Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

MISTRESS FOR MONEY

Cyrene has two suitors: a rich businessman and a romantic construction worker. Julius offered expensive diamonds to be his mistress. She wanted to become rich but she loves Alex.

Ano ba ang pipiliin mo — Love or riches? Puwede ba… both?

Paano kung hindi puwedeng dalawa? Alin ba ang dapat piliin? Nasaan ba talaga ang ligaya? Sa piling ng pag-ibig kahit kumakalam ang sikmura?

O sa mga bisig ng isang lalaking mayaman pero walang pag-ibig para sa iyo?

* * *

Ikinabit ni Cyrene ang malalaking costume earrings. Pagkatapos, maingat na idinikit niya ang mga false eyelashes.

Tamang-tamang natapos sa pagpapahid ng blue mascara, humiyaw ang stage director.

“Cye, Boots, Ichie! Kayong tatlo na ang susunod! Be ready at the count of five!”

“Ready na ‘ko, Reggie,” tugon niya sa baklang direktor.

Ini-adjust ni Cyrene ang spaghetti strap ng suot na evening gown. Hinaplos din ng mga daliri ang makinis na pagka-pusod ng mahabang buhok. Classic ang hairdo para bumagay sa kanyang kasuotan. At para ilantad ang klasikong hubog ng kanyang magandang mukha.
Kasama siya sa panghuling numbers sa kasalukuyang ginaganap na fashion show. Isa kasi siya sa mga pambato dahil matangkad at perpekto ang pagka-balingkinitan.

Payat ang katawan niya pero malaman. Kumpleto sa kurbada, ‘ika nga ng mga kalalakihang manonood.

Bukod pa sa professionalism na palagi niyang ipinamamalas sa trabaho.

“Two! One!” Hinampas ni Reggie ang hangin bago sinenyasan si Cyrene. “Cye, ikaw ang una! Okey, out!”

Sa saliw ng musikang umaalingawngaw sa paligid, rumampa ang dalaga. Buo ang kumpiyansa sa paglakad palapit sa mga manonood na nakapaikot sa entablado.

Madali lang para sa kanya ang pag-imbay habang humahakbang, kahit na ubod nang taas ang suot na high-heeled shoes. Pati ang pag-ikot habang nakapameywang at nakataas-noo. Pinag-aralan niya kasing mabuti ang pagmomodelo.

Ngunit hindi lang pagsikat ang ambisyon niya. Mas gusto niyang maging kapansin-pansin sa mga nanonood na mayayamang lalaki. Walang kuwenta kahit na may asawa o matanda na. Ang kasiya-siya ay ang mga mamahaling regalo na ibinibigay sa kanya, kapag napapahanga niya nang husto.

Isang masigabong palakpakan ang naghatid sa kanyang pag-alis sa entablado. Nakakasiguro na naman siya ng sangkatutak na regalo bago matapos ang gabing iyon!

At hindi nga siya nagkamali.

Abala siya sa pag-aalis ng makapal na stage make-up nang magsidatingan na ang mga cards, flower bouquets, at chocolate boxes sa kanilang dressing room.

Ang agad na umagaw ng interes niya ay ang dalawang jewelry case na parehong makitid at manipis.

“Wow! Huhulaan ko ang laman n’yan, Cye!” bulalas ni Myra.

“Sige nga, ano nga?” panghahamon naman ni Olga.

Pawang mga ka-trabaho at kaibigan niya ang dalawa. Bukod pa sa kasama sa isang apartment na sama-sama nilang inuupahan.

“Bracelet, ano pa?” Sigurado ang tugon ni Myra. “Diamond bracelet!”

“Buksan mo na nga, ‘day,” hiling ni Olga. Namimilog ang mga mata. “Buti ka pa, maraming natatanggap. Mamigay ka naman!” dagdag pa nito, sa tonong nananaghili.

“Siyempre naman,” aniya. “Heto ang mga bulaklak, o.” Maliksi na niyang naitago sa malaking shoulder tote bag ang nagustuhan niyang regalo. Ang itinira niya para ipamigay ay ang ilang tsokolate at karamihan sa mga bulaklak.

