Not For Sale-6

Hinawakan ng malabakal na daliri ang isang braso niya upang bigyan ng suporta at para igiya patungo sa banyo.

Eksaktong paglapit niya sa lavatory sink, humulagpos ang kontrol niya.

Nakaligtas siya sa humiliyasyon. Mamaya na lang siya magpapasalamat…

“Kumusta na ang pakiramdam mo?” tanong ni Rigor sa kanya matapos ang ilang minuto.

Nakabantay lang pala ito sa may paglabas ng bukas na pintuan.

Nagbanlaw siya ng bibig at mukha. Nanginginig at naghihina pa siya kaya basam-basa pati ang kanyang leeg at harapan.

Aninag sa manipis at kupasing duster ang hinog na hugis ng dibdib. Pati na ang kambal na korona.

“M-medyo mabuti na,” tugon niya. Pagaw ang tinig. “S-salamat.”

“Ipinalabas ko na ang kape,” dugtong ng lalaki. “‘Yon ang nakapagpasama ng sikmura mo, ano?” panghuhula nito.

Tumango siya. Hindi makatingin dito.

[Want to read the Start of Stories Online titled – NOT FOR SALE…? Click Here!]

“P-pasensiya ka na,” sambit niya.

Naghanap siya ng tuwalya para mapagtaguan. Halos pahaklit na hinila ang nakasampay sa towel rack.

Bigla siyang nahiya dahil nakatingin sa kanya ang lalaki. Alam niyang putlang-putla siya. Parang ibinabad sa suka.

“H-hindi naman daw magtatagal ang ganito. Mawawala rin daw kapag — k-kapag lumaki-laki na ang, er, baby.”

Aywan kung bakit nagpapaliwanag pa siya. Hindi naman interesante ang mga ganitong paksa para sa isang katulad ni Rigor.

“Sino ang may sabi?” pakli ng lalaki. “Nagpatingin ka na ba sa duktor?”

“‘Yung — ‘yung duktor sa health center,” tugon niya. Pilit ang ngiti. Pigil ang tono. “E-excuse me, maghihilamos lang ako.”

“Okey.” Bumuwelta ang lalaki para lumabas ng banyo. “Nandito lang ako,” dagdag pa.

Napamaang siya. Wala bang pupuntahan ang lalaki? Hindi ba’t pumapasok ito sa opisina?

Ano’ng oras na ba?

Wala siyang naisatinig ni isa sa mga tanong na lumutang sa naguguluhang isipan, hanggang sa maisara ang pinto.

Nalilito pa rin habang naghuhubad bago pumasok sa shower cubicle.

Malamig ang pinong bugso ng tubig kaya napaigtad at napasinghap siya.

Ngunit hindi pa rin naiwaglit ang kanyang pagkalito.

Hindi siya makapaniwalang tinulungan siya at inunawa ni Rigor ang kanyang kalagayan.

Nagdumali siya sa paliligo at pagbibihis. May adjoining door patungo sa walk-in closet kaya dumiretso na siya doon.

Pulos mga mumurahing casual ang mga damit niya. At halos mga luma na.

Iyong suot lang niya kahapon ang medyo bagu-bago pa.

Pero wala siyang magagawa. Kahit na maging pulos bago pa ang mga dala niyang damit ay hindi pa rin babagay sa marangyang kapaligiran.

Sinuklay niya ang maikli at alun-along buhok bago naglagay ng kaunting pulbo sa ilong at mga pisngi.

Wala siyang remedyo sa mga labing namumutla pa rin kaya kinagat-kagat niya upang magkaroon ng kaunting kulay.

Mabuti na lang, nabawasan na ang pagkaliyong nadarama niya.

Magkahalong hesitasyon at pagkasabik ang kanyang nadarama kaya halos hindi makalabas upang muling makaharap si Rigor.

Hindi ba’t ang solusyon niya para hindi ito magalit sa kanya ay ang umiwas rito?

Ngunit mas lalong mayayamot ang lalaki kung paghihintayin niya nang matagal.

Huminga siya nang malalim bago pinihit ang seradura. Halos pikit-mata siyang humakbang palabas.

