Not For Sale-14

“Apat laban sa isa, talo na, hindi ba?” panunudyo nito.

Napilitan lang siyang tumango. Hindi makapagsalita.

“Matalino ka, Lora. Gamitin mo ‘yan para sa ikauunlad ng sarili mo.”

May sinismo na ba sa tono nito? Naniniwala pa rin bang nagpapakipot lang siya?

Bumuka ang bibig niya para mangatwiran ngunit bigla ring nagbago ang isip niya. Isa pa, nasa tapat na sila ng pinto ng White Lily Guestroom.

“Puwedeng tumuloy?”

Nagulat siya sa hiling ng lalaki kaya napatango siya ng di nag-iisip.

Pero kahit na nakapag-isip siguro, tatango pa rin siya. Pamamahay ni Rigor ang kinaroroonan nila.

Nagpauna siya sa pagpasok nang isenyas nito.

“Kumportable ka ba rito?”

[Want to read the Start of Stories Online titled – NOT FOR SALE…? Click Here!]

“Uh, oo.” Sunud-sunod ang pagtango niya. “Parang sa prinsesa ang kuwartong ito, Rigor,” dagdag niya. Nakikimi ang tono.

“I’m glad, dito ka inilagay ni Lolo Gene,” wika ng lalaki. Lumapit ito sa dressing table.

Kapansin-pansin ang kawalan ng laman ng makintab at makinis na ibabaw. Naglakad-lakad pa hanggang sa makarating sa walk-in closet.

Wala siyang katinag-tinag habang sinusundan ng tingin ang lalaki. Alam niyang walang laman ang malalaking aparador sa loob ng magarbong silid-bihisan.

Ang lahat ng mga damit na pag-aari niya ay kasya lang sa isang lumang travelling bag na hiningi sa dating amo sa beerhouse.

“Alam mo bang magkatabi lang ang mga kuwarto natin?” patuloy nito habang itinutulak ng isang kamay ang barnisadong dingding.

Nanlaki ang mga mata ni Lora nang dahan-dahang humiwalay ang isang makitid na parihaba.

“Ito ang lihim na pintuan papunta sa kabilang silid.”

Nang muling tumingin sa kanya ang lalaki, nabasa niya sa mga mata nito ang isang maalab na pangako.

Dagling tumugon ang kanyang katawan. Sumulak ang napukaw na pagnanasa mula sa kaibuturan.

Pakiramdam niya, ang lahat ng dugo ay naipon sa ulo niya at biglang bumulusok patungo sa kanyang mga paa.

Bumuway ang mga tuhod niya. Sumuray siya sa pagkakatayo.

Maagap siyang nalapitan ni Rigor. Pumulupot ang isang braso nito sa beywang niya at hinapit siya ng yapos.

“Nabigla ka ba?” tanong nito, paanas.

Nakakakiliti ang dapyo ng mainit na hininga sa sensitibong bahagi ng kanyang leeg.

“O-oo,” pag-amin niya.

Iniangat ng isang hintuturo ang baba niya upang magtama ang kanilang mga mata.

“Gabi-gabi, tatawid ako sa pintuang ‘yan para makapiling ka sa magdamag,” bulong ng lalaki. “Tututol ka pa rin ba?”

Umiling siya. Napakadali ng hinihiling ni Rigor. Ito ang nagmamay-ari ng pag-ibig niya.

Ang katotohanan ay buong katapatang ipinahayag ng kanyang mga titig.

May kung anong ningas na dumiklap sa hangin na pinagsasaluhan nila. Tila magnetong humigop at humila sa kanilang mga labi upang magdikit.

“Pero kapag nakatitig ka sa akin ng ganyan,” anas ni Rigor, habang papalapit ng papalapit ang maalab na halik. “Baka hindi na ako makapaghintay hanggang mamayang gabi!”

Tumangging pumikit si Lora. Kahit mabigat na mabigat na ang mga talukap. Gusto niyang makita ang bawat sandaling magkapiling sila ni Rigor.

Upang malinaw na maikintal sa alaala ang lahat.

“Natatandaan mo pa ba ang unang pagkikita natin?”

Natatandaan — ?

Hinding-hindi na niya malilimutan habang siya ay nabubuhay!

