Not For Sale-17

Huminto sa harapan ni Lora. Tinitigan siya nang pasisid, bago naupo sa mababang lamesita — na nasa mismong nasa harapan nilang tatlo.

Napalunok ang dalaga. Napalibutan na siya. Pakiramdam niya ay nasukol na siya ng mga kalaban. Pero hindi pa rin siya susuko.

Tila nababasa ni Rigor ang mga iniisip niya.

“Huwag mo sana kaming ituring na kaaway, Lora,” wika nito. Seryosong-seryoso. “Hindi ka namin sasaktan kahit na kailan.”

“Oo nga naman, iha,” segunda ni Papa Roger. “Wala kaming balak na masama sa ‘yo.”

“Tama, iha,” dagdag ni Lolo Gene. “Magaan na agad ang loob ko sa ‘yo, sa unang pagkikita pa lang natin.”

May kinudlit sa kalooban niya ang huling pangungusap ng agwelo. Tutoo kasi. Kundi rito, baka hanggang ngayon ay nasa labas pa rin siya ng tarangkahan.

Ngunit…

Dapat pa rin siyang magpakatatag–alang-alang na rin kay Rigor. Ayaw niyang matali ito sa kanya.

[Want to read the Start of Stories Online titled – NOT FOR SALE…? Click Here!]

Para malaya pa rin sa sandaling dumating na ang babaeng nararapat nitong maging asawa.

Nahuli niya ang pagpapalitan ng makahulugang sulyap ng tatlong lalaki. Patunay lang sa hinala niya na kanina pa nag-uusap ang mga ito tungkol sa kanya.

“Iniisip mo ba na baka hindi ka namin matanggap dahil hindi ka galing sa alta sosyedad?”

“Paano na ang apo namin? Isisilang ba siyang bastardo?”

Yumuko siya. Nagbaba ng tingin habang umiiling.

“P-pasensiya na po. Hindi po ako magpapakasal — kahit na para mabigyan ng pangalan ang anak ko.”

Nagsisikip ang lalamunan niya dahil napakahirap para sa kanya ang manakit ng kalooban ng iba.

A, bakit ba kailangan pa niyang magmatigas? Para lang ba ipakita kay Rigor na may paninindigan siya?

Pero paano ang anak niya? Paano ang damdamin ng dalawang butihing matanda?

Nakaabang si Rigor, nang magtaas siya ng tingin. Basang-basa nito ang paghihirap ng isipan niya. Ang paglambot ng matigas na disposisyon.

Ang pagsuko…

Hinintay niyang rumehistro sa mga mata ng lalaki ang matingkad na kinang ng pagmamalaki sa tinamong pagkapanalo.

Ngunit nanatiling malalim at misteryoso ang ekspresyon nito. Para bang may hinahanap.

Marahil, hinihintay ang pormal na paghahayag niya ng pagkatalo.

Hindi na siya huminga ng malalim. Wala na siyang dapat itago. Tapos na ang pagkukunwaring matatag siya. Napakadali niyang sumuko pero mas higit na matimbang ang kagustuhan na makapagbigay ng kasiyahan sa iba. Hindi lang ang anak niya ang dahilan.

May dalawa pang nilalang na halatang may lungkot sa mga puso.

“L-laban po talaga sa loob ko, pero dahil may katwiran po kayo, pumapayag na po akong magpakasal,” sambit niya.

Paus na paos ang tinig. Nabasag pa bago siya natapos magsalita. Pero nagpatuloy pa rin siya.

“A-ang hihilingin ko lang po sana, simpleng kasal lang. Sa huwes na lang, kung maaari.” Bahagya na lang niya naimpit ang paghikbi. Tinutop ng isang palad ang bibig upang makontrol ang emosyon.

Isang mabigat na katahimikan ang naging tugon ng tatlong lalaki. Tila nagkanya-kanya ng pag-iisip ang mga ito. Dahil halata ang paghihirap ng loob niya, hindi naging kasiya-siya ang pagpayag niyang sundin ang nais ng mga ito.

Si Lora naman ay nag-iipon lang ng sapat na lakas sa mga tuhod upang makaalis na siya doon. Mabigat na mabigat ang pakiramdam niya.

Si Lolo Gene ang unang nakabawi. Pumitik ang mga butuhang daliri nito at pumalatak pa. Tatawa-tawa na ito. Wala na ang matinding pagtataka.

