Not For Sale-16

Hinanap niya ang mga dating damit ngunit wala na ni anino ng mga iyon.

Nakaramdam siya ng pangingimi habang namimili ng isusuot. Babagay kaya sa kanya ang kahit na isa sa mga eleganteng kasuotan?

Wala siyang mapili kaya pumikit siya at humawak sa isa. Isang dilaw na bestidang may maikling manggas at laylayan ang nadampot niya.

Hesitante pa rin siyang isuot iyon ngunit wala ng oras.

Halos ayaw niyang tingnan ang sarili sa salamin nang maisuot na iyon, pero kailangan niyang magsuklay at magpulbo.

Ngunit napatigagal siya nang mamalas ang repleksiyon ng isang magandang estranghera. Hindi siya makapaniwalang ang sarili niya ang nakikita.

Nag-aanyaya ang bukas na jewelry box, kungsaan nakaayos na rin ang mga alahas na sabay-sabay na binili ni Rigor.

Ang pinili niyang kunin ay ang mga hikaw na brilyantitos. Iyon kasi ang pinakamaliliit.

Nasa dressing table rin ang bagong cosmetics kit. Saglit lang siyang nag-alangan sa paglalagay ng manipis na make-up.

[Want to read the Start of Stories Online titled – NOT FOR SALE…? Click Here!]

Namangha pa siya sa naging resulta.

Hinipo ng mga daliri ang isang pisngi at nagtanong, “Ikaw ba talaga ‘yan, Lora?”

Umiling siya ng isa at bahagyang napangiti. Hindi niya mapigil ang pagbukal ng kaligayahan sa kanyang dibdib. Pati na ang pagsilay ng isang masayang ngiti sa kanyang mga labi.

Nagkaroon kasi siya ng pag-asang mapansin ni Rigor. Ngayon lang niya napagtantong may itinatago pala siyang ganda.

Mapansin kaya siya ni Rigor?

Nasa sala ang tatlong lalaking Donceras. Ang bawat isa ay representante ng tatlong magkakasunod na henerasyon.

Si Lolo Gener ay sitenta anyos, si Papa Roger ay singkuwenta at si Rigor ay nasa trenta.

Kapuna-puna ang makisig na kasuotan ng mga ito. Para bang may pinaghandaang espesyal na okasyon…

Nakimi si Lora nang tumutok sa kanya ang tatlong pares ng mga mata, matapos siyang iluwa ng pintuan ng sala.

Sumikdo ang dibdib niya nang tumindig si Rigor upang lumapit sa kanya.

“Magandang gabi, Lora,” bati nito. Masuyo at mainit ang tono.

Pribado. Para sa kanya lang.

Pati ang ngiting nasa mapanrahuyong bibig.

“M-magandang gabi rin,” tugon niya, halos pabulong.

“Napakaganda mo ngayong gabi, Lora.” Kinuha nito ang isang kamay niya at hinagkan ang gitna ng palad. Hindi alintana ang mga kalyo.

Napansin siya ni Rigor! Namula ang mga pisngi niya. Magkahalong tuwa at pagkapahiya ang reaksiyon na namamayani sa kalooban.

“S-s-salamat,” ang pautal na tugon niya.

Tumikhim nang malakas ang dalawang nakatatanda.

Bigla tuloy nawala ang pantasyang nagsisimulang mabuo sa loob ng isipan. Hindi sila nag-iisa, kaya maaaring pakitang-tao lamang ang paghangang ibinibigay sa kanya.

Binawi niya ang tingin kay Rigor upang ibigay naman sa mga ito.

“Uh, m-magandang gabi po sa inyo, Sir — ”

Maliksing sumabad ang agwelo. “Lolo, iha. ‘Lolo Gene’ ang itatawag mo sa akin.”

“At siyempre, ‘Papa’ naman ang sa akin,” dagdag ng ama.

Nanlalaki ang mga mata, tumingin uli siya kay Rigor. Atsaka pa lang niya napuna ang kislap ng tagumpay sa mga mata nito. Nanalo ako! Parang ganoon ang sinasabi…

Napagtanto ni Lora ang ginawa ng lalaki. Pinangunahan siya nito. Dahil nagpaubaya siya kanina, inisip na agad nitong payag na siyang magpakasal.

