Lora was dirt poor but somehow remained positive with her simple views in life.
She dreamed of falling in love… but her heart chose the wrong man. Rigor was her opposite and he didn’t believe in love.
The one night they shared made a strong impact on Lora’s future. She had to follow Rigor and stay with him no matter what.
But the man she fell in love with didn’t exist. He deemed her as nothing but a woman out for money.
Kahit na natuklasang hindi pala isang ordinaryong lalaki si Rigor, kailangang magtiis si Lora dahil wala na siyang masusulingan.
Talaga nga kayang naglaho na ang maalab na atraksiyong nagpahibang sa kanya isang gabi ng buhay niya?
* * *
Madilim-dilim na nang iparada ni Rigor ang minamanehong sportscar sa loob ng garage building na separado sa malaking bahay.
Paatras ang pagpasok para madali ang paglabas bukas ng umaga.
Hindi agad umibis ang binata. Nananakit ang mga kalamnan sa batok at malapad na balikat niya. Minasahe muna ng mga daliri habang nakatingin sa harapan.
Mababa at malapad ang tahanang nasa pag-aari ng ika-limang henerasyon na ng Pamilya Donceras.
At siya lang ang inaasahang magbibigay-buhay sa ika-anim na henerasyon kaya naman halos araw-araw ay kinukuliglig siya ng dalawang kasambahay.
Magkatuwang ang Lolo at Papa niya sa pangungulit sa kanya. Sa unang pagkakataon, nagkasundo sina Gener at Roger Donceras sa iisang bagay.
Paulit-ulit na ipinapaalala ng mga ito sa kanya ang obligasyon niya bilang huling lalaki sa kanilang angkan na maaaring magpatuloy sa pagpaparami ng lahi.
“At kung maaari sana, pumili ka ng babaeng papayag na magbigay sa ‘tin ng maraming anak,” ang palaging dagdag pa ng kanyang agwelo.
“‘Wag ka ng gumaya sa ‘yong ama rine na kumuha ng sosyal na babae. Kaya, ayan, nag-iisa ka lang tuloy!”
“Ababa naman, Papa! At kayo ba ay nakagawa ng marami? Tingnan n’yo nga — nag-iisa rin lang ako, a?” pagtatanggol naman ng kanyang ama.
Medyo ngamol at utal pa ang pagsasalita dahil bagu-bago pa lamang nakakabangon mula sa banig ng karamdaman.
Bago pa mauwi sa mahaba at maingay na bangayan, sumasabad na si Rigor.
“Ihinto n’yo na ang pagtatalong ‘yan, Lolo, Papa. Nasa harapan tayo ng pagkain.”
Palibhasa pare-pareho silang may mga pinagkakaabalahan, tuwing oras lang ng hapunan nagaganap ang kanilang pagsasama-sama.
Ang kanyang Lolo ay bumalik sa opisina, magmula nung ma-stroke ang kanyang Papa. Pero hindi naman mabigat ang responsibilidad.
Bilang ocular inspector lamang na walang mahigpit na itinerary. Parang ginawa lang dahilan ang pagiging baguhan niya upang muli itong makapakialam sa pagpapalakad ng construction firm na minana mula sa at itinayo pa ng mga naunang ninuno.
Mahigit dalawang buwan na ang nakakaraan magmula nang mapilitan siyang umuwi upang pamunuan ang malawak na operasyon ng Donceras Construction Company.
Ni hindi niya nagawang magbantay sa ospital noon dahil sumabay ang sangkatutak na problema sa trabaho na biglang naglabasan nang bumagsak sanhi ng karamdaman sa puso ang namumunong presidente.
Kasama na ang bantang pagwewelga ng mga manggagawa.
Sa isang iglap, napagitnaan si Rigor ng maraming suliranin. Bigla silang nawalan ng panahon sa kanyang sarili. Halos wala na ngang araw ng pahinga.
Bagamat mabilis siyang natututo sa masalimuot na pasikut-sikot ng negosyo, tila matatagalan pa bago maging normal ang sitwasyon.
