ang linya ng delikanteng panga.
Perpekto ang hubog ng makakapal at itimang kilay, pati na ang makinis at mataas na noo.
Umihip ang malakas na hangin. Nilaro ang mahahaba at tuwid na hibla ng buhok ng babae. Pati ang suot nitong palda at blusang kulay puti.
Saglit na humakab sa balingkinitang katawan ang manipis na tela bago umangat sa hangin ang maluwang na laylayan ng pang-ibabang hanggang tuhod ang haba.
Napangiti si Jamiro nang nagmamadaling ibalik ng isang kamay ang nalilis na palda. Para bang may nakakakitang iba gayong imposible namang natatanaw siya ng babae sa malayong kinalalagyan.
Likas na mayumi, bulong niya sa sarili.
Isinulat niya sa mental na listahan ang babaeng iyon. Hahanapin niya agad ito para masipat nang malapitan. Talagang nasasabik na siyang makita ang unang magiging anak!
Sinundan pa niya ng tanaw ang babaeng may dalang basket ng pinitas na mga bulaklak na ligaw.
“Kuya! Kailangan daw ni Kapitan ang eksaktong direksiyon para marating ang ipinagawa mong pantalan!”
Napilitan si Jamiro na lumapit sa kapatid at sa taga-maniobra ng yate.
Itinulak ni Zoe ang pinto ng kubong tinitirhan nila ng pinsang si Zilla at ng ina nitong si Tiya Pura.
“O? Bakit ngayon ka lang? Kanina ka pa hinahanap ng Inay, a? Magluto ka na raw ng tanghalian!” Padaskol ang pagsasalita ng magandang dalagang dinatnan niyang nakasalampak sa tabi ng bintana.
“Oo, Ate Zilla,” ang nakangiting tugon ni Zoe. Sanay na siyang ganito ang trato sa kanya ng pinsan. Nauunawaan pa nga niya ito.
Masyado lang na nababagot si Zilla dahil sa tahimik at mabagal na pamumuhay dito sa isla. Ganito ang palaging naiisip ni Zoe sa tuwing nagsusungit ang pinsan.
Naiwan ng mga magulang na nalunod sa dagat ang munting kubo na matibay ang pagkakayari.
Panganay na kapatid ng kanyang ina si Tiya Pura kaya mas matanda ang dugo ni Zilla. ‘Ate’ ang tawag niya rito kahit na magkasing-edad lang silang magpinsan.
At kahit na kanya ang bahay na tinitirhan ng mga kaanak na dumating sa isla matapos mabalitaang namatay na ang kapatid at ang asawa, siya pa rin ang dapat na nakikisama dahil may pagka-arogante ang mag-ina.
Lihim na ipinagpapasalamat ni Zoe ang likas na pagka-mababang-loob niya. Nakikisama siya nang husto upang maiwasan ang anumang away. Ang nais niyang mamayani sa tahanan niya ay tanging pagmamahalan lamang.
“Nasaan si Tiya?” tanong niya habang iniaayos sa mga boteng plorera ang mga bulaklak na pinitas.
Tapos na siyang mag-igib ng tubig mula sa bukal na nasa gitna ng kakahuyan sa likod-bahay.
“May sinaing na. Ang hito na lang na nasa banga ang aasikasuhin ko. Ano ba ang gusto mong luto? Paprito? Gan’on na lang, ano? Tutal may napitas din akong mga kamatis na hinog,” patuloy niya kahit na hindi kumikibo at nananatiling nakasimangot ang kanyang kausap.
Iba ang katwiran niya. Walang taong likas na masama. Pasasaan mapapaamo rin niya ang matitigas na kalooban ng mag-ina.
Nangibang-bayan kasi ang kanyang Tiya Pura nung dalaga pa ito. Nakapag-asawa doon ng isang lalaking iresponsable o hindi pa kayang magpamilya. Naging mapait ang pagsasama at si Zilla nga ang naging bunga.
Naghahain na siya nang dumating ang kanyang tiya. Madilim ang ekpresyon nito kaya nahuhulaan niyang natalo na naman sa barahang sugal na kinahuhumalingan ng mga babaeng malimit magkita-kita sa tindahan ni Ka Berang.
