Not For Sale-3

Isinenyas ng isang kamay ni Rigor ang konkretong upuan bago iniitsa sa ibabaw niyon ang abuhing blazer.

“Maupo ka,” utos nito.

Hindi siya tumalima kahit na nangangatog pa rin ang mga tuhod. Abala siya sa pagtitig sa lalaking kaytagal na kinasabikang makitang muli.

Pero ngayong nagkita na sila uli, nasira na ng tuluyan ang mga pangarap na hinahabi tuwing gabi para maibsan ang pangungulila.

Kailanman, hindi siya babagay na tumabi sa nilalang na ito.

Nagsusumigaw ng salapi ang bawat pulgada ng kabuuan ni Rigor — mula sa crucifix pendant ng gintong kuwintas at Swiss watch hanggang sa puting polo, gray slacks at black leather shoes.

Nung una niyang makita si Rigor sa beerhouse na pinagtatrabahuhan, napansin na niya agad ang kaibahan nito sa ibang lalaki.

Arogante. Awtoritibo.

[Want to read the Start of Stories Online titled – NOT FOR SALE…? Click Here!]

Parang hindi nababagay sa trabahong pagpipiyon kahit na ang mga kasuotan nito noon ay pawang mga kupasin at punit-punit na maong pants at kamiseta. Kahit na palaging nakakalimutang mag-ahit ng balbas at bigote.

Kaipala, isang pagpapanggap lamang ang lahat ng iyon.

Ang lalaking pinaghandugan niya ng buong sarili ay isang estranghero mula sa ibang daigdig na malayung-malayo sa mundo niya.

“Kung inaakala mo na puwede mo akong daanin sa titig, nagkakamali ka.” Pinutol ng matigas na boses ni Rigor ang paglalakbay ng isipan niya.

“Ano’ng ginagawa mo rito, Lora? O ang dapat ko bang itanong ay kung ano ang kailangan mo?”

Nagmistulang balaraw ang sarkasmo sa tono ng lalaki. Yumuko si Lora upang ikubli ang sakit na naramdaman.

Para bang nagdudumaling matapos na ang pag-uusap nila — upang mawala na uli siya sa buhay nito.

Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon ni Rigor sa pagpunta niya. Ngunit hindi niya akalain na pandidiri ang ipakikita nito sa kanya.

Pinigil niya ang mapahikbi. Huminga siya ng malalim bago nagsalita.

Walang ibang paraan kundi ang dumiretso ng pagtalon.

Hindi naman niya maiiwasan ang masaktan. Isa lang siyang busabos…

“B-buntis ako, Rigor,” pahayag niya.

Hindi magawang magtaas ng tingin dahil alam na niyang hindi nito magugustuhan ang dala niyang balita.

“D-dalawang buwan at kalahati na…” dagdag niya nang manatili ang mabigat na katahimikan.

Panakaw siyang sumulyap sa lalaki.

“Iniisip mo ba na ako ang ama ng ipinagbubuntis mo?” Bahagyang tumaas ang mga aristokratikong kilay. “At inaasahan mo na maniniwala ako sa ‘yo?”

Kinagat niya nang mariin ang ibabang labi. Nakabawi lang siya ng kaunting lakas nang malasahan ang sariling dugo.

“H-hindi, Rigor,” sambit niya matapos umiling.

Nakayuko pa rin siya habang pilit na nilulunok ang mga salitang kinabisa niya para sabihin kay Rigor.

May kaunting pag-asa pa kasi siya noon na mahalaga para dito ang pagkabirhen niya.

Ngunit basang-basa sa malamig na tono at anyo ng lalaki na hindi niya ito mapapaniwala sa katotohanan.

“M-maiintindihan ko kung hindi ka maniniwala,” dugtong niya, pa-garalgal.

Tumikhim ang lalaki.

“Kung gayon, wala na tayong dapat pag-usapan,” wika nito.

Dinampot uli ang attache case na nakasandal sa concrete bench.

“Makakaalis ka na, Lora,” pagtataboy nito habang kinukuha ang blazer.

Umiling uli si Lora. Alang-alang sa dinadalang sanggol, nagkaroon siya ng sapat na lakas ng loob na salubungin ang matatalim na titig ni Rigor.