Kaya katawa-tawa ang gustong mangyari ng agwelo at ng ama na manligaw siya at mag-asawa — sa lalong madaling panahon.
“Tsk! tsk!” Napapailing pa rin siya habang lumalabas sa kotse.
Pero kahit na siguro maiayos na ang lahat sa trabaho, wala pa ring pag-asa na matutupad ang gusto ng mga ito.
Wala siyang planong maging sunud-sunuran sa dalawa. Dahil alam niyang kapag gayon ang ginawa niya, tiyak na habambuhay na siyang gagawing tau-tauhan.
Habang nasa gitna ng makapal na trapiko kanina, hinubad ni Rigor ang blazer ng mamahaling business suit na kulay abo.
Nakapatong iyon sa malapad at matabang attache case na kulay brown na nasa passenger’s seat naman. Sabay niyang dinampot ang mga iyon bago umibis.
Mabagal ang pagkilos niya. Mabigat ang mga hakbang. Magkahalong pagod at puyat ang nagpapahina sa kanya.
Idagdag pa ang matinding tensiyon na sumasalakay mula sa iba-ibang direksiyon.
Nasa bingit na ng pagkalugi ang Donceras Construction Company, nung dumating siya sa eksena.
Ngunit ang panganib na iyon ay nananatili sa kabilang kanto kahit na nakaupo na siya sa kontrol.
Isang pagkakamali lang ang gawin niya, tiyak na bubulusok na ng tuluyan sa bangin ang higanteng kumpanya.
Wala sa loob, kinapa ng mga daliri niya ang mga litid na pumipintig sa magkabilang sentido. Kapagkuwa’y inihagod sa ulo.
Kiniliti ng maiikling buhok ang kanyang palad. Bigla tuloy napukaw ang tinitimping sensuwalidad. Nagkaroon ng ibang klaseng tensiyon sa kalooban niya.
Kailan ba siya huling nakatikim ng babae?
Pumikit siya habang ipinapaling-paling nang marahan sa kaliwa’t kanan ang ulo.
Minasahe ng mga daliri ang nananakit na batok upang subukang palisin ang pagkasabik na sumirit mula sa sentro ng katawan.
Pinilit rin niyang burahin ang alaala ng babaeng huling nakasiping bago siya hinila ng tadhana papauwi sa pinanggalingan.
Gumapang papababa sa tapat ng zipper ng imported slacks ang kamay. Kinapa niya ang nag-uumigting na kalamnan.
‘God, it’s been so long!’ bulalas niya sa sarili.
Iniisip pa lang niya ang naturang babae, nangangatal na siya sa nadaramang pagnanasa.
Ano nga ba ang pangalan ng babaeng iyon? A, Lora…
Nandoon pa kaya si Lora? Sana…
Ano kaya kung balikan ko si Lora?
Napapatda si Rigor sa nagiging takbo ng utak.
Bakit pupunta pa siya sa malayo, gayong napakarami naman sa malapit?
Napangiti siya, sabay napailing. Ngiti iyon na nambubuska sa sarili. Mahirap makalimutan si Lora dahil ibang-iba ito. Iba sa lahat.
Napapangiti pa rin, binilisan na ni Rigor ang paglakad. May desisyon na siya. Puwede siyang sumaglit sa lugar ni Lora ngayong gabi.
Puwede rin niyang isama ito at ibahay sa malapit sa opisina. Nang sa gayon, mayroon na siyang regular na taga-alis ng tensiyon…
Siguradong hindi pa siya nakakalimutan ni Lora kahit mahigit dalawang buwan na ang nakalipas matapos ang gabing nagsiping sila.
Unang gabi, unang lalaki.
Memorable iyon kahit na isang babaeng katulad ni Lora.
‘Sana lang ay hindi pa siya nauunahan ng iba,’ bulong ni Rigor sa sarili.
Tiyak na maraming lalaki ang magnanais na sarilinin at angkinin ang sariwang kariktan ni Lora.
Napalitan ng seryosong ekspresyon ang mapanudyong ngiti ni Rigor.
