Not For Sale-2

‘Sana lang ay hindi pa siya nauunahan ng iba,’ bulong ni Rigor sa sarili.

Tiyak na maraming lalaki ang magnanais na sarilinin at angkinin ang sariwang kariktan ni Lora.

Napalitan ng seryosong ekspresyon ang mapanudyong ngiti ni Rigor.

Hindi niya gusto ang ideyang iyon. Lalo pa siyang nagdumali sa paglakad.

Biglang nawaksi ang panlalatang dulot ng sobrang pagtatrabaho.

Katulad nang dati, nakaabang na naman ang agwelo sa kanyang pag-uwi. Eksaktong isinasara niya ang solidong dahon ng front door nang iluwa naman ito ng pintuan ng sala.

“Iho, mabuti’t nakauwi ka na. Kanina ka pa namin hinihintay. Hindi ba sinabi ng sekretarya mo na tumawag ako?” Maluwang at masigla ang ngiti ni Lolo Gener.

Medyo nabaguhan si Rigor sa asta ng matandang lalaki.

Nagmistulang pilyong bata ito kahit na putim-puti na ang manipis na buhok. Paano’y may mga kislap ang mga matang matatalas pa rin sa kabila ng pagiging sitenta anyos nito.

[Want to read the Start of Stories Online titled – NOT FOR SALE…? Click Here!]

“O, mukhang good mood kayo, Lolo, a?” bati niya rito bago magmano.

Kahit na naging barumbado at bagamundo siya, hindi pa rin niya nakakalimutan ang kagandahang-asal na itinuro ng dalawang lalaking naging gabay sa kanyang paglaki.

“Maganda siguro ang naging resulta ng lakad n’yo ngayon,” dugtong niya.

“A, oo. Magandang-maganda, iho,” ang masiglang salo ni Lolo Gener.

“Si Papa?” tanong niya. Nakangiti na rin siya dahil nakakahawa ang kasiyahan ng agwelo.

“Nandine sa loob ng sala,” anito. Tila lalo pang lumuwang ang ngiti nito.

“Halika. Nandine rin ang sorpresa mo para sa amin.” Mas mataas siya rito pero inakbayan pa rin siya upang igiya papunta sa sala.

Kumunot ang noo ni Rigor.

“Sorpresa?” ulit niya habang kusang humahakbang ang mga paa. “Ano’ng — ”

“R-rigor…” ang pautal na sambit ng paos na tinig ni Lora.

Biglang naparalisa ang buong katawan niya, pagkakita sa babaeng napatindig nang mamataan siya.

Nakaupo ito sa sofa na nakaharap sa pinto. Na nagulantang nang makita siya. Nanlalaki ang mga matang bilugan na nakatutok sa mukha niya.

Nasa malapit lang ang wheelchair ng kanyang Papa, na nakatitig rin sa kanya.

Dapat ay matuwa siya. Nagkita na sila ni Lora. Balak nga niyang puntahan ito, hindi ba?

Ngunit hindi sa loob ng pamamahay nila. Ang isang babaeng katulad ni Lora ay hindi iniestima sa tahanan.

“Ano’ng ginagawa mo rito?” pang-uusig niya. Madilim na madilim ang anyo.

Kung posible pa, tila lalong namutla ang babae. Kahit na nagdidilim ang paningin sa galit, napuna rin ni Rigor ang pangangalumata at pangangayayat nito.

Katulad rin kaya niyang nasosobrahan sa trabaho…?

Lalong dumilim ang anyo ni Rigor.

“Iho, dumating si Lora kaninang tanghali.” Ang kanyang Papa ang nagpaliwanag.

“Nakalimutan mo yata siyang sunduin sa piyer. Mabuti na lang, hindi siya naligaw sa paghahanap sa address natin.”

“Address?” Nagmistula na naman siyang parrot. Ipinilig niya ang ulo. “Wala akong ibinibigay na address!” tanggi niya, pabulalas.

Nang tumutok uli kay Lora ang tatlong pares ng mga matanng Donceras, saka lang ito nagsalita para magpaliwanag.

“A-ang foreman — si Mr. Horacio. Pinilit ko siyang ibigay sa akin ang address mo, Rigor. Sinabi kong importanteng-importante na makausap kita,” pag-amin nito.

