Mistress For Three Nights-10

Napakurap-kurap si Lana. “Seryoso ka ba, Daddy?” paniniguro niya. Tumingin din siya sa kanyang ina.

Ngunit patuloy lamang ito sa pagluha nang tahimik.

“G-gan’on lang, Daddy? Iuuwi n’yo si Mommy? Pagkatapos ng maraming taon na — ”

Atsaka lang nagsalita si Anastacia. “H-hindi na mahalaga ang nakaraan, anak. Masyadong maikli ang buhay para ubusin sa kalungkutan,” pahayag nito. “Dininig na ng Diyos ang mga panalangin ko kaya nandito na ngayon ang Daddy mo.”

“Oh, Mommy! Natutuwa ako para sa inyo ni Daddy!” Niyapos niya ang ina.

Lumapit sa kanila ang matandang lalaki. Kapwa sila niyakap nang buong pagmamahal.

“Maraming salamat sa pagpapatawad n’yo sa isang dominanteng katulad ko,” wika nito. Tila mapapaiyak na rin.

“O, magkakaiyakan pa ba tayo ngayon, Dad, Mom?” panunudyo niya. “Kung kailan magkakasama-sama na tayong tatlo?”

Dumukot ng panyo si Pablo upang pahirin ang luha ni Anastacia. It was a tender gesture.

[Want to read the Start of Stories Online titled: MISTRESS FOR THREE NIGHTS…? Click Here!]

“Sisikapin kong baguhin ang sarili ko,” pangako nito, buong pagsuyo.

“Oh, Pablo! Hindi mo na kailangang magpakahirap. Nang mahalin kita, pati ang mga kapintasan mo ay kasama.”

“Oo nga, Dad,” dugtong ni Lana, sa himig-nagbibiro. “Isa pa, mahihirapan ka lang talaga dahil medyo matanda ka na.”

Naging parang tinedyer si Anastacia, nang mapahagikhik ito. Para bang nanumbalik na nga pati ang sigla at kariktan ng kabataan.

Ang halos isang buwan nang pamamalagi nito sa ospital ay nagbigay na ng kaunting kulay sa hapis na balat. Nagkaroon na din ng laman ang mga humpak na pisngi.

At nagkaroon ng malusog na kinang ang buhok na may dalawang kulay. Pati ang mga matang malalalim noon ay may mga kislap na ngayon.

Hinaplos ng ilang daliri ni Pablo ang pisngi ng kabiyak. “Talaga bang tutoo na ang mga nangyayaring ito?” bulong nito, pero parang sa sarili lang. “Tapos na ba talaga ang lahat ng kalungkutan?”

Ngumiti nang buong pagmamahal si Anastacia habang tumatango.

“Para sa akin, tapos na. Ikaw at ang ating anak ang tanging kaligayahan ko, Pablo.”

“A, napakalaki kong tanga, Anastacia. Sa sobrang tigas ng ulo ko, muntik ka nang mawala sa akin nang tuluyan! I’ve too much pride for my own good!”

“Ssh, huwag mo nang sisihin ang sarili mo, Pablo.”

Humanga si Lana sa pagiging mapagpatawad ng ina.

“Uhm… Dad, Mom? Lalabas lang ako para kausapin ang duktor,” paalam ni Lana para mabigyan ng privacy ang mga magulang.

“Nakausap ko na ang espesyalista ng Mommy mo,” wika ni Senyor Pablo, nakangiti sa asawa kahit na siya ang kausap. “But you can get the clearance and release papers for me. Para makaalis na tayo bago kumagat ang dilim.”

“Okey,” pagpayag niya. Ngumiti siya sa kanyang ina bago lumabas ng kuwarto.

“Dumaan tayo kay Mila, Pablo,” hiling ni Anastacia. “Nais kong magpaalam sa kanya nang maayos.”

Kitang-kita sa reaksiyon ni Senyor Pablo ang pagka-dismaya. Ngunit hindi ito nagpahayag ng anumang kumento.

Nagyakapan ang matalik na magkaibigan.

“Natupad na ang kahilingan mo sa Itaas, Annie!” wika ni Mila. “Maligaya ako para sa `yo.”

Lumapit ang senyor nang sumulyap dito ang asawa.

“Isa kang mabuting kaibigan, Mila,” pahayag ni Pablo habang nakangiti. Hinugot ang isang tseke mula sa bulsa ng business suit. “Kaya dapat lang na makatanggap ka rin ng kabutihan mula sa akin — bilang taus-pusong pasasalamat.”
Namula nang husto si Mama Mila. Hindi makapaniwalang naaambunan din ng suwerteng dumating sa kaibigan.

“N-naku, hindi ako — ”

“Tanggapin mo na, Mila,” pang-uulok ni Anastacia. “Kaunti lang ‘yan, kumpara sa mga nagawa mo para sa akin.”

Tumango at ngumiti si Lana bilang encouragement.

“Nakakahiya sa inyo, senyor,” ang maluha-luhang wika ni Mila matapos manlaki ang mga mata pagkabasa sa halaga ng tseke.