Hindi niya gusto ang ideyang iyon. Lalo pa siyang nagdumali sa paglakad.
Biglang nawaksi ang panlalatang dulot ng sobrang pagtatrabaho.
Katulad nang dati, nakaabang na naman ang agwelo sa kanyang pag-uwi. Eksaktong isinasara niya ang solidong dahon ng front door nang iluwa naman ito ng pintuan ng sala.
“Iho, mabuti’t nakauwi ka na. Kanina ka pa namin hinihintay. Hindi ba sinabi ng sekretarya mo na tumawag ako?” Maluwang at masigla ang ngiti ni Lolo Gener.
Medyo nabaguhan si Rigor sa asta ng matandang lalaki.
Nagmistulang pilyong bata ito kahit na putim-puti na ang manipis na buhok. Paano’y may mga kislap ang mga matang matatalas pa rin sa kabila ng pagiging sitenta anyos nito.
“O, mukhang good mood kayo, Lolo, a?” bati niya rito bago magmano.
Kahit na naging barumbado at bagamundo siya, hindi pa rin niya nakakalimutan ang kagandahang-asal na itinuro ng dalawang lalaking naging gabay sa kanyang paglaki.
“Maganda siguro ang naging resulta ng lakad n’yo ngayon,” dugtong niya.
“A, oo. Magandang-maganda, iho,” ang masiglang salo ni Lolo Gener.
“Si Papa?” tanong niya. Nakangiti na rin siya dahil nakakahawa ang kasiyahan ng agwelo.
“Nandine sa loob ng sala,” anito. Tila lalo pang lumuwang ang ngiti nito.
“Halika. Nandine rin ang sorpresa mo para sa amin.” Mas mataas siya rito pero inakbayan pa rin siya upang igiya papunta sa sala.
Kumunot ang noo ni Rigor.
“Sorpresa?” ulit niya habang kusang humahakbang ang mga paa. “Ano’ng — ”
“R-rigor…” ang pautal na sambit ng paos na tinig ni Lora.
Biglang naparalisa ang buong katawan niya, pagkakita sa babaeng napatindig nang mamataan siya.
Nakaupo ito sa sofa na nakaharap sa pinto. Na nagulantang nang makita siya. Nanlalaki ang mga matang bilugan na nakatutok sa mukha niya.
Nasa malapit lang ang wheelchair ng kanyang Papa, na nakatitig rin sa kanya.
Dapat ay matuwa siya. Nagkita na sila ni Lora. Balak nga niyang puntahan ito, hindi ba?
Ngunit hindi sa loob ng pamamahay nila. Ang isang babaeng katulad ni Lora ay hindi iniestima sa tahanan.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” pang-uusig niya. Madilim na madilim ang anyo.
Kung posible pa, tila lalong namutla ang babae. Kahit na nagdidilim ang paningin sa galit, napuna rin ni Rigor ang pangangalumata at pangangayayat nito.
Katulad rin kaya niyang nasosobrahan sa trabaho…?
Lalong dumilim ang anyo ni Rigor.
“Iho, dumating si Lora kaninang tanghali.” Ang kanyang Papa ang nagpaliwanag.
“Nakalimutan mo yata siyang sunduin sa piyer. Mabuti na lang, hindi siya naligaw sa paghahanap sa address natin.”
“Address?” Nagmistula na naman siyang parrot. Ipinilig niya ang ulo. “Wala akong ibinibigay na address!” tanggi niya, pabulalas.
Nang tumutok uli kay Lora ang tatlong pares ng mga matanng Donceras, saka lang ito nagsalita para magpaliwanag.
“A-ang foreman — si Mr. Horacio. Pinilit ko siyang ibigay sa akin ang address mo, Rigor. Sinabi kong importanteng-importante na makausap kita,” pag-amin nito.
Nginig na nginig ang tinig. Tuluyan ng gumaralgal nang tumalim ang mga mata niya.
“I — I’m sorry, Rigor. H-hindi ko alam na… na ganito ang daratnan ko.”
Nabakas ang matinding pagkailang ni Lora nang isenyas ng mga sulyap ang marangyang paligid ng ancestral house.