“Heto, o. Paghati-hatian n’yo na. Kayo na ang bahalang magbigay sa iba,” wika niya.

“Naku, huwag na lang, ‘no?” tutol ni Olga. “Baka lalo ka lang masabihang golddigger ng mga inggitera!”

“O, e, ano naman,” salo ni Cyrene. “Tutoo naman, a?”

“Sira! Ba’t papayag kang masiraan ng reputasyon, e, ang ganda ng future mo bilang modelo?” paalala ni Myra. “Alam mo bang masama ang konotasyon ng salitang ‘golddigger’?”

“Oo naman,” salo ni Cyrene. “Pero, honestly, wala akong pakialam sa iisipin at sasabihin ng ibang tao. Atsaka kung talagang gustong sirain ng iba ang reputasyon mo, wala kang magagawa.”

“Speaking from experience ba ‘yan?” tanong ni Olga.

“Bakit parang naranasan mo na?” dagdag ni Myra.

Parehong kuryosa ang dalawa sa nakaraan ni Cyrene dahil hindi siya pala-kuwento.

Nagkibit ng isang eleganteng balikat ang dalaga. “Minsan na akong naging biktima ng mga dilang makakati. Mula noon, ipinangako ko na sa aking sarili na hindi na ako magpapaapekto.” Pahapyaw lang ang pagpapaliwanag niya. “Walang ibang tutulong sa atin kundi ang sarili lang natin. Tama o mali?”

“May punto ka d’yan,” ani Myra.

“Oo nga, pero may pagkakataong mali ‘yang sinabi mo,” kontra ni Olga. “May mga kaibigan pa rin namang tapat at maaasahan, ano?”

“Na sa panahon ng kagipitan ay pansarili din lang ang iintindihin,” salo ni Cyrene. “Believe me, girls, naranasan ko na kung gaano kasakit ma-traydor ng isang matalik na kaibigan!”

Wala nang naisagot ang dalawang kausap. Hindi na rin kumibo si Cyrene kaya naghari ang katahimikan sa loob ng dressing room.

Siya ang unang nagsalita nang matapos sa paglilinis ng mukha at pagpapalit ng damit. “Hindi ko sinabi ang mga iyon para pasaringan kayo, Ol, My,” umpisa niya. “Nagkuwento lang ako. Sorry kung na-offend kayo,” dugtong niya. Bahagyang nakangiti.

Halos sabay na umiling ang dalawa.

“Of course not. Medyo nagulat lang ako,” bawi ni Olga.

“Oo nga,” dagdag ni Myra. “Wala kasi sa hitsura mo ang minsan nang na-in despair.”

Tumaas ang mga perpektong kilay ni Cyrene. “Wala akong nabanggit na na-in despair ako.”

“P’ano ba nagkakaroon ng trayduran sa pagitan ng isang matalik na magkaibigan?” salo ni Myra. Nakataas rin ang mga kilay. “Ano ba ang nangyari? P’ano ka nabigo sa pag-ibig?” dugtong pa habang umaakbay sa kanya.

Umakbay rin sa kanya si Olga. “Oo nga naman, tita. Ikuwento mo naman sa amin ang iyong love story.”

“Gasgas na ang istorya ko, mga tita. Boring,” wika niya. “Nabigo ako sa pag-ibig dahil mahirap lang ako. Ang kaibigan ko ay may kaya sa buhay kaya siya ang pinili ng nobyo ko. Iyon lang.”

“Wala kang ginawa? Hindi mo man lang sinabunutan ang hitad? Sana man lang ay tinadyakan mo ng isa ang mga taksil,” bulalas ni Myra.

“Ano naman ang mapapala ko kung makapanakit ako ng isa sa kanila?” tugon ni Cyrene. “Lumayo na lang ako.”

“Babalik ka pa ba? May kaya ka na rin ngayon. Bah! Isa ka nang successful and high-paying ramp model ngayon!” suhestiyon ni Myra. Interesado talaga itong makaganti siya.