Tumawa ang matandang lalaki. “Pablo na lang ang itatawag mo sa akin, Mila,” anito. “Ituring mo na din akong kaibigan.”

Ilang sandali pa muna ang nagdaan bago tuluyang nakaalis ang mag-anak na Pastrana dahil naulit ang pagyayakapan na may halong iyakan.

“M-mauna na kayo, Dad, Mom. Magpapaalam lang ako sa mga naging kaibigan ko dito,” pagdadahilan ni Lana para magkaroon sila ng pribadong sandali ni Mila.

“Wala ang mga babae dito, Lana,” wika naman ng may edad na babae habang nagpupunas ng mga mata. “Nagpaalam na mamamasyal sa — ”

“Dahilan ko lang po ‘yon, Mama Mila,” paliwanag niya. “Iiwanan ko lang ito. Idagdag n’yo na sa ibinigay ni Daddy.”

“Hindi ko na matatanggap `yan, Lana,” tanggi ni Mila habang panay ang iling.

“Hindi ko na kailangan ang pera, Mama Mila,” pakli niya. “Sige na, kunin mo na ‘to.” Isinuksok niya sa loob ng bulsa ang puting envelope.

“Pero — ”

“Aalis na po ako, Mama Mila. Bye!” Ginawaran ni Lana ng isang halik sa pisngi ang mama san bago maliksing tumalikod.

Naging masaya na nga ang mga sumunod na araw ngayong nabuo na ang pamilya ni Lana.

Tila wala nang puwang ang anumang bagay habang patuloy sa pagyabong ang matimyas na pagmamahalan ng dalawang nilalang na kay tagal na nawalay sa isa’t isa. Palaging magkasama sina Pablo at Anastacia kaya naman naging mabilis ang paglakas ng maysakit.

Sinisikap naman ni Lana na manumbalik sa normal ang lahat para sa sarili niya.

Ngunit tila napakaraming magiging sagabal…

“Iha, mayroon kaming magandang balita sa `yo,” pahayag ng ama habang nag-aalmusal silang lahat, isang umaga.

“Ano po `yon, Daddy?”

Nagtinginan muna ang mga magulang. “Tiniyak na ng duktor na tumitingin sa Mommy mo na sigurado na ang tuluy-tuloy na paggaling niya.”

“T-talaga po?” Tumindig si Lana upang halikan sa noo ang ina. “Salamat sa Diyos!”

“Utang ko ang lahat sa `yo, anak,” pahayag naman ng nakangiting magulang.

“At bilang selebrasyon,” patuloy ng senyor. “Magkakaroon ng isang dinner party dito sa bahay. Iimbitahan natin ang mga lahat ng mga kaibigan at kapitbahay — pati ang mga Tierra.”

Natahimik si Lana. Inaasahan na niya ang pagdating ng sandali na babanggitin na naman ng ama ang tungkol sa arranged marriage na binabalak nito para sa kanya.

Napuna ni Anastacia ang biglang pananahimik niya. “Bakit, anak? Tutol ka ba sa dinner party?”

Umiling siya. Hindi masabi ang tutoo dahil ayaw niyang masira ang kasiyahan ng mga magulang.

“Lana, hindi na kita pipilitin sa ayaw mo. Pero hihilingin ko lang na pakiharapan mo muna si Juanito — alang-alang man lang sa kahihiyan ng pamilya niya,” pahayag ng ama sa malumanay na tono. “At kung talagang ayaw mo sa kanya — maaari mo siyang tutulan. Wala ka nang maririnig mula sa akin.”

“T-talaga po, Daddy?” Hindi siya makapaniwala.

“Oo, iha.”

Lumapit din siya sa ama upang hagkan ang isang kulubot na pisngi bilang pagpapakita ng kanyang katuwaan.

Naging abala ang lahat sa mansiyon para sa preparasyon ng unang pagtitipon na gaganapin bilang selebrasyon sa muling pagbabalik ng maybahay ni Pablo Pastrana.

Dahil nakisali si Lana sa pagiging abala, muntik nang makalampas ang isang munti ngunit importanteng detalye.

Her monthly visit did not come as expected.

Natutop ni Lana ang bibig habang nakatutok ang mga mata sa kalendaryo.

Hindi imposibleng magkatutoo ang hinala niya.

Ilang ulit bang nakaligtaan ni Jude ang paggamit ng `proteksiyon’ noon? A, napakaraming beses!

“Oh, my God!” bulalas niya habang nanlulumo sa matinding pagkabigla. “Ano’ng gagawin ko?”

Hindi niya maaaring sabihin ang kalagayan kahit na kanino.

Lalung-lalo na sa mga magulang niya.

Ngayon pa ba niya sisirain ang kapayapaan ng puso’t isipan ng mga ito?

Dahil sa pamumrublema, palagi siyang napupuyat sa kaiisip.

Hanggang sa mapansin na siya ng ama.

“Iha, mukhang namumutla ka na sa pagkukulong dito sa bahay, a?”