“P-pero mahalaga ang sasabihin ko,” dugtong nito. Tila nagsusumamo na.
“S-sana, pakinggan mo… Please, makinig ka sana. D-dahil hindi ako aalis hanggang hindi mo naririnig!” Nabahiran na ng desperasyon ang mababang tono.
Mabilis na nag-isip si Rigor. Sandali lang naman ang kailangan niya para mapagtantong hindi siya puwedeng tumanggi.
Pahapyaw siyang sumulyap sa mga mukha ng agwelo at ng ama.
Naramdaman ng mga ito ang matinding tensiyon na idinulot ng babae sa kanya. Tahimik lang sa ngayon pero halata ang malalim na pagtataka.
‘No, hindi ako puwedeng tumangging makipag-usap kay Lora,’ bulong niya sa sarili.
“Halika,” aya niya sa babae, halos pa-brusko. “Sa labas tayo mag-usap.”
Nasa tono niya ang pagnanais na maialis na ang presensiya nito sa loob ng malaking bahay.
Tila may gumuhit na sakit sa maamong ekspresyon ni Lora, ngunit tumalikod na siya agad bago nasiguradong tama ang nakita niya.
“Rigor?” Pinigil siya ng boses ni Lolo Gener.
Napilitan siyang huminto, tulak ng malalim na respeto para agwelo.
“Bakit, Lolo?” Pinilit niyang tumingin nang diretso dito.
“Huwag mong kalilimutan na alas siyete y medya ang oras ng hapunan,” wika nito, pa-buntonghininga. “Makakasama para kay Lora ang malipasan ng gutom,” dagdag pa.
Lalong lumalim ang kunot sa noo ni Rigor. Ngunit hindi na siya umimik. Tumango lang ng isa at maliksing lumakad pabalik sa labas.
Ni hindi niya nilinga ang babae. Sigurado siyang susunod ito kahit na saan siya pumunta!
Nasa lalamunan ni Lora ang kanyang puso nang sundan niya ang galit na lalaki.
Halos hindi siya makahinga. Nabibingi pa siya sa malakas na pagkabog ng dibdib.
Mabilis ang paglalakad ni Rigor. Para bang hinahabol ng demonyo.
At siya marahil iyon.
Muling bumukal ang pagkaawa niya sa sarili. Ngunit agad ring sinupil iyon. Wala sa loob, kinapa ng isang nanlalamig na palad ang pipis na tiyan.
Magaspang sa hipo ang suot niyang jeans. Medyo bago pa kasi. At mumurahin pa. Halata ring galing sa bangketa ang puting Nike t-shirt.
Awtomatikong ikinumpara sa mamahaling kasuotan ni Rigor.
Hindi niya napigil ang makaramdam ng panliliit. Nagbalik na naman ang pakiramdam ng kawalang-halaga.
Gayon ang unang impresyon niya nang makita ang luma pero malaking bahay sa address na isinulat ni Mang Asyong nung isang lingo — nung isang linggo nga lang ba iyon?
Biglang huminto si Rigor. Sensitibo siya rito kaya agad siyang tumigil sa paglakad.
May tatlong metro pa ang layo nila sa isa’t isa. Nasa tabi nila ang isang maluwang at mababaw na fishpond. Nakasindi na ang mga spotlights sa paligid ng bakuran kahit kalulubog pa lamang ng araw sa kanluran.
Kung normal siguro ang sitwasyon, hahangaan niya ang mga munting isda na may iba-ibang kulay at sari-saring disenyo sa makintab na kaliskis.
Pero ang buong atensiyon niya ay nakatutok sa lalaking halatang napopoot sa pagdating niya.
Papiksi, humarap sa kanya ang lalaki.
Tila saka lang napansin ang dalang attache case, nagmura ito nang mahina habang inilalapag iyon sa damuhan.
Isinenyas ng isang kamay ni Rigor ang konkretong upuan bago iniitsa sa ibabaw niyon ang abuhing blazer.
“Maupo ka,” utos nito.