“Mabuti at nakahain na. Mag-asawang gutom na itong dala-dala ko. Pwe! Talo na naman ako,” asik ng may edad na babae habang idinudura ang nginangalot na nganga sa dingding ng kumedor at kusina.
Sinundan lang ng tingin ni Zoe ang dinikitan ng pulang mantsa. Tinandaan niya ang lugar na kailangang punasan ng sabon at basahan kapag nagliligpit na ng pinagkanan.
“Kainan na, Zilla,” tawag niya sa pinsan na nagmumukmok pa rin. “Dito na po kayo maupo, Tiya,” wika naman sa tiyahing naghuhugas ng kamay sa palangganita ng tubig na nakahanda sa lababo.
Walang imikan, nagsimula na agad kumain sina Zilla at Tiya Pura. Parang hindi mag-ina. Ganito ang tanawing nasa harapan ni Zoe sa tuwing mauupo sa hapag-kainan, limang taon na ngayon.
Bumuntong-hininga na lamang siya at yumuko upang umusal ng tahimik na dalangin ng pasasalamat para sa grasyang nakahain sa dulang.
“Ay!” bulalas ni Tiya Pura nang tila may naalala. “Siyanga pala, dumating na ang may-ari ng malaking bahay diyan sa gulod. Kuu! Ang guwapo-guwapo, anak. Bagay na bagay kayong dalawa!”
Hindi si Zoe and kinakausap ng tiya, kundi si Zilla. Gayunpaman, napatunganga siya sa biglang pagbabago ng ekspresyon ng mga kaharap.
Hindi siya makapaniwalang makikita niya ang pagliliwanag ng ekpresyon ng Tiya Pura niya.
Puno ng linya at pilegis na sanhi ng pagkabagot at pagkainip ang mga humpak na pisngi at noo ng matandang babae ngunit nang mga sandaling iyon, saglit niyang naanag-agan ang larawang ng kanyang ina.
Kagulat-gulat din ang ngiting sumilay sa palaging nakaungos na nguso ni Zilla.
Nagkaroon ng transpormasyon ang supladang mukha nito. Naging tila-diyosa sa ganda. Kahit na nandoon pa rin ang lamig at tigas ng mga mata nito.
“Talaga, Inay?” bulalas ng pinsan ni Zoe habang nakangiting sa ina.
Parang wala si Zoe sa harapan ng mga ito habang nag-uusap.
Hindi naman alintana ng dalaga ang ganitong pakita ng mag-ina, nasanay na kasi siya. Isa pa, natutuwa na siya dahil tila may katugunan na ang kanyang mga panalangin para sa pobreng mga nilalang na hinahayaang kainin ng lungkot ang mga kalooban.
“Hala, kailangang bukas ng umaga ay magpunta ka doon. Kailangan daw ng mga tauhan para mag-asikaso sa malaking bahay.”
Sumulyap nang pairap sa dako ni Zoe ang pinsan. Umingos ito nang makitang nakatingin siya at nakikinig sa pinag-uusapan.
Agad umayaw sa pagkain si Zilla. Padaskol na nagkanaw ng kamay sa palangganitang hugasan. Tila sinadyang iwisik sa direksiyon niya kaya dumikit ang ilang butil ng kanin at buto ng kamatis sa kanyang braso.
“O? Saan ka naman pupunta? Hindi pa ako tapos magsalita,” hiyaw ng ina nito.
Pa-buntonghininga, pinahiran ni Zoe ng isang kamay ang braso niya.
Ang matandang babae naman ay nagsimula nang magdadakdak. Umayaw na rin sa pagkain. Nakasimangot na naman.
Naiwan si Zoe na napapabuntong-hininga na lang uli. Napailing-iling siya habang nagliligpit.
Naririnig pa rin niya ang malakas na pagtatalo ng mag-ina habang nagbibigay ng pagkain sa mga alagang baboy at manok.
