Not For Sale-8

Ang akala niya ay panghabambuhay na pagsasama ang inialok nito nung gabing ayain siyang maghapunan sa labas.

Hapunan na nauwi sa loob ng sinehan.

Ni hindi niya natandaan kung ano ang palabas na pinanood nila.

Ang tanging nakintal sa kanyang utak ay ang nag-aapoy na mga halik at ang nagbabagang mga yakap.

Naging napakatamis ng mga sandaling iyon para kay Lora.

Nakakaantig.

Nakaka-addict.

Nagmistulang masarap na alak kaya langung-lango siya at wala sa sarili nang pumayag na ituloy ang mga erotikong tagpo sa loob ng isang pribadong silid, kungsaan buong puso niyang ipinaubaya ang lahat-lahat.

Ibinigay niya ng buo ang kanyang pagkabirhen kalakip ng tunay na pag-ibig…

Pumikit nang mariin si Lora. Ayaw na niyang maalala kung paano natapos ang gabing iyon.

[Want to read the Start of Stories Online titled – NOT FOR SALE…? Click Here!]

Masakit.

Pero dapat lang sigurong masanay na siyang masaktan. Nang magbunga ang kahibangan niya, itinakda na ng tadhana na habambuhay siyang magdurusa.

“Ano’ng masasabi mo, Lora?” May pagkainip na sa tono ni Rigor nang basagin ang lumalagong katahimikan.

“I hope, pumapayag ka sa alok ko. It’s a fair deal, y’know.”

Napilitang bumalik sa kasalukuyan si Lora. Nakapikit pa rin, nilunok niya ang malaking bikig na nakabara sa lalamunan.

Pati na ang bumukol na kirot sa kanyang dibdib.

“I-ikaw ang bahala, Rigor. Wala akong magagawa kundi ang sumunod sa lahat ng gusto mo.”

Hindi niya makilala ang sariling boses. Paos at parang walang buhay.

Tila nanibago rin ang lalaki. Naramdaman niyang luminga ito sa kanya.

At napatitig.

Ngunit nanatili siyang nakapikit. Alam niyang hindi na mapipigil ang pag-agos ng luha kapag inalis ang mga nakaharang na pilikmata.

“Is that a promise?” anito matapos matahimik sandali. “Huwag mo sanang kalilimutan ‘yan, para magkasundo tayo. Para maging mabait ako palagi sa ‘yo,” dagdag pa.

Tila napakagaan ng tono. Nagwawalambahala na naman.

A, masanay ka na, Lora! utos niya sa sarili habang pilit na pinapalis ang pait na pumupuno sa kalooban.

“I am a generous man, Lora. Hindi kita titipirin sa mga kailangan mo, basta’t ibibigay mo rin ang mga pangangailangan ko.”

Hindi na siya naglakas-loob na tumugon. Wasak na ang kanyang kontrol. Tiyak na mapapahagulgol na lang siya ng iyak.

Ang pananahimik niya ay inisip na isang pagsuko kaya hindi na uli nagsalita ang lalaki. Nagpatuloy ang katahimikan hanggang sa makarating sila sa destinasyon.

Nakalikom na uli siya ng kontrol mula sa kungsaang sulok ng pagkatao. Unti-unting lumuwag ang kanyang paghinga at naampat na rin ang luha.

Muli siyang nakahinga.

May ilang minuto na siyang nakamulat at nanonood sa mga tanawin na dinaraanan nang bumagal ang kanilang pagtakbo bago tuluyang lumiko at pumasok sa ilalim ng isang mataas na gusali.

Nalula si Lora nang subukang tanawin ang pinakaituktok. Parang nakaabot na sa langit ang bubungan ng naturang istruktura.

Hinawakan uli siya ni Rigor sa siko matapos i-lock ang mga pantastikong pintuan ng sasakyan.

Nung napanood niya ang ganitong kotse sa isang pelikulang Ingles, inisip niyang props lamang na hindi tutoo. Ni hindi niya napanaginipang makakasakay siya sa isa kailanman.

Wala pa ring imik ang lalaki habang iginigiya siya sa pasikut-sikot ng modernong gusali.

Tinanguan lang nito ang security guard na sumaludo pagkakita sa kanila.