Hindi siya tumalima kahit na nangangatog pa rin ang mga tuhod. Abala siya sa pagtitig sa lalaking kaytagal na kinasabikang makitang muli.
Pero ngayong nagkita na sila uli, nasira na ng tuluyan ang mga pangarap na hinahabi tuwing gabi para maibsan ang pangungulila.
Kailanman, hindi siya babagay na tumabi sa nilalang na ito.
Nagsusumigaw ng salapi ang bawat pulgada ng kabuuan ni Rigor — mula sa crucifix pendant ng gintong kuwintas at Swiss watch hanggang sa puting polo, gray slacks at black leather shoes.
Nung una niyang makita si Rigor sa beerhouse na pinagtatrabahuhan, napansin na niya agad ang kaibahan nito sa ibang lalaki.
Arogante. Awtoritibo.
Parang hindi nababagay sa trabahong pagpipiyon kahit na ang mga kasuotan nito noon ay pawang mga kupasin at punit-punit na maong pants at kamiseta. Kahit na palaging nakakalimutang mag-ahit ng balbas at bigote.
Kaipala, isang pagpapanggap lamang ang lahat ng iyon.
Ang lalaking pinaghandugan niya ng buong sarili ay isang estranghero mula sa ibang daigdig na malayung-malayo sa mundo niya.
“Kung inaakala mo na puwede mo akong daanin sa titig, nagkakamali ka.” Pinutol ng matigas na boses ni Rigor ang paglalakbay ng isipan niya.
“Ano’ng ginagawa mo rito, Lora? O ang dapat ko bang itanong ay kung ano ang kailangan mo?”
Nagmistulang balaraw ang sarkasmo sa tono ng lalaki. Yumuko si Lora upang ikubli ang sakit na naramdaman.
Para bang nagdudumaling matapos na ang pag-uusap nila — upang mawala na uli siya sa buhay nito.
Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon ni Rigor sa pagpunta niya. Ngunit hindi niya akalain na pandidiri ang ipakikita nito sa kanya.
Pinigil niya ang mapahikbi. Huminga siya ng malalim bago nagsalita.
Walang ibang paraan kundi ang dumiretso ng pagtalon.
Hindi naman niya maiiwasan ang masaktan. Isa lang siyang busabos…
“B-buntis ako, Rigor,” pahayag niya.
Hindi magawang magtaas ng tingin dahil alam na niyang hindi nito magugustuhan ang dala niyang balita.
“D-dalawang buwan at kalahati na…” dagdag niya nang manatili ang mabigat na katahimikan.
Panakaw siyang sumulyap sa lalaki.
“Iniisip mo ba na ako ang ama ng ipinagbubuntis mo?” Bahagyang tumaas ang mga aristokratikong kilay. “At inaasahan mo na maniniwala ako sa ‘yo?”
Kinagat niya nang mariin ang ibabang labi. Nakabawi lang siya ng kaunting lakas nang malasahan ang sariling dugo.
“H-hindi, Rigor,” sambit niya matapos umiling.
Nakayuko pa rin siya habang pilit na nilulunok ang mga salitang kinabisa niya para sabihin kay Rigor.
May kaunting pag-asa pa kasi siya noon na mahalaga para dito ang pagkabirhen niya.
Ngunit basang-basa sa malamig na tono at anyo ng lalaki na hindi niya ito mapapaniwala sa katotohanan.
“M-maiintindihan ko kung hindi ka maniniwala,” dugtong niya, pa-garalgal.
Tumikhim ang lalaki.
“Kung gayon, wala na tayong dapat pag-usapan,” wika nito.
Dinampot uli ang attache case na nakasandal sa concrete bench.
“Makakaalis ka na, Lora,” pagtataboy nito habang kinukuha ang blazer.
Umiling uli si Lora. Alang-alang sa dinadalang sanggol, nagkaroon siya ng sapat na lakas ng loob na salubungin ang matatalim na titig ni Rigor.
Nagsumamo ang kanyang mga mata, kasabay ng pakiusap na numulas sa kanyang mga labi.