Ngunit tumango lang siya, habang nakatitig sa matatag na hubog ng mapanrahuyong bibig. Dumampi iyon sa kanyang ilong bago inihagod sandali sa kanyang mga pilikmata.

“Napansin agad kita dahil ikaw ay kakaiba sa lahat. Sensuwal pero inosente…”

Umulan ng mga mumunting halik sa kanyang pisngi, sa panga, punong-teynga, leeg…

Hindi namalayan ni Lora nang mapapikit siya. Naghatid ng kilabot sa gulugod at ibayong panlalambot sa buong katawan ang masuyong paglalambing ni Rigor.

Parang gusto na niyang ilatag ang likod sa kama at ipaubaya na naman ng lubos ang sarili…

“I couldn’t forget that night,” patuloy nito. Ang bawat kataga ay may kalakip na ningas ng nag-aapoy na pagnanasa. “Especially the most special night — the most passionate night I’ve ever spent…”

Nagpatuloy sa paglalakbay ang mainit na bibig.

Padampi. Pasiil. Pasisid.

Animo mananayaw na may sinasaliwang musika.

Mayumi. Mabilis. Masidhi.

“Hindi kita makalimutan, Lora,” pagtatapat ng paos na tinig. “Gusto kong ulit-ulitin ang gabing iyon…!”

“Oh, Rigor!”

Umawit ang puso niya dahil sa matatamis na katagang sinasambit ng lalaki. Para sa isang tulad niya, ang sabihan na hindi siya makalimutan ay mistulang pagtatapat na ng pag-ibig.

“Oo, Rigor. Ulitin natin ang gabing iyon,” anas niya. Nanginginig sa pagkasabik ang tinig.

Pinangko siya ng matitigas na bisig. Awtomatikong kumawit ang mga braso niya sa leeg ng kaniig.

“God, you weigh nothing!” bulalas nito. Nabahiran ng pag-aalala ang baritonong tinig. “Ano’ng nangyari sa ‘yo mula nung umalis ako? Nagpabaya ka na sa sarili mo?”

Nagsipag, nagtipid at nag-ipon. Kumayod sa araw at sa gabi, upang masundan sa Maynila ang lalaki. Nung una ay upang ipaliwanag dito na hindi siya babaeng bayaran — at upang subukang dugtungan ang relasyon kung maaari.

Nitong huli’y nais na rin niyang ipaalam dito ang pagdadalangtao niya. Kaya sa loob ng nagdaang mahigit dalawang buwan, nakatuon ang lahat ng enerhiya niya sa halos imposibleng misyon.

At ngayong nandito na siya sa piling ni Rigor… nakahanda siyang ibigay muli ang lahat-lahat.

Umiling siya bilang tugon sa tinuran ng lalaki. Tinangka niyang hapitin palapit ang bibig nito. Ayaw muna niyang pag-usapan ang nakaraan.

“B-bumagsak din ang katawan mo, Rigor,” puna niya para maialis sa sarili ang pansin nito.

Nagkibit ng isang balikat ang lalaki.

“Sobra-sobrang trabaho at tensiyon,” pag-amin nito. “Nitong huli na lamang nagsisimulang maayos ang lahat. I was planning to find you when you came.”

“B-bakit babalikan mo pa ako?” Pigil-hininga siyang naghintay ng sagot.

“Dahil kailangan kita.” Simple pero tutoo ang pagtatapat ni Rigor.

“Oh, Rigor, kailangan din kita!” bulong niya.

“I need you, baby,” ganting bulong ni Rigor.

“Lora, Lora, ikaw lang ang tanging babaeng gusto ko. Hindi na ako tumingin sa iba pagkatapos ng gabing iyon. You’ve destroyed me for other women, Lora.”

Nagulat ang dalaga sa narinig. Naguluhan. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang ipakahulugan sa mga salita ng isang lalaking labis lang na nagnanasa.

“I want you, Lora…”

Inilapag siya ng matitipunong bisig sa ibabaw ng malaking kama. Ni hindi niya namalayang nakalabas na sila sa walk-in closet.

“I want you, too, Rigor,” tugon niya. Kaya niyang maging matapang kung para sa sariling damdamin lamang. “Oh, please! Love me, love me…!”

NOT FOR SALE-15

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age