Mga bagong tagpas na damo at talbos ng kamote ang halo ng kaunting darak na inihalo niya sa tubig. Mga dinurog na buto ng ipil-ipil at mais na magulang naman ang para sa mga manok.
“A, basta, Inay! Ayaw kong kasama si Zoe doon! Gusto kong ako lang ang magtatrabaho sa malaking bahay!”
“At sino naman ang nagsabi sa ‘yong pasasamahin ko doon si Zoe? Sino ang mag-aasikaso ng bahay? Sino ang maglilingkod sa akin? Ikaw ang papasok doon, at kailangang ibigay mo sa akin ang kalahati ng kikitain mo!” singhal ni Tiya Pura.
“Ano ba naman kayo? Hindi naman kayo ang magtatrabaho, a? Hintayin n’yo kung ano ang ibigay ko sa inyo!” ganting-singhal ng pinsan niya.
“Aba’t, walanghiya kang bata ka, a! Matapos kitang bigyan ng hininga! Kung alam ko lang na magiging ganyan ang pag-uugali mo, pinisil ko na sana ang ilong mo nung maliit ka pa!”
“E, di, subukan mo ngayon!”
“Ito ang tandaan mo, Zilla! Hindi na lang kita ipapasok doon kung ganyan ang magiging katwiran mo. Magpalit na lang kayo ni Zoe ng lugar. Ikaw ang matitira dito sa bahay!”
Katahimikan ang sumunod sa matalas na pagbabantang iyon ni Tiya Pura.
“O, sige na nga! Kalahati lamang ang ibibigay ko sa inyo. Sa inyo lang, at hindi na sa bahay! Kayo na ang bahala sa pagkain ninyo ni Zoe. Magsama kayong dalawa, dahil pareho kayong suwapang!”
Napangiwi si Zoe sa narinig niya. Hindi siya nagdadamot sa mga kamag-anak na nakikituloy sa kanya kaya masakit mapakinggan ang bagay na iyon dahil hindi tutoo.
Pinilit niyang palisin ang kirot sa kanyang kalooban habang inaasikaso ang mga alagang hayop sa likod-bahay.
Dakong alas-tres nang makapunta uli siya sa bukal na nasa kakahuyan. Umigib muna siya ng tubig para mapuno ang dalawang tapayan sa batalan, at ang bangang lalagyan ng inumin sa kusina.
Pagkatapos, bumalik uli siya sa bukal para maligo naman. May dala na siyang sabon sa katawan, gugo para sa buhok at tuwalyang pamunas. Isinabit niya iyon sa isang sanga, kasama ang kanyang mga tsinelas.
Sandali lamang ang inilagi doon ni Zoe. Kailangan niyang makapunta ng mas maaga sa kapilya ngayong hapon. Hiniling ni Padre Dino na magpunta siya ngayong alas-kuwatro sa bahay-pagamutan ng pinaglilingkuran niya tuwing hapon hanggang alas-siyete ng gabi.
Hanggang sa paglalakad niya patungo sa kabilang panig ng isla, ang naiisip niya ay ang naulinigang argumento ng mag-ina. Wala siyang ibig kampihan sa dalawa, dahil pareho namang baluktot ang mga katuwiran.
Napapahiya nga siya sa kanyang sarili dahil hindi siya nalulungkot na mawala sa kubo ang pinsang si Zilla. Ibig sana niyang mahalin ang dalagang pinsan na ubod na mapaghangad sa mga bagay na wala sa isla ngunit sadyang mahirap turuan ang damdamin.
Pinakikisamahan lamang ni Zoe ang mag-inang Zilla at Tiya Pura dahil ang mga ito lamang ang natitirang kamag-anak niya sa mundo.
Pinakikisamahan dahil naaawa siya nang husto. Wala ng ibang mapupuntahan, kundi sa kanya lang.
Pero may isang bahagi ng sarili niya ang lihim na umaasam sa pagdating ng araw na aalis uli sina Tiya Pura at Zilla sa ‘impiyernong isla.’
Kapag nagkagayon, pipilitin niya pa siguro ang kanyang sarili huwag matuwa at magsaya nang husto!