“W-wala na akong pupuntahan. Hindi na ako makakabalik sa amin,” pagtatapat niya. Basag na ang boses. “G-gusto ko sanang humingi ng — ng kaunting pabor, Rigor.”
Pabagsak na binitawan uli ang bitbit para marahil maitutok sa kanya ang buong galit nito.
Nagpakatatag na lang si Lora. Tutoong wala na siyang mapupuntahan. Itinakwil na siya ng tanging kamag-anak na meron siya.
Masakit pa ang anit niya dahil sa pagsabunot ni Tiya Marietta matapos siyang mahuli nito na dumuduwal sa banyo.
May dalawang linggo na ang nakakalipas pero hanggang ngayon ay sariwa pa ang ilan sa mga sugat na tinamo mula sa pambubugbog ng mabagsik na tiyahin.
“Malaki ang ibinayad ko sa ‘yo nung gabing ‘yon, Lora,” ang mariing wika ni Rigor.
Hindi makakalimutan ni Lora ang makapal na bungkos ng perang papel na natagpuan sa bulsa ng palda niya.
Lalo na ang kalakip na kapirasong sulat. ‘Magkikita uli tayo, Babes.’
Umasa siya noon. At nang hindi natupad ang pangakong walang laman, gabi-gabi ay unti-unti siyang namamatay.
Nakaahon lang siya mula sa balon ng depresyon nang matuklasang buntis siya.
Kailangan niyang maging malakas at matatag, kahit na para lang sa isisilang na batang wala pang malay.
“Gumamit ako ng proteksiyon, Lora. Hindi akin ‘yan!” dagdag pa ng lalaki.
“Hindi ko na kasalanan kung hindi ka naging maingat. Huwag mong ipa-kargo sa akin ang bunga ng kapabayaan mo!”
Napahikbi si Lora. Nag-uumapaw na sa sama ng loob ang dibdib niya. Hindi na niya napigil ang pag-agos ng masaganang luha.
“Utang na loob, Rigor,” pakiusap niya. “H-hindi kita pinipilit na tanggapin ang responsibilidad sa anak nat — sa anak ko.”
Dagli siyang nautal nang nagbantang magliyab uli ang poot ng lalaki.
“A-ang hihilingin ko lang ay kaunting tulong.” Hinihingal siya nang matapos.
Abut-abot ang kaba dahil sa matinding takot. Higit kasi ang katiyakan na mabibigo siya.
‘Diyos ko, paano na ang anak ko?’
“Ano’ng klaseng tulong?” Matigas pa rin ang tinig ni Rigor.
“K-kahit na ano — ‘yung m-makakaya mo lang na ibigay.” Mababang-mababa ang tono niya. “N-nakahanda akong pagtrabahuhan ang — ”
“Hanggang kailan?” pakli ng lalaki.
‘Hanggang kailangan ng bata?’
Umiling si Lora. Hindi papayag si Rigor.
“H-hanggang makapanganak lang ako,” tugon niya. Halos pabulong na lang ang pagsasalita. “T-tatanawin kong malaking utang na loob,” dagdag niya. Puno ng pagmamakaawa.
Nagtagal ang katahimikan. Dahilan para dumoble ang laki ng tensiyon na nakadagan sa dibdib ni Lora.
Parang mapupugto na ang kanyang paghinga. Dahan-dahang nagdilim ang kanyang paningin.
Kundi siguro napuna ng lalaki, baka bumagsak na siya sa damuhan.
“Maupo ka muna,” asik ni Rigor. “Mag-iisip pa ako.”
Wala ng lakas si Lora para magmatigas. Ubos na ang pakunwaring katatagan niya. Tumalima siya at lumapit sa bench.
Nagmistulang kandilang nauupos ang kanyang mga tuhod. Kusang natunaw at tumiklop dahil sa mainit na pagkasuklam ng lalaki.
Lumakad ito palayo sa kinaroroonan niya. Tila hindi matagalan ang kanyang presensiya.
Lumawig at bumigat uli ang katahimikan. Na biglang pinunit ng matinis na ingay.