Not For Sale-7

Nakahinga si Lora ng maayos nang makitang abala na ito sa preparasyon ng sariling pagkain.

Naghari ang katahimikan nang magsimula silang kumain.

Kuntento na si Lora. Masaya na siyang magnakaw ng mga sulyap sa kasalo.

Samantalang si Rigor ay tila napakalalim ng iniisip.

Kung sana’y laging ganito na lang kapag magkasama sila.

Payapa na sana ang buhay…

Ngunit isang ilusyon lamang iyon na kaydaling nasira nang muling magsalita ang lalaki.

“Tapos ka na?” tanong nito bago idinampi ang table napkin sa bibig.

“Magbihis ka, pupunta tayo sa duktor,” dugtong nito nang tumango siya.

“H-ha?”

“Magpa-pa-check-up ka.”

[Want to read the Start of Stories Online titled – NOT FOR SALE…? Click Here!]

“H-hindi mo na ako kailangang samahan — ” Tumatanggi siya kahit na isa siyang estranghera sa Maynila.

Marunong naman siyang magtanong.

At ayaw niyang makaabala sa lalaki.

“Bakit hindi?” Nanghahamon ba ang tono ni Rigor? “P’ano kung gusto kong makatiyak na akin nga ‘yan?”

Namilog ang mga mata ni Lora. Nagulat siya sa tinuran ng kaharap.

Ngunit hindi na siya nagprutesta.

“Uh, b-bihis na ako,” wika niya nang muling mahanap ang nawalang boses.

Naninikip ang dibdib niya dahil sa tuwa.

Puwede kayang mapatunayan ng isang doktor na anak ni Rigor ang dinadala niya?

“Buweno, halika na.”

Tumindig ito at hinintay siyang makatayo. Hinawakan nito ang isang siko niya at nagsimulang lumakad papalabas.

Hindi siya sumunod.

“Er, t-teka, liligpitin ko lang ang mga ito,” wika niya, ang tinutukoy ay ang mga pinagkanan.

“May magliligpit na ng mga ‘yan,” pagwawalambahala nito.

Napilitan siyang humakbang nang hilahin uli ni Rigor.

“W-wala ka bang pasok?” Hindi niya napigil ang pagtatanong.

Tinapunan muna siya ng isang mailap na sulyap bago tinugon.

“Linggo ngayon, Lora.”

Oo nga pala.

“Uh, wala ding bukas na health center ngayon.”

Muli siyang tinapunan ng sulyap ni Rigor. Ni hindi ito huminto sa paglakad.

“Dadalhin kita sa isang pribadong ob-gynecologist. May appointment na tayo. Maghihintay siya hanggang alas diyes.”

Tiningnan nito ang suot na relo.

“It’s ten to nine now. Mahaba pa ang oras natin.”

Bigla siyang nakaramdam ng pagkapahiya. Tanghali na pala siya nagising. Ngayon lang nangyari ang ganito.

Muli siyang huminto.

“B-baka hinahanap na ako ni Sir Gener,” paliwanag niya.

“I doubt it. Nasa simbahan sila ni Papa ngayon. Kanina pa sila umalis.” Hinila uli siya nito.

“C’mon, Lora. Stop being coy. Alam mong hindi seryoso si Lolo na kunin kang sekretarya. Prubinsiyana ka lang at hindi pa natapos ng pag-aaral. Napakaraming college graduate na puwedeng pagpilian. Naaawa lang sila sa ‘yo.”

Iyon din ang iniisip niya ngunit masakit pa ring marinig, lalo’t galing sa bibig ni Rigor.

“Kung gayon, gawin mo na lang akong katulong,” wika niya nang muling makapagsalita.

Umiling lang ang lalaki. Lalong minadali ang paglalakad. Nagsalita lang ito nang nakasakay na sila pareho sa magarang sasakyan nito.

“P’ano mo ipapaliwanag sa kanila ang paglaki ng tiyan mo?”

Saglit siyang na-distract dahil sa ibang klaseng pintuan na mas mataas pa sa bubungan kapag binuksan. Kaya hindi agad nakasagot.

“Hindi ka dapat manatili dito, Lora,” patuloy ng lalaki.