Nagsumamo ang kanyang mga mata, kasabay ng pakiusap na numulas sa kanyang mga labi.

“W-wala na akong pupuntahan. Hindi na ako makakabalik sa amin,” pagtatapat niya. Basag na ang boses. “G-gusto ko sanang humingi ng — ng kaunting pabor, Rigor.”

Pabagsak na binitawan uli ang bitbit para marahil maitutok sa kanya ang buong galit nito.

Nagpakatatag na lang si Lora. Tutoong wala na siyang mapupuntahan. Itinakwil na siya ng tanging kamag-anak na meron siya.

Masakit pa ang anit niya dahil sa pagsabunot ni Tiya Marietta matapos siyang mahuli nito na dumuduwal sa banyo.

May dalawang linggo na ang nakakalipas pero hanggang ngayon ay sariwa pa ang ilan sa mga sugat na tinamo mula sa pambubugbog ng mabagsik na tiyahin.

“Malaki ang ibinayad ko sa ‘yo nung gabing ‘yon, Lora,” ang mariing wika ni Rigor.

Hindi makakalimutan ni Lora ang makapal na bungkos ng perang papel na natagpuan sa bulsa ng palda niya.

Lalo na ang kalakip na kapirasong sulat. ‘Magkikita uli tayo, Babes.’

Umasa siya noon. At nang hindi natupad ang pangakong walang laman, gabi-gabi ay unti-unti siyang namamatay.

Nakaahon lang siya mula sa balon ng depresyon nang matuklasang buntis siya.

Kailangan niyang maging malakas at matatag, kahit na para lang sa isisilang na batang wala pang malay.

“Gumamit ako ng proteksiyon, Lora. Hindi akin ‘yan!” dagdag pa ng lalaki.

“Hindi ko na kasalanan kung hindi ka naging maingat. Huwag mong ipa-kargo sa akin ang bunga ng kapabayaan mo!”

Napahikbi si Lora. Nag-uumapaw na sa sama ng loob ang dibdib niya. Hindi na niya napigil ang pag-agos ng masaganang luha.

“Utang na loob, Rigor,” pakiusap niya. “H-hindi kita pinipilit na tanggapin ang responsibilidad sa anak nat — sa anak ko.”

Dagli siyang nautal nang nagbantang magliyab uli ang poot ng lalaki.

“A-ang hihilingin ko lang ay kaunting tulong.” Hinihingal siya nang matapos.

Abut-abot ang kaba dahil sa matinding takot. Higit kasi ang katiyakan na mabibigo siya.

‘Diyos ko, paano na ang anak ko?’

“Ano’ng klaseng tulong?” Matigas pa rin ang tinig ni Rigor.

“K-kahit na ano — ‘yung m-makakaya mo lang na ibigay.” Mababang-mababa ang tono niya. “N-nakahanda akong pagtrabahuhan ang — ”

“Hanggang kailan?” pakli ng lalaki.

‘Hanggang kailangan ng bata?’

Umiling si Lora. Hindi papayag si Rigor.

“H-hanggang makapanganak lang ako,” tugon niya. Halos pabulong na lang ang pagsasalita. “T-tatanawin kong malaking utang na loob,” dagdag niya. Puno ng pagmamakaawa.

Nagtagal ang katahimikan. Dahilan para dumoble ang laki ng tensiyon na nakadagan sa dibdib ni Lora.

Parang mapupugto na ang kanyang paghinga. Dahan-dahang nagdilim ang kanyang paningin.

Kundi siguro napuna ng lalaki, baka bumagsak na siya sa damuhan.

“Maupo ka muna,” asik ni Rigor. “Mag-iisip pa ako.”

Wala ng lakas si Lora para magmatigas. Ubos na ang pakunwaring katatagan niya. Tumalima siya at lumapit sa bench.

Nagmistulang kandilang nauupos ang kanyang mga tuhod. Kusang natunaw at tumiklop dahil sa mainit na pagkasuklam ng lalaki.

Lumakad ito palayo sa kinaroroonan niya. Tila hindi matagalan ang kanyang presensiya.

Lumawig at bumigat uli ang katahimikan. Na biglang pinunit ng matinis na ingay.

NOT FOR SALE-4

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age