“H-hindi naman po, Daddy,” pagkakaila niya.

“Oo nga, anak,” segunda ng nag-aalalang tono ng ina.

“Bakit hindi ka lumabas at mamasyal, kasama ng mga kaibigan mo?”

“S-sige, Daddy,” sang-ayon niya kahit na hindi naman niya susundin ang suhestiyon nito.

Lumapit ang isang katulong. “Senyor Pablo, gusto raw kayong makausap ni Mr. Tierra.”

“Sino sa dalawa? `Yung ama o `yung anak?”

Nagkamot ang medyo mali-maling katulong. “Ay! ‘Yung anak daw po yata. Bata pa po ang boses, e.”

“A, si Juanito. Buweno, pakisabing maghintay siya sandali,” wika nito.

Yumukod ang utusan bago bumalik sa loob ng bahay. Nasa hardin silang mag-anak, nagkukuwentuhan habang nagpapaaraw si Anastacia.

Ngumiti ang aristokratikong lalaki bago tumindig upang tugunin ang telepono.

“Tamang-tama, iha. Iimbitahan ko dito si Juanito mamayang hapon,” wika ni Don Pablo sa dalagang anak, habang tatangu-tango.

“Daddy naman.” Nagprotesta si Lana pero nakalayo na ang ama.

“Ano ba ang iniaayaw mo sa binatang napipisil ng Daddy mo?” tanong ng Mommy niya.

Lana sighed with dejection. “Simpatiko naman po ang hitsura ni Juanito — kaya lang, parang magiging sunud-sunuran lang siya sa akin, e. Parang walang gulugod,” tugon niya.

“Parang hindi lalaking-lalaki, ganoon ba?”

Nabalisa si Lana. “Hindi naman po siya bakla pero parang hindi rin siya makabasag-pinggan.” Pumitas siya ng isang bulaklak mula sa halaman na katabi ng silyang kinauupuan.

“Ano’ng ibig mong sabihin?”

Nagkibit siya ng mga balikat. Hindi siya makatingin nang diretso sa ina dahil baka mabasa nito ang mga alaala ng isang estranghero sa kanyang mga mata.

“Kunsabagay, mas maganda siguro kung siya ang magiging asawa ko,” she said, after a while of silence. “Gentleman naman si Juanito. Sigurado akong hindi niya ako sasaktan. At palagi niya akong aalagaan.”

Naibahan ang kanyang Mommy sa biglang pagbuwelta niya, pero tila ikinatuwa rin naman nito. “Hmm, ganyan nga ang sinabi ng Daddy mo tungkol sa binatang iyon.”

Ayan ka na naman, Lana! Umiiral na naman ang baluktot na takbo ng utak mo! ang pagalit na wika ng sarili sa kanya. Ilang araw na siyang sinisisi ng konsensiya. Kunwari ka pang sakripisyo ang ginawa mo — pero ang tutoo, sinira mo lang ang sarili mo noon para hindi ka na mapilit na magpakasal sa hindi mo gusto!

Biglang napatindig si Lana. Natutulig siya sa naririnig sa loob ng isipan.

“O, iha? Bakit putlang-putla ka na yata?” tanong ng nagulat na ina.

“M-medyo nahihilo po ako, Mommy. Pupunta ako sa kuwarto ko para magpahinga,” paalam niya. “Pakisabi na lang kay Daddy,” dugtong niya habang nagdudumali sa paglayo.

Tutoo naman na nahihilo siya. Pagdating nga sa banyo ay naduwal siya.

Namaluktot siya sa ibabaw ng kama. Nakabalot ng kumot kahit na mataas na ang araw sa labas.

Nanginginig siya ngunit hindi sa ginaw, kundi sa matinding takot.

Ano’ng dapat kong gawin? tanong niya sa sarili. Si Juanito ba ang solusyon?

Nagprotesta ang makatwirang bahagi ng isipan. Maaatim mo bang ipaako sa kanya ang pananagutan ng iba?

Pumikit siya nang mariin. Nagpupumilit mangibabaw ang desperasyon.

Mas maaatim mo bang masaktan ang kalooban ng iyong mga magulang? buwelta ng isa pang sarili niya.

“Magpapakasal ako kay Juanito!” bulalas niya.

Nagulat pa siya nang marinig ang sariling boses. Nagsasalita na pala siya nang malakas.

Matapos ang pahayag na iyon, parang biglang nanumbalik ang kanyang sigla.

Bumangon at nagdumaling pumanaog. Kailangang masabi na niya agad sa mga magulang ang naging pasiya–para hindi na siya makaurong!

Dinatnan niyang nag-uusap ang dalawang matanda sa hardin habang nagsasalo sa meryenda.

“Daddy, Mommy,” umpisa niya, may nginig pa nga sa tinig. “P-payag na akong magpakasal kay Juanito Tierra!”

MISTRESS FOR THREE NIGHTS-11

  Copyright secured by Digiprove © 2010 Lady Romantica

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age