“Kapag may asawa na akong napakayaman, saka lang ako babalik doon,” pangako ni Cyrene. “O, siya, magbihis na rin kayo. Baka iwanan tayo nina Boss Reggie dito,” paalala niya.

Tumalima naman ang dalawa pero nagpatuloy pa rin sa pakikipag-usap sa kanya.

“Sus! Malabo nang magkatutoo ‘yan ngayon, tita!” opinyon ni Olga habang maliksing nagpapahid ng cold cream sa mukha. “E, pulos mga nabingwit na ang matatabang isda ngayon sa dagat! Kung makakasuwerte ka, tiyak na biyudo o di kaya’y matandang binata na.”

“Oo nga,” sang-ayon ni Myra. “Wala nang mayamang mala-Adonis ngayon.”

“Aanhin mo ang isang Adonis na nakahandang magtaksil anumang sandali?” ganting-opinyon ni Cyrene. “Mas guwapo pa rin ang kapal ng bulsa kaysa sa banat na balat at maskuladong pangangatawan.”

“May punto talaga ‘tong kaibigan natin, Olgs!” wika ni Myra, sabay hagikhik. “Ipinagtatanggol mo pa kasi ‘yung boyfriend mong model rin. Baka mamaya mo, sa matrona ka lang pala ipagpapalit ni Roi, ha?” pambubuska pa nito kay Olga.

Bumadha ang pag-aalala sa mukha ni Olga. Pero bumawi rin agad ang malaking kumpiyansa sa sarili. “Hindi naman siguro, ‘no? Mahal na mahal ‘ata ako ng palangga ko. Inggit ka lang, hmp!” Umingos ito patalikod habang dinudukot sa bulsa ng bag ang celfone. “Kayong dalawa na lang ni Cye ang magsabay sa pag-uwi. Magpapasundo ako sa aking sweetie pie!”

“Ininis mo naman nang husto si Olga,” panenermon niya kay Myra. “Napikon tuloy, o. Mag-sorry ka na.”

Lumapit si Myra kay Olga. Abot-teynga na ang ngiti. “Sorry na, tita. Hindi ko gustong maasar ka. Sabay na tayong umuwi, okey?”

Nagpatuloy lang sa pagte-text si Olga. Kunwa’y walang naririnig.

“Hello, Olgs! Baka nakakalimutan mo–nasa Cebu ngayon si Roi!” Inilapit na nang husto ni Myra ang mukha sa kausap. “Maghihintay ka dito hanggang sa isang linggo?”

“Ay, oo nga pala!” hiyaw ni Olga, sabay sabunot sa maikling buhok.

“Kaya makipagbati ka na sa akin, para may ka-share ka sa taxi fee, ano?” pangungulit ni Myra.

Napapailing naman si Cyrene. “Bahala na lang nga kayong dalawa d’yan. Naririnig ko na ang boses ni Reggie sa labas.” Isinukbit niya sa isang balikat ang tote bag. Bitbit na ng isa pang kamay ang cosmetics case. “Bye! Mauna na ako sa inyo,” paalam niya.

“Hey, teka! Hintayin mo naman kami,” pigil sa kanya ng dalawa.

“Humabol na lang kayo sa party,” tugon niya bago hinila pasara ang pinto.

Abala pa rin sa pagliligpit ang mga lalaking crew sa backstage. Nagsihinto ang mga ito nang makita siyang dumaraan. May ilang nag-wolf whistle bilang pahiwatig ng paghanga.

Isang prupesyonal na ngiti lang ang itinugon niya. Naging golddigger lang siya nung biguin ni Resty, pero hindi naging matapobre na katulad ng ina nito.

Isa pa, obligasyon rin niya ang makisama sa mga ka-trabahong nasa technical side. Iyon daw ang tinatawag na team work, ayon kay Reggie.

“Miss Fernandez, puwedeng magpa-autograph?” Lakas-loob na hiling ng isang crew na may dalang camera. “Fans n’yo kasi ang biyenan at misis ko.”