Umiling siya habang nanlalaki ang mga mata. Tinangka niyang umatras ngunit hindi nito binitiwan ang kamay niya.

“H-hindi ako magpapakasal sa ‘yo, Rigor!” bulong niya. Pausig. Pautal. “Kahit na ano pa ang gawin mo,” dugtong niya. Mas madiin.

Maliban na lamang kung ipagtatapat mong may pag-ibig ka na sa akin… Sumulpot ang baliw na ideya mula sa pinakalikod ng isipan.

Nangamba siyang baka mabasa ni Rigor ang iniisip sa kanyang mga mata, kaya dali-dali niyang iniiwas ang tingin. Di-sinasadyang nabihag iyon ni Lolo Gene. Nakalapit na pala ito sa kinaroroonan nila ng di niya namamalayan.

Napakakapal naman kasi ng alpombra sa sahig.

“Maaari ba kayong maupo, mga apo?” wika nito habang nakangiti sa kanya. “Masama sa kalagayan ni Lora ang tumindig ng matagal, lalo’t puno ng tensiyon ang paksa.” Inialok nito ang suporta ng braso sa kanya.

Hindi siya tumanggi. Kaysa naman kay Rigor siya sumabay. Wala na naman siyang tiwala sa sarili, nang mga sandaling iyon. Parang siya pa ang makakalaban niya, kapag hindi siya mag-iingat.

Habang tumatagal kasi, mas bumibigat ang kahibangan ng pag-ibig niya kaysa sa katwiran ng isipan.

“Halika, anak, dito ka sa katabi ko maupo.” Tinapik ni Papa Roger ang sofa chair. Doon din siya naupo kahapon. God, kahapon lang ba ‘yon?

“S-salamat po,” ang mahinang wika ni Lora habang nauupo. Tumabi sa kanya si Lolo Gene. Talagang handang magbigay ng suporta anumang sandali niya kailanganin.

Nang mag-angat siya ng tingin, at awtomatikong hanapin si Rigor, saka pa lang niya napagtantong hindi mga kakampi ang dalawang matandang nasa magkabilang panig.

Nakangiti ang binata. Hindi mapanuya, mapanudyo lang. Para bang bata lang siya na nilalaru-laro habang kinukumbinsi — dahil sigurado namang papayag siya bandang huli.

Nagtiim ng mga bagang si Lora. Gustong subukin ni Rigor ang katatagan niya. Nangislap ang mga mata niya. Pahiwatig na tinatanggap niya ang paghamon nito. Inirapan niya ito bago hinarap ang dalawang matanda.

Huminga muna siya ng malalim bago nagsalita.

“Uh, patawarin n’yo po sana ako, er, Lolo Gene, Papa Roger,” umpisa niya, sa mapagkumbabang tono.

“Nagsinungaling po ako sa inyo kahapon. Inilihim ko po ang tungkol sa dinadala ko — d-dahil ayoko biglain kayo.” Ang tutoo’y hindi pa niya alam kung ano ang magiging reaksiyon ni Rigor kahapon.

Panay ang tango ng dalawa habang nakikinig sa kanya. Halatang siyang-siya sa lumabas na katotohanan.

“Magkaka-apo na tayo!” ang panabay na bulalas pa ng mga ito. “Kailan ang kasal?” Sabay na sabay pa rin.

Muli siyang huminga ng malalim. At muling pinukol ng matalim na irap ang lalaki.

“Hindi po ako magpapakasal,” pahayag niya. Nakapagtatakang naging kalmado ang kanyang tono gayong napakalakas ng pagkabog ng dibdib.

“Pasensiya na po,” dugtong niya dahil biglang nabura ang kasiyahan ng mga katabi. Napalitan ng pagkabigla. At pagkalito.

“P-pero — bakit?” Nagpalipat-lipat ng tingin sa kanila ni Rigor ang tingin ng dalawa. “Rigor, bakit ayaw magpakasal ni Lora?”

Saka lang kumilos mula sa pa-kaswal na pagkakasandal sa may hamba ng pinto. Humakbang ito patungo sa kanila.

NOT FOR SALE-17

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age