Nagkamali ang ekspektasyon ni Zoe.
Umuuwi pa rin si Zilla sa kinamumuhiang kubo tuwing hapon. Kaya gayon na lang ang pagmamaktol ng pinsan.
Kapag ganito ang lagay ng ‘panahon’, sa loob ng pamamahay, naglalagi si Zoe sa bukal o kaya ay sa kapilya.
Nagpapaturo siya at ang ilang kabataan ng pagbabasa at pagsusulat sa butihing kura paroko. Libre ang serbisyong ito ng matandang pari ngunit nakalulungkot pa rin dahil kaunti lamang ang nais matuto ng kaunting edukasyon.
Kusang-loob ang pagpunta niya sa pagamutang nasa likod ng kapilya para kumandili sa mga maysakit na nanduroon. Kumbaga, ipinapalit niya ang ilang oras niya sa panahong inaamot nila sa paring guro.
Lumipas pa ang mga araw. Napansin ni Zoe na may ipinagbabago na ang pag-uugali ng kanyang pinsan. Palagi na itong napapangiti kapag inaakalang nag-iisa at walang nakakakita. Hindi na pati siya malimit singhalan.
Minsan nga, kinakausap na siya ni Zilla kapag nakatanaw ito sa bintana ng silid at nakikita siyang nagsasampay ng damit na nilabhan o kaya’y naglilinis ng kulungan ng mga hayop. Pinapanood lang siya sa mabibigat na trabaho niya.
Samantalang si Zilla ay napakagaan ng trabaho. Taga-walis lang at taga-paspas ng alikabok sa mga mamahaling pigurin na naka-display sa iba’t ibang sulok ng kabahayan.
Nagtataka si Zoe pero hindi niya gaanong napagtuunan ng pansin ang pagbabago at pagiging magiliw nito sa kanya. Ni hindi siya nag-isip ng masama.
Naging abala pati siya sa pagrerepaso ng mga aralin. Malapit na ang pinal ng pagsusulit nila sa kapilya. Panibagong mga aklat naman ang ituturo ng pari kapag nakapasa ang sinuman sa kanilang magkakamag-aral.
Pati nga ang pamimitas ng bulaklak na ginagawa niya tuwing umaga ay hindi na niya naaasikaso.
Nagbunga naman ang lahat ng mga sakripisyo ni Zoe. Siya ang nakakuha ng pinakamataas na marka. At ang higit na kasiya-siya ay nakapasa silang lahat na mga mag-aaral.
Umuwi siyang masayang-masaya. Para siyang nakalutang sa hangin habang naglalakad pauwi.
Dagling nabawasan ang kanyang saya nang makita ang pinsan na malungkot at tila napakalalim ng iniisip.
Hindi na siya nagdalawang-isip na lapitan ito at tanungin dahil sa pag-aalalang naramdaman para sa dalaga.
“Zilla? Bakit? May sakit ka ba?” tanong niya habang marahang kinakapa ang noo ng pinsan.
Pumiksi ito at lumayo sa kanya. Iniwasan ang kamay na idinampi niya sa balat nito.
“Ano ba? Wala kang pakialam kung anuman ang nangyayari sa akin!”
Nagulat si Zoe sa naging reaksiyon ni Zilla kaya hindi na siya nakahuma nang tumayo ito at lumakad palayo. Padabog na isinara ang pinto ng silid.
Pinilit niyang magkibit ng balikat ngunit hindi niya nagawa. Saglit na nangilid ang kanyang luha sa mga mata.
Walang sinumang tao ang gustong sinisinghalan at tinatanggihan kapag naghandog ng tulong na bukal sa loob, kaya natural lang marahil ang masaktan siya, pang-aalo niya sa sarili habang nag-aasikaso ng pagkain sa kusina.
Pareho silang tamilmil sa pagkain ni Zilla nang gabing iyon. Tanging si Tiya Pura lamang ang may gana.
Nagmamadali ang matandang babae dahil may pulong daw sa tindahan ni Ka Berang. Nagpaalam pa nga na hindi uuwi kaya huwag na silang maghintay.