“Gan’on ba? Sure.” Tinanggap niya ang bolpen na iniaabot nito. “Ano’ng mga pangalan ang ilalagay ko?”

“Josefina at Millie.” Tila napapatulala ang camera man habang nakatitig sa mukha ni Cyrene. “A-ang ganda n’yo pala talaga sa malapitan, Miss Fernandez!” bulalas nito.

“Salamat po. E, kayo, ano’ng pangalan n’yo?”

“Er, Gorio. Este, Gregorio pala.”

“Mang Greg na lang. Okey?” Tinapos ni Cyrene ang pagpirma. Inakalang makakaalis na siya agad.

Ngunit marami pa ang nagsisunuran. At kahit na magdumali siya, tila lalo lang dumarami ang mga lalaking pumapaligid sa kanya. Huli na nang mapagtanto niya ang pagkakamaling nagawa. Nakalimutan yatang ituro ni Reggie na hindi sila dapat nagpapaunlak mag-autograph, lalo’t nag-iisa lang!

“Tama na po muna,” saway niya nang maka-higit sandosena na siya. “Kailangan ko nang umalis.”

“‘Wag ka namang suplada sa amin, Miss Fernandez. Fans mo rin kami. Kailangang mag-autograph ka rin sa amin.” May ilang makukulit ang nagduduldol ng bolpen at papel sa malapit sa mukha niya.

Malapit nang mag-panic si Cyrene. Medyo provocative ang tabas ng blusa niya kaya iyon agad ang naisip itago. Niyapos niya ang cosmetics case at ang tote bag sa harapan bilang proteksiyon.

“Paraanin n’yo ako, please,” pakiusap niya. Malumanay pa rin ang tono, pero may bahid na ng pagtataray.

“Kung ayaw mong mag-autograph, pahipo na lang.”

“Ako, ki-kiss! He! he!”

Umigkas ang isang tuhod ni Cyrene. Nambalya at nanghampas na para makaalpas mula sa masikip na gusot na nasuotan.

Ibinuhos niya ang lakas sa pagtakbo patungo sa front stage. Umaasa siyang nandoon pa sina Reggie at ang iba pang kasamahan.

Ngunit wala siyang nakitang pamilyar na mukha sa mangilan-ngilang tao na nangakaupo pa sa kani-kanilang dining table.

Naulinigan niya ang ingay na sumusunod sa kanya. Kaya luminga siya sa dakong pinagmulan. Gayon na lang ang pagka-dismaya niya nang makitang sinusundan pa siya ng ilang kalalakihan.

Mula ngayon, hindi na ako basta-basta ngingiti! pangako niya sa sarili habang nagdudumaling humakbang para magtago sa dilim.

“Ouch! Paa ko na ‘yon, miss,” anang isang baritonong tinig.

“Ay!” Napatalon siya sa pagkabigla. Tinangka niyang umatras pero sumabit sa carpet ang dulo ng takong kaya nawalan ng balanse.

Maagap namang sumalo ang mga bisig sa karimlan. Maingat siyang pinaupo sa isang silya.

“May problema ba, miss?” tanong uli ng malalim na tinig.

“Uh, m-may mga humahabol sa akin,” pag-amin niya.

“Kilala mo ba sila?”

“Hindi.”

“Tsk! tsk! You must be a great tease! Nasisiyahan ka bang magpahabol sa mga lalaki?”

Napasinghap si Cyrene. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig. Biglang naglaho ang panic niya, napalitan ng matinding pagkayamot.

“That’s unfair! You don’t know me!” bulalas niya. Binalingan niya ang may-ari ng boses na mapang-insulto ngunit hindi niya ito maaninag sa dilim.

“I know your likes, Miss Fernandez,” salo nito. “Alam kong nagustuhan mo ang bracelet. Puwede kang makipagkita sa akin sa address na nasa inclosed calling card.”