“Bakit, Lolo?”

“Bakit, Papa?”

Sabay pang nagtanong ang mag-amang Roger at Rigor.

“Tsk! tsk! May itatanong muna ako dine sa ating binata,” umpisa nito.

“Ano ‘yon, Papa?” Naiinip na si Roger Donceras.

Tinitigan pa muna ni Gener Donceras ang apo. Tila ba isang insekto na sinusuri nang mataman.

Maging si Lora ay saglit na nakalimot sa kanyang depresyon. Napukaw ang kanyang kuryosidad.

Hindi niya naitago iyon kahit na siya man ay naging sentro ng panunuri ng mga matang matatalas at matatalino pa rin sa kabila ng katandaan.

Tumangu-tango na naman ito matapos siyang suriin. Ngingiti-ngiti na habang ibinabalik sa binata ang paningin.

“Ikaw ba, apo ko, ay nanligaw na sa dalagang ito–bago mo niyayang magpasakal, este, magpakasal?” Halatang sinadyang minali ng matanda ang pagsambit sa kataga.

“Ligaw?” Ang isang salitang tigib sa pagkagulat ay isang kumpletong kumpisal na.

Biglang tumawa nang malakas si Roger. Sumandal pa ito sa wheelchair habang inilalabas ang katuwaan.

Nakakunot naman ang noo ni Rigor. Hindi nagustuhan ang maging sentro ng katatawanan.

“Ano’ng nakakatawa? Hindi na naman uso ang ligaw ngayon, a?” katwiran nito.

“Ho! ho!” Nang-aasar ang halakhak ni Lolo Gene. “Para mo na ring sinabi na hindi na uso ang Pasko, Rigor!” salo nito habang tumitindig.

Lumapit ito sa anak at hinawakan ang handle. Itinutulak na nito ang silyang de-gulong ng muling magsalita.

“Iiwan ka na muna namin, Rigor. Ayusin mo ang maling paniniwala mong ‘yan. Kapag nagawa mo ‘yan, mawawala na ang sagabal sa kaligayahan ng magiging pamilya mo,” pagtatapos nito.

“Pero, Lolo, Papa — ”

Sa unang pagkakataon, nagpamalas ng kawalan ng kumpiyansa ang binata. Hindi makapaniwala si Lora.

“Lora — ” Bumaling sa kanya si Rigor ngunit nang magtama ang kanilang mga mata, biglang nawala ang lahat ng resolba nito.

Naantig ang puso niya. Umiral ang masidhing pag-ibig na nakakulong doon. Gusto niyang pawiin ang anumang nagpapagulo sa minamahal.

Ngunit hindi niya alam kung ano ang dapat gawin o sabihin. Hindi rin niya naintindihan ang matalinhagang payo ni Lolo Gene.

Sinuklay ng mga daliri ni Rigor ang buhok, ngunit dahil sadsad sa anit ang pagkakagupit, hinagod na lamang ng mga palad ang hubog niyon hanggang sa makarating sa batok.

Tumindig ito. Sapo pa rin ng mga kamay ang ulo. Tumalikod at humakbang palayo, pero agad ring huminto upang humarap sa kanya. Maya-maya’y nagpalakad-lakad. Paroo’t parito.

Hihinto, tititig sa kanya, pero magpapatuloy uli kapag nasukat na mabuway pa ang determinasyon.

Aywan kung gaano katagal siyang nagtiis na panoorin ang pagsasalimbayan ng pagkalito, pagkamangha, pangamba at pag-aalinlangan sa makarakter na mukha ng lalaki.

Isa ring unang pagkakataon ang pagkawala ng enigmatismo sa ekspresyon nito. Para bang naging isang bukas na aklat…

Isang bukas na aklat!

Tinitigan ni Lora ang lalaki. Gumanti ito ng pagtitig sa kanya. Tila may ipinababasa talaga sa kanya.

Maya-maya pa, namimilog na ang mga mata niya. Nakakabingi na ang pagkabog ng dibdib niya. Hindi siya makapaniwala sa nakikita. Sa panaginip lang niya nagagawang isipin ang ganito.

“R-rigor?” sambit niya, patanong. Nag-aalangan.

NOT FOR SALE-18

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age