Not For Sale-11

Napasinghap si Lora. Ngunit hindi na siya nanlaban pa uli.

Nagpatangay na lang siya sa agos.

Muli.

Wala naman kasi siyang pagpipilian. Rumaragasa ang agos na nilikha ni Rigor.

Wala siyang magawa kundi ang magpatangay na lamang.

Naging sunud-sunuran siya sa bawat naising puntahan ng lalaki. Hindi na niya inulit ang pagtutol.

Kahit na halos umapaw ang loob ng sportscar, dahil sa dami ng mga pinamili nito para sa kanya.

Pawang para sa kanya lang. Mga preskong maternity dresses–tipong pang-alis ang yari at disenyo, mga malalambot na bra at panty, mga kumportableng sapatos at tsinelas, at mga samut-saring gamit-pambabae.

Pabango, kolorete, suklay, alahas… Pulos mga mamahalin.

Nakakalula ang mga presyong nakatatak sa mga maliliit na kuwadrado. Lalo na ang mga walang nakalagay na.

[Want to read the Start of Stories Online titled – NOT FOR SALE…? Click Here!]

Hindi na nasundan ni Lora kung magkano na ang nagagastos ni Rigor. Ngunit nakakatiyak siya na kahit na ang kanyang kaluluwa — bukod pa sa kanyang katawan, ay kulang pang pambayad.

Ano pa kaya ang hihinging dagdag-kabayaran? Ang kanyang anak? Iyon kaya ang gusto ni Rigor?

Siyempre! Hindi magpapakita ng sobrang kabaitan ang isang lalaki kung walang kailangan.

Papayag ba siyang mawalan ng anak?

Hindi.

Siguro.

Oo…

Wala siyang kakayahang bumuhay ng isang bata. Wala siyang laban kung kukunin ni Rigor ang kanilang anak.

Anupa’t lalo lang nadaragdagan ang paghihirap ng kalooban niya sa madidilim na isiping sumusulpot sa kanyang utak.

“Natutulog ka ba, Lora?” Biglang hiniwa ng baritonong tinig ang katahimikang namamayani sa loob ng sasakyan.

Napapitlag siya.

“H-hindi,” sagot niya. Medyo garalgal ang boses.

Napilitang iangat ang mga pilikmatang pinalantik ng pinipigil na luha.

Nagbawi rin agad siya ng tingin matapos makitang nakalinga ito sa kanya. Tumanaw siya sa labas ng bintana.

Nagulat pa siya nang matuklasang nakahinto sila sa malapad na bahagi ng tagiliran ng highway. Hindi niya namalayang namatay na ang makina.

Pamilyar ang tanawing tumambad sa kanyang paningin.

Sa gawing iyon rin kasi huminto ang sinakyang bus kahapon, nung may pumarang pasahero na napakaraming dalang bagahe.

“Uh, b-bakit?” tanong niya, nang hindi na umimik ang lalaki.

Katahimikan pa rin.

Kaya luminga na siya sa gawi ni Rigor. Nakita niyang nakatanaw ito sa mga punongkahoy na nasa gawing ibaba ng mababaw at umaalon na bangin. Tila napakalalim ng iniisip.

Ayaw niyang abalahin ito kaya humugot na lamang ng isang marahan at malalim na buntonghininga. Ibinalik niya sa paligid ang pansin.

Iba ang tanawin sa probinsiya nila. Palibhasa malapit sa pantalan, pulos tubig at barko at mga bahay-aliwan ang makikita sa downtown.

Ang mga residential areas ay nasa gawing likuran, patungo sa mga baryo at gawing kakahuyan.

Maunlad at patuloy sa pag-unlad ang munting bayan na pinagmulan ni Lora. Kaya naman ang mga gusali, mga kalsada at tulay, at mga subdibisyon ay mabilis na dumarami.

Nakilala niya si Rigor doon bilang isang construction worker sa unang pinakamalaking shopping mall na itinatayo sa kanyang bayan.

Muli siyang bumuntonghininga. Bakit ba hindi siya naniwala sa kanyang kutob na imposibleng maging isang hamak na trabahador lamang sa konstruksiyon ang lalaki?

Masyadong makinis at malinis ang balat nito kahit na nasunog na sa init ng araw.