Sumakay sila sa elevator. Umibis sa ika-sampung palapag.

Isang doktora na nasa katanghaliang edad ang nagbukas sa pintuang kinatok ni Rigor. Nakangiti ito at halatang inaasahan ang kanilang pagdating.

“Mr. Donceras,” sambit nito habang nakikipagkamay sa lalaki. “At Mrs. Donceras — ?” Ibinitin nito ang tanong.

“No.”

Ang nag-iisang katagang iyon ang sumira sa reputasyon ni Lora bilang isang disenteng babae.

“Ano nga bang apelyido mo?” tanong pa ng lalaki sa kanya.

Mali ang akala niya na manhid na siya. Parang matutunaw siya sa hiya. Nagbaba na lang siya ng tingin bago tumugon.

“G-guzman,” bulong niya.

“A, Miss Guzman. Magandang araw sa inyong dalawa. Ako si Dra. Malin.”

Nanatiling prupesyonal ang tono ng doktora. Walang bahid ng panghuhusga. Para bang sanay na sanay na sa ganitong sitwasyon…

“Kumusta rin kayo, Doktora.” Si Rigor ang sumagot para sa kanilang dalawa.

“Halikayo sa loob.”

Hawak pa rin siya ng lalaki sa siko, kaya sabay silang sumunod sa manggagamot.

Malinis at maputi ang paligid ng klinika. Pulos mamahalin at moderno ang mga kasangkapan.

“Maupo muna kayo, Mr. Donceras,” anito habang nagsusuot ng rubber gloves. “Tayo na, Miss Guzman.”

Inutusan niyang lumakad mag-isa ang mga tuhod na nangangatog. Hindi siya dapat mawili sa suporta ni Rigor.

Maikli lang ang eksaminasyon pero masinsin. Sa loob lang ng sampung minuto, marami nang nalaman ang manggagamot.

Mapa-pisikal man o mapa-emosyonal. Marahil ay nahalata kung gaano siya ka-inosente at ka-ignoranteng bagong ina.

May bahid ng simpatiya ang tono nito habang binibigyan siya ng payo.

“Medyo malnourished na kayo ng baby mo. Kailangan n’yo ng masusustansiyang pagkain. Mainly fresh fruits and vegetables. And milk, of course.”

Pinisil nito ang isang kamay niya matapos kunin ang bilang ng pagpintig ng pulso.

“Huwag masyadong mag-iisip para maging husto ang pahinga. Parang kulang na kulang ka sa tulog, a?”

“O-opo, ma’am.” Puno ng pagpapasalamat ang nanginginig na ngiti niya.

“Okey, that’s good.” Ngumiti ito habang tinatapik ang likod ng kamay niya. “Every month, pupunta ka dito sa akin for your check-up. Bibigyan kita ng mga vitamin pills. Iinumin mo araw-araw, ha?”

“O-opo…”

Muntik na siyang pumiyok dahil dagling naantig ang kanyang kalooban sa ipinakikitang kabaitan ng kausap.

Heto na naman siya. Madaling nahuhulog ang loob sa isang bagong kakilala dahil sa sobrang pagkasabik sa atensiyon.

Ngunit hindi niya magawang kontrolin ang likas na pagiging mahina. Mahirap pigilan ang matinding pagkauhaw sa pagmamahal…

Kaya ba pumapayag siyang maging kerida ni Rigor?

Oo naman.

Ano pa ba ang dahilan kundi ang baliw na katwiran ng puso niya?

Nagdulot ng kakatwang kapayapaan kay Lora ang pag-amin na iyon. Para bang nakatagpo siya ng lakas para harapin ang kahinaan.

“Lalabas na ako habang nasa comfort room ka. Baka naiinip na si Mr. Donceras. Kaya mo na ba?”

“O-opo, kaya ko na po.” Ibinangon niya ang sarili para ipakitang kaya niyang kumilos mag-isa. “Er, Doktora?”

“Ano ‘yon, Miss Guzman?”

“M-maraming salamat po,” sambit niya, kasabay ng isang nakikiming ngiti.

“Walang anuman, iha.” Isang magiliw na ngiti ang itinugon nito bago tumalikod para balikan si Rigor.

NOT FOR SALE-9

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age