Not For Sale-4

Napapitlag si Lora. Saglit na nalito at nagpalinga-linga.

Nakita niyang dinukot ng lalaki ang isang maliit na celfone sa bulsa ng pantalon.

“Hello? Oo. Nandito kami sa hardin.” Tinapunan siya ni Rigor ng isang sulyap.

Gustong lumayo ni Lora upang hindi mapakinggan ang mga sinasabi ni Rigor ngunit wala pa rin siyang lakas para tumindig.

“You’re wrong, Lolo Gene. Hindi ko siya girlfriend. Naging kakilala ko lang siya nung nasa Bacolod ako. Pamangkin ng naging kasera ko doon. Well, lumuwas siya para makipagsapalaran sa Maynila. Unfortunately, nabigo siya. Ako lang ang naisip niya na makakatulong sa kanya.”

Parang pinipiga ang lalamunan ni Lora. Walang makapiglas na hikbi ngunit halos wala ring makalusot na oksihena.

“What do you think, ‘Lo?” untag nito sa di-nakikitang kausap. “Ilan na ba ang housemaid n’yo dito? Puwede pa kayang tumanggap ng isa?”

Sumikdo ang dibdib ni Lora. Nagsimulang sumibol ang isang maliit na butil ng pag-asa.

“What? Secretary? Gusto mo siyang kuning stay-in secretary?”

[Want to read the Start of Stories Online titled – NOT FOR SALE…? Click Here!]

Hindi makapaniwala si Lora sa narinig. Nagsilbing abono iyon kaya kahit na hindi pa sigurado, naging mayabong na agad ang pag-asa niya.

Kahit na sandaling panahon pa lamang niyang nakikilala ang dalawang nakatatandang lalaki na kadugo ni Rigor, magaan na agad ang loob niya sa mga ito. Parang may natagpuan siyang mga ka-pamilya.

Ngunit hindi dapat ganoon ang attitude niya kaya agad ring sinupil ang kakatwang pakiramdam.

Sa sobrang baba ng kinalalagyan niya, kailanman ay hindi siya makakaabot sa mataas na kinalalagyan ng mga Donceras!

“Tutoo bang nakatuntong ka sa second year ng kursong accounting?” Tinakpan muna nito ang ga-tuldok na mouthpiece nang bumaling sa kanya.

“H-ha? Uh, o-oo. Tutoo.” Nagkandautal siya dahil sa pagkagitla. “C-cashier ako sa b-beerhouse na ‘yon,” dugtong niya, ngunit mahinang-mahina ang tinig.

“Dating cashier bago nasilaw sa mas malaking kita?” panunuya ng lalaki.

Hindi siya sumagot kaya ipinagpatuloy nito ang pakikipag-usap sa celfone.

“Papayag lang akong maging sekretarya mo siya kung dito ka na sa bahay mag-o-opisina, Lolo,” wika nito.

Tila desidido na ang tono.

“And that’s final. Kung tutol ka, gagawin ko na lang siyang muchacha,” pagtatapos nito habang nakatitig sa kanya.

Malinaw niyang naintindihan ang ibig sabihin ng malamig na titig na iyon.

Ipinamumukha ni Rigor sa kanya na mababang-mababa ang tingin nito sa pagkatao niya.

Tumango siya nang marahan. Hindi siya nangiming ipakita ang pasasalamat.

Ang pulubi ay hindi marunong mamili. Tatanggapin niya kahit na anong ilimos sa kanya.

Nanatiling blangko ang ekspresyon ni Rigor. Hindi nito tinugon ang matipid na ngiting ibinigay niya. Nagpatuloy lang ito sa pakikipag-usap.

“You bet, Lolo Gene. Don’t worry about the company. Baka matulad ka pa kay Papa kapag hindi ka pumirmi sa bahay. No, of course not. Kapag may problema, sasabihin ko agad sa ‘yo. I promise, hindi ko sasarilinin. Okey, bye. Papasok na kami. Nandito lang kami sa may fishpond.”

Inakala pala ng matandang Dorceras na nasa malayo sila kaya tinawagan ang apo.