Nginig na nginig ang tinig. Tuluyan ng gumaralgal nang tumalim ang mga mata niya.

“I — I’m sorry, Rigor. H-hindi ko alam na… na ganito ang daratnan ko.”

Nabakas ang matinding pagkailang ni Lora nang isenyas ng mga sulyap ang marangyang paligid ng ancestral house.

“P-pero mahalaga ang sasabihin ko,” dugtong nito. Tila nagsusumamo na.

“S-sana, pakinggan mo… Please, makinig ka sana. D-dahil hindi ako aalis hanggang hindi mo naririnig!” Nabahiran na ng desperasyon ang mababang tono.

Mabilis na nag-isip si Rigor. Sandali lang naman ang kailangan niya para mapagtantong hindi siya puwedeng tumanggi.

Pahapyaw siyang sumulyap sa mga mukha ng agwelo at ng ama.

Naramdaman ng mga ito ang matinding tensiyon na idinulot ng babae sa kanya. Tahimik lang sa ngayon pero halata ang malalim na pagtataka.

‘No, hindi ako puwedeng tumangging makipag-usap kay Lora,’ bulong niya sa sarili.

“Halika,” aya niya sa babae, halos pa-brusko. “Sa labas tayo mag-usap.”

Nasa tono niya ang pagnanais na maialis na ang presensiya nito sa loob ng malaking bahay.

Tila may gumuhit na sakit sa maamong ekspresyon ni Lora, ngunit tumalikod na siya agad bago nasiguradong tama ang nakita niya.

“Rigor?” Pinigil siya ng boses ni Lolo Gener.

Napilitan siyang huminto, tulak ng malalim na respeto para agwelo.

“Bakit, Lolo?” Pinilit niyang tumingin nang diretso dito.

“Huwag mong kalilimutan na alas siyete y medya ang oras ng hapunan,” wika nito, pa-buntonghininga. “Makakasama para kay Lora ang malipasan ng gutom,” dagdag pa.

Lalong lumalim ang kunot sa noo ni Rigor. Ngunit hindi na siya umimik. Tumango lang ng isa at maliksing lumakad pabalik sa labas.

Ni hindi niya nilinga ang babae. Sigurado siyang susunod ito kahit na saan siya pumunta!

Nasa lalamunan ni Lora ang kanyang puso nang sundan niya ang galit na lalaki.

Halos hindi siya makahinga. Nabibingi pa siya sa malakas na pagkabog ng dibdib.

Mabilis ang paglalakad ni Rigor. Para bang hinahabol ng demonyo.

At siya marahil iyon.

Muling bumukal ang pagkaawa niya sa sarili. Ngunit agad ring sinupil iyon. Wala sa loob, kinapa ng isang nanlalamig na palad ang pipis na tiyan.

Magaspang sa hipo ang suot niyang jeans. Medyo bago pa kasi. At mumurahin pa. Halata ring galing sa bangketa ang puting Nike t-shirt.

Awtomatikong ikinumpara sa mamahaling kasuotan ni Rigor.

Hindi niya napigil ang makaramdam ng panliliit. Nagbalik na naman ang pakiramdam ng kawalang-halaga.

Gayon ang unang impresyon niya nang makita ang luma pero malaking bahay sa address na isinulat ni Mang Asyong nung isang lingo — nung isang linggo nga lang ba iyon?

Biglang huminto si Rigor. Sensitibo siya rito kaya agad siyang tumigil sa paglakad.

May tatlong metro pa ang layo nila sa isa’t isa. Nasa tabi nila ang isang maluwang at mababaw na fishpond. Nakasindi na ang mga spotlights sa paligid ng bakuran kahit kalulubog pa lamang ng araw sa kanluran.

Kung normal siguro ang sitwasyon, hahangaan niya ang mga munting isda na may iba-ibang kulay at sari-saring disenyo sa makintab na kaliskis.

Pero ang buong atensiyon niya ay nakatutok sa lalaking halatang napopoot sa pagdating niya.

Papiksi, humarap sa kanya ang lalaki.

Tila saka lang napansin ang dalang attache case, nagmura ito nang mahina habang inilalapag iyon sa damuhan.

NOT FOR SALE-3

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age