“Kung sino ka mang hudas ka, hindi ako interesadong makipagkita sa ‘yo!” asik ni Cyrene. Tumindig siya na parang napaso. Ngunit maagap siyang napigilan sa paglayo. “Ano ba? Bitiwan mo nga ako!” piksi niya.

“Gusto mo bang maabutan ng mga lalaking humahabol sa ‘yo?” tanong ng di-nakikitang lalaki, sabay haklit sa kanya.

Muli siyang napaupo sa silya. Pabagsak. Nawala ang poise bilang modelo.

Pero hindi na muna siya tuminag. Paano’y nasa malapit pa ang mga naghahanap sa kanya.

Sinamantala ng antipatikong anino ang kagipitan niya.

“Marami na akong naririnig tungkol sa ‘yo, Miss Fernandez,” patuloy nito. “I heard that you would be interested to be a rich man’s mistress.”

“Aba’t — ” Hindi na siya nag-isip, nang umigkas ang isang kamay upang sampalin ang direksiyon ng mukha ng lalaki.

Ngunit maliksing nabihag iyon. Agad na naipit sa ibabaw ng mesa ang mga daliri niya.

“Interesado ako na gawin kang kerida, Cyrene Fernandez,” dagdag pa ng lalaki.

“Ayoko sa bastos!” angil niya.

“I can give you anything you want, Cyrene. Huwag kang magpadalus-dalos.”

“Bitiwan mo ako!” Nagpatuloy lang siya sa pagpupumiglas.

“Hahayaan kita sa pagpapakipot mo ngayon — pero hanggang bukas lang. Kapag hindi mo ako kinontak bukas, tapos na ang offer ko sa ‘yo. Hindi na mauulit ‘yon.”

“Go to hell!” singhal niya.

Naaninaw niyang kumiling ang ulo ng anino. “I’ve been there, believe me. At hindi ka masisiyahan kung dadalhin kita doon.” Lumamig at tumigas ang baritonong tinig.

Kinilabutan si Cyrene. Bigla niyang naramdaman ang paggapang ng kuryente mula sa mga daliri nilang magkadikit.

Huminga siya nang malalim para makalma.

Ano’ng ginagawa niya? Bakit nakikipagtalo siya sa isang lalaking mayaman — at interesado sa kanya?

Unti-unti niyang nabawi ang katinuan. Mahinahon na siya nang muling magsalita.

“I’m sorry,” sambit niya. “H-hindi kasi kita kilala…”

“Just look for my calling card,” ang paiwas na tugon ng lalaki, matapos ang sandaling katahimikan. “Ipapahatid na kita sa drayber ko. Nasa ground floor ang victory party n’yo. Goodnight!”

Isang dismissal na iyon. Wala siyang nagawa, nang lumapit ang isa pang anino matapos kambatan ng katabi niya.

Nang makarating sa maliwanag, nilinga niya ang kasabay. Isang may edad na lalaki at nakasuot ng puting polo na may Chinese collar. Iyon marahil ang driver’s uniform nito.

Hanggang sa elevator lang siya inihatid ng drayber kaya hindi siya nakapagtanong tungkol sa amo nito. Nang sumara ang kambal na pinto, agad niyang dinukot sa tote bag ang jewelry case. Ang isa nga sa dalawa ay may nakalakip na calling card.

Binasa niya nang malakas ang pangalan ng estranghero sa dilim.

“Julius Alexandre Campos, Architect.”

Namimilog ang mga mata ng dalawang kaibigan matapos magkuwento si Cyrene. Hindi makapaniwala sa narinig.

“Bakit ba ang swerte-swerte mo naman?” bulalas ni Myra. Namimilipit pa. “Kahit na ano raw, kaya niyang bilhin para sa ‘yo?”

“Sabi niya.”

“Aba’y, ano pa ang hinihintay mo d’yan? Tawagan mo na si Papa!” utos naman ng natatarantang si Olga. “Ipabili mo na sa kanya ang apartment na ‘to — para hindi na kami mahirapang maghanap ng malilipatan ‘pag iniwan mo kami.”

