Not For Sale-5

Idinampi ni Rigor ang table napkin sa bibig, sabay tindig.

“I have some phone calls to make. Good evening, everyone.” Walang lingon-likod, lumabas ito ng kumedor.

Halatang nasiyahan ang naiwang mag-ama. Nagpalitan pa ng makahulugang ngiti bago ibinalik sa kanya ang atensiyon.

“Tiyak na pagod ka na, Lora. Ipahahatid na kita sa kuwarto mo,” wika ni Lolo Gener.

Pagod na nga siya. Pero magaan na magaan ang kanyang katawan dahil sa tinamong tagumpay.

Ligtas na ang kanyang anak!

“Mula ba sa piyer ay dito ka na tumuloy, iha?” usisa naman ng Papa ni Rigor.

Tumango siya. “Opo.”

Nagtinginan na naman ang dalawa. Nagtanguan bago sabay na bumaling sa kanya.

May sasabihin sana ang naka-wheelchair pero naudlot dahil dumating ang private nurse nito.

[Want to read the Start of Stories Online titled – NOT FOR SALE…? Click Here!]

“Good evening, Sir Roger, Sir Gener,” ang pormal na bati nito.

Nasa katanghalian na ang edad at may seryosong personalidad, isang matipid na ngiti lang ang ibinigay nito kay Lora. Na tinugon naman niya ng isang nakikiming ngiti.

“Oras na po ng pag-inom ng gamot n’yo, Sir Gener,” pahayag nito habang hinahawakan ang rubberized handle ng silyang de-gulong.

“At ng aking pahinga,” dugtong ng pasyente, pa-buntonghininga. “Goodnight, Papa. Goodnight, Lora.”

“Goodnight, anak,” tugon ng sitenta anyos. “Papuntahin mo na lang si Senyang dito, Nurse,” utos nito sa nars.

“Opo, sir.”

Ilang sandali nga lang, silang dalawa naman ni Lolo Gener ang nagpaalaman at naghiwalay ng direksiyon.

Hindi na niya nakita si Rigor habang binabaybay nila ang mga koridor na tila walang katapusan at hindi matatapos sa pagliko.

Isang silid-tulugan na kamangha-mangha ang pinagdalhan sa kanya ng mayordoma.

“D-dito hu ba talaga?” paniniguro niya.

Halatang hindi makapaniwala na ganito kagandang kuwarto ang ipagagamit sa isang katulad niya.

“Baka po hindi dito.”

Ngumiti ang mayordoma.

Nagulat uli si Lora.

Kaninang tugunin nito ang pagdo-doorbell niya sa gate ay tila napakasungit nito. Marahil ay naistorbo lang niya ito sa trabahong ginagawa.

Gumanti siya ng ngiti dito. Kailangan niya ang maraming kaibigan upang manatiling ligtas ang kanyang anak.

“Siguradong dito nga, Miss Lora. Si Sir Gener mismo ang pumili. Babagay daw sa ‘yo ang White Lily Room,” wika nito habang isinesenyas na mauna siyang tumuloy sa binuksang pinto.

“Nandoon ang banyo. Katabi ang walk-in closet. Heto naman ang intercom. Ito ang gagamitin mo sa pagtawag ng katulong. Ayan ang listahan ng mga numero. Number 5, kung sa kusina. Number 1, kung sa servant’s quarters.”

Ipinakita nito ang paggamit ng mekanismong nakadikit sa dingding, kalapit ng light switch.

“Tumawag ka lang kapag may kailangan ka. Magandang gabi sa ‘yo, Miss Lora.”

“Er, s-sandali lang,” pigil niya rito nang akmang tatalikod na para iwan siya.

Humarap naman agad ang mayordoma.

“May kailangan ka pang malaman?” untag nito nang tila nakimi siya.

Umiling siya.

“Uh, wala na. Gusto ko lang sabihing ‘Lora’ na lang ang itawag n’yo sa akin, Aling Senyang. Empleyada lang po ako dito.”

Hindi iyon ang inaasahan nitong sasabihin niya. Napatitig pa muna ito sa kanya bago nakapagsalita.