Nanatiling tahimik si Lora. Nakikiramdam lang siya. Natagpuan na niya ang nawawalang kalma kaya nakokontrol na uli ang mga emosyon.

Nakatitig siya sa dulo ng mga kuko sa paa na nakalitaw sa suot na panlalaking sandalyas.

Hinihintay niya ang mga kundisyon at regulasyon na dapat tupdin kung nais niyang magtagal sa poder ni Rigor.

“Okey, ngayon pa lang ay dapat na tayong magkaintindihan,” umpisa nito.

Hindi nagkabisala ang hinuha ni Lora.

“Isa lang ang kundisyon na tatandaan mo: huwag mong kalilimutan na puwede kitang paalisin dito kahit na anong oras. Isang maliit na pagkakamali lang — tapos ka na. Maliwanag?”

Nanuyo ang loob ng bibig ni Lora.

“A-anu-ano ang mga bawal?” tanong niya. Paus na paos ang boses.

Tinitigan muna siya nito bago tumugon.

“‘Yung mga bagay na ikagagalit ko. Huwag na huwag mo akong gagalitin, Lora.” Puno ng pagbabanta ang tono nito.

Napalunok ang dalaga. Imposible ang kondisyon ni Rigor. Napakadaling magalit ang isang taong galit na!

Sa unang gabi ng pagtira niya sa tahanan ni Rigor, halos hindi nakatulog si Lora. Hindi matapus-tapos ang pagdarasal niya ng pasasalamat.

Sobra-sobrang suwerte ang turing niya sa tulong na ibinibigay ng lalaki. Kahit na may imposibleng kondisyon pa.

Habang tinatawid nila ang hardin, naisip niyang simple lang ang solusyon upang maiwasang magalit sa kanya si Rigor.

Iiwas siyang magpakita dito. Sa laki ng mala-palasyong bahay nito, tiyak na madali lang iyon.

Ang kailangan niyang matutuhan ay kung paano maging anino para madaling mawala sa paningin…

Napailing si Lora habang naaalala ang hapunan kagabi. Pinilit siyang isabay ng agwelo at ng ama kaya walang nagawa ang anak.

Kaya siguro hindi siya nakatulog. Nagkaroon siya ng indigestion. Palagi siyang puno ng tensiyon kahit na tahimik lang si Rigor.

Wala siyang mabasang anuman sa enigmatikong ekpresyon nito kaya hindi niya alam kung tamang tugunin ang walang humpay na pagtatanong ng dalawang kasalo sa hapag-kainan.

Magalang naman ang tono niya. Wala siyang binanggit na anuman tungkol sa tutoong buhay niya.

Sinundan niya ang alibi ni Rigor tungkol sa dahilan ng pagluwas niya sa Maynila.

Nakahinga siya nang matapos na ang pinakamahabang hapunan na dinanas niya. Hindi niya nalasahan ang anuman sa mga pagkain na nagawang kainin sa kabila ng matinding nerbiyos na nakasakal sa kanyang lalamunan.

Ngunit saglit lang ang ginhawa dahil nagkaroon na naman ng piping pagtatagis ng lakas nang malaman ng pinakamatandang Donceras na sa servant’s quarters siya itotoka ni Rigor.

“Ipinahanda na namin ang guestroom para kay Lora, iho,” pagmamatigas ng agwelo sa apo.

“And that’s final.” Ginagad pa ang mga salita ni Rigor kanina.

“Maraming bakanteng kuwarto dito, anak. Hindi makakasikip si Lora sa atin.”

Namimilog ang mga mata ni Lora habang nagpapalipat-lipat ang tingin sa tatlong lalaking may kontrol sa kanyang hinaharap, sa maraming araw na darating.

Gusto niyang sumabad pero may kung anong pumipigil sa kanya. Kaya nagtiis na lang siya habang nakapagitna sa mga batong nag-uumpugan.

Mabuti na lang, umatras ang isa. Si Rigor.

Isang matalim na sulyap lang ang ipinukol nito sa kanya. Ngunit dagling nagdugo ang kanyang puso.

Humingi ng dispensa ang mga mata niya pero hindi na tumingin uli sa kanya ang lalaki.

NOT FOR SALE-5

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age