Dahil umaasa siyang umalis na ang lalaki dahil sa pagkainip nagulat talaga siya nang madatnan itong nakaupo sa malaking kama at matiyagang naghihintay sa kanya.

Napapatda siya. Nagkatinginan pa muna sila bago ito nagsalita.

“Shall we start again?” umpisa nito habang tumitindig.

Napaka-simpatiko nito kahit na designer’s jeans at itim na polo shirt ang suot. Nakakapangunti ang nangungusap na gold bracelet sa kanang pulsuhan.

“Magandang umaga, Lora.” Pa-kaswal nitong inialok ang isang kamay sa kanya.

Kinindatan siya ng alahas.

Hindi niya alam kung ano ang bagong laro ni Rigor. Pero wala siyang magagawa kundi ang magpatianod upang hindi ito magalit sa kanya.

Napilitan siyang tanggapin ang pakikipagkamay nito. Napalunok siya nang magdaop ang kanilang mga palad.

Nakakapaso ang init. Nakakakiliti ang mga kalyo.

“M-magandang umaga rin,” sambit niya, pautal.

“Ano ba ang puwede mong inumin sa almusal? Hot milk? Hot chocolate?” tanong nito.

Mainit na tubig lang ang pinagtitiyagaan niya nitong huli. Tinitipid kasi niya nang husto ang perang kinikita sa pagkakahera tuwing gabi at sa ekstrang paglilinis ng beerhouse kapag araw.

Naging desperada siya sa pag-iipon ng perang pamasahe sa barkong patungong Maynila kaya pati ang nutrisyon ay isinakripisyo niya.

Nakikitulog lang siya kung saan-saang kakilala at kaibigan magmula nung palayasin siya ni Tiya Marietta kaya hindi na naging normal pati ang oras ng kanyang pagkain.

Nag-aalala na nga siya para sa kalusugan ng batang dinadala sa sinapupunan… pero hindi na ngayon.

Tiyak na magiging malusog na ang baby habang nandito siya sa tahanan ni Rigor.

“Lora?” untag ng lalaki nang hindi siya kumibo.

“Uh, g-gatas na lang siguro,” ang hesitanteng tugon niya.

Nakikimi siya at nagtataka at nangangamba.

Hindi kaya binabago lang ni Rigor ang istratehiya upang mapaikot siya?

Hindi kaya naghahanap lang ito ng butas para mapaalis siya?

Iwinaksi niya ang mga pagdududa. Nagmamagandang-loob lang marahil ang binata. Nakita nitong kailangan niya ng tulong kaya tinulungan siya.

“Nagpadala na ako ng gatas at hot chocolate dito, para may choice ka. Sa akin na lang ang huli. ‘Lika na. Baka lumamig pa ang mga ito.”

Hinila nito ang isang silya para ialok sa kanya.

“Have a seat,” imbita nito.

Muntik nang mapanganga si Lora sa narinig. Mabuti na lang, awtomatiko siyang sumunod sa instruction nito.

Sasabay sa pag-aalmusal niya si Rigor Donceras?

Ilang ulit pang umikut-ikot sa lahat ng sulok ng utak niya ang tanong kahit na magkaharap na nga sila ng lalaki.

“Ano’ng gusto mong kainin? Fruits? Pancakes? Omelette?” Inaalis ni Rigor ang mga aluminum cover habang nagsasalita.

Hindi muna nagsalita si Lora. Sari-saring pagkain ang naaamoy niya. Nakikiramdam siya kung may kalaban na naman ang kanyang sikmura.

“All right?” tanong nito matapos ang ilang sandali. “Walang kalaban ang tiyan mo?”

Umiling siya.

“Er, w-wala. Salamat.”

Umiwas siya ng tingin nang mahuling nakatitig si Rigor sa mukha niya. Naramdaman niyang nag-iinit ang kanyang mga pisngi kaya alam niyang namumula siya.

“Mag-umpisa ka sa gatas at pancakes.”

Dalawang perpektong bilog na na may natutunaw na margarina sa ibabaw ang inilagay nito sa pinggan niya. Binuhusan iyon ng malapot na pulot.

“S-salamat.” Dinampot ng nanginginig na mga daliri ang tinidor habang panakaw na sumusulyap dito.

NOT FOR SALE-7

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age