Bakit ba inibig pa niya ito imbes na hangaan lamang?

Inipit ng mga ngipin niya ang malambot na bahagi ng ibabang labi upang maputol ang paglalakbay ng isipan sa nakaraan.

Dapat na niyang kalimutan ang baliw na damdaming iyon kung nais niyang magkaroon pa ng kapayapaan sa isip at kalooban.

‘Ililipat kita sa ibang bahay. Wala kang dapat alalahanin sa panggastos mo. Susuportahan kita hanggang sa makapanganak ka.’

Ang mga salitang iyon ni Rigor ay puno ng katapatan. Maliwanag ang mga plano ng lalaki para sa kanya.

Malinaw rin kung ano ang pagtingin nito sa pagkatao niya.

Walang halong panloloko, kumbaga. Alam niya kung saan siya naka-lugar. Sa kama lang…

Isang malakas na pagtikhim ni Rigor ang umagaw sa pansin niya.

“Gusto kong makinig kang mabuti, Lora,” utos nito.

“N-nakikinig ako,” pahayag niya. Mahina at walang lakas ang tinig.

“Nagbago na ang isip ko tungkol sa paglilipat sa ‘yo sa ibang bahay.” Nagkaroon ng kunot sa pagitan ng makakapal na kilay. “Sa kalagayan mo, hindi ka dapat mapag-isa,” dugtong pa, tila para sa sarili lang.

Hindi siya nakahuma. Dahil hindi naman niya alam kung ano ang dapat na maramdaman — ang matuwa o ang malungkot.

Lalong lumalim ang mga gatlang sumisira sa perpektong hubog ng intelihenteng noo.

“Pero hindi magugustuhan nina Lolo at Papa ang tungkol sa pagiging dalagang-ina mo,” patuloy nito. “Pati na ang pagiging bastardo ng kanilang unang apo,” dugtong pa.

Nilunok niya ang pagkabigla para makapagsalita.

“H-hindi ko sasabihing ikaw ang ama ng dinadala ko,” pangako niya.

Umiling si Rigor. Tila tumigas ang anyo. At tumalim ang mga mata.

“Gagawin mo silang gago?” akusa nito.

Nabigla si Lora dahil sa ipinakitang galit ng lalaki. Napaatras siya at napasiksik sa sulok ng kinauupuan.

Nanlalaki ang mga mata niyang nakatutok sa madilim na mukha ng katabi.

“G-gan’on ang gusto mo, hindi ba?” sambit niya. Napaos na naman ang boses dahil sa takot.

Umiling ng papiksi ang lalaki.

“Mas gusto ko ngayong pakasalan ka, Lora,” pakli nito.

Napatigagal si Lora sa narinig.

“A-ano–?” Iyon lang ang nagawa niyang sambitin bago tuluyang naumid ang dila. Wala na siyang nagawa kundi ang mapatitig na lamang dito ng walang kakurap-kurap.

“Tumututol ka? Hindi ba’t sinabi mong wala kang magagawa kung anuman ang gusto kong gawin?” tanong ni Rigor. Nanghahamon ang malamig na tono.

Yumuko si Lora. Napatitig sa mga daliring nagbubuhul-buhol. Kapagkuwa’y tumango siya, sabay hugot ng buntonghininga. Kaipala, nag-iipon ng sapat na lakas ng loob.

“A-ayaw kong magpakasal,” pahayag niya. Halos hindi marinig ang garalgal na boses.

“Bakit?” Pagalit agad ang tono ni Rigor.

“Hindi dapat…”

“Bakit hindi dapat?” bawi nito. “Hindi ko ba dapat bigyan ng pangalan ang anak ko?”

Saglit lang ang pag-aalangan niya.

“P-paglabas niya, pangalan mo ang ibibigay ko sa kanya, Rigor,” pangako niya.

“No!”

Nagtataka siya kung bakit hindi natutuwa si Rigor sa pagtanggi niya.

Gusto ba nitong matali sa isang babaeng katulad niya?

“Illegitimate pa rin siya!” pakli ng lalaki. “Hindi tayo kasal, kaya sa apelyido mo isusunod ang pangalan ng bata.”

“P-pero hindi na ngayon — ”

“Bastardo pa rin siya!” giit ni Rigor.

NOT FOR SALE-12

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age