“Oo nga, hi! hi!” hagikhik ni Myra. Medyo naka-rekober na. “Atsaka isang mansiyon na may sariling swimming pool. Para hindi mo na kailangang magpunta sa gym para mag-work-out.”

Kunwa’y nagkibit ng mga balikat si Cyrene. Pero ang tutoo, bumibilis na ang pagdaloy ng dugo niya. Nakatagpo na nga ba siya ng mina ng ginto?

“P’ano kung isang prankster lang pala ang Julius na ‘to?”

Sabay na natahimik ang dalawa. Nagkatinginan pa muna bago sabay na dinampot ang diamond bracelet. At sabay ring nangatwiran sa kanya.

“At sino namang luku-luko ang magbibigay ng ganito kamahal na alahas para lang magbiro, aber?”

Nakumbinsi si Cyrene. “Okey. Tatawagan ko na siya.”

Pulos mga nakapantulog pa silang tatlo habang nakaumpok sa isang simpleng brunch.

Nagsangag ng kaning lamig si Myra. Nagprito ng itlog at tinapa si Olga. Si Cyrene ang nagtimpla ng kape.

Sinundan siya ng dalawa nang magtungo sa telepono. Naupo sa magkabilang panig niya. Handang makinig sa anumang mapapag-usapan nila ng preskong estranghero.

Hanggang dalawang kuriring lamang ang ipinaghintay niya. Tinugon na agad sa kabilang linya ang tawag niya.

“Hello?”

Parang hinagod ng kakaibang kiliti ang likod ni Cyrene, pagkarinig sa malalim na tinig-lalaki. May ibang klaseng epekto iyon sa kabuuan niya.

“H-hello,” tugon niya, pautal. “Er, hanggang ngayon pa ang offer mo, hindi ba?”

“A, si Miss Cyrene Fernandez pala!” Aywan kung patudyo o patuya ang tono ng lalaki. Hindi niya mapagwari kung ano ang ibig sabihin ng alinman.

Pinilit niyang gawing kaswal ang tono. “Tapos na ba ang offer mo?” tanong niya. “Sabihin mo na agad kung nag-aaksaya na lang ako ng panahon, Mr. Campos.”

“No, you’re not, Cyrene,” agap ng lalaki. “As a matter of fact, I’ve been thinking about you.”

Hindi siya naniniwala pero hindi niya napigil ang masiyahan at mapangiti.

“Bakit ka ngumingiti? Ano’ng sinabi?” ang pabulong na tanong agad nina Olga at Myra.

“May mga kasama ka ba diyan? Maaari bang paalisin mo muna sila? Gusto kong tayo lang ang nag-uusap.” Awtoritibo ang tono ng baritonong tinig.

Sinenyasan niya ang dalawang katabi. Tinakpan muna ang mouthpiece bago nagsalita sa mga ito.

“Narinig niya kayo. Pinapaalis kayo,” wika niya.

“Suplado naman n’yan!” Bubulung-bulong si Olga habang tumitindig.

“‘Andito na kami sa kusina, yuhoo!” hiyaw ni Myra bago isinara ang pinto ng batalan. “Maglalaba na lang kami!” dagdag pa, mula sa loob.

“Babae ang kasama mo sa bahay?” Tila hindi makapaniwala ang lalaki sa kabilang linya.

Hindi naman napigilan ni Cyrene ang pagkayamot. “Ano sa palagay mo? Mga bading sila?”

“Mga lalaki. You can’t blame me for thinking bad about you. You have a reputation.”

“Baka naman ikaw ang bading?” pambubuska niya. “Mahilig ka kasing makinig sa sabi-sabi, e!”

Tumawa muna ang kausap. Maskulino ang tunog. Lalaking-lalaki.

“Kung nandito ka lang sa harapan ko ngayon, malalaman mo agad na mali ang paratang mong ‘yan, Cyrene.” Magaan pero sensuwal ang tono. Para bang tinatakam siya.

Hindi niya alam kung ano ang dapat na maging reaksiyon kaya nanahimik na lang.

Click here to READ MORE

Comments are closed.