Parang tinarak ng matulis na bagay ang puso niya.

“B-binabawi mo na ang tulong na ibinigay mo kagabi?” tanong niya, pabulong.

Hindi siya tumitingin dito dahil nangingilid sa luha ang mga mata.

“P-pinapaalis mo na ako?”

Parang nahuhulaan na niya ang susunod na mangyayari.

Bibigyan siya ng malaking pera ni Rigor bilang kabayaran sa pag-alis niya.

Uutusan siya nitong magpapaalam ng maayos sa agwelo at sa ama para hindi magduda.

Siguro ngayon, kahit na labag sa kalooban niya, tatanggapin na niya ang salapi ng lalaki.

Hindi na niya ipamimigay sa mga pulubi na katulad ng ginawa sa perang ibinayad nito sa isang gabing ligaya na pinagsaluhan nila…

A, masakit ang gustong mangyari ni Rigor pero wala siyang magagawa kundi ang sumunod.

“Last night, I was so surprised I couldn’t think. Pero ngayon ay alam ko na ang dapat gawin,” dugtong nito, pa-kaswal.

“Aalis ka dito. Magpapaalam ka ng maayos kina Lolo at Papa. Sasabihin mong nagbago ang isip mo tungkol sa pananatili dito at uuwi ka na lang ng probinsiya.”

Tumango lang siya. Pilit na pinaglalabanan ang nadaramang sakit ng loob.

“Ililipat kita sa ibang bahay. Wala kang dapat alalahanin sa panggastos mo. Susuportahan kita hanggang sa makapanganak ka.”

Limang segundo pa muna ang nagdaan bago niya naunawaan ang mga sinabi ni Rigor.

“H-ha?” sambit niya, pabulalas.

Gulat na gulat siya dahil hindi ganito ang inaasahan niyang iaalok ni Rigor.

“Nagulat ka?” Mapakla ang ngiti ng lalaki.

Pinihit nito ang ignition key pero ni hindi nasira ang tensiyon na nakabalot sa kanilang dalawa.

Mas malakas pa rin ang pagkabog ng dibdib niya.

“Huwag kang magulat, Lora.” Nagpatuloy ito nang makapagmaniobra na mula sa gusali ng garahe.

Nasa maluwang at aspaltadong driveway na sila, papalabas na sa malaking tarangkahan. Relaks na relaks ito habang siya ay naninigas at nanginginig sa matinding sama ng loob.

“At huwag ka ring magpasalamat — dahil pagtatrabahuhan mo ang lahat ng ibibigay ko sa ‘yo.”

Unti-unti, naunawaan ni Lora ang tinutumbok ng mga salita ng lalaki.

Nilinga niya ito. Hindi makapaniwalang tama ang pagkaintindi niya.

Lumingon rin ang lalaki. Saglit na nag-usap ang kanilang mga mata.

“Sa uri ng trabaho mo, you should know. Imposibleng hindi matukso ang sinumang lalaki sa ‘yo kahit na buntis ka na, Lora. Kahit ako, o sinuman sa mga kasambahay ko,” wika nito matapos ibalik sa kalsada ang atensiyon.

Napasinghap siya sa sobrang sakit na nanuot sa kaibuturan ng pagkatao niya.

“Kaya kaysa magkaroon ako ng kakumpetensiya sa ‘yo, ilalayo na lang kita,” dagdag pa nito. Tila hindi pansin ang paghihirap ng kalooban niya.

“Para makasiguradong hindi ka mapapagod nang husto dahil ako lang ang aasikasuhin mo. That’s a fair deal, hindi ba?”

Kahit na siguro nakataya ang buhay niya nang mga sandaling iyon, hindi pa rin magagawang magsalita ni Lora.

Baka nga mamatamisin pa niyang mamatay.

Tutal, natikman na niya ang alab ng pag-ibig — kung pag-ibig ngang matatawag ang ipinalasap sa kanya ni Rigor noon…

Hindi.

Hindi pag-ibig iyon.

Sa kanyang kainosentihan, nagkamali siya ng basa sa mga maiinit na mensahe ng mga titig ng isang makisig na lalaki.

NOT FOR SALE-8

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age