Pigil-hininga naman si Lora. Huli na nang maisip niyang baka mawala ang pakikipagkaibigan nito dahil hindi naman siya kailangan pakisamahan.

Sandali lang siyang pinakaba nito. Maya-maya’y ngumiti uli sa kanya.

“O, siya, Lora, kung ‘yan ang gusto mo.” Tinapik-tapik pa nito ang isang balikat niya.

“Ako ang nag-alaga kay Sir Rigor. Makulit pero mabait na bata. Kung meron siyang kapintasan, iyon ay ang matigas na ulo at kalooban niya. Pero marunong namang tumanggap ng pagkakamali kapag nakapag-isip-isip.”

Napatunganga si Lora sa tinuran ng kaharap. Nagulat siya dahil bigla na lang lumitaw ang pangalan ni Rigor mula sa kungsaan.

“Magandang gabi, Lora. Magkikita uli tayo bukas ng umaga.”

Tinapik uli nito ang isang balikat niya. Para bang inaalo siya. Sinundan na lang niya ito ng tingin. Hindi siya nakapagsalita.

Pinag-isipan niya ang kahulugan ng mga sinabi ng mayordoma habang naglilinis ng sarili at nagpapalit ng damit.

Ngunit hanggang sa lumalim ang gabi, nalilito pa rin siya.

Ngayon ay umaga na. Simula na ng unang araw sa panibagong kabanata ng buhay niya.

Mabigat na magaan ang kanyang katawan. Kakatwa pero normal lang daw sa isang nagdadalangtao.

Ibig sabihin, nakapahinga na ang utak niya sa kaiisip sa mga prublema.

Kahit na ilang oras lamang ang naitulog niya, parang kumpleto pa rin ang naging pahinga niya.

Paano’y wala siyang napanaginipan, sa unang pagkakataon sa loob ng nakalipas na maraming taon. Kagabi lang naging payapa ang pagtulog niya. Parang safe na safe kasi ang pakiramdam niya.

Parang katulad nung nabubuhay pa ang kanyang mga magulang…

Marahan siyang nag-inat habang nagsisimulang lumipad ang kanyang isipan.

Tumanaw siya sa langit na nasa labas ng bintanang salamin. Putim-puti ang mga ulap. Animo mga pakpak ng mga anghel.

Nandoon kaya ang kanyang Inay at Itay ngayon?

Naputol ang pagmumuni-muni niya nang may kumatok sa pinto.

Bigla niyang naalala ang realidad, si Rigor at ang banta nito.

Dali-dali siyang bumangon ngunit agad ring bumagsak sa malambot na higaan. Napaungol siya nang umatake ang pagkaliyo.

Naulit ang mga katok. Mas malakas at mas madalas na.

Kumabog ang dibdib ni Lora dahil nahulaan na niya kung sino ang nasa labas. Hindi kakatok ng gayon ang isang katulong.

“S-sandali lang…” Pinilit niyang ibangon ang sarili habang kinokontrol ang panghihina.

Nakaupo pa lang siya sa gilid ng kama at nag-iipon ng lakas para makatayo nang bumukas ang pinto.

Tama ang hula niya. Ang matangkad na hugis ni Rigor ang tumambad sa nanlalabong paningin.

Naaninag niyang kasunod nito ang isang katulong na may dalang tray. Inilapag iyon sa lamesang malapit sa bintana bago binuksan ang mga dahon na salamin.

Tinangka niyang magkunwaring normal ang pakiramdam. Pinuwersa niyang ngumiti ang mga labing namumutla.

“M-magandang — ” Hindi niya natapos ang pagbati dahil nagbantang bumaligtad ang kanyang sikmura nang maamoy ang halimuyak ng bagong giling na kape.

Tinutop ng isang nagyeyelong palad ang bibig habang natatarantang tumindig. Kailangang makapunta siya sa banyo — agad.

Ngunit tila imposible iyon dahil nangangatog ang mga tuhod niya. Parang gulaman ang mga buto niya.

Hilam na sa luha ang mga mata niya kaya halos hindi na makita ang pupuntahan. Mabuway ang paglakad niya.

At labis-labis na ang takot niya na baka mapahiya siya sa harap ni Rigor.

NOT FOR SALE-6

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age