Not For Sale-12

Nawalan siya ng imik dahil hindi na niya sigurado ang bagay na iyon.

“Nasaan na ang pagiging sunud-sunuran mo para makuha ang kaunting tulong ko?” pang-uusig nito.

Nanatiling nakatikom ang kanyang bibig. Nanginginig ang mga labi habang nangingilid sa luha ang kanyang mga mata.

“Bakit inaayawan mo ang makakabuti para sa anak mo? Mas magiging maganda ang posisyon ninyong mag-ina ngayon. Magiging tagapagmana ang bata. At ikaw ay magiging maybahay ng isang respetableng negosyante.”

Bahagyang nagbago ang tono nito. Naging medyo rasonable na. Para ngang nang-uuto na.

“Malaking suwerte sa ‘yo ang kasal na iniaalok ko, Lora.”

Sunud-sunod ang pag-iling niya, nang makakilos.

“H-hindi ang mga ‘yan tamang dahilan ng pagpapakasal, Rigor,” pahayag niya.

“At ano ang dapat?”

Nagbaba uli siya ng tingin. Pinanood ang mga daliring mahigpit na nakakuyom.

[Want to read the Start of Stories Online titled – NOT FOR SALE…? Click Here!]

Pinakiramdaman niya ang mga kukong bumabaon sa mga palad.

“Pag-ibig…” bulong niya. “Wala t-tayong pag-ibig para sa isa’t isa…”

Kusang bumitin ang mga salitang numulas sa kanyang bibig. Para bang may hinihintay na reaksiyon mula kay Rigor.

Ngunit kung iyon man ang inaasahan niyang mangyari, umasam siya sa wala. Nasayang ang paghihintay.

Luminga ang lalaki sa bintanang nasa panig nito. Tagumpay na naikubli ang ekspresyon sa kanya.

Nagtagal ang katahimikan. Malapit na nga siyang mawalan ng pag-asa na tutugon pa ang lalaki. Marahil ay hindi siya narinig nito.

“Ang mga babaeng katulad mo ay hindi naniniwala sa pag-ibig, Lora.” Hindi pa rin ito kumikilos nang muling magsalita. “Gayundin, ang mga lalaking katulad ko.”

Parang sinakal ang pakiramdam ni Lora. Iba kasi ang interpretasyon niya.

Alam niya kung ano ang talagang ibig sabihin ni Rigor: ‘Hindi pinaglalaanan ng pag-ibig ang mga babaeng tulad niya — dahil laruan lamang siya ng mga lalaking tulad nito!’

“H-hindi ako magpapakasal, Rigor,” pahayag niya.

Aywan kung saan siya nakakuha ng lakas upang magpatuloy sa pagtutol. Marahil ay binigyan siya ng mga sugat sa puso.

Sa isang iglap, nagningas ang galit sa mga mata ng lalaki. Binalingan siya nito. Sinambitla ng mala-bakal na mga daliri sa magkabilang braso at inalog ng tatlong magkakasunod.

Ngunit agad rin siyang binitawan. Nakapa siguro ang mga buto niya sa mga payat na biyas. Muling ibinalik sa manibela at iyon na lamang ang sinakal ng mga kamao.

Kontrolado na uli ito nang luminga uli sa kanya at muling magsalita.

“Wala kang karapatang tumanggi sa kasal, Lora,” giit nito. “Anak ko ang dinadala mo. Karapatan kong bigyan siya ng pangalan!”

Muntik na siyang mapatalon nang bumangis ang tono ng lalaki. Bumalasik na rin ang anyo nito.

Dahil lang sa bata kaya pinipilit siyang pakasalan!

Isinigaw pa niya ang mga katagang iyon sa loob ng isipan upang hindi bumuway ang disposisyon kahit na titigan pa siya ng masama ni Rigor.

Mas madali sana ang buhay kung magpapatianod na lang uli siya.

Ngunit nanatili ang pagtutol sa puso niya dahil nga sa isang munting prinsipyo. Naniniwala siyang ang pagmamahal ang matibay na pundasyon sa kasal.

Balewala kung walang pag-ibig na magbubuklod sa kanilang dalawa. Hindi rin magiging masaya ang pamilyang bubuuin nila.

“P-puwede mo pa rin siyang bigyan ng pangalan kahit na hindi tayo kasal, Rigor,” sambit niya.

“Huwag mo akong turuan ng mga puwede kong gawin, Lora,” pakli nito. “Magpapakasal tayo sa lalong madaling panahon!”

Muling sumikdo ang takot sa dibdib niya. Ngunit hindi pa rin sapat upang mabuwag ang pasiya.

“H-hindi mo ako mapipilit, Rigor.”

“Wala kang magagawa,” salo ng lalaki. “Hindi ka ba natatakot na baka paalisin kita?” dagdag pa, sa tonong nagbabanta.

Umiling siya matapos matigilan.

“Hindi mo magagawa ‘yan sa iyong anak,” wika niya. Tiyak ang tono.

“Dammit, Lora!” bulalas ng lalaki. Hindi itinanggi ang tinuran niya.

“Bakit nagmamatigas ka pa? Gusto mo bang suyu-suyuin pa kita? Kulang pa ba ang mga ibinigay ko? Ano pa ang gusto mo?” pang-uusig nito.

Umiling uli siya. Maliksi at mariin.

“Wala, Rigor,” agap niya. “Wala akong gusto.”

“Hindi ako naniniwala. Babae ka. Nagpapakipot ka lang.”

Pumikit si Lora. Pahingalay na sumandal sa malambot na headrest.

“P-pasensiya ka na, Rigor. Hindi ako marunong magpakipot,” bulong niya. Basag at nanghihina na ang tono.

Kung marunong siguro siyang magpakipot, hindi sana siya nagdadalantao ngayon!

“Pasensiya ka na…” Inulit niya ang paghingi ng dispensa.

Hindi umimik ang lalaki, pero umugong uli ang makina ng sasakyan. Ilang sandali pa, paharurot na silang tumatakbo sa aspaltadong kalsada.

Dumilat si Lora ngunit agad ring napapikit nang mapatunayang matulin nga ang andar nila sa highway na papaakyat nang papaakyat at dumadalas ang pagliko.

Pinigil niyang ipahalata ang takot at pangamba. Itinago sa pamamagitan ng pangungunyapit ng mga daliri sa mga labi ng inuupuan. Nanatili siyang nakapikit upang hindi gaanong malula.

Masama pa rin ang sumpong ni Rigor hanggang sa makarating sa malaking bahay. Sumagitsit ang goma ng mga gulong sa driveway patungo sa garahe.

Atsaka pa lang unti-unting naayos ang paghinga ni Lora. Halos magkabuhul-buhol ang mga ugat dahil sa paragasa at pabugsu-bugsong pagdaloy ng dugo, sanhi ng takot.

Nakapikit pa rin siya. Walang katinag-tinag. Nakikiramdam sa susunod na gagawin ng lalaki.

Hindi niya alam kung paano nabubuksan ang kakaibang pinto pero hindi niya hihilingin na buksan iyon para sa kanya. Maghihintay na lang siya.

“O, ano? Nakapag-isip ka na ba?” ang pa-bruskong tanong ng lalaki. Alam na nakatutok dito ang buong atensiyon niya kahit na nakapikit at nakabaling sa bintana ang mukha.

Hindi siya tuminag nang magsalita.

“H-hinding-hindi magbabago ang isip ko, Rigor,” tugon niya. Matatag ang tono pero tigib sa pagpapakumbaba.

Sinapo ng mga daliri ni Rigor ang baba at pisngi niya upang puwersahin siyang tumingin dito.

“Huwag kang magsalita ng tapos, Lora. Nagsisimula pa lang tayo!” ang pagigil na wika nito.

“R-rigor — ” Hindi siya natapos dahil kinuyumos na ng maapoy na halik ang bibig niya.

Napapitlag siya dahil parang napaso. Giniyagis ng mapuputing ngipin ang ibabang labi niya. Pagkatapos ay marahang hinila at maliksing ipinasok ang nagbabagang dila.

Nakarinig siya ng mahihinang pag-ungol. At nabigla pa siya nang mapagtantong sa lalamunan niya nagmula ang mga iyon.

Maya-maya’y naramdaman niya ang paggapang ng mga palad sa beywang at balakang niya. Patungo sa likuran at tagiliran.

NOT